Liham sa mga Taga-Roma 12:1-21

12  Kaya mga kapatid, dahil maawain ang Diyos, nakikiusap ako sa inyo na iharap ninyo ang inyong katawan+ bilang isang haing buháy, banal,+ at katanggap-tanggap sa Diyos,+ para makapaglingkod kayo sa kaniya* gamit ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.+ 2  At huwag na kayong magpahubog sa sistemang ito,+ kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip,+ para mapatunayan ninyo sa inyong sarili+ kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Diyos. 3  Sa pamamagitan ng walang-kapantay* na kabaitan na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat na huwag mag-isip nang higit tungkol sa sarili kaysa sa nararapat,+ kundi ipakita ninyo ang katinuan ng inyong pag-iisip+ ayon sa pananampalataya na ibinigay* ng Diyos sa bawat isa sa inyo.+ 4  Kung paanong ang isang katawan ay binubuo ng maraming bahagi+ na magkakaiba ng gawain, 5  tayo rin, kahit marami, ay isang katawan kaisa ni Kristo at mga bahaging magkakaugnay.+ 6  At dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, tumanggap ang bawat isa sa atin ng iba’t ibang kakayahan,*+ kaya kung ito ay may kinalaman sa panghuhula, manghula tayo ayon sa taglay nating pananampalataya; 7  kung sa paglilingkod sa iba, patuloy tayong maglingkod;* kung sa pagtuturo, patuloy siyang magturo;+ 8  kung sa pagpapatibay, patuloy siyang magpatibay;+ kung sa pamamahagi, maging mapagbigay siya;+ kung sa pangangasiwa, maging masipag* siya;+ o kung sa pagpapakita ng awa, gawin niya ito nang buong puso.+ 9  Mahalin ninyo ang isa’t isa nang walang pagkukunwari.*+ Kamuhian ninyo ang masama;+ ibigin ninyo ang mabuti.+ 10  Magmahalan kayo bilang magkakapatid at maging magiliw sa isa’t isa.+ Mauna kayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba.+ 11  Maging masipag kayo, hindi tamad.*+ Maging masigasig kayo dahil sa banal na espiritu.+ Magpaalipin kayo para kay Jehova.+ 12  Magsaya kayo dahil sa pag-asa ninyo. Magtiis kayo habang nagdurusa.+ Magmatiyaga kayo sa pananalangin.+ 13  Magbigay kayo sa mga alagad* ayon sa pangangailangan nila.+ Maging mapagpatuloy kayo.+ 14  Humiling sa Diyos ng pagpapala para sa mga mang-uusig,+ at huwag ninyo silang sumpain.+ 15  Makipagsaya sa mga nagsasaya; makiiyak sa mga umiiyak. 16  Ituring ninyo ang iba na gaya ng inyong sarili; huwag maging mapagmataas,* kundi maging mapagpakumbaba.+ Huwag ninyong isiping matalino kayo.+ 17  Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama.+ Gawin kung ano ang mabuti sa pananaw ng lahat ng tao. 18  Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.+ 19  Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyang-daan ninyo ang poot;+ dahil nasusulat: “‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,’ sabi ni Jehova.”+ 20  Kundi “kung nagugutom ang kaaway mo, pakainin mo siya; kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng maiinom; dahil sa paggawa nito, makapagtutumpok ka ng baga sa ulo niya.”+ 21  Huwag kang padaig sa masama, kundi patuloy na daigin ng mabuti ang masama.+

Talababa

O “para makapag-ukol kayo sa kaniya ng sagradong paglilingkod.”
O “itinakda; ibinahagi.”
O “di-sana-nararapat.”
O “kaloob.”
O “kung sa isang ministeryo, magpatuloy tayo sa ministeryong ito.”
O “masigasig.”
O “pagpapaimbabaw.”
O “Huwag magmakupad sa inyong gawain.”
Lit., “banal.”
O “huwag mag-isip ng matatayog na bagay.”

Study Notes

Kaya: Lumilitaw na ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para pag-ugnayin ang naunang bahagi ng liham niya at ang susunod niyang sasabihin. Parang sinasabi niya: “Pagkatapos ninyong marinig ang ipinaliwanag ko, nakikiusap akong gawin ninyo ang susunod kong sasabihin.” Ipinaliwanag ni Pablo na parehong may pagkakataon ang mga Judio at mga Gentil na maipahayag na matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya nila, hindi ng kanilang mga gawa, at makasama ni Kristo na mamahala. (Ro 1:16; 3:20-24; 11:13-36) Simula sa kabanata 12, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na maging mapagpasalamat at ipakita ang kanilang pananampalataya at pagtanaw ng utang na loob sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos at pagiging mapagsakripisyo.

iharap ninyo ang inyong katawan: Sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay pumapatay ng mga hayop at inihaharap ang mga ito bilang handog. Isang beses lang nila puwedeng ihandog ang mga iyon. Pero sa mga Kristiyano, lagi nilang inihaharap ang kanilang katawan, o buong pagkatao, bilang isang haing buháy. Kasama sa “haing” ito ang isip, puso, at lakas ng isang tao—ang lahat ng mayroon siya. Sangkot sa paghahandog na ito ang lahat ng aspekto ng buhay niya. Sinabi pa ni Pablo na ang handog na ito ng isang Kristiyano ay dapat na banal at katanggap-tanggap sa Diyos. Gaya ito ng paghahandog noon ng mga Israelita; hindi sila dapat magdala ng di-katanggap-tanggap na mga handog, gaya ng mga hayop na pilay o may iba pang depekto. (Lev 22:19, 20; Deu 15:21; Mal 1:8, 13) Kaya ang mga Kristiyano ay dapat magkaroon ng malinis na pamumuhay na kaayon ng mga pamantayan ng Diyos para maging katanggap-tanggap ang mga handog nila.

makapaglingkod kayo: O “makapag-ukol kayo ng sagradong paglilingkod; makasamba kayo.” Ang salitang Griego na ginamit dito, la·treiʹa, ay tumutukoy sa mga gawa ng pagsamba. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang ito ay ginagamit kung minsan may kaugnayan sa pagsamba ng mga Judio batay sa Kautusang Mosaiko. (Ro 9:4; Heb 9:1, 6) Pero dito, ginamit ito ni Pablo may kaugnayan sa pagsamba ng mga Kristiyano. Ang kaugnay na pandiwang Griego na la·treuʹo (“mag-ukol ng sagradong paglilingkod”) ay ginagamit din sa pagsamba batay sa Kautusang Mosaiko (Luc 2:37; Heb 8:5; 9:9) at sa pagsamba ng mga Kristiyano (Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; Apo 7:15). Sa Ro 1:9, ipinakita ni Pablo na ang isang mahalagang bahagi ng paglilingkod niya ay ‘may kaugnayan sa mabuting balita tungkol sa Anak ng Diyos,’ o ang pangangaral ng mabuting balita.

gamit ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran: Ang ekspresyong “kakayahan sa pangangatuwiran” ay salin para sa salitang Griego na lo·gi·kosʹ. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa paraan ng paglilingkod na “lohikal,” “makatuwiran,” o “pinag-isipan.” Sa isang diksyunaryo, nangangahulugan itong “pinag-isipang mabuti.” Madalas paalalahanan ang mga Kristiyano na pagtimbang-timbanging mabuti ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kailangan nilang maintindihan ang pagkakaugnay-ugnay ng mga prinsipyo sa Bibliya at kung paano ito makakatulong sa desisyong gagawin nila. Magagamit nila ang kanilang bigay-Diyos na kakayahan sa pangangatuwiran, o kakayahang mag-isip, para makagawa ng balanseng mga desisyon at makuha ang pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova. Ang ganitong paraan ng pagsamba ay bago sa maraming Judio na naging Kristiyano, dahil sanay sila noon na sumunod lang sa maraming batas at tradisyon ng tao.

huwag na kayong magpahubog: Ang salitang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “magpahubog sa isang parisan o molde.” Sa pakikipag-usap ni Pablo sa kapuwa niya mga pinahirang Kristiyano, gumamit siya ng pandiwang Griego na nasa panahunang nagpapakita na kailangang ihinto ang isang bagay na nangyayari na. Ipinapahiwatig ng pananalitang ito na may ilan sa kongregasyon sa Roma na naiimpluwensiyahan pa rin ng sistema noon. (Ro 1:7) Sa mga Kristiyano sa Roma nang panahong iyon, mga 56 C.E., ang sistema ay tumutukoy sa mga pamantayan, kaugalian, paggawi, at istilo na karaniwan sa mga Romano.​—Tingnan ang study note sa sistemang ito sa talatang ito.

sistemang ito: Ang salitang Griego na ai·onʹ, na pangunahin nang nangangahulugang “panahon,” ay puwedeng tumukoy sa kalakaran o sa mga pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa mga pamantayan, paggawi, kaugalian, pamamaraan, pananaw, istilo, at iba pang pagkakakilanlan ng isang partikular na yugto ng panahon.​—Tingnan sa Glosari, “Sistema.”

magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip: Ang pandiwang Griego para sa “magbagong-anyo” ay me·ta·mor·phoʹo. (Maraming wika ang may terminong “metamorphosis,” na galing sa salitang Griego na ito.) Ang salitang Griego dito para sa “pag-iisip” ay pangunahin nang tumutukoy sa kakayahang mag-isip, pero puwede rin itong tumukoy sa takbo ng isip ng isang tao o sa saloobin niya. Kaya ang ekspresyong “pagbabago ng . . . pag-iisip” ay tumutukoy sa pagbabago ng takbo ng isip, saloobin, ugali, at damdamin. Ang paggamit dito ng pandiwa na isinaling “magbagong-anyo” ay nagpapakitang napakalaki ng pagbabagong ito. Ito rin ang pandiwang ginamit sa Mat 17:2 at Mar 9:2, kung saan sinabing si Jesus ay ‘nagbago ng anyo.’ (Tingnan ang study note sa Mat 17:2.) Lubusan ang pagbabagong ito, hindi lang panlabas, dahil nasabing “naitatag na ang Kaharian ng Diyos” nang mangyari ang ganitong pagbabago kay Jesus, ang inatasang Hari nito sa hinaharap. (Mar 9:1, 2) Ginamit din ang salitang Griego na ito sa 2Co 3:18 para sa pagbabagong nararanasan ng mga pinahirang Kristiyano. Kaya nang payuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na magbago ng pag-iisip, idiniriin niya ang isang patuluyang pagbabago hanggang sa lubusang mabago ang takbo ng isip nila at maging kaayon ng mga kaisipan ng Diyos.

mapatunayan ninyo sa inyong sarili: Ang terminong Griego na ginamit dito, do·ki·maʹzo, ay nangangahulugang “subukin para mapatunayan,” na kadalasan nang positibo ang resulta. Sa katunayan, ang terminong ito ay isinaling “sinasang-ayunan” o “karapat-dapat” sa ilang konteksto. (Ro 2:18; 1Co 11:28) Sa ilang bersiyon, isinasalin itong “tiyakin; alamin.” Kaya nagpapayo dito si Pablo na huwag lang basta manampalataya nang walang basehan o kaya naman ay magduda. Sa halip, pinapasigla niya ang mga Kristiyano na subukin, sa positibong paraan, ang mga kahilingan ng Diyos para maintindihan ito, maisabuhay, at makinabang sa pagsunod dito. Sa gayon, mapapatunayan ng isang Kristiyano sa kaniyang sarili na ang paggawa ng “kalooban ng Diyos” ang pinakatamang gawin.

pagpapatibay: O “pagpapayo.” Ang salitang Griego na pa·ra·ka·leʹo ay literal na nangangahulugang “tawagin ang isa para tabihan ka.” Malawak ang kahulugan nito at puwedeng tumukoy sa pagpapatibay (Gaw 11:23; 14:22; 15:32; 1Te 5:11; Heb 10:25); pag-aliw (2Co 1:4; 2:7; 7:6; 2Te 2:17); at sa ilang konteksto ay sa pagbibigay ng matinding payo (Gaw 2:40; Ro 15:30; 1Co 1:10; Fil 4:2; 1Te 5:14; 2Ti 4:2; Tit 1:9, tlb.). Dahil magkakaugnay ang pagpapayo, pag-aliw, at pagpapatibay, ipinapakita nito na kahit kailan, ang isang Kristiyano ay hindi dapat magpayo sa paraang masakit at walang galang.

magpatibay: O “magpayo.” Ang pangngalang Griego na pa·raʹkle·sis, na literal na nangangahulugang “pagtawag sa isa para tabihan ka,” ay kadalasan nang tumutukoy sa pagpapatibay (Gaw 13:15; Fil 2:1) o pag-aliw (Ro 15:4; 2Co 1:3, 4; 2Te 2:16). Ang terminong ito at ang kaugnay nitong pandiwa na pa·ra·ka·leʹo, na ginamit sa talatang ito, ay puwede ring isaling “pagpapayo,” gaya ng mababasa sa ibang konteksto. (1Te 2:3; 1Ti 4:13; Heb 12:5) Dahil saklaw ng kahulugan ng mga terminong Griegong ito ang pagpapayo, pag-aliw, at pagpapatibay, ipinapakita nito na kahit kailan, ang isang Kristiyano ay hindi dapat magpayo sa paraang masakit at walang galang.

pamamahagi: O “pag-aabuloy.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay isinalin ding “makapagbahagi” (Ro 1:11; Efe 4:28; 1Te 2:8) at “magbigay” (Luc 3:11).

pangangasiwa: O “pangunguna.” Ang salitang Griego na pro·iʹste·mi (lit., “tumayo sa harap”) ay nangangahulugang manguna, mangasiwa, gumabay, magpakita ng interes, at mangalaga.

Kamuhian: Dito lang lumitaw ang terminong Griego na a·po·sty·geʹo sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ito ay pinatinding anyo ng pandiwang Griego para sa “magalit,” kaya isinalin ito ditong “kamuhian.” Ang terminong ito ay nagpapakita ng pagkasuklam sa isang bagay.

ibigin ninyo ang: O “kumapit kayo sa.” Ang pandiwang Griego na literal na nangangahulugang “pagdikitin” ay ginamit dito sa makasagisag na paraan. Ang isang Kristiyano na may tunay na pag-ibig ay nakadikit, o nakakapit, nang husto sa mabuti at hindi na ito maihihiwalay sa personalidad niya. Ito rin ang salitang Griego na ginamit para ilarawan ang matibay na buklod ng isang mag-asawa.​—Tingnan ang study note sa Mat 19:5.

Magmahalan kayo bilang magkakapatid: Ang terminong Griego na phi·la·del·phiʹa ay literal na nangangahulugang “pagmamahal para sa isang kapatid.” Tatlong beses itong ginamit ni Pablo—sa Ro 12:10, 1Te 4:9, at Heb 13:1. Tatlong beses din itong ginamit ni Pedro sa mga liham niya (isa sa 1Pe 1:22 at dalawa sa 2Pe 1:7), kung saan isinalin itong “pagmamahal sa kapatid.” Ang paggamit nina Pablo at Pedro ng terminong ito ay nagpapakitang ang mga Kristiyano ay dapat na maging malapít at magiliw sa isa’t isa at magmahalan, gaya ng totoong magkakapamilya.

maging magiliw: Ang salitang Griego na ginamit dito, phi·loʹstor·gos, ay galing sa dalawang termino na nangangahulugang “pag-ibig” at “pagkagiliw.” Ang salitang-ugat na sterʹgo ay tumutukoy sa likas na pagmamahal, gaya ng nararamdaman ng magkakapamilya sa isa’t isa. Ang pangalawang termino ay kaugnay ng phiʹlos, isang malapít na kaibigan. (Ju 15:13-15) Ang kombinasyon ng mga terminong ito ay tumutukoy sa matinding pagmamahal na makikita sa loob ng pamilya. Sa katunayan, ang dalawang salita sa kontekstong ito (phi·la·del·phiʹa, na isinaling “magmahalan . . . bilang magkakapatid,” at phi·loʹstor·gos, na isinaling “magiliw”) ay tumutukoy sa pagmamahal na natural lang sa magkakapamilya. Ganitong pagmamahal at pagkagiliw ang ipinapayo ni Pablo na dapat ipakita ng mga Kristiyano sa isa’t isa.​—Tingnan ang study note sa Magmahalan kayo bilang magkakapatid sa talatang ito.

Mauna: O “Magkusa.” Dito lang lumitaw ang salitang Griego na pro·e·geʹo·mai sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Literal itong nangangahulugang “mauna,” at sa kontekstong ito, tumutukoy ito sa matinding kagustuhan na igalang o parangalan ang iba. Sa lipunan ng mga Griego, Judio, at Romano noong unang siglo, ginagawa ng mga tao ang lahat para maparangalan ang sarili nila. (Luc 20:46) Pero dito, ipinapayo ni Pablo na dapat gawin ng mga Kristiyano ang lahat para makapagparangal, o makapagpakita ng paggalang, sa iba. Sa katunayan, sinasabi ng ilan na ipinapahiwatig ng ekspresyong ito na dapat nating higitan ang iba sa pagpapakita ng paggalang.

Maging masipag: Ang salitang Griego na ginamit dito, spou·deʹ, ay literal na nangangahulugang “bilis; bilis ng pagkilos; pagmamadali.” (Luc 1:39) Pero sa maraming konteksto, nangangahulugan itong “matinding kagustuhan na magampanan ang isang pananagutan; pananabik; pagiging handa; sigasig.” Ang salitang Griego na ito ay lumitaw sa Ro 12:8 sa ekspresyong “maging masipag siya.” Isinalin itong “kasipagan” sa Heb 6:11 at “magsikap” sa 2Pe 1:5. Ang kaugnay na pandiwang spou·daʹzo ay isinaling ‘gawin ang buong makakaya’ (2Ti 2:15; 2Pe 1:10; 3:14) at “sikapin” (2Ti 4:9, 21).

Maging masigasig kayo dahil sa banal na espiritu: Ang salitang Griego na isinaling “masigasig” ay literal na nangangahulugang “kumulo.” Dito, tumutukoy ito sa pag-uumapaw sa sigasig o sigla dahil sa impluwensiya ng “espiritu” (sa Griego, pneuʹma), o aktibong puwersa, ng Diyos. Ang espiritung ito ay puwedeng magpakilos at magpalakas sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Mar 1:12.) Ang banal na espiritu ng Diyos ay nakakaapekto rin sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao, kaya napupuno siya ng sigasig at sigla para sa kung ano ang tama. Iniisip ng iba na ang ekspresyong Griego na ito ay isa lang idyoma na nagpapakita ng matinding kagustuhan at sigla, pero isinalin pa rin itong “banal na espiritu” ng Diyos sa Bibliyang ito.​—Para sa ilang pamantayan sa pagsasalin ng Bibliya, gaya ng ginamit sa pariralang Griego na ito, tingnan ang Ap. A1.

Magpaalipin: O “Maglingkod.” Ang pandiwang Griego (dou·leuʹo) na ginamit dito ay tumutukoy sa paglilingkod ng isang alipin, na pag-aari ng isang panginoon at sumusunod sa mga utos nito. Lumitaw rin ang pandiwang Griego na ito sa Mat 6:24 (tingnan ang study note), kung saan ipinaliwanag ni Jesus na ang isang Kristiyano ay hindi puwedeng magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan. Sa Septuagint, ang pandiwang ito ay ipinanunumbas kung minsan sa katulad na mga payo sa Hebreo na “maglingkod . . . kay Jehova,” kung saan lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo.​—1Sa 12:20; Aw 2:11; 100:2 (99:2, LXX); 102:22 (101:23, LXX).

Jehova: Sa natitirang mga manuskritong Griego, “para sa Panginoon” (toi Ky·riʹoi) ang mababasa dito, pero gaya ng ipinapaliwanag sa Ap. C, may makatuwirang mga dahilan para isiping pangalan ng Diyos ang ginamit sa talatang ito at pinalitan lang ng titulong Panginoon. Kaya “Jehova” ang ginamit sa mismong teksto.​—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Ro 12:11.

Maging mapagpatuloy: Ang ekspresyong Griego para sa “maging mapagpatuloy” ay puwedeng literal na isaling “magmadali sa pagpapakita ng pagkamapagpatuloy; tumakbo para makapagpakita ng pagkamapagpatuloy.” Ginamit dito ni Pablo ang ekspresyong ito para pasiglahin ang mga Kristiyano na laging maging mapagpatuloy, hindi lang kapag kailangan. Ang salitang Griego para sa “pagkamapagpatuloy,” phi·lo·xe·niʹa, ay literal na nangangahulugang “pag-ibig (pagkagiliw) sa mga estranghero.” Ipinapakita nito na dapat tayong maging mapagpatuloy hindi lang sa malalapít na kaibigan. Ginamit din ni Pablo ang terminong ito sa Heb 13:2, at lumilitaw na ang tinutukoy niya rito ay ang ulat ng Genesis kabanata 18 at 19 tungkol kina Abraham at Lot. Nang magpatulóy sila ng mga estranghero, hindi nila alam na mga anghel pala ang inasikaso nila. Sa Gen 18:1-8, inilarawan si Abraham na tumatakbo at nagmamadali para asikasuhin ang mga bisita niya. Ang kaugnay na pang-uri na phi·loʹxe·nos ay tatlong beses na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa ibang konteksto kung saan ipinapayo ang pagiging mapagpatuloy.​—1Ti 3:2; Tit 1:8; 1Pe 4:9.

sa pananaw ng lahat ng tao: O “sa paningin ng lahat ng tao.” Dito, ang salitang Griego na anʹthro·pos (lalaki; tao) ay tumutukoy sa mga lalaki at babae.

bigyang-daan ninyo ang poot: Tumutukoy sa poot ng Diyos, ayon sa konteksto. Ang sumunod na bahagi ay ang sinabi ng Diyos sa Deuteronomio na sinipi ni Pablo: “Akin ang paghihiganti, at ako ang magpaparusa.” (Deu 32:19-35) Hindi lumitaw sa tekstong Griego ng Ro 12:19 ang ekspresyong “ng Diyos,” pero maraming tagapagsalin ng Bibliya ang nagdagdag nito para mapalitaw ang tamang ideya. Kaya lumilitaw na ganito ang ibig sabihin ng talatang ito: ‘Sa halip na mapoot, ipaubaya ito sa Diyos. Hayaang siya ang magpasiya kung kailan at kanino dapat ilapat ang paghihiganti.’ Ang payong ito ay kaayon ng mga babala sa Bibliya na huwag maglabas ng galit. (Aw 37:8; Ec 7:9; Mat 5:22; Gal 5:19, 20; Efe 4:31; San 1:19) Paulit-ulit na idiniin sa aklat ng Kawikaan na dapat nating kontrolin ang galit.​—Kaw 12:16; 14:17, 29; 15:1; 16:32; 17:14; 19:11, 19; 22:24; 25:28; 29:22.

sabi ni Jehova: Sumipi si Pablo mula sa Deu 32:35, at malinaw sa konteksto na pananalita ni Jehova ang sinipi niya.​—Deu 31:16, 19, 22, 30; 32:19-34; ihambing ang study note sa Mat 1:22; tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Ro 12:19.

kung nagugutom ang kaaway mo: Sumipi si Pablo mula sa Kaw 25:21, 22 para ipagpatuloy ang ipinapaliwanag niya.

makapagtutumpok ka ng baga sa ulo niya: Ang ekspresyong ito ay kinuha ni Pablo sa Kaw 25:21, 22. Lumilitaw na ang ilustrasyon sa kawikaang iyon, pati na ang aral na gustong ituro ni Pablo, ay kaugnay ng sinaunang paraan ng pagtunaw ng metal mula sa inambato. Pinapainitan ang inambato sa ibabaw ng mga baga, at nagtutumpok din ng mga baga sa ibabaw nito. Sa prosesong ito, matutunaw ang inambato at mahihiwalay ang purong metal mula sa anumang dumi. Sa katulad na paraan, ang pagpapakita ng kabaitan kahit sa masasama ay puwedeng makapagpalambot sa puso nila at makapagpalabas ng mabuti sa kanila. Maraming beses na makikita sa Kasulatan ang payo na gumawa ng mabuti sa mga kaaway. (Exo 23:4, 5; Mat 5:44, 45; Luc 6:27; Ro 12:14) Ang ganitong unawa ay sinusuportahan din ng konteksto ng kawikaang sinipi ni Pablo, na nagsasabing “gagantimpalaan . . . ni Jehova” ang gumagawa nito. (Kaw 25:22; tlb.) Iba-iba ang opinyon ng mga iskolar sa kahulugan nito. Pero kung titingnan ang konteksto ng Roma, maliwanag na hindi sinasabi dito ni Pablo na parusahan o hiyain ang kaaway.

Media