Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | ANONG REGALO ANG PINAKAMAGANDA SA LAHAT?

“Ito ang Pinakamagandang Regalong Natanggap Ko”

“Ito ang Pinakamagandang Regalong Natanggap Ko”

Iyan ang nasabi ng isang 13-anyos na batang babae nang makatanggap siya ng isang aso bilang regalo. Isang matagumpay na negosyante naman ang nagsabi na nagbago ang buhay niya dahil sa computer na regalo ng tatay niya noong high school siya. At isang bagong-kasal na lalaki ang nagsabi na ang pinakamagandang regalong natanggap niya ay ang card na ginawa mismo ng asawa niya para sa unang anibersaryo ng kanilang kasal.

Taon-taon, marami ang gumugugol ng panahon at nagsisikap na makahanap ng “pinakamagandang” regalo para sa isang kaibigan o kamag-anak kapag may okasyon. At marami ang gustong-gustong makarinig ng mga komentong nabanggit sa simula. Ikaw? Gusto mo rin bang makapagbigay o makatanggap ng regalong talagang mapahahalagahan?

Napakaganda niyan, hindi lang dahil sa madarama ng tumanggap ng regalo kundi dahil din sa madarama ng nagregalo. Sabi nga ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Siyempre pa, lalong nagiging masaya ang pagreregalo kapag lubusang nagpahalaga ang tumanggap nito.

Kung gayon, ano ang puwede mong gawin para ang pagreregalo ay magbigay ng tunay na kaligayahan sa iyo at sa reregaluhan mo? At kung hindi mo kayang magbigay ng “pinakamagandang” regalo, ano ang puwede mong gawin para lubusang mapahalagahan ang regalo mo?