Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

A1

Pamantayan sa Pagsasalin ng Bibliya

Ang Bibliya ay unang isinulat sa sinaunang wikang Hebreo, Aramaiko, at Griego. Sa ngayon, ang buong Bibliya o ang ilang bahagi nito ay mababasa sa mahigit 3,000 wika. Hindi naiintindihan ng karamihan sa mga nagbabasa ng Bibliya ang mga wikang ginamit sa pagsulat dito, kaya kailangan nila ng isang salin sa sarili nilang wika. Ano dapat ang mga pamantayan sa pagsasalin ng Bibliya? At paano ito sinunod sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan?

Iniisip ng ilan na ang salin ng Bibliya ay dapat na literal at salita-por-salita para makuha ng mambabasa ang eksaktong sinabi sa orihinal na mga wika. Pero hindi iyan laging totoo. Narito ang ilang dahilan:

  • Bawat wika ay may sariling gramatika, bokabularyo, at paraan ng pagbuo ng pangungusap. Isinulat ni S. R. Driver, isang propesor sa wikang Hebreo, na ang mga wika ay “nagkakaiba-iba hindi lang sa gramatika at salitang-ugat, kundi pati . . . sa paraan ng pagbuo ng mga ideya sa isang pangungusap.” Kaya ang isang taong nagsasalita ng isang partikular na wika ay ibang mag-isip sa nagsasalita ng ibang wika. “Dahil dito,” ang sabi pa ni Propesor Driver, “hindi pare-pareho ang pagbuo ng mga pangungusap sa iba’t ibang wika.”

  • Walang wika sa ngayon ang parehong-pareho ng bokabularyo at gramatika ng Hebreo, Aramaiko, at Griego, na ginamit sa Bibliya, kaya ang salita-por-salitang salin nito ay baka hindi maintindihan o baka magbigay pa nga ng maling kahulugan.

  • Puwedeng magbago ang kahulugan ng isang salita o parirala depende sa konteksto.

Maisasalin nang literal ang ilang bahagi ng Bibliya, pero dapat maging napakaingat sa paggawa nito.

Narito ang ilang halimbawa ng salita-por-salitang salin na posibleng magbigay ng maling kahulugan:

  • Ginagamit sa Kasulatan ang salitang “tulog” para tumukoy sa pagtulog at sa kamatayan. (Mateo 28:13; Gawa 7:60) Kapag ginagamit ang salitang ito para tumukoy sa kamatayan, puwedeng gamitin ng mga tagapagsalin ang pananalitang “natulog sa kamatayan” o “namatay” para hindi malito ang mambabasa.—1 Corinto 15:51, talababa; 1 Tesalonica 4:13; 2 Pedro 3:4.

  • Sa Efeso 4:14, gumamit si apostol Pablo ng pananalita na kapag isinalin nang literal ay “sa paglalaro ng dais (dice) ng mga tao.” Ipinahihiwatig ng lumang idyomang ito ang pandaraya ng ilan kapag gumagamit ng dice. Sa maraming wika, hindi ito maiintindihan kung isasalin nang literal. Pero magiging malinaw ang kahulugan nito kung isasalin ito na “mga taong nandaraya.”

  • Sa Roma 12:11, ginamit ang Griegong pananalita na literal na nangangahulugang “kumukulo sa espiritu.” Kung ganito ang salin sa Tagalog, hindi maitatawid ang tamang kahulugan, kaya naman isinalin itong ‘masigasig dahil sa banal na espiritu.’

  • MATEO 5:3

    Literal na salin: “mga dukha sa espiritu”

    Ideya: “mga palaisip sa espirituwal na pangangailangan nila”

    Sa kilalang Sermon sa Bundok, gumamit si Jesus ng pananalita na kadalasang isinasalin na “Pinagpala ang mga dukha sa espiritu.” (Mateo 5:3, King James Version) Sa maraming wika, mali ang naitatawid na kahulugan ng literal na saling ito o kaya ay talagang hindi ito maintindihan. Pero ito ang talagang itinuturo ni Jesus: Hindi nagiging maligaya ang tao dahil sa pagkakaroon ng pang-araw-araw na pangangailangan; magiging maligaya siya kung nauunawaan niyang kailangan niya ang patnubay ng Diyos. (Lucas 6:20) Kaya ang salin na ang “mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos” o “mga palaisip sa espirituwal na pangangailangan nila” ay mas nakapagtatawid ng tumpak na kahulugan ng orihinal na pananalita.—Mateo 5:3; talababa.

  • Sa maraming konteksto, ang salitang Hebreo na qin·ʼahʹ ay tumutukoy sa selos o inggit. (Kawikaan 6:34; Isaias 11:13) Pero may magandang kahulugan din ang salitang Hebreong ito. Halimbawa, puwede itong gamitin para sa “sigasig,” o matinding pagmamahal at pagmamalasakit, na ipinapakita ni Jehova sa mga lingkod niya, gayundin sa ‘paghiling niya ng bukod-tanging debosyon.’ (Exodo 34:14; 2 Hari 19:31; Ezekiel 5:13; Zacarias 8:2, talababa) Puwede rin itong tumukoy sa “sigasig” ng tapat na mga lingkod ng Diyos para sa kaniya at sa pagsamba sa kaniya o sa ‘hindi nila pagpayag na magkaroon ng karibal’ ang Diyos.—Awit 69:9; 119:139; Bilang 25:11.

  • Ang salitang Hebreo na yadh ay karaniwang isinasalin na “kamay,” pero depende sa konteksto, isinasalin din itong “pagkabukas-palad,” “pamamahala,” “kapangyarihan,” at iba pa

    Ang salitang Hebreo na kadalasang tumutukoy sa kamay ng tao ay may iba’t ibang kahulugan. Depende sa konteksto, ang salitang ito ay puwedeng isalin na “pagkabukas-palad,” “pamamahala,” o “kapangyarihan.” (1 Hari 10:13; 2 Cronica 17:15; Kawikaan 18:21) Ang totoo, ang salitang ito ay isinalin sa mahigit 40 paraan sa Ingles na Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.

Kaya makikita natin na sa pagsasalin ng Bibliya, hindi puwedeng isang salita lang ang laging katumbas ng bawat salita sa orihinal na wika. Dapat pag-isipang mabuti ng tagapagsalin kung anong salita ang gagamitin niya para matiyak na nakuha ang ideyang itinatawid ng orihinal na wika. Kailangan din niyang buoin ang mga pangungusap ayon sa gramatika ng wika niya para madaling basahin ang salin.

Pero hindi rin siya dapat masyadong lumayo sa pananalitang ginamit sa orihinal na wika. Kung basta isasalin ng tagapagsalin ang Bibliya ayon sa iniisip niyang ibig sabihin nito, puwedeng maging mali ang salin niya. Bakit? Dahil baka maisingit niya ang opinyon niya sa kahulugan ng orihinal na teksto o baka may maalis siyang mahahalagang detalye. Kaya kahit madaling basahin ang gayong istilo ng pagsasalin ng Bibliya, puwede itong makahadlang sa mambabasa na makuha ang totoong mensahe ng teksto.

Posible ring makaapekto sa salin ang relihiyosong mga paniniwala ng tagapagsalin. Halimbawa, sinasabi ng Mateo 7:13: “Malapad ang daang papunta sa pagkapuksa.” Ang ilang tagapagsalin, na posibleng naimpluwensiyahan ng paniniwala nila, ay gumamit ng terminong “impiyerno” sa halip na “pagkapuksa,” na siyang tunay na kahulugan ng terminong Griego.

Dapat ding tandaan ng tagapagsalin na isinulat ang Bibliya sa wikang ginagamit araw-araw ng ordinaryong mga tao, gaya ng mga magsasaka, pastol, at mangingisda. (Nehemias 8:8, 12; Gawa 4:13) Kaya ang isang mahusay na salin ng Bibliya ay dapat na naiintindihan ng tapat-pusong mga tao, anuman ang pinagmulan o kalagayan nila. Mas magandang gumamit ng mga salitang malinaw, pangkaraniwan, at madaling maintindihan imbes na mga salitang bihirang gamitin ng ordinaryong mga tao.

Maraming tagapagsalin ang basta na lang nag-alis ng pangalan ng Diyos na Jehova sa mga bagong salin nila ng Bibliya kahit na ang pangalang ito ay nasa sinaunang mga manuskrito ng Bibliya. (Tingnan ang Apendise A4.) Sa maraming salin, ang pangalang ito ay pinalitan ng titulong gaya ng “Panginoon,” at itinatago pa nga ng ilang salin na may pangalan talaga ang Diyos. Halimbawa, ganito isinalin ng ilan ang panalangin ni Jesus sa Juan 17:26: “Ipinakilala kita sa kanila,” at sa Juan 17:6, “Inihayag kita sa mga ibinigay mo sa akin.” Pero ito ang tumpak na salin sa panalangin ni Jesus: “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo,” at “Ipinakilala ko ang pangalan mo sa mga taong ibinigay mo sa akin.”

Gaya ng sinabi sa paunang salita ng orihinal na edisyon sa Ingles ng Bagong Sanlibutang Salin: “Hindi namin binigyan ng pakahulugan ang Kasulatan. Sinikap naming maisalin ito nang literal hangga’t ipinapahintulot ng modernong gamit ng wikang Ingles at kapag napalilitaw naman ang kahulugan.” Kaya sinikap ng New World Bible Translation Committee na maging timbang—gumamit sila ng pananalitang malapit sa pagkakasabi sa orihinal pero iniwasan nila ang mga salitang nagpapalabo ng kahulugan o hindi natural basahin. Bilang resulta, ang Bibliya ay madali nang basahin, at makapagtitiwala ang mambabasa na tumpak na naitawid ang mensahe mula sa Diyos.—1 Tesalonica 2:13.