Mga Bilang 25:1-18

  • Nagkasala ang Israel dahil sa mga babaeng Moabita (1-5)

  • Kumilos si Pinehas (6-18)

25  Nang naninirahan ang Israel sa Sitim,+ ang bayan ay nakipagtalik* sa mga anak na babae ng Moab.+ 2  Inimbitahan ng mga babae ang bayan na sumama sa paghahain sa mga diyos nila,+ at ang bayan ay kumain at yumukod sa mga diyos nila.+ 3  Kaya ang Israel ay sumamba rin sa Baal ng Peor;+ galit na galit si Jehova sa Israel. 4  Sinabi ni Jehova kay Moises: “Tipunin mo ang lahat ng nanguna sa mga taong ito at ibitin ang mga katawan nila sa harap ni Jehova habang tirik ang araw,* para humupa ang nag-aapoy na galit ni Jehova sa Israel.” 5  Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga hukom ng Israel:+ “Dapat patayin ng bawat isa sa inyo ang mga lalaking sumamba sa Baal ng Peor.”+ 6  Pero nang pagkakataong iyon, dinala ng isang Israelita sa loob ng kampo ang isang babaeng Midianita.+ Nakita ito ni Moises at ng buong Israel habang umiiyak sila sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 7  Nang makita ito ni Pinehas+ na anak ni Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, agad siyang kumilos sa harap ng bayan at kumuha ng sibat. 8  Sinundan niya ang lalaking Israelita sa tolda at tinuhog ang dalawa, ang Israelita at ang babae sa ari nito. Kaya natigil ang salot sa mga Israelita.+ 9  Ang namatay sa salot ay 24,000.+ 10  Sinabi ni Jehova kay Moises: 11  “Nawala ang galit ko sa bayan ng Israel dahil kay Pinehas+ na anak ni Eleazar na anak ni Aaron na saserdote. Hindi niya hinayaang magkaroon ako ng karibal sa gitna nila+ dahil humihiling ako ng bukod-tanging debosyon.*+ Kaya naman hindi ko nilipol ang mga Israelita. 12  Dahil dito, sabihin mo, ‘Nakikipagtipan ako sa kaniya para sa kapayapaan. 13  Iyon ay magiging tipan ng pagkasaserdote hanggang sa panahong walang takda para sa kaniya at sa mga supling niya,+ dahil hindi niya hinayaang magkaroon ng karibal ang Diyos niya+ at dahil nagbayad-sala siya para sa bayan ng Israel.’” 14  Ang Israelitang pinatay kasama ng Midianita ay si Zimri na anak ni Salu, pinuno ng isang angkan ng mga Simeonita. 15  Ang babaeng Midianita na pinatay ay si Cozbi na anak ni Zur,+ pinuno ng isang angkan* sa Midian.+ 16  Nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Moises: 17  “Salakayin ninyo ang mga Midianita at pabagsakin sila,+ 18  dahil ipinahamak nila kayo gamit ang tusong pakana para magkasala kayo sa Peor.+ Ginamit din nila si Cozbi, ang anak ng isang pinuno sa Midian na pinatay+ sa araw ng salot dahil sa nangyari sa Peor.”+

Talababa

O “gumawa ng seksuwal na imoralidad.”
O “habang maliwanag.”
O “dahil hindi ako pumapayag na magkaroon ng kahati.”
O “lipi.”