ARALING ARTIKULO 16
Maging Masaya Habang Ginagawa Mo ang Lahat Para kay Jehova
“Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos.”—GAL. 6:4.
AWIT 37 Buong-Kaluluwang Maglingkod kay Jehova
NILALAMAN a
1. Ano ang nagbibigay sa atin ng kagalakan?
GUSTO ni Jehova na maging masaya tayo. Alam natin iyan kasi ang kagalakan ay isa sa mga katangian na bunga ng banal na espiritu. (Gal. 5:22) Masayang-masaya tayo kapag ginagawa natin ang lahat para makapangaral at makatulong sa mga kapatid sa iba’t ibang paraan, dahil may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.—Gawa 20:35.
2-3. (a) Ayon sa Galacia 6:4, anong dalawang bagay ang tutulong sa atin na manatiling masaya sa paglilingkod kay Jehova? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Sa Galacia 6:4, binanggit ni apostol Pablo ang dalawang bagay na tutulong sa atin na manatiling masaya. (Basahin.) Una, dapat nating ibigay ang lahat para kay Jehova. Kapag ibinibigay natin ang lahat para sa kaniya, dapat tayong maging masaya. (Mat. 22:36-38) Ikalawa, hindi natin dapat ikumpara ang sarili natin sa iba. Dapat nating ipagpasalamat kay Jehova ang anumang nagagawa natin dahil sa kalusugan natin, pagsasanay, o kakayahan. Sa katunayan, lahat ng mayroon tayo ay galing sa kaniya. Siyempre, kung mas mahusay sa ilang larangan ng paglilingkod ang iba kaysa sa atin, dapat tayong maging masaya dahil ginagamit nila ang kakayahan nila para purihin si Jehova, hindi para magyabang o para sa sariling pakinabang. Kaya imbes na makipagkompetensiya, dapat tayong matuto sa kanila.
3 Matutulungan tayo ng artikulong ito kung paano makakayanan ang panghihina ng loob kapag pakiramdam natin, limitado na lang ang nagagawa natin sa paglilingkod. Tatalakayin din natin kung paano natin magagamit nang husto ang kaloob na mayroon tayo at kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng iba.
KAPAG NALILIMITAHAN TAYO
4. Bakit nanghihina ang loob ng ilan sa atin? Magbigay ng halimbawa.
4 Hindi na nagagawa ng ilan sa atin ang mga bagay na gusto nilang gawin sa paglilingkod kay Jehova dahil sa pagtanda o mahinang kalusugan. Nakapanghihina iyan ng loob. Ganiyan ang naranasan ni Carol. Noon, naglilingkod siya kung saan mas malaki ang pangangailangan. Mayroon siya dating 35 Bible study at may mga natulungan siyang mag-alay at magpabautismo. Naging mabunga ang ministeryo ni Carol! Pero nagkasakit siya at madalas na nasa bahay na lang. “Alam ko naman na dahil sa sakit ko, hindi ko na nagagawa ang nagagawa ng iba,” ang sabi ni Carol, “pero pakiramdam ko, hindi na ako kasintapat nila. Ibang-iba ang gusto ko sa talagang kaya ko, kaya napakahirap nito para sa akin.” Gustong-gusto ni Carol na gawin ang lahat ng magagawa niya para kay Jehova. At talagang kahanga-hanga iyan! Siguradong masayang-masaya ang ating maawaing Diyos dahil ginagawa ni Carol ang lahat para sa kaniya.
5. (a) Ano ang dapat nating tandaan kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil limitado na lang ang nagagawa natin? (b) Gaya ng makikita sa mga larawan, paano patuloy na ibinibigay ng brother ang lahat para sa paglilingkod kay Jehova?
5 Kung pinanghihinaan ka ng loob kung minsan dahil limitado na lang ang nagagawa mo, tanungin ang sarili, ‘Ano ba ang hinihiling ni Jehova sa akin?’ Ang best mo—anumang magagawa mo sa kalagayan mo ngayon. Tingnan ang halimbawang ito: Pinanghihinaan ng loob ang isang sister na edad 80 dahil hindi na niya nagagawa ang nagagawa niya sa ministeryo noong edad 40 pa lang siya. Pakiramdam niya, kahit ginagawa niya ang lahat, hindi niya napapasaya si Jehova. Pero ganoon nga kaya? Pag-isipan ito. Kung ginagawa ng sister ang lahat para kay Jehova noong 40 siya at kahit hanggang ngayon na 80 na siya, hindi siya tumitigil na ibigay ang lahat para kay Jehova. Kung nararamdaman nating hindi sapat ang nagagawa natin para mapasaya si Jehova, tandaan natin na si Jehova ang nakakaalam kung sapat na ang nagagawa natin para mapasaya siya. Kung ginagawa natin ang lahat ng magagawa natin, para bang sinasabi ni Jehova sa atin: “Mahusay!”—Ihambing ang Mateo 25:20-23.
6. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Maria?
6 Kung magpopokus tayo sa magagawa natin imbes na sa hindi natin magagawa, mas magiging madali para sa atin na maging masaya. Tingnan natin ang halimbawa ng sister na si Maria. Dahil sa sakit niya, limitado na lang ang nagagawa niya sa ministeryo. Noong una, nadepres siya at pakiramdam niya, wala na siyang halaga. Pero naalala niya ang isang sister sa kongregasyon nila na nakaratay sa kama, at nagpasiya si Maria na tulungan ito. “Nag-iskedyul ako na mag-telephone witnessing at letter writing kasama siya,” ang sabi ni Maria. “Sa tuwing gumagawa kaming magkasama, umuuwi akong masayang-masaya dahil nakatulong ako sa kapatid.” Magiging mas masaya din tayo kung magpopokus tayo sa magagawa natin imbes na sa hindi natin magagawa. Pero paano kung may magagawa pa tayo o mahusay tayo sa ilang larangan ng paglilingkod kay Jehova?
KUNG MAY KALOOB KA—“GAMITIN” MO!
7. Anong payo ang ibinigay ni apostol Pedro sa mga Kristiyano?
7 Sa unang liham ni apostol Pedro, pinasigla niya ang mga kapatid na gamitin ang kanilang kaloob at kakayahan para patibayin ang kanilang kapananampalataya. Isinulat ni Pedro: “Ang kaloob na tinanggap ng bawat isa sa inyo ay gamitin ninyo sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.” (1 Ped. 4:10) Hindi tayo dapat mag-atubili na gamitin nang lubusan ang mga kaloob natin dahil lang sa nag-aalala tayo na baka mainggit o panghinaan ng loob ang iba. Kasi kung gagawin natin iyan, hindi natin maibibigay ang lahat para kay Jehova.
8. Ayon sa 1 Corinto 4:6, 7, bakit hindi natin dapat ipagyabang ang mga kaloob natin?
8 Kailangan nating lubusang gamitin ang mga kaloob natin, pero hindi natin dapat ipagyabang ang mga iyon. (Basahin ang 1 Corinto 4:6, 7.) Halimbawa, baka mahusay kang magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Huwag kang mag-atubili na gamitin ang kaloob na iyon! Pero tandaan, hindi mo dapat ipagyabang iyon. Ipagpalagay nang nagkaroon ka ng magandang karanasan sa ministeryo at nakapagpasimula ka ng pag-aaral sa Bibliya. Gustong-gusto mo itong ikuwento sa mga kagrupo mo. Pero nang magkakasama na kayo, isang sister ang nagkukuwento na nakapagbigay siya ng magasin. Nakapagbigay ang sister ng magasin; nakapagpasimula ka naman ng pag-aaral sa Bibliya. Ano ang gagawin mo? Alam mo na mapapatibay sa karanasan mo ang mga kagrupo mo, pero baka magpasiya ka na sa ibang pagkakataon mo na lang ito ikuwento para hindi madama ng sister na hindi siya kasinghusay mo. Pagpapakita iyon ng kabaitan. Pero pakisuyo, huwag kang titigil sa pag-aalok ng mga pag-aaral sa Bibliya. Kaloob mo iyon—gamitin mo!
9. Paano natin dapat gamitin ang mga kaloob natin?
9 Tandaan na kaloob ng Diyos ang anumang kakayahan natin. Dapat nating gamitin iyon para patibayin ang kongregasyon, hindi para magyabang. (Fil. 2:3) Kapag ginagamit natin ang lakas at mga kakayahan natin para gawin ang kalooban ng Diyos, magkakaroon tayo ng dahilan para maging masaya—hindi para sapawan ang iba o ipakitang mas mataas tayo kaysa sa kanila, kundi para purihin si Jehova.
10. Bakit hindi tamang ikumpara ang sarili natin sa iba?
10 Kung hindi mag-iingat, baka ikumpara ng isa ang kakayahan niya sa kahinaan ng iba. Halimbawa, baka mahusay magpahayag ang isang brother. Kahit mahusay siya, hindi niya dapat maliitin sa puso niya ang isang brother na nahihirapang magpahayag. Kasi baka ang brother naman na iyon ay mapagpatuloy, mahusay magsanay sa mga anak niya, o masigasig sa ministeryo. Talagang nagpapasalamat tayo dahil ginagamit ng napakarami nating kapatid ang mga kaloob nila para paglingkuran si Jehova at tulungan ang iba!
MATUTO SA HALIMBAWA NG IBA
11. Bakit dapat nating sikaping tularan ang halimbawa ni Jesus?
11 Dapat nating iwasang ikumpara ang sarili natin sa iba, pero makikinabang tayo kung matututo tayo sa halimbawa ng mga tapat. Ang pinakamagandang halimbawa na dapat nating tularan ay si Jesus. Hindi man tayo perpekto na gaya ni Jesus, may matututuhan tayo sa magagandang halimbawa niya at mga ginawa. (1 Ped. 2:21) Kapag ginagawa natin ang lahat para tularan ang halimbawa niya, magiging mas mahusay tayong lingkod ni Jehova at mas epektibo sa ating ministeryo.
12-13. Ano ang matututuhan natin kay Haring David?
12 Sa Salita ng Diyos, maraming halimbawa ng tapat na lalaki at babae. Kahit hindi sila perpekto, karapat-dapat silang tularan. (Heb. 6:12) Isipin si Haring David. Tinawag siya ni Jehova na “isang lalaking kalugod-lugod sa puso ko” o, sa ibang salin ng Bibliya, “ang uri ng tao na talagang nagpapasaya sa akin.” (Gawa 13:22) Pero di-perpekto si David. Ang totoo, nakagawa siya ng malulubhang kasalanan. Pero isa pa rin siyang mabuting halimbawa sa atin. Bakit? Dahil noong itinuwid siya, hindi niya ipinagmatuwid ang sarili niya. Sa halip, tinanggap niya ang matinding payo sa kaniya at talagang pinagsisihan niya ang ginawa niya. Dahil diyan, pinatawad siya ni Jehova.—Awit 51:3, 4, 10-12.
13 Matututo tayo kay David kung tatanungin natin ang sarili natin: ‘Paano ako tumutugon sa payo? Inaamin ko ba agad ang mga pagkakamali ko, o ipinagmamatuwid ko ang sarili ko? Naghahanap ba ako ng masisisi? Sinisikap ko bang hindi na maulit ang mga pagkakamali ko?’ Puwede mo ring pag-isipan ang mga tanong na gaya niyan habang binabasa mo ang halimbawa ng iba pang tapat na lalaki at babae sa Bibliya. Nagkaroon din ba sila ng mga problema na katulad ng sa iyo? Anong magagandang katangian ang ipinakita nila? Sa bawat halimbawa, tanungin ang sarili: ‘Paano ko matutularan ang tapat na lingkod na ito ni Jehova?’
14. Paano tayo makikinabang kung titingnan natin ang halimbawa ng mga kapananampalataya natin?
14 Makikinabang din tayo kung titingnan natin ang halimbawa ng mga kapananampalataya natin, bata man sila o matanda. Halimbawa, may naiisip ka bang kakongregasyon mo na tapat na nagtitiis ng pagsubok—malamang na ginigipit ng mga kasama, sinasalansang ng pamilya, o may mahinang kalusugan? May magaganda ba siyang katangian na gusto mong tularan? Kung pag-iisipan mo ang mabuting halimbawa niya, matututo ka kung paano mo matitiis ang mga pagsubok. Talagang nagpapasalamat tayo na may mga kapatid na mabuting halimbawa ng pananampalataya—dahilan para maging masaya tayo!—Heb. 13:7; Sant. 1:2, 3.
MAGING MASAYA SA PAGLILINGKOD KAY JEHOVA
15. Anong payo ang ibinigay ni apostol Pablo na makakatulong para patuloy tayong maging masaya sa paglilingkod kay Jehova?
15 Para maitaguyod ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon, kailangan ng bawat isa sa atin na ibigay ang lahat ng magagawa niya para kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ng mga Kristiyano noong unang siglo. Iba-iba ang kaloob nila at mga atas. (1 Cor. 12:4, 7-11) Pero hindi iyon naging dahilan para magkabaha-bahagi sila at magkaroon ng kompetisyon sa pagitan nila. Pinatibay pa nga ni Pablo ang bawat isa sa kanila na gawin ang kailangan “para patibayin ang katawan ng Kristo.” Isinulat ni Pablo sa mga taga-Efeso: “Kapag ginagawang mabuti ng bawat bahagi ang papel nito, nakatutulong ito para lumakas ang buong katawan habang tumitibay ito dahil sa pag-ibig.” (Efe. 4:1-3, 11, 12, 16) Naitaguyod ng mga sumunod sa sinabi ni Pablo ang kapayapaan at pagkakaisa—mga katangian na makikita ngayon sa mga kongregasyon.
16. Ano ang determinado nating gawin? (Hebreo 6:10)
16 Huwag na huwag ikumpara ang sarili mo sa iba. Matuto kay Jesus at sikaping tularan ang mga katangian niya. Makinabang mula sa mga halimbawa sa Bibliya at sa mga kapatid natin ngayon na nagpapakita ng pananampalataya. Habang ginagawa mo ang lahat para kay Jehova, magtiwala ka na “matuwid [si Jehova] kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa” mo. (Basahin ang Hebreo 6:10.) Patuloy na magsaya sa paglilingkod kay Jehova, dahil alam nating napapasaya natin siya habang nakikita niya na ginagawa natin ang lahat para sa kaniya.
AWIT 65 Sulong Na!
a Lahat tayo ay may matututuhan sa iba sa paglilingkod nila kay Jehova. Pero hindi natin dapat ikumpara ang sarili natin sa kanila. Tutulungan tayo ng artikulong ito na manatiling masaya at maiwasan ang pagiging mapagmataas o panghihina ng loob kapag tinitingnan natin ang nagagawa ng iba.
b LARAWAN: Isang brother na naglingkod sa Bethel noong kabataan niya. Nag-asawa siya at nagpayunir sila ng misis niya. Nang magkaanak sila, sinanay niya ang mga anak niya sa ministeryo. Ngayong matanda na siya, patuloy niyang ginagawa ang lahat para kay Jehova; nagle-letter writing siya.