TAMPOK NA PAKSA | TATANGGAPIN MO BA ANG WALANG KAPANTAY NA REGALO NG DIYOS?
Bakit Walang Kapantay ang Regalong Ito ng Diyos?
Paano mo masasabing mahalaga ang isang regalo? Malamang na dahil sa (1) kung sino ang nagbigay sa iyo, (2) kung bakit ito ibinigay, (3) kung ano ang isinakripisyo para maibigay ito, at (4) kung natugunan nito ang isang pangangailangan. Kapag binubulay-bulay natin ang mga dahilang ito, tutulong iyan para lalo nating mapahalagahan ang pantubos—ang walang kapantay na regalo ng Diyos.
SINO ANG NAGBIGAY NITO?
May mga regalo na napahahalagahan natin dahil ibinigay ito ng isa na may awtoridad o isa na tinitingala natin. May mga regalo rin na hindi naman mahal, pero pinahahalagahan natin dahil galing ito sa isang malapít na kapamilya o pinagkakatiwalaang kaibigan. Ganiyan ang regalong tinanggap ni Jordan mula kay Russell na binanggit sa naunang artikulo. Bakit totoo ito pagdating sa pantubos?
Una, sinasabi ng Bibliya na “isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.” (1 Juan 4:9) Iyan ang dahilan kung bakit napakahalaga ng regalong ito. Wala nang mas nakatataas pa sa Diyos. Ganito siya inilarawan ng isang salmistang Hebreo: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Si Jehova lang ang makapagbibigay sa atin ng ganitong regalo.
Ikalawa, ang Diyos ang ating Ama. (Isaias 63:16) Bakit? Dahil siya ang nagbigay ng ating buhay. Inaalagaan din niya tayo kung paanong inaalagaan ng isang mapagmahal na ama ang kaniyang mga anak. Minsan, tinanong ng Diyos ang ilan sa kaniyang sinaunang bayan na tinawag niyang Efraim: “Hindi ba’t ang Efraim ang mahal kong anak na lalaki, ang anak na aking kinalulugdan? . . . Kaya nga ang puso ko’y nananabik sa kanya; malaki ang pagmamahal ko sa kanya.” (Jeremias 31:20, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino) Ganiyan din kamahal ng Diyos ang kaniyang mga mananamba ngayon. Siya ang Makapangyarihan-sa-lahat, ang lumalang sa atin. Siya rin
ang ating matapat na Ama at Kaibigan. Hindi ba sapat na dahilan iyan para lalo nating pahalagahan ang regalong ibinigay niya?BAKIT ITO IBINIGAY?
May mga regalo na mahalaga sa atin dahil ibinigay iyon udyok ng pag-ibig at hindi napipilitan. Hindi naghihintay ng kapalit ang isa na nagbibigay nang bukal sa loob.
Ibinigay ng Diyos ang kaniyang Anak dahil mahal niya tayo. “Sa ganito nahayag ang pag-ibig ng Diyos may kaugnayan sa atin, sapagkat isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak,” ang sabi ng Bibliya. Bakit? “Upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.” (1 Juan 4:9) Obligado ba ang Diyos na gawin iyon? Hindi! Ang “pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus” ay kapahayagan ng “di-sana-nararapat na kabaitan” ng Diyos.—Roma 3:24.
Bakit masasabing “di-sana-nararapat na kabaitan” ang regalo ng Diyos? Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.” (Roma 5:8) Dahil sa di-makasariling pag-ibig ng Diyos, naudyukan siyang kumilos para sa mga taong makasalanan, mahina, at walang kalaban-laban. Hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig na iyan, at hindi natin siya mababayaran. Ang kaniyang regalo ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig sa kasaysayan.
ANO ANG ISINAKRIPISYO?
May mga regalo na pinahahalagahan natin dahil malaki ang isinakripisyo para maibigay ito, lalo na kung kusa itong ibinigay sa atin kahit napakahalaga nito sa nagbigay.
“Ibinigay [ng Diyos] ang kaniyang bugtong na Anak,” ang isa na pinakamamahal niya. (Juan 3:16) May hihigit pa bang sakripisyo kaysa rito? Sa loob ng bilyon-bilyong taóng paglalang ng Diyos sa uniberso, kasama niya si Jesus, at siya ay “lubhang kinagigiliwan niya.” (Kawikaan 8:30) Si Jesus ang “Anak ng kaniyang pag-ibig” at “larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Colosas 1:13-15) Wala nang mas lalalim pang ugnayan kaysa rito.
Pero hindi ipinagkait ng Diyos maging ang kaniyang sariling Anak. (Roma 8:32) Ibinigay ni Jehova sa atin ang pinakamahalaga sa kaniya bilang regalo.
NATUGUNAN ANG ISANG PANGANGAILANGAN
May mga regalo na pinahahalagahan natin dahil tinanggap natin ito sa panahong kailangang-kailangan natin. Ipagpalagay na kailangan mong magpagamot para mabuhay pero wala kang pera. Ano ang madarama mo kung may kusang magbayad nito? Hindi mo ba pahahalagahan nang husto ang regalong iyan?
“Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:22) Dahil tayo ay mga inapo ni Adan, lahat tayo ay “namamatay.” Hindi natin kayang takasan ang pagkakasakit at kamatayan o makipagkasundong muli sa Diyos at maging malinis sa harap niya. Hindi rin natin kayang magbigay ng buhay sa sinuman o maging sa ating sarili. Sinasabi ng Bibliya: “Walang isa man sa kanila ang sa paanuman ay makatutubos sa kaniyang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya.” (Awit 49:7) Kailangang-kailangan natin ng tulong dahil hindi natin kayang bayaran ang halaga ng pantubos. Kung sa sarili lang natin, wala tayong magagawa.
Dahil sa dakilang pag-ibig ni Jehova, handa niyang bayaran ang ating “pagpapagamot” na magliligtas ng ating buhay. Kaya sa pamamagitan ni Jesus, “ang lahat ay bubuhayin.” Paano ito naisakatuparan ng pantubos? “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” a
Oo, ang pananampalataya sa dugong itinigis ni Jesus ay nagbukas ng daan para mapatawad tayo sa ating kasalanan at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (1 Juan 1:7; 5:13) Makikinabang din ba sa pantubos ang mga namatay nating mahal sa buhay? “Yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao [si Jesus].”—1 Corinto 15:21.Walang regalo ang makapapantay rito dahil ang nagbigay nito ay ang pinakamataas na Persona. Wala ring regalong ibinigay udyok ng mapagsakripisyong pag-ibig na gaya ng kay Jesus. Walang sinuman ang makagagawa ng napakalaking sakripisyo para sa atin maliban sa Diyos na Jehova. Wala ring regalo ang makatutugon sa ating napakalaking pangangailangan maliban sa sakripisyo na magpapalaya sa atin sa kasalanan at kamatayan. Oo, walang anumang regalo ang makapapantay sa pantubos.
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa layunin ng Diyos na buhaying muli ang mga patay, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa www.jw.org/tl.