Ipinaalám sa Atin ng Maylalang ang mga Pangako Niya
Mula pa nang likhain ng Maylalang ang sangkatauhan, nakikipag-usap na siya sa mga tao sa pamamagitan ng mga anghel at propeta. Ipinasulat din niya ang kaniyang mensahe at mga pangako. Ang mga pangakong ito ng Diyos ay makakaapekto sa kinabukasan mo. Saan mo makikita ang mga pangako ng Diyos?
Nasa Banal na Kasulatan ang mensahe ng Diyos para sa atin. (2 Timoteo 3:16) Paano ginamit ng Diyos ang mga propeta para isulat ang mensahe niya? (2 Pedro 1:21) Inilagay ng Diyos ang kaisipan niya sa isip ng mga manunulat. Gaya ito ng isang negosyante na nagpagawa ng sulat sa sekretarya niya. Alam natin na ang sulat ay galing talaga sa negosyante. Kaya kahit ipinasulat ng Diyos sa mga tao ang kaniyang mensahe, siya pa rin ang Awtor ng Banal na Kasulatan.
MABABASA NG LAHAT ANG SALITA NG DIYOS
Napakahalaga ng mensahe ng Diyos kaya gusto niyang mabasa ito at maintindihan ng lahat ng tao. Sa ngayon, ang “walang-hanggang mabuting balita” ay mababasa ng “bawat bansa at tribo at wika.” (Apocalipsis 14:6) Dahil sa pagpapala ng Diyos, ang buong Banal na Kasulatan o ang mga bahagi nito ay available na sa mahigit 3,000 wika—mas marami iyan kaysa sa iba pang aklat.