Liham kay Tito 3:1-15

3  Patuloy mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad,+ na maging handa sa paggawa ng mabuti, 2  na huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman,+ at na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran+ at mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.+ 3  Dahil tayo rin noon ay mga mangmang, masuwayin, naililigaw, alipin ng mga pagnanasa at kaluguran, gumagawa ng masama at mainggitin, kasuklam-suklam, at napopoot sa isa’t isa. 4  Pero ipinakita ng Diyos na ating Tagapagligtas ang kaniyang kabaitan+ at pag-ibig sa mga tao 5  (hindi dahil sa anumang matuwid na nagawa natin,+ kundi dahil sa kaniyang awa).+ Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis sa atin, kung kaya nagkaroon tayo ng bagong buhay,+ at sa pamamagitan ng banal na espiritu na ginamit niya para gawin tayong bago.+ 6  Sagana niyang ibinuhos sa atin ang espiritung ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Tagapagligtas,+ 7  para kapag naipahayag na tayong matuwid dahil sa walang-kapantay na kabaitan niya,+ maging mga tagapagmana rin tayo+ ng buhay na walang hanggan na inaasam natin.+ 8  Mapananaligan ang mga pananalitang ito, at gusto kong lagi mong idiin ang mga bagay na ito para ang isip ng mga sumasampalataya sa Diyos ay manatiling nakapokus sa paggawa ng mabuti. Ang mga ito ay mabuti at kapaki-pakinabang para sa mga tao. 9  Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga argumento,+ mga talaangkanan, mga pag-aaway, at mga pagtatalo tungkol sa Kautusan, dahil ang mga iyon ay walang saysay at walang pakinabang.+ 10  Kung tungkol sa isang tao na nagtataguyod ng isang sekta,+ itakwil mo siya+ matapos paalalahanan nang dalawang beses,+ 11  dahil alam mong lumihis na sa daan ang gayong tao at nagkakasala na siya at nahatulan na dahil sa sarili niyang paggawi. 12  Kapag isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico,+ sikapin mong makapunta sa akin sa Nicopolis, dahil doon ko piniling magpalipas ng taglamig. 13  Pagsikapan mong maibigay kay Zenas, na bihasa sa Kautusan, at kay Apolos+ ang mga kailangan nila sa paglalakbay para hindi sila magkulang ng anuman.+ 14  Pero hayaan mong matutuhan din ng mga kapatid natin na laging gumawa ng mabuti para makatulong sila sa panahon ng pangangailangan,+ nang sa gayon ay lagi silang maging mabunga.+ 15  Kinukumusta ka ng lahat ng kasama ko. Iparating mo ang pagbati ko sa mga kapananampalataya nating nagmamahal sa amin. Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan.

Talababa

Study Notes

maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad: Ibig sabihin, sa mga tagapamahala sa lupa. May mga nasa awtoridad noon na kilaláng di-makatarungan, at rebelyoso naman ang mga sakop nila. Pero gusto ni Pablo na paalalahanan ni Tito ang mga Kristiyano sa Creta na igalang pa rin ang mga nasa awtoridad at sumunod sa mga ito, maliban na lang kung labag sa utos ng Diyos ang ipinapagawa ng mga ito.—Mat 22:21; Gaw 5:29; Ro 13:1-7.

maging handa sa paggawa ng mabuti: Malawak ang kahulugan ng ekspresyong “paggawa ng mabuti,” at puwedeng saklaw nito ang paggawa ng iba’t ibang mabubuting bagay para sa iba. (Tingnan ang study note sa Tit 2:14.) Posibleng kasama sa tinutukoy dito ni Pablo ang paggawa ng mga bagay na hinihiling ng sekular na mga awtoridad sa mga mamamayan nito. Masusunod agad ng mga Kristiyano ang ipinapagawa ng mga ito basta hindi ito labag sa mga utos ng Diyos. (Mat 5:41 at study note; Ro 13:1, 7) Gayundin, kapag tinamaan ng likas na mga sakuna o iba pang trahedya ang isang komunidad, dapat na maging handa ang mga Kristiyano na tumulong hindi lang sa mga kapananampalataya nila, kundi pati na rin sa iba. (Gal 6:10) Sa paggawa nito, maipapakita ng tunay na mga Kristiyano na marami silang naitutulong sa lipunan.—Mat 5:16; Tit 2:7, 8; 1Pe 2:12.

huwag maging palaaway: Gusto ni Pablo na iwasan ng mga Kristiyano na maging palaban sa kapuwa nila, kasama na ang mga sekular na awtoridad. (Tit 3:1) Ayon sa ilang diksyunaryo, ang salitang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “mapagpayapa.” Lumitaw rin ang ekspresyong ito sa listahan ng mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa.—1Ti 3:3.

makatuwiran: Tingnan ang study note sa Fil 4:5; 1Ti 3:3.

mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao: Ang isang taong mahinahon ay kalmado kahit maigting ang sitwasyon, at mapayapa niyang napapakitunguhan ang iba, kahit na ang mga hindi niya kapananampalataya. Sa orihinal na Griego, dalawang beses ginamit sa talatang ito ang salita para sa “lahat.” Kaya ayon sa isang reperensiya, dapat na “lubusang ipakita” ang katangiang ito “nang walang pagtatangi, kundi ‘sa lahat.’”—Tingnan ang study note sa Gal 5:23.

tayo rin noon ay mga mangmang: Sa kontekstong ito, ang salitang Griego para sa “mangmang” ay hindi tumutukoy sa mga mapurol ang isip, kundi sa mga kulang sa karunungan. Nang gamitin ni Pablo ang salitang “tayo,” ipinapahiwatig niya na naging mangmang din siya noon nang pag-usigin niya ang mga tagasunod ni Kristo. (1Ti 1:13) Pero pinagpakitaan ng awa si Pablo, at nagbago siya. (Gaw 9:17) Kaya may dahilan si Pablo para hilingin kay Tito na ipaalala sa mga Kristiyano sa Creta na dati rin silang walang alam sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Kapag mapagpakumbabang kinilala ng mga Kristiyanong iyon na marami rin silang pangit na ugali noon, malamang na mas pagsisikapan nilang maging mahinahon at makatuwiran sa pakikitungo sa mga hindi pa mánanampalatayá.

Diyos na ating Tagapagligtas: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:1.

kaniyang . . . pag-ibig sa mga tao: Inilalarawan dito ni Pablo ang nadarama ng Diyos, na “ating Tagapagligtas,” para sa mga tao, kasama na ang mga hindi pa naglilingkod sa kaniya. (Ju 3:16) Ayon sa isang diksyunaryo, ang salitang Griego na phi·lan·thro·piʹa (“pag-ibig sa mga tao”) sa kontekstong ito ay tumutukoy sa “pag-ibig at interes [ng Diyos] sa mga tao.” (Ihambing ang study note sa Gaw 28:2; tingnan din ang Tit 2:11.) Ginagamit kung minsan ang terminong Griegong ito sa sekular na mga akda noon para tumukoy sa isang hukom na nagpakita ng awa sa isang taong nahatulang may-sala.

paglilinis sa atin, kung kaya nagkaroon tayo ng bagong buhay: O “paghuhugas sa atin, kung kaya muli tayong naisilang.” Para kay Pablo at sa kapuwa niya mga Kristiyano, ang “paglilinis” dito ay hindi tumutukoy sa bautismo nila sa tubig, kundi sa paglilinis na tinutukoy ni apostol Juan nang isulat niya: “Nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan.” (1Ju 1:7) Nang linisin ng Diyos si Pablo at ang kapuwa niya mga Kristiyano sa pamamagitan ng pantubos, masasabing “nagkaroon [na sila] ng bagong buhay.” ‘Naipahayag na silang matuwid dahil sa pananampalataya.’—Ro 5:1.

sa pamamagitan ng banal na espiritu na ginamit niya para gawin tayong bago: Bukod sa paglilinis ng Diyos na naunang binanggit, pinahiran niya rin si Pablo at ang ilan pang Kristiyano at inampon sila. Kaya naging “bagong nilalang” sila. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:17.) Bilang pinahirang mga anak ng Diyos, “bago” na, o ibang-iba na, ang buhay nila dahil sa pag-asa nilang mabuhay magpakailanman sa langit.—Ihambing ang study note sa Ju 3:5.

ibinuhos sa atin ang espiritung ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo: Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay karaniwan nang tumutukoy sa pagbubuhos ng likido; pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ginagamit ito kung minsan para tumukoy sa pagbubuhos ng aktibong puwersa ng Diyos sa mga tagasunod ni Kristo. (Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”) Ito rin ang terminong ginamit para sa pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. (Tingnan ang mga study note sa Gaw 2:17.) Sinasabi sa Gaw 2:16-18 na ang pangyayaring ito ang katuparan ng hula ni Joel. (Joe 2:28) Ipinaliwanag sa Gaw 2:33 na “tinanggap [ni Jesus] ang banal na espiritu” mula sa kaniyang Ama at ibinuhos niya ito sa mga alagad niya noong Pentecostes. Sinasabi dito ni Pablo na patuloy na ginagamit ni Jehova si Jesus para maibuhos Niya sa iba ang Kaniyang aktibong puwersa.

Jesu-Kristo na ating Tagapagligtas: Tingnan ang study note sa Tit 1:4; 2:13.

naipahayag na tayong matuwid: Tingnan ang study note sa Ro 3:24.

walang-saysay na mga argumento: Gaya ng huwad na mga guro sa Efeso, ang ilan sa Creta ay nagtataguyod ng mga argumentong walang saysay at nakakasira sa pagkakaisa. (Tingnan ang study note sa 2Ti 2:23.) Tungkol man ito sa Kautusang Mosaiko, mga talaangkanan, o mga kuwentong di-totoo, pinayuhan ni Pablo si Tito na iwasan ang ganitong mga pagtatalo. Ipinapahiwatig ng salitang Griego na ginamit ni Pablo na dapat talikuran ang mga ito. Kapag ginawa ito ni Tito, makikita ng iba na pag-aaksaya lang ng oras at lakas ang makisali sa walang-saysay na mga argumento.

mga talaangkanan: Tingnan ang study note sa 1Ti 1:4.

mga pagtatalo tungkol sa Kautusan: Wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano. (Ro 6:14; Gal 3:24, 25) Pero ipinipilit pa rin ng ilan sa mga kongregasyon na dapat sumunod ang mga Kristiyano sa maraming tuntunin ng Kautusan. (Tit 1:10, 11) Sa paggawa niyan, itinatakwil nila ang paraan ng Diyos para mailigtas ang mga tao, ang haing pantubos ni Kristo Jesus.—Ro 10:4; Gal 5:1-4; tingnan ang study note sa Gal 2:16; 1Ti 1:8.

dahil ang mga iyon ay walang saysay at walang pakinabang: Inilarawan ni Pablo ang mga isyung binanggit niya na walang pakinabang, o gaya ng sinabi sa isang diksyunaryo, “walang maidudulot na anumang mabuti.” Inilarawan niya rin ang mga ito na walang saysay o “walang kabuluhan, . . . hindi totoo.” Ayaw ni Pablo na mawala ang pokus ng mga Kristiyanong Cretense sa paglilingkod sa Diyos dahil lang sa pakikisali sa mga argumentong nakakaubos ng oras at nakakasira ng pagkakaisa.

isang tao na nagtataguyod ng isang sekta: O “isang tao na gumagawa ng pagkakabaha-bahagi.”—Tingnan sa Glosari, “Sekta,” at study note sa Gaw 24:5; 1Co 11:19.

itakwil mo siya: O “putulin mo na ang kaugnayan mo sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng mangahulugang paalisin ang isa, halimbawa, palayasin sa bahay. Kapag nagsimulang magtaguyod ng isang sekta ang isang kapatid sa kongregasyon, maibigin siyang papayuhan ng matatandang lalaki. Pero kung hindi pa rin siya magbago, ‘itatakwil’ siya ng matatandang lalaki; lumilitaw na ang ibig sabihin nito ay aalisin nila siya sa kongregasyon. (Ro 16:17; 1Co 5:12, 13; 1Ti 1:20; 2Ju 10) Kung hindi, masisira niya ang pagkakaisa ng kongregasyon.—2Ti 2:16-18.

paalalahanan: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo at pagpatnubay. (Tingnan ang study note sa Efe 6:4.) Pero sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa “pagbibigay ng babala.”—Ihambing ang 1Te 5:14 at study note.

lumihis na sa daan: Inilalarawan ng ekspresyong ito ang isang tao na lumihis “mula sa kung ano ang tinatanggap na totoo o tama.” Ayon sa ilang iskolar, ang orihinal na pandiwang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “bumaligtad,” na puwedeng magpahiwatig na binabaluktot ng isa ang katotohanan mula sa Kasulatan. Dapat itakwil, o alisin sa kongregasyon, ang ganitong tao.

nahatulan na dahil sa sarili niyang paggawi: Ipinapakita ng ekspresyong ito kung gaano kaseryoso ang pagtataguyod ng sekta sa kongregasyon. May ilan na may pag-aalinlangan lang pero handa namang makinig; pero hindi ganiyan ang isang taong ayaw pa ring magbago “matapos paalalahanan nang dalawang beses.” (Tit 3:10; Jud 22, 23) Nahatulan na siya at mapupuksa sa hinaharap dahil sa katigasan ng ulo niya at sadyang pagsira sa pagkakaisa ng kongregasyon.—2Pe 2:1.

Artemas: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang binanggit ang kasamahan ni Pablo na si Artemas. Inisip ni Pablo na ipadala siya o si Tiquico sa Creta, posibleng para palitan doon si Tito at mapuntahan nito si Pablo sa Nicopolis. (Tingnan sa Media Gallery, “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”) Walang ulat kung kailan at saan nakilala ni Pablo si Artemas, pero maliwanag na pinagkakatiwalaan niya ito at iniisip niyang magagampanang mabuti ni Artemas ang atas.

Tiquico: Tingnan ang study note sa Col 4:7.

maibigay . . . ang mga kailangan nila sa paglalakbay: Malawak ang kahulugan ng terminong Griego na isinalin ditong “maibigay . . . ang mga kailangan nila sa paglalakbay.” Puwede pa nga itong mangahulugan na samahan sila sa ilang bahagi o sa buong paglalakbay nila. (Ihambing ang Gaw 20:38; 21:5; Ro 15:24; 1Co 16:6.) Ayon sa isang reperensiya, posibleng hinihiling dito ni Pablo kay Tito na paglaanan niya sina Zenas at Apolos ng “pagkain, pera, mga kasama sa paglalakbay, transportasyon, at tutuluyan.” Ipinaliwanag pa ng isang reperensiya: “Karaniwan noon sa mga Kristiyano na ilaan ang mga pangangailangan ng mga naglalakbay na kapananampalataya nila. Kailangan ito dahil napakahirap maglakbay noon, at mas magiging komportable ang mga Kristiyanong naglalakbay kung kasama nila ang mga kapuwa nila Kristiyano.” Dito, pinasigla ni Pablo si Tito na pagsikapan itong gawin, na sa orihinal na Griego ay puwedeng mangahulugang “pag-isipang mabuti at gawin nang may pananabik.”—Ihambing ang study note sa Fil 2:30; 2Ti 4:21.

Zenas, na bihasa sa Kautusan: Lit., “Zenas na abogado.” Ang salitang Griego na ginamit dito (no·mi·kosʹ) ay puwedeng tumukoy sa isang abogado, pero malamang na ginamit ito ni Pablo para ilarawan si Zenas bilang eksperto sa Kautusang Mosaiko. Kung gayon, posibleng Judio si Zenas at isang eskriba pa nga. Pero ang Zenas ay isang pangalang Griego, kaya posibleng Gentil siya na nakumberte sa Judaismo bago naging Kristiyano. Posible ring Judio siya na may pangalang Griego; maraming Judio noong panahon ni Pablo ang may pangalang Griego o Romano. (Gaw 1:23; 9:36 at study note; 12:25) Alinman diyan ang totoo, makikita sa mga bilin ni Pablo kay Tito na isang mahusay na Kristiyano si Zenas.

Apolos: Ito ang huling beses na binanggit ang tapat na lalaking ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Una siyang binanggit sa aklat ng Gawa. Nang mangaral siya sa Efeso, “mahusay [na] siyang magsalita,” pero kailangan niya pang maturuan. Pagkatapos, nagpunta siya sa Acaya, at “malaki ang naitulong niya” sa mga alagad doon. (Gaw 18:24-28; tingnan ang study note sa Gaw 18:24.) Napakataas ng tingin sa kaniya ng mga kapatid, kaya ang ilang taga-Corinto na mahina sa espirituwal ay parang naging tagasunod na ni Apolos at ang iba naman ay ni Pablo. (1Co 1:12; 3:5, 6) Pero hindi ito nakaapekto kay Apolos, at hindi rin sumamâ ang tingin ni Pablo sa masigasig na misyonerong ito. (Tingnan ang study note sa 1Co 16:12.) Sa talatang ito, binilinan ni Pablo si Tito na ‘pagsikapang ibigay’ ang mga pangangailangan ni Apolos sa paglalakbay, na posibleng para sa atas nitong dalawin ang mga kongregasyon bilang naglalakbay na tagapangasiwa.

Sumainyo nawang lahat: Kahit na kay Tito patungkol ang liham na ito ni Pablo, ipinapakita ng ekspresyong ito na gusto ng apostol na mabasa ang liham na ito sa buong kongregasyon. Mapapatibay nito ang lahat na makipagtulungan kay Tito kapag may itinutuwid siya (Tit 1:5, 10), nag-aatas siya ng matatandang lalaki (Tit 1:6-9), sumasaway (Tit 1:13; 2:15), nagbibigay ng paulit-ulit na paalala (Tit 3:1, 8), at humihingi ng materyal na tulong para sa mga nangangailangan (Tit 3:13, 14).

Media

Ang Lunsod ng Nicopolis
Ang Lunsod ng Nicopolis

Makikita sa mapa ang Romanong lunsod ng Nicopolis na nasa rehiyong Epirus, na ngayon ay ang hilagang-kanlurang Greece. Maraming lunsod noon ang may pangalang Nicopolis, na ang ibig sabihin ay “Lunsod ng Pananaig [Tagumpay].” Pero posibleng ito ang Nicopolis na binanggit sa Bibliya na pinuntahan ni Pablo pagkatapos ng unang pagkabilanggo niya sa Roma. (Tit 3:12; tingnan ang mapa na “Mga Paglalakbay ni Pablo Pagkatapos ng mga 61 C.E.”) Itinatag ni Octavian (nang maglaon ay naging si Cesar Augusto) ang Nicopolis pagkatapos ng 31 B.C.E. Marami ang inilipat dito para manirahan, at naging sentro ng kalakalan ang bagong lunsod na ito. Posibleng inisip ni Pablo na magandang lugar ito para magpatotoo sa panahon ng taglamig kaya pinlano niyang manatili dito. Iniisip ng ilan na sa Nicopolis inaresto si Pablo at pinabalik sa Roma para sa ikalawa at huling pagkabilanggo niya. (Tingnan ang study note sa Gaw 28:30.) Makikita sa mga larawan ang hitsura ngayon ng sinaunang Nicopolis.

1. Paagusan ng Roma; posibleng sinimulan itong itayo noong naghahari si Cesar Nero (54-68 C.E.)

2. Makikita sa malayo ang mga daungan ng Nicopolis, at nasa bandang harap ng larawan ang Odeum (maliit na teatro), na posibleng itinayo noong unang bahagi ng ikalawang siglo C.E.