Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwede Kang Mabuhay sa Lupa Magpakailanman

Puwede Kang Mabuhay sa Lupa Magpakailanman

ISANG KAHANGA-HANGANG PAG-ASA! Nangako ang Maylikha na bibigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan dito mismo sa lupa. Pero para sa marami, mahirap paniwalaan iyan. ‘Lahat tayo ay mamamatay,’ ang sabi nila. ‘Bahagi iyan ng siklo ng buhay at kamatayan.’ Naniniwala naman ang iba na puwede tayong mabuhay magpakailanman, pero hindi dito sa lupa. Mangyayari daw iyon kapag namatay at umakyat na sa langit ang isa. Ano sa palagay mo?

Bago mo sagutin iyan, pag-isipan ang sagot ng Bibliya sa tatlong tanong na ito: Ano ang ipinakikita ng pagkakalalang sa tao tungkol sa itatagal ng buhay niya? Ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan? Bakit namamatay ang mga tao?

ESPESYAL ANG PAGKAKALALANG SA TAO

Sa lahat ng uri ng buhay na nilikha ng Diyos sa lupa, talagang espesyal ang mga tao. Bakit? Ipinakikita ng Bibliya na tao lang ang ginawa ayon sa “larawan” at “wangis” ng Diyos. (Genesis 1:26, 27) Ano ang ibig sabihin nito? Binigyan ng Diyos ang tao ng mga ugali at katangian na katulad ng sa kaniya, gaya ng pag-ibig at katarungan.

Binigyan din ang tao ng kakayahang mag-isip at mangatuwiran, makilala ang tama at mali, at ng pagnanais na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Kaya naman, napapahanga tayo sa maringal na uniberso at sa magagandang bagay sa kalikasan, pati na sa sining, musika, at tula. Higit sa lahat, tao lang ang may kakayahang sumamba sa Maylikha. Kaya naman, ibang-iba ang tao kung ikukumpara sa ibang mga nilalang sa lupa.

Kaya pag-isipan ito: Bibigyan kaya ng Diyos ang tao ng gayong mga katangian, pati na ng kakayahang pasulungin at pahusayin ang mga iyon, kung gusto niya tayong mabuhay lang nang iilang taon? Ang totoo, ibinigay ng Diyos ang mga katangian at kakayahang ito sa tao para mabuhay tayo nang masaya dito sa lupa magpakailanman.

ANG ORIHINAL NA LAYUNIN NG DIYOS

Pero may mga nagsasabi na hindi raw nilalang ng Diyos ang tao para mabuhay magpakailanman sa lupa. Sinasabi nila na ang lupa ay pansamantalang tahanan lang, kung saan sinusubok ang mga tao para malaman kung sino ang karapat-dapat pumunta sa langit at makasama ng Diyos. Pero kung totoo iyan, ibig sabihin, ang Diyos ang nasa likod ng lahat ng kasamaan sa lupa. Malayong-malayo iyan sa totoong katangian ng Diyos. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Lahat ng ginagawa niya ay makatarungan. Isang Diyos na tapat at hindi kailanman magiging tiwali; matuwid at tapat siya.”​—Deuteronomio 32:4.

Ipinakikita ng Bibliya ang layunin ng Diyos para sa lupa: “Ang langit ay kay Jehova, pero ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng tao.” (Awit 115:16) Oo, ginawa ng Diyos ang lupa para maging maganda at permanenteng tahanan ng mga tao, at pinunô niya ito ng lahat ng bagay na kailangan para maging masaya at makabuluhan ang buhay natin magpakailanman.​—Genesis 2:8, 9.

“Ang langit ay kay Jehova, pero ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng tao.”​—Awit 115:16

Nililinaw rin ng Bibliya ang layunin ng Diyos para sa mga tao. Inatasan niya ang unang mag-asawa: “Punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon, at pamahalaan ninyo ang . . . bawat buháy na nilalang na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Pribilehiyo nila na alagaan at palawakin ang Paraiso sa buong lupa. Oo, binigyan sina Adan at Eva at ang magiging supling nila ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa, hindi sa langit.

BAKIT TAYO NAMAMATAY?

Pero bakit tayo namamatay? Ipinakikita ng Bibliya na isang espiritung nilalang, na nagrebelde at nakilala bilang si Satanas na Diyablo, ang sumira sa kaayusan ng Diyos sa Eden. Paano?

Inudyukan ni Satanas ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva, na magrebelde sa Diyos. Nang sabihin ni Satanas na pinagkakaitan sila ng Diyos ng isang bagay na mabuti—ang karapatang magpasiya kung ano ang tama at mali—kumampi sila kay Satanas at nagrebelde sa Diyos. Ano ang resulta? Nang maglaon, namatay sila, gaya ng sinabi ng Diyos. Naiwala nila ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraisong lupa.​—Genesis 2:17; 3:1-6; 5:5.

Hanggang sa ngayon, may epekto sa mga tao ang pagrerebelde nina Adan at Eva. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” (Roma 5:12) Namamatay tayo dahil sa minana nating kasalanan at kamatayan mula sa ating unang mga magulang, hindi dahil sa nakatakda at misteryosong ‘plano’ ng Diyos.

PUWEDE KANG MABUHAY SA LUPA MAGPAKAILANMAN

Sa kabila ng rebelyon sa Eden, hindi nabigo ang orihinal na layunin ng Diyos para sa tao at sa lupa. Dahil sa perpektong pag-ibig at katarungan ng Diyos, gumawa siya ng paraan para mapalaya tayo sa minanang kasalanan at kamatayan. Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan, pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Dahil sa pag-ibig ng Diyos, “ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak [si Jesu-Kristo] para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Sa pamamagitan ng kusang-loob na paghahandog ng kaniyang sarili, tinubos ni Jesus ang lahat ng naiwala ni Adan. a

Malapit nang magkatotoo ang paraisong lupa na ipinangako ng Diyos. Puwedeng mapasaiyo ang magandang kinabukasang ito kung susundin mo ang payo ni Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan, dahil maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daang papunta sa pagkapuksa, at marami ang pumapasok dito; pero makipot ang pintuang-daan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang mga nakakahanap dito.” (Mateo 7:13, 14) Oo, nasa kamay mo ang kinabukasan mo. Kaya ano ang gagawin mo?

a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pantubos, tingnan ang aralin 27 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at mada-download nang libre sa www.jw.org/tl.