Eclesiastes 2:1-26

  • Pinag-isipan ni Solomon ang mga ginagawa niya (1-11)

  • Limitado ang pakinabang sa karunungan ng tao (12-16)

  • Walang kabuluhan ang pagpapakahirap (17-23)

  • Kumain, uminom, at masiyahan sa trabaho (24-26)

2  At sinabi ko sa sarili* ko: “Susubukan kong magsaya, at titingnan ko kung may mangyayaring maganda.” Pero iyon din ay walang kabuluhan.  2  Sinabi ko tungkol sa pagtawa, “Kabaliwan iyon!” At tungkol sa kasayahan, “Ano ang pakinabang nito?” 3  Sinubukan kong alamin kung anong mabuti ang idudulot ng pagpapakasasa sa alak+ nang hindi ako nawawala sa katinuan; nagpakamangmang din ako para malaman kung ano ang pinakamabuting gawin ng mga tao sa maikling buhay nila sa ibabaw ng lupa.* 4  Gumawa ako ng malalaking proyekto.+ Nagtayo ako ng maraming bahay para sa sarili ko;+ gumawa ako ng mga ubasan para sa sarili ko.+ 5  Gumawa ako ng mga hardin at parke para sa sarili ko, at tinamnan ko ang mga iyon ng iba’t ibang klase ng punong namumunga. 6  Gumawa ako ng mga imbakan ng tubig para sa sarili ko para madiligan ang taniman* ng lumalagong mga puno. 7  Nagkaroon ako ng mga aliping lalaki at babae,+ at may mga alipin ako na sa sambahayan ko na ipinanganak.* Nagkaroon din ako ng napakaraming alagang hayop—mga baka, tupa, at kambing+—mas marami kaysa sa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem. 8  Nagtipon ako ng pilak at ginto para sa sarili ko,+ ang mga kayamanan ng mga hari at ng* mga nasasakupan nilang distrito.+ Nagtipon ako ng mga lalaki at babaeng mang-aawit para sa sarili ko, pati na ng nagpapasaya nang husto sa mga anak na lalaki ng tao—babae, oo, maraming babae. 9  Kaya naging dakila ako at nahigitan ko ang lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem.+ At nanatili akong marunong. 10  Hindi ko ipinagkait sa sarili ko ang anumang gustuhin ko.*+ Ginawa ko ang lahat ng magpapasaya sa akin. At talagang nasiyahan ang puso ko dahil sa lahat ng pagsisikap ko, at ito ang gantimpala* ko para sa lahat ng pinaghirapan ko.+ 11  Pero nang pag-isipan ko ang lahat ng ginawa ko at lahat ng pinaghirapan ko,+ nakita kong ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin;+ walang anumang bagay na may tunay na halaga* sa ilalim ng araw.+ 12  At binigyang-pansin ko ang karunungan at ang kabaliwan at ang kahibangan.+ (Dahil ano ang magagawa ng tao na susunod sa hari? Kung ano lang din ang nagawa na.) 13  At nakita kong mas kapaki-pakinabang ang karunungan kaysa sa kahibangan,+ kung paanong mas kapaki-pakinabang ang liwanag kaysa sa kadiliman. 14  Bukás* ang mga mata ng marunong;+ pero ang mangmang ay lumalakad sa kadiliman.+ Nakita ko rin na iisa lang ang kahihinatnan nila.+ 15  At sinabi ko sa sarili* ko: “Mangyayari din sa akin ang nangyayari sa mangmang.”+ Ano ngayon ang nakuha ko sa pagpapakarunong? Kaya sinabi ko sa sarili ko: “Wala rin itong kabuluhan.” 16  Dahil hindi maaalaala magpakailanman ang marunong o ang mangmang.+ Balang-araw, ang lahat ay malilimutan. At paano ba mamamatay ang marunong? Katulad din ng mangmang.+ 17  Kaya kinamuhian ko ang buhay,+ dahil ang lahat ng ginagawa sa ilalim ng araw ay nakakadismaya sa akin, dahil ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan,+ paghahabol lang sa hangin.+ 18  Kinamuhian ko ang lahat ng pinaghirapan ko sa ilalim ng araw,+ dahil maiiwan ko lang din ito sa kasunod ko.+ 19  At sino ang nakaaalam kung magiging marunong siya o mangmang?+ Pero siya ang mamamahala sa lahat ng bagay na pinagbuhusan ko ng lakas at karunungan sa ilalim ng araw. Wala rin itong kabuluhan. 20  Kaya ikinalungkot ng puso ko ang lahat ng pinagpaguran ko sa ilalim ng araw. 21  Dahil kahit magpakahirap ang isang taong may karunungan, kaalaman, at kakayahan, ibibigay rin niya ang pinaghirapan niya* sa taong hindi nagpagod para dito.+ Ito rin ay walang kabuluhan at malaking kabiguan.* 22  Ano ba talaga ang nakukuha ng isang tao sa lahat ng pagsisikap niya at sa ambisyon na nagtutulak sa kaniya* na magtrabaho nang husto sa ilalim ng araw?+ 23  Dahil sa buong buhay niya, kirot at pagkadismaya ang dulot ng trabaho niya,+ at kahit sa gabi, hindi pa rin nagpapahinga ang isip* niya.+ Ito rin ay walang kabuluhan. 24  Wala nang mas mabuti para sa tao kundi ang kumain, uminom, at masiyahan* sa pinaghirapan niya.+ Nakita ko na ito rin ay mula sa kamay ng tunay na Diyos,+ 25  dahil sino ang nakakakain at nakaiinom ng mas masarap kaysa sa akin?+ 26  Ang taong kalugod-lugod sa kaniya ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman, at kasayahan,+ pero ang makasalanan ay ginagawa niyang abala sa pagtitipon ng mga bagay na ibibigay lang nito sa taong kalugod-lugod sa tunay na Diyos.+ Ito rin ay walang kabuluhan, paghahabol lang sa hangin.

Talababa

Lit., “puso.”
Lit., “sa silong ng langit.”
O “kagubatan.”
O “at nagkaroon ako ng mga anak sa sambahayan.”
O “mga pag-aaring nauukol sa mga hari at sa.”
Lit., “anumang hilingin ng mga mata ko.”
O “bahagi.”
O “may pakinabang.”
Lit., “Nasa ulo.”
Lit., “puso.”
O “ang lahat.”
O “kapahamakan.”
Lit., “at sa pagpupunyagi ng puso niya.”
Lit., “puso.”
O “at makakita ng mabuti.”