Ayon kay Mateo 11:1-30
Talababa
Study Notes
magturo at mangaral: Tingnan ang study note sa Mat 4:23.
kalapít na mga lunsod: Lumilitaw na tumutukoy sa mga lunsod ng mga Judio sa rehiyong iyon (Galilea).
Kristo: Dito, ang titulong “Kristo,” na nangangahulugang “Pinahiran,” ay may kasamang tiyak na pantukoy sa Griego. Ipinapakita nitong si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, na pinahiran, o pinili, para sa isang espesyal na atas.—Tingnan ang study note sa Mat 1:1; 2:4.
ang hinihintay namin: Ang Mesiyas.—Aw 118:26; Mat 3:11; 21:9; 23:39.
ketongin: Tingnan ang study note sa Mat 8:2 at Glosari, “Ketong; Ketongin.”
Sinasabi ko sa inyo: Tingnan ang study note sa Mat 5:18.
Bautista: O “Tagalubog.”—Tingnan ang study note sa Mat 3:1.
nagsisikap ang mga tao na makamit . . . patuloy na nagsisikap: Ang dalawang magkaugnay na salitang Griego na ginamit dito ay nagpapakita ng pagiging puspusan. Negatibo ang pagkakaintindi rito ng ilang tagapagsalin ng Bibliya. Iniisip nilang nangangahulugan ito ng marahas na pagkilos o pagdurusa dahil sa karahasan. Pero ipinapakita ng konteksto at ng isa pang paglitaw sa Bibliya ng pandiwang Griego na ito, sa Luc 16:16, na positibo ito at nangangahulugang “pagsisikap na makuha ang isang bagay na gustong-gusto mo.” Maliwanag na inilalarawan nito ang matinding pagsisikap na ginawa ng mga tumugon sa pangangaral ni Juan Bautista, kung kaya nagkaroon sila ng pag-asa na maging bahagi ng Kaharian.
ang mga Propeta at ang Kautusan: Dito lang magkabaligtad ang ekspresyong “Kautusan at mga Propeta.” (Mat 5:17; 7:12; 22:40; Luc 16:16) Maliwanag na iisa lang ang ibig sabihin nito (tingnan ang study note sa Mat 5:17), pero mas idiniriin dito ang mga hula sa Kasulatan. Kahit ang Kautusan ay sinasabing humula rin.
Elias: Mula sa pangalang Hebreo na nangangahulugang “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”
hindi kayo nagdalamhati: O “hindi ninyo sinuntok ang dibdib ninyo sa pagdadalamhati.” Ang pagsuntok sa dibdib ay ginagawa ng mga tao noon para ipakita ang matinding pagdadalamhati o pagsisisi.—Isa 32:12; Na 2:7; Luc 23:48.
hindi kumakain o umiinom: Maliwanag na tumutukoy sa paraan ng pamumuhay ni Juan. Nag-aayuno siya at umiiwas sa anumang inuming de-alkohol bilang pagsunod sa kahilingan para sa isang Nazareo.—Bil 6:2-4; Mat 9:14, 15; Luc 1:15; 7:33.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
maniningil ng buwis: Tingnan ang study note sa Mat 5:46.
ang karunungan ay makikita sa gawa: Lit., “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” Dito, inihalintulad sa isang tao ang karunungan at sinasabing may mga gawa ito. Sa kaparehong ulat, sinasabi namang ang karunungan ay may mga “anak.” (Luc 7:35, tlb.) Ang mga anak ng karunungan—o ang mga gawa nina Juan Bautista at Jesus—ang magpapatunay na mali ang mga akusasyon sa kanila. Para bang sinasabi ni Jesus: ‘Tingnan ninyo ang matuwid na mga gawa namin at makikita ninyong hindi totoo ang paratang sa amin.’
Capernaum: Tingnan ang study note sa Mat 4:13.
langit: Tumutukoy sa isang sinang-ayunang kalagayan.
Libingan: O “Hades,” ang libingan ng mga tao sa pangkalahatan. (Tingnan sa Glosari.) Dito, tumutukoy ito sa pagbagsak na mararanasan ng Capernaum.
sinasabi ko sa iyo: Lit., “sinasabi ko sa inyo.” Ang panghalip ay nasa anyong pangmaramihan sa Griego at tumutukoy sa mga nakatira sa Capernaum.
mas magaan pa ang magiging parusa sa: Tingnan ang study note sa Luc 10:12.
kaysa sa iyo: Ang panghalip ay nasa anyong pang-isahan sa Griego at maliwanag na tumutukoy sa lunsod.
bata: O “gaya ng bata,” ibig sabihin, mapagpakumbaba at madaling turuan.
nabibigatan: Ang mga inaanyayahan ni Jesus na lumapit sa kaniya ay ang mga “nabibigatan” dahil sa pag-aalala at mahirap na trabaho. Naging mabigat para sa kanila ang pagsamba kay Jehova dahil sa mga tradisyon ng tao na idinagdag sa Kautusan ni Moises. (Mat 23:4) Kahit ang Sabbath, na dapat sana ay nakakapagpaginhawa, ay naging pabigat sa kanila.—Exo 23:12; Mar 2:23-28; Luc 6:1-11.
pagiginhawahin ko kayo: Ang salitang Griego para sa “pagiginhawahin” ay puwedeng tumukoy sa pahinga (Mat 26:45; Mar 6:31) o sa ginhawa mula sa pagpapagal para makabawi ng lakas ang isa (2Co 7:13; Flm 7). Ipinapakita sa konteksto na kapag pinasan ng isang tao ang “pamatok” ni Jesus (Mat 11:29), maglilingkod siya, hindi magpapahinga. Pero ipinapakita ng pananalita ni Jesus na pinagiginhawa at pinalalakas niya ang mga pagod kung kaya gugustuhin nilang pasanin ang pamatok niya na magaan at madaling dalhin.
Pasanin ninyo ang pamatok ko: Ginamit ni Jesus ang “pamatok” sa makasagisag na paraan para tumukoy sa pagpapasakop sa awtoridad at pagsunod sa tagubilin. Kung ang tinutukoy niya ay ang dobleng pamatok, na ipinabuhat sa kaniya ng Diyos, nangangahulugan itong inaanyayahan niya ang kaniyang mga alagad na pasanin ang pamatok kasama niya at tutulungan niya sila. Kaya puwedeng isalin ang pariralang ito na “Magkasama nating pasanin ang pamatok.” Pero kung ang tinutukoy niya ay ang pamatok na ipinapapasan niya sa iba, nangangahulugan ito ng pagpapasakop sa awtoridad ni Kristo at pagsunod sa mga tagubilin niya bilang kaniyang mga alagad.—Tingnan sa Glosari, “Pamatok.”
mahinahon: Tingnan ang study note sa Mat 5:5.
mapagpakumbaba: Lit., “mababa ang puso.” Ang salitang Griego para sa “mababa” ay nangangahulugang mapagpakumbaba at simple; lumitaw ito sa San 4:6 at 1Pe 5:5, kung saan isinalin din itong “mapagpakumbaba.” Ang kalagayan ng puso ng isang tao ay makikita sa saloobin niya sa Diyos at sa ibang tao.
Media
Nang banggitin ni Jesus ang mga nakatira sa “palasyo ng mga hari” (Mat 11:8; Luc 7:25), posibleng naisip ng mga tagapakinig niya ang magagarbong palasyo na itinayo ni Herodes na Dakila. Makikita sa larawan ang natira sa isang bahagi ng palasyong pantaglamig na itinayo niya sa Jerico. Ang palasyong ito ay may isang bulwagang napapalibutan ng mga poste at may sukat na 29 por 19 m (95 por 62 ft). Mayroon din itong mga loobang napapalibutan ng mga poste at maraming silid at isang paliguan na may pampainit at pampalamig ng tubig. Konektado sa palasyo ang isang hagdan-hagdang hardin. Posibleng sinunog ang palasyong ito sa isang pag-aalsa na naganap mga ilang dekada bago simulan ni Juan Bautista ang kaniyang ministeryo, at itinayo itong muli ng anak ni Herodes na si Arquelao.
Noong panahon ng Bibliya, ang mga plawta ay gawa sa tambo, buto, o garing. Ang plawta ay isa sa pinakapopular na instrumento. Tinutugtog ito sa masasayang okasyon, gaya ng handaan at kasal (1Ha 1:40; Isa 5:12; 30:29), at ginagaya ito ng mga bata sa mga pampublikong lugar. Tinutugtog din ito kapag malungkot. Ang mga bayarang tagaiyak ay madalas na sinasamahan ng tumutugtog ng plawta para tumugtog ng nakakaiyak na musika. Makikita rito ang isang bahagi ng plawta na nakuha sa mga guho sa Jerusalem noong wasakin ng mga Romano ang templo. Mga 15 cm (6 in) ang haba nito, at malamang na gawa ito sa buto sa binti ng baka.
Ang ilang pamilihan, gaya ng makikita rito, ay nasa mga lansangan. Ang mga nagtitinda ay karaniwan nang naglalagay ng maraming paninda sa lansangan kaya sumisikip ang daan. Ang mga residente ay makakabili roon ng mga kailangan nila sa bahay, kagamitang luwad, at mamahaling gamit na babasagín, pati ng sariwang prutas at gulay. Dahil wala pang refrigerator noon, kailangan nilang pumunta sa pamilihan araw-araw para bumili ng suplay. Dito, maraming masasagap na balita galing sa mga mangangalakal o iba pang dayo. Puwedeng maglaro dito ang mga bata at mag-abang ng trabaho ang mga tao. Nagpagaling si Jesus ng maysakit at nangaral si Pablo sa mga pamilihan. (Gaw 17:17) Gustong-gusto naman ng mayayabang na eskriba at Pariseo na pumunta sa ganitong pampublikong lugar para mapansin at batiin ng mga tao.
Ang bayan ng Corazin at Betsaida ay malapit sa Capernaum, ang lunsod kung saan lumilitaw na tumira si Jesus sa panahon ng malawakang ministeryo niya sa Galilea nang mahigit dalawang taon. Nakita ng mga Judiong nakatira sa mga bayang iyon ang mga himala ni Jesus, na kung nakita lang sana ng mga idolatrosong nakatira sa Tiro at Sidon, malamang na nagsisi ang mga ito. Halimbawa, sa may Betsaida makahimalang nagpakain si Jesus ng mahigit 5,000 katao at nagpagaling ng bulag na lalaki.—Mat 14:13-21; Mar 8:22; Luc 9:10-17.
Ang makikita sa video ay kinunan mula sa Ofir Lookout, na malapit sa hilagang-silangang baybayin ng Lawa ng Galilea. Ang Corazin (2) ay mga 3 km (2 mi) lang mula sa sinasabing lugar ng dating Capernaum (1), ang lunsod kung saan lumilitaw na nanirahan si Jesus sa panahon ng malawakang ministeryo niya sa Galilea na mahigit dalawang taon. Sina apostol Pedro at Andres ay nakatira sa Capernaum, at nandito o malapit dito ang tanggapan ng buwis ni Mateo. (Mar 1:21, 29; 2:1, 13, 14; 3:16; Luc 4:31, 38) Sina Pedro at Andres, pati na si Felipe, ay mula sa kalapít na lunsod na Betsaida (3). (Ju 1:44) Maraming ginawang himala si Jesus sa tatlong lunsod na ito o malapit dito.—Tingnan ang Apendise A7-D, Mapa 3B at A7-E, Mapa 4.
Ang isang klase ng pamatok ay isang pahabang kahoy na ipinapatong sa balikat ng isang tao at may nakasabit na dalahin sa magkabilang panig. Ang isa pang klase ay isang kahoy na inilalagay sa batok ng dalawang hayop na pantrabaho kapag may hinahatak na dalahin.