ARALING ARTIKULO 15
Isa Ka Bang “Halimbawa . . . Pagdating sa Pagsasalita”?
“Maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita.”—1 TIM. 4:12.
AWIT 90 Patibayin ang Isa’t Isa
NILALAMAN a
1. Kanino galing ang kakayahan nating magsalita?
ANG kakayahan nating magsalita ay regalo ng ating mapagmahal na Diyos. Matapos lalangin ang unang taong si Adan, puwede na siyang makipag-usap sa kaniyang Ama sa langit. Puwede rin siyang umimbento ng mga bagong salita. Ginamit ni Adan ang kakayahang magsalita para bigyan ng pangalan ang lahat ng hayop. (Gen. 2:19) At tiyak na tuwang-tuwa siya nang makausap niya sa unang pagkakataon ang kaniyang magandang asawa, si Eva!—Gen. 2:22, 23.
2. Paano ginamit sa maling paraan noon at ngayon ang kakayahang magsalita?
2 Di-nagtagal, ginamit sa maling paraan ang kakayahang magsalita. Nagsinungaling si Satanas na Diyablo kay Eva, kaya nagkasala ang tao at naging di-perpekto. (Gen. 3:1-4) Ginamit ni Adan sa maling paraan ang kaniyang dila nang sisihin niya si Eva—pati na si Jehova—sa sarili niyang pagkakamali. (Gen. 3:12) Nagsinungaling din si Cain kay Jehova pagkatapos niyang patayin ang kapatid niyang si Abel. (Gen. 4:9) Nang maglaon, gumawa ng tula si Lamec, isang inapo ni Cain, na nagpapakita kung gaano kalala ang karahasan noong panahong nabubuhay siya. (Gen. 4:23, 24) Kumusta naman sa ngayon? Kung minsan, may mga politiko na hindi nahihiyang magmura sa publiko. At karamihan sa mga pelikula ngayon ay naglalaman ng masamang pananalita. Nakakarinig ang mga estudyante ng masasamang salita sa paaralan, at laganap ito kahit sa lugar ng trabaho. Ipinapakita ng mga ito kung gaano na kababa ang moral ng mga tao.
3. Saan tayo dapat mag-ingat, at ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Kung hindi tayo mag-iingat, baka makapagsalita rin tayo nang masama dahil lagi natin itong naririnig. Bilang mga Kristiyano, gusto nating mapasaya si Jehova, kaya hinding-hindi tayo gagamit ng masasamang salita. Gusto nating gamitin ang napakagandang regalong ito sa tamang paraan—para purihin ang ating Diyos. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano natin magagawa iyan (1) sa ministeryo, (2) sa mga pulong, at (3) sa pakikipag-usap natin. Pero talakayin muna natin kung bakit interesado si Jehova sa mga sinasabi natin.
INTERESADO SI JEHOVA SA MGA SINASABI NATIN
4. Ayon sa Malakias 3:16, bakit interesado si Jehova sa mga sinasabi natin?
4 Basahin ang Malakias 3:16. Naiisip mo ba kung bakit nakasulat sa “aklat ng alaala” ni Jehova ang pangalan ng mga taong ginamit ang pananalita nila para ipakitang natatakot sila sa kaniya at nagbubulay-bulay sa pangalan niya? Makikita sa sinasabi natin kung ano ang laman ng puso natin. Sinabi ni Jesus: “Lumalabas sa bibig kung ano ang laman ng puso.” (Mat. 12:34) Makikita rin sa mga sinasabi natin kung gaano natin kamahal si Jehova. At gusto ni Jehova na mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ang mga nagmamahal sa kaniya.
5. (a) Bakit may epekto sa pagsamba natin ang mga sinasabi natin? (b) Gaya ng makikita sa larawan, ano ang dapat nating ingatan kapag nagsasalita tayo?
5 May epekto sa pagsamba natin kay Jehova ang mga sinasabi natin. (Sant. 1:26) Ang ilan na hindi nagmamahal sa Diyos ay pagalit kung magsalita, laging nakasigaw, at nagyayabang. (2 Tim. 3:1-5) Tiyak na ayaw nating maging gaya nila. Gustong-gusto nating mapasaya si Jehova sa mga sinasabi natin. Matutuwa kaya si Jehova kung mabait tayong makipag-usap kapag nasa pulong o ministeryo pero masakit naman tayong magsalita kapag mga kapamilya na lang natin ang kasama natin?—1 Ped. 3:7.
6. Ano ang naging resulta ng magandang pananalita ni Kimberly?
6 Kapag ginagamit natin nang tama ang kakayahan nating magsalita, ipinapakilala natin na mananamba tayo ni Jehova. Natutulungan natin ang iba na makita ang pagkakaiba ng “naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.” (Mal. 3:18) Ganiyan ang naging karanasan ng sister na si Kimberly. b Nakasama niya sa isang project sa paaralan ang isa niyang kaklase. Nang matapos nila ang project, napansin ng kaklase niya na ibang-iba si Kimberly sa ibang mga estudyante. Hindi niya sinisiraan ang iba, lagi siyang mabait makipag-usap, at hindi siya nagmumura. Humanga ang kaklase ni Kimberly sa kaniya at pumayag itong mag-aral ng Bibliya. Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova kapag naaakay natin sa katotohanan ang iba dahil sa paraan natin ng pagsasalita!
7. Paano mo gagamitin ang regalo ng Diyos na kakayahang magsalita?
7 Gusto nating magsalita sa paraang magbibigay ng kapurihan kay Jehova at mas maglalapit sa atin sa mga kapatid. Kaya alamin natin ang ilang paraan para patuloy tayong maging “halimbawa . . . pagdating sa pagsasalita.”
MAGING HALIMBAWA SA MINISTERYO
8. Paano naging magandang halimbawa si Jesus kapag nangangaral?
8 Magsalita nang mabait at may paggalang kapag ginagalit. Noong nangangaral si Jesus, inakusahan siya na isang taong mahilig uminom ng alak, matakaw, kampon ng Diyablo, manlalabag ng Sabbath, at mamumusong sa Diyos. (Mat. 11:19; 26:65; Luc. 11:15; Juan 9:16) Pero hindi gumanti si Jesus ng masasakit na salita. Kapag pinagsalitaan tayo, gayahin natin si Jesus. (1 Ped. 2:21-23) Siyempre, hindi iyan madaling gawin. (Sant. 3:2) Ano ang makakatulong sa atin?
9. Ano ang makakatulong sa atin para maiwasang magsalita nang hindi maganda kapag nasa ministeryo?
9 Kapag pinagsalitaan ka ng iba sa ministeryo, huwag agad magalit. Sinabi ng brother na si Sam, “Iniisip ko na kailangang marinig ng kausap ko ang katotohanan at na may potensiyal siyang magbago.” Kung minsan, nagagalit ang may-bahay kasi hindi niya inaasahan ang pagdating natin. Kapag may nakausap tayo na isang taong galít, gayahin natin ang sister na si Lucia. Puwede tayong manalangin nang maikli, at hilingin kay Jehova na tulungan tayo na maging kalmado at sikaping huwag magsalita nang hindi maganda.
10. Ayon sa 1 Timoteo 4:13, ano ang dapat na maging tunguhin natin?
10 Maging mas epektibong guro. Makaranasang ministro na si Timoteo, pero kailangan pa rin niyang sumulong sa espirituwal. (Basahin ang 1 Timoteo 4:13.) Paano tayo magiging mas epektibong mga guro sa ministeryo? Dapat tayong maghandang mabuti. Mabuti na lang, maraming makakatulong sa atin para maging mas mahusay tayong guro. Makakatulong sa iyo ang brosyur na Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo at ang seksiyong “Maging Mahusay sa Ministeryo” sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong. Ginagamit mo ba ang mga ito? Kapag naghahanda tayong mabuti, nababawasan ang nerbiyos natin at nakakapagsalita tayo nang may kumpiyansa.
11. Paano naging mas mahusay na guro ang ilang kapatid?
11 Magiging mas mahusay rin tayong guro kung oobserbahan natin ang iba sa kongregasyon at sisikaping matuto mula sa kanila. Tinatanong ni Sam, na nabanggit kanina, ang sarili niya kung bakit mahusay magturo ang ilang kapatid. Pinapakinggan niyang mabuti kapag nagtuturo ang iba at sinisikap niyang gayahin sila. Nakikinig na mabuti ang sister na si Talia sa makaranasang mga speaker kapag nagpapahayag sila. Dahil diyan, natutuhan niya kung paano ipapakipag-usap ang mga paksa na karaniwang itinatanong ng mga tao sa ministeryo.
MAGING HALIMBAWA SA PULONG
12. Sa ano nahihirapan ang ilan?
12 Tayong lahat ay puwedeng makibahagi sa pulong kung makikisabay tayo sa pagkanta at magbibigay ng pinaghandaang mga komento. (Awit 22:22) Nahihiyang kumanta o magkomento ang ilan kapag nasa pulong. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, tiyak na magiging interesado ka kung ano ang ginawa ng ilan para mapaglabanan ito.
13. Ano ang makakatulong sa iyo na kumanta nang mula sa puso sa mga pulong?
13 Kumanta nang mula sa puso. Ang pinakamahalagang dahilan kaya tayo kumakanta sa mga pulong ay para purihin si Jehova. Iniisip ng sister na si Sara na hindi siya magaling kumanta. Pero gusto niyang kumanta para purihin si Jehova. Kaya kapag naghahanda siya sa pulong, pinapraktis na rin niya ang mga kakantahin. Pinag-iisipan niya kung ano ang kaugnayan ng mga awit sa mga tatalakayin sa pulong. “Kaya mas nakapokus ako sa mensahe ng kanta kaysa sa pagkanta ko,” ang sabi niya.
14. Kung mahiyain ka, ano ang makakatulong sa iyo na magkomento sa pulong?
14 Laging magkomento. Hirap na hirap ang ilan na gawin iyan. “Kabadong-kabado ako kapag nagsasalita sa harap ng mga tao, kahit pa hindi iyon halata sa boses ko,” ang sabi ni Talia, na binanggit kanina. “Kaya takot na takot akong magkomento.” Pero hindi iyon nakahadlang kay Talia na sumagot sa pulong. Kapag naghahanda siya sa pulong, lagi niyang iniisip na ang unang komento sa parapo ay dapat na maikli lang at deretso sa punto. Sinabi niya: “Okey lang kung maikli ang sagot ko, at kung ano lang ang sagot sa tanong, kasi iyon naman ang gustong sagot ng nangangasiwa.”
15. Ano ang dapat nating tandaan kapag magbibigay ng komento?
15 May mga kapatid na hindi naman mahiyain pero hindi masyadong sumasagot sa pulong. Bakit? Sinabi ng sister na si Juliet, “Kung minsan, natatakot akong magkomento kasi parang napakasimple ng sagot ko.” Pero tandaan, gusto ni Jehova na magbigay tayo ng komento ayon sa makakaya natin. c Tuwang-tuwa siya kapag nagsisikap tayong magkomento sa pulong kahit natatakot tayo o kinakabahan.
MAGING HALIMBAWA SA PAKIKIPAG-USAP
16. Anong pananalita ang dapat nating iwasan?
16 Iwasan ang lahat ng “mapang-abusong pananalita.” (Efe. 4:31) Gaya ng binanggit kanina, hindi dapat gumamit ng masasamang salita ang isang Kristiyano. Pero may mapang-abusong pananalita na hindi natin mahahalata na masama na pala at kailangan din nating mag-ingat. Halimbawa, hindi tayo dapat magsalita ng masama tungkol sa mga tao na iba ang kultura, tribo, o lahi. Hindi rin natin dapat insultuhin ang iba. Sinabi ng isang brother: “Kung minsan, sa kagustuhan kong magpatawa, nakakapagsalita ako nang hindi maganda at nakakasakit na pala iyon. Sa loob ng maraming taon, malaki ang naitulong sa akin ng asawa ko. Kapag kaming dalawa na lang, sinasabi niya sa akin kung nakasakit sa kaniya at sa iba ang mga nasabi ko.”
17. Ayon sa Efeso 4:29, paano natin mapapatibay ang iba?
17 Magsalita nang nakapagpapatibay. Laging magbigay ng komendasyon sa halip na mamuna o magreklamo. (Basahin ang Efeso 4:29.) Napakaraming dapat ipagpasalamat ng mga Israelita, pero naging mareklamo sila, at nakakahawa iyon. Tandaan na dahil sa di-magagandang ulat ng 10 espiya, ‘lahat ng Israelita ay nagbulong-bulungan laban kay Moises.’ (Bil. 13:31–14:4) Pero ang pagbibigay ng komendasyon ay nakapagpapatibay. Makakatiyak tayo na nakatulong sa anak na babae ni Jepte ang komendasyon ng mga kaibigan niyang babae para manatili siya sa kaniyang atas. (Huk. 11:40) Sinabi ni Sara, na binanggit kanina, “Kapag kinokomendahan natin ang iba, ipinapadama natin sa kanila na mahal sila ni Jehova at ng organisasyon.” Kaya humanap ng mga pagkakataong magbigay ng komendasyon.
18. Ayon sa Awit 15:1, 2, bakit dapat tayong magsabi ng totoo, at ano ang kasama rito?
18 Magsabi ng totoo. Hindi natin mapapasaya si Jehova kung magsisinungaling tayo. Kinapopootan niya ang lahat ng klase ng pagsisinungaling. (Kaw. 6:16, 17) Para sa marami, normal na lang ang pagsisinungaling sa ngayon, pero iniiwasan natin iyon dahil mali iyon para kay Jehova. (Basahin ang Awit 15:1, 2.) Totoo, hindi natin sasadyaing magsinungaling, pero iiwasan din nating magtago ng ilang impormasyon para lang magkaroon ng maling konklusyon ang iba.
19. Sa ano pa tayo dapat mag-ingat?
19 Iwasan ang tsismis. (Kaw. 25:23; 2 Tes. 3:11) Sinabi ni Juliet, na binanggit kanina, kung ano ang epekto sa kaniya ng tsismis: “Hindi nakapagpapatibay na makarinig ng tsismis, at nawawala ang tiwala ko sa taong nagkakalat nito. Kung nagawa niyang itsismis ang iba, puwede rin niyang gawin sa akin ’yon.” Kapag nakikita mong nagiging tsismis na ang kuwentuhan, gawing positibo ang usapan.—Col. 4:6.
20. Ano ang determinado mong gawin sa pananalita mo?
20 Dahil karaniwan na lang sa mundo ang masamang pananalita, dapat tayong magsikap na mapasaya si Jehova sa pananalita natin. Tandaan, ang kakayahang magsalita ay regalo ni Jehova, at interesado siya kung paano natin ito ginagamit. Pagpapalain niya ang pagsisikap nating magsalita nang positibo sa ministeryo, sa mga pulong, at sa pakikipag-usap natin. Kapag pinuksa na ni Jehova ang masamang sanlibutang ito, mas madali na nating mapaparangalan si Jehova sa pananalita natin. (Jud. 15) Pero habang hindi pa nangyayari iyon, maging determinado kang mapasaya si Jehova sa “pananalita” mo.—Awit 19:14.
AWIT 121 Kailangan ang Pagpipigil sa Sarili
a Binigyan tayo ni Jehova ng isang napakagandang regalo—ang kakayahang magsalita. Nakakalungkot, hindi ginagamit ng karamihan ang regalong ito sa paraang gusto ni Jehova. Ano ang makakatulong sa atin para lagi tayong makapagsalita nang malinis at nakapagpapatibay kahit napakasama ng mundong ito? Paano magiging masaya si Jehova sa ating pananalita kapag nasa ministeryo tayo, dumadalo sa mga pulong, at nakikipag-usap sa iba? Sasagutin sa artikulong ito ang mga tanong na iyan.
b Binago ang ilang pangalan.
c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Purihin si Jehova sa Kongregasyon” sa Bantayan, isyu ng Enero 2019.
d LARAWAN: Brother na pagalit na sumagot sa galít na may-bahay; brother na nag-aalangang kumanta sa pulong; at sister na nakikipagtsismisan.