Sinasang-ayunan ng Diyos ang mga May Pananampalataya
“Maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.”—HEB. 6:12.
AWIT: 86, 54
1, 2. Anong hamon ang napaharap kay Jepte at sa kaniyang anak?
TAPÓS na ang pag-aalala. Gumaan ang kalooban ng dalaga nang makita niyang ligtas na nakabalik ang kaniyang ama mula sa labanan. Tumakbo siya upang salubungin ang kaniyang ama at makipagsaya sa tagumpay nito. Pero sa halip na umawit at sumayaw ang ama kasama ng kaniyang anak, hinapak nito ang kaniyang kasuotan at tumangis: “Ay, anak ko! Pinayukod mo nga ako.” Pagkatapos, sinabi ni Jepte ang pananalitang nagpabago sa buhay ng kaniyang anak, kung kaya gumuho ang pangarap at pag-asa nito na magkaroon ng normal na buhay. Pero positibo itong tumugon at pinatibay ang kaniyang ama na tuparin ang ipinangako nito kay Jehova. Nakita sa pananalita ng dalaga ang malaking pananampalataya niya. Nagtitiwala siyang anuman ang hilingin ni Jehova ay para sa kaniyang ikabubuti. (Huk. 11:34-37) Tuwang-tuwa si Jepte dahil alam niya na ang kusang-loob na pagsuporta ng kaniyang anak ay magbubunga ng pagsang-ayon ni Jehova.
2 Si Jepte at ang kaniyang anak ay nagtiwala kay Jehova, kahit mahirap itong gawin. Kumbinsido sila na sulit ang anumang sakripisyo, makamit lang ang pagsang-ayon ng Diyos.
3. Bakit makatutulong sa atin ang halimbawa ni Jepte at ng kaniyang anak?
3 Alam nating hindi laging madaling mapanatili ang pananampalataya kay Jehova. Ang totoo, kailangan nating “puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya.” (Jud. 3) Para magawa ito, isaalang-alang natin ang mga hamon na napagtagumpayan ni Jepte at ng kaniyang anak. Paano nila napanatili ang kanilang pananampalataya kay Jehova?
PANATILIHIN ANG PANANAMPALATAYA SA KABILA NG MGA IMPLUWENSIYA NG SANLIBUTAN
4, 5. (a) Anong utos ang ibinigay ni Jehova sa mga Israelita noong pumasok sila sa Lupang Pangako? (b) Ayon sa Awit 106, ano ang nangyari sa mga Israelita dahil sa kanilang pagsuway?
4 Araw-araw, malamang na naipapaalaala kay Jepte at sa kaniyang anak ang kapaha-pahamak na resulta ng kawalang-katapatan kay Jehova. Halos 300 taon bago nito, inutusan ang kanilang mga ninuno na lipulin ang lahat ng pagano sa Lupang Pangako. (Deut. 7:1-4) Dahil sa hindi nila pagsunod, karamihan ng mga Israelita ay nahawa sa makasalanang landasin ng mga Canaanita. Naimpluwensiyahan silang sumamba sa huwad na mga diyos at gumawa ng imoralidad.—Basahin ang Awit 106:34-39.
5 Dahil sa paghihimagsik na iyon, naiwala nila ang pagsang-ayon at proteksiyon ni Jehova. (Huk. 2:1-3, 11-15; Awit 106:40-43) Kaylaking hamon nga para sa mga pamilyang may-takot sa Diyos na manatiling tapat kay Jehova sa mahihirap na panahong iyon! Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na may mga naging tapat noon, gaya ni Jepte at ng kaniyang anak, ni Elkana, ni Hana, at ni Samuel, na determinadong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.—1 Sam. 1:20-28; 2:26.
6. Anong makasanlibutang mga impluwensiya ang umiiral ngayon, at ano ang dapat nating gawin?
6 Nabubuhay tayo ngayon sa isang daigdig kung saan ang mga tao ay nag-iisip at gumagawi katulad ng sinaunang mga Canaanita—mahilig sa sekso at karahasan, at materyalistiko. Pero gaya ng ginawa niya sa mga Israelita, malinaw tayong binababalaan ni Jehova para maingatan tayo mula sa gayong mga impluwensiya. Matututo ba tayo sa pagkakamali ng mga Israelita? (1 Cor. 10:6-11) Dapat nating alisin ang anumang bakas ng tulad-Canaanitang pag-iisip. (Roma 12:2) Pinagsisikapan ba nating gawin ito?
PANATILIHIN ANG PANANAMPALATAYA SA KABILA NG PAGKASIRA NG LOOB
7. (a) Ano ang ginawa ng mga kababayan ni Jepte sa kaniya? (b) Paano tumugon si Jepte?
7 Noong panahon ni Jepte, dahil sa pagsuway ng mga Israelita, naging alipin sila ng mga Filisteo at mga Ammonita. (Huk. 10:7, 8) Gayunman, ang mga pagsubok kay Jepte ay hindi lang mula sa kaaway na mga bansa kundi mula rin sa kaniyang mga kapatid at sa mga lider ng Israel. Dahil sa inggit at poot, pinalayas siya ng kaniyang mga kapatid sa ama. Pinagkaitan nila siya ng kaniyang mana bilang panganay. (Huk. 11:1-3) Hindi hinayaan ni Jepte na maapektuhan siya ng kanilang malupit na pakikitungo. Sa halip na ipagwalang-bahala ang pakiusap ng matatandang lalaki ng bansa, tinulungan niya sila. (Huk. 11:4-11) Ano kaya ang nag-udyok kay Jepte na kumilos bilang isang taong espirituwal?
8, 9. (a) Anong mga simulain sa Kautusang Mosaiko ang posibleng nakatulong kay Jepte? (b) Ano ang pinakamahalaga kay Jepte?
8 Si Jepte ay hindi lang isang makapangyarihang mandirigma. Pinag-aaralan din niya ang mga pakikitungo ng Diyos sa Kaniyang bayan. Dahil pamilyar si Jepte sa kasaysayan ng mga Israelita, naunawaan niya kung ano ang tama at mali sa paningin ni Jehova. (Huk. 11:12-27) Ang makadiyos na mga simulain sa Kautusang Mosaiko ang humubog sa isip at puso ni Jepte. Alam niya na hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang pagkikimkim ng sama ng loob. Sa halip, hinihiling ng Diyos sa Kaniyang bayan na ibigin nila ang isa’t isa. Itinuturo din ng Kautusan na hindi dapat ipagwalang-bahala ng isa ang pangangailangan ng iba, kahit pa ng isa na “napopoot” sa kaniya.—Basahin ang Exodo 23:5; Levitico 19:17, 18.
9 Malamang na nakaimpluwensiya rin kay Jepte ang halimbawa ng mga tapat na gaya ni Jose, na nagpakita ng awa sa kaniyang mga kapatid—bagaman “sila ay nagsimulang mapoot sa kaniya.” (Gen. 37:4; 45:4, 5) Posibleng nakatulong kay Jepte ang pagbubulay-bulay sa gayong mga halimbawa para makakilos siya sa paraang nakalulugod kay Jehova. Tiyak na napakasakit ng ginawa ng mga kapatid ni Jepte sa kaniya, pero nagpatuloy siya sa paglilingkod kay Jehova at sa Kaniyang bayan. (Huk. 11:9) Mas mahalaga kay Jepte ang pagtatanggol sa pangalan ni Jehova kaysa sa personal na mga alitan. Determinado siyang panatilihin ang pananampalataya niya kay Jehova, para sa ikabubuti niya at ng iba.—Heb. 11:32, 33.
10. Paano makatutulong sa atin ang makadiyos na mga simulain para makakilos tayo bilang mga Kristiyano?
10 Hahayaan ba nating mapakilos tayo ng halimbawa ni Jepte? Marahil ay naranasan na nating masiraan ng loob o masaktan ng ating mga kapananampalataya. Kung gayon, hindi natin dapat hayaan ang mga hamong gaya nito na makahadlang sa ating pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong o sa paglilingkod kay Jehova at sa pakikisama sa kongregasyon. Bilang pagtulad kay Jepte, maaari din nating gawing gabay ang mga pamantayan ng Diyos para madaig ang negatibong mga sitwasyon at patuloy na makaimpluwensiya sa iba na gumawa ng tama.—Roma 12:20, 21; Col. 3:13.
MAKIKITA ANG ATING PANANAMPALATAYA SA KUSANG PAGSASAKRIPISYO
11, 12. Ano ang ipinangako ni Jepte, at ano ang nasasangkot dito?
11 Alam ni Jepte na kailangan niya ang tulong ng Diyos para mapalaya ang Israel mula sa mga Ammonita. Nangako siya na kung ipagkakaloob ni Jehova ang tagumpay, ibibigay niya kay Jehova bilang “handog na sinusunog” ang unang lalabas sa kaniyang bahay pag-uwi niya mula sa labanan. (Huk. 11:30, 31) Ano ang nasasangkot sa gayong paghahandog?
12 Ang paghahain ng tao ay kasuklam-suklam kay Jehova. Kaya maliwanag na walang balak si Jepte na literal na ihain ang sinuman. (Deut. 18:9, 10) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang handog na sinusunog ay ibinibigay nang buo kay Jehova. Kaya malinaw na ang gusto ni Jepte ay italaga ang isang tao sa pantanging paglilingkod sa Diyos. Ang pangakong ito ay nagpapahiwatig ng habambuhay na paglilingkod sa tabernakulo. Tinanggap ni Jehova ang kondisyon ni Jepte at pinagkalooban siya ng napakalaking tagumpay kung kaya nagawa niyang saktan at talunin ang mga kaaway. (Huk. 11:32, 33) Pero sino ang ibibigay niya sa Diyos bilang “handog na sinusunog”?
13, 14. Ano ang ipinakikita ng pananalita ni Jepte na nakaulat sa Hukom 11:35 tungkol sa kaniyang pananampalataya?
13 Alalahanin ang eksenang inilarawan sa simula ng artikulong ito. Pagkauwi ni Jepte mula sa labanan, ang kaniyang minamahal at kaisa-isang anak ang lumabas upang salubungin siya! Tutuparin ba niya ang kaniyang pangako at ibibigay ang kaniyang anak para makapaglingkod sa tabernakulo sa buong buhay nito?
14 Muli, ang makadiyos na mga simulain ang pumatnubay kay Jepte para makagawa ng tamang pasiya. Marahil naalaala niya ang pananalita sa Exodo 23:19, na nag-uutos sa bayan ng Diyos na kusang ibigay ang pinakamainam kay Jehova. Ipinakikita rin ng Kautusan na kapag ang isang tao ay nangako, obligado siyang tuparin iyon. Sinasabi nito: “Kung ang isang lalaki ay manata kay Jehova . . . , huwag niyang lalabagin ang kaniyang salita. Gagawin niya ang ayon sa lahat ng lumabas sa kaniyang bibig.” (Bil. 30:2) Tulad ng tapat na si Hana, na malamang na kakontemporaryo niya, kailangang tuparin ni Jepte ang kaniyang panata, kahit alam niya kung ano ang magiging kahulugan nito para sa kaniya at sa kaniyang anak. Nag-iisang anak niya ito—ang tanging pag-asa niya para magkaroon ng inapo na magdadala ng kaniyang pangalan at ng kaniyang mana sa Israel. (Huk. 11:34) Gayunman, ang Hukom 11:35 ay nagtatapos sa pananalita ni Jepte: “Ibinuka ko ang aking bibig kay Jehova, at hindi ko na mababawi pa.” Ang kaniyang pananampalataya, sa kabila ng malaking pagsasakripisyo, ay nagdulot ng pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Ganoon din ba ang gagawin mo?
15. Anong pangako ang ginawa ng marami sa atin, at paano natin maipakikita na may pananampalataya tayo?
15 Nang ialay natin ang ating buhay kay Jehova, nangako tayo na lubusan nating gagawin ang kaniyang kalooban. Alam natin na ang pagtupad sa pangakong ito ay nangangailangan ng pagsasakripisyo. Gayunman, nasusubok ang ating pagnanais na magsakripisyo kapag hindi natin gusto ang hinihiling sa atin. Kapag ginagawa natin ang gayong pagsasakripisyo at paglilingkod sa Diyos kahit mahirap ito sa atin, napatutunayan nating may pananampalataya tayo. Ang mga pagpapalang dulot nito ay laging mas marami kaysa sa isinasakripisyo natin. (Mal. 3:10) Ngunit kumusta naman ang anak ni Jepte?
16. Paano tumugon ang anak ni Jepte sa ipinangako ng kaniyang ama? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
16 Maaaring hindi naging madali para sa anak ni Jepte na tanggapin ang mangyayari sa kaniya dahil sa pangako ng kaniyang ama. Naiiba ito sa pangako ni Hana, na nag-alay ng kaniyang anak na si Samuel para maglingkod sa tabernakulo bilang Nazareo. (1 Sam. 1:11) Ang isang Nazareo ay puwedeng mag-asawa at magpamilya. Ngunit kailangang isakripisyo ng anak ni Jepte ang mga iyon yamang siya ay magiging isang buong “handog na sinusunog.” (Huk. 11:37-40) Bilang anak ng isang matagumpay na lider ng Israel, maaari sana niyang mapangasawa ang pinakamahusay na lalaki sa lupain. Pero ngayon, siya ay magiging isang hamak na lingkod sa tabernakulo. Ano ang naging tugon ng dalaga? Ipinakita niya na inuuna niya ang paglilingkod kay Jehova sa pagsasabi: “Ama ko, kung ibinuka mo ang iyong bibig kay Jehova, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig.” (Huk. 11:36) Isinakripisyo niya ang kaniyang hangaring makapag-asawa at magkaanak para maitaguyod ang tunay na pagsamba. Paano natin matutularan ang kaniyang mapagsakripisyong saloobin?
17. (a) Paano natin matutularan ang pananampalataya ni Jepte at ng kaniyang anak? (b) Paano ka napasisigla ng Hebreo 6:10-12 na maging mapagsakripisyo?
17 Isinasakripisyo ng libo-libong Kristiyano ang pag-aasawa o pag-aanak—kahit sa panahong ito lang—para lubusang makapaglingkod kay Jehova. Maaaring isinasakripisyo rin ng mga may-edad ang panahon na puwede sana nilang gugulin kasama ng kanilang mga anak at apo para makibahagi sa teokratikong mga proyekto sa pagtatayo o makapag-aral sa School for Kingdom Evangelizers at makapaglingkod sa lugar na mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Isinasaisantabi naman ng iba ang personal na mga bagay para makibahagi sa kampanya sa panahon ng Memoryal. Nagagalak si Jehova sa gayong buong-pusong paglilingkod, at hindi niya kalilimutan ang kanilang gawa at ang pag-ibig na ipinakita nila para sa kaniya. (Basahin ang Hebreo 6:10-12.) Puwede ka pa bang gumawa ng mga sakripisyo para lubusang mapaglingkuran si Jehova?
MGA ARAL
18, 19. Ano ang natutuhan natin mula sa ulat ng Bibliya tungkol kay Jepte at sa kaniyang anak, at paano natin sila matutularan?
18 Ang buhay ni Jepte ay punong-puno ng hamon, pero hinayaan niyang gabayan siya ng pag-iisip ni Jehova sa mga desisyon niya. Tinanggihan niya ang mga impluwensiya ng sanlibutan. Ang pagkasira ng loob dahil sa ginawa ng iba ay hindi nagpahina sa kaniyang pananampalataya. Ang kusang pagsasakripisyo niya at ng kaniyang anak ay nagbunga ng pagpapala dahil ginamit sila ni Jehova para itaguyod ang dalisay na pagsamba. Nang panahong talikuran ng iba ang mga pamantayan ng Diyos, sinunod pa rin iyon ni Jepte at ng kaniyang anak.
19 Hinihimok tayo ng Bibliya na “maging mga tagatulad niyaong mga sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.” (Heb. 6:12) Tularan nawa natin si Jepte at ang kaniyang anak sa pamamagitan ng pamumuhay kaayon ng mahalagang katotohanan na itinampok ng kanilang buhay: Sinasang-ayunan ng Diyos ang mga may pananampalataya.