Ayon kay Marcos 8:1-38

8  Nang panahong iyon, muling pinuntahan si Jesus ng napakaraming tao at wala silang makain. Kaya tinawag niya ang mga alagad at sinabi sa kanila: 2  “Naaawa ako sa mga tao.+ Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain.+ 3  Kung pauuwiin ko sila nang gutom,* manghihina sila sa daan. Galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” 4  Pero sinabi sa kaniya ng mga alagad niya: “Saan sa liblib na lugar na ito makakakuha ng sapat na tinapay para mapakain ang mga tao?” 5  Tinanong niya sila: “Ilan ang tinapay ninyo?” Sumagot sila: “Pito.”+ 6  At pinaupo niya sa lupa ang mga tao. Pagkatapos, kinuha niya ang pitong tinapay, nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang mga ito, at ibinigay sa mga alagad niya para ipamahagi, at ipinamahagi nila ang mga ito sa mga tao.+ 7  Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pagkatapos manalangin,* sinabi niya sa kanila na ipamahagi rin ang mga ito. 8  Kaya kumain sila at nabusog, at nang tipunin nila ang natirang mga piraso, pitong malalaking basket ang napuno nila.+ 9  Mga 4,000 lalaki ang kumain. Pagkatapos, pinauwi na niya sila. 10  Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga alagad niya at nakarating sila sa rehiyon ng Dalmanuta.+ 11  Dumating ang mga Pariseo at nakipagtalo sa kaniya. Humihingi sila sa kaniya ng isang tanda* mula sa langit para subukin siya.+ 12  Napabuntonghininga siya at nagsabi: “Bakit naghahanap ng tanda ang henerasyong ito?+ Sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa henerasyong ito.”+ 13  Pagkatapos, iniwan niya sila, sumakay siya uli sa bangka, at pumunta sa kabilang ibayo. 14  Pero ang mga alagad ay walang nadalang ibang pagkain sa bangka kundi isang tinapay.+ 15  At mahigpit siyang nagbabala sa kanila: “Maging mapagmasid kayo; mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”+ 16  Kaya nagtalo-talo sila dahil wala silang tinapay. 17  Nang mapansin niya ito, sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nagtatalo dahil wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo naiintindihan ang ibig kong sabihin? Hindi pa ba malinaw sa inyo?* 18  ‘Hindi ba kayo nakakakita kahit may mga mata kayo; at hindi ba kayo nakaririnig kahit may mga tainga kayo?’ Hindi ba ninyo natatandaan 19  nang pagpira-pirasuhin ko ang limang tinapay+ para sa 5,000 lalaki? Ilang basket ang napuno ninyo ng natirang tinapay?” Sinabi nila sa kaniya: “Labindalawa.”+ 20  “Nang pagpira-pirasuhin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 lalaki, ilang malalaking basket ang napuno ninyo ng natirang tinapay?” Sinabi nila sa kaniya: “Pito.”+ 21  Kaya sinabi niya sa kanila: “Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan?” 22  Pagdating nila sa Betsaida, dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking bulag, at nakiusap sila sa kaniya na hipuin ito.+ 23  Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala ito sa labas ng nayon. Matapos niyang duraan ang mga mata nito,+ ipinatong niya ang mga kamay niya sa lalaki at tinanong ito: “May nakikita ka ba?” 24  Tumingin ang* lalaki at sinabi nito: “May nakikita akong mga tao, pero mukha silang mga puno na naglalakad.” 25  Ipinatong niya ulit ang mga kamay niya sa mga mata ng lalaki, at ang lalaki ay nakakita nang malinaw. Bumalik ang paningin nito, at nakita na niya nang malinaw ang lahat ng bagay. 26  Kaya pinauwi niya ito sa bahay at sinabihan: “Huwag kang pumunta sa nayon.” 27  Si Jesus at ang mga alagad niya ay umalis papunta sa mga nayon ng Cesarea Filipos. Habang nasa daan, tinanong niya ang mga alagad niya: “Sino ako ayon sa mga tao?”+ 28  Sinabi nila sa kaniya: “Si Juan Bautista;+ pero sinasabi ng iba, si Elias;+ at ang iba pa, isa sa mga propeta.” 29  At tinanong niya sila: “Pero kayo, sino ako para sa inyo?” Sumagot si Pedro: “Ikaw ang Kristo.”+ 30  Pagkatapos, mahigpit niya silang inutusan na huwag sabihin kahit kanino ang tungkol sa kaniya.+ 31  Sinabi rin niya sa kanila na ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba at patayin,+ at mabuhay-muli pagkalipas ng tatlong araw.+ 32  Deretsahan niya itong sinabi sa kanila. Pero dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinaway.+ 33  Tumalikod siya, tumingin sa mga alagad niya, at sinaway si Pedro: “Diyan ka sa likuran ko, Satanas! Dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng tao.”+ 34  Tinawag niya ngayon ang mga tao kasama ang mga alagad niya at sinabi sa kanila: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.+ 35  Dahil ang sinumang gustong magligtas ng buhay* niya ay mamamatay,* pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas sa buhay niya.+ 36  Ano ang saysay na makuha ng isang tao ang buong mundo kung mamamatay naman siya?+ 37  Ano nga ba ang maibibigay ng isang tao kapalit ng buhay* niya?+ 38  Kung ako at ang aking mga salita ay ikahihiya ng sinuman mula sa taksil at makasalanang henerasyong ito, ikahihiya rin siya ng Anak ng tao+ kapag dumating ito taglay ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang banal na mga anghel.”+

Talababa

O “walang pagkain; nag-aayuno.”
Lit., “pagpalain ang mga ito.”
O “himala.”
O “Mapurol pa rin ba ang puso ninyo sa pag-unawa?”
O “Bumalik ang paningin ng.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “mawawalan ng buhay.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

Study Notes

Naaawa: O “Nahahabag.”—Tingnan ang study note sa Mat 9:36.

malalaking basket: Ang salitang Griego na ginamit dito, sphy·risʹ, ay posibleng tumutukoy sa basket na mas malaki kaysa sa mga basket na binanggit sa ulat tungkol sa pagpapakain ni Jesus sa mga 5,000 lalaki. (Tingnan ang study note sa Mar 6:43.) Ito rin ang salitang Griego para sa “malaking basket” na ginamit nang idaan si Pablo sa isang butas sa pader ng Damasco para makababa.—Tingnan ang study note sa Gaw 9:25.

Mga 4,000 lalaki: Si Mateo lang ang nag-ulat (Mat 15:38) na may mga babae at bata nang mangyari ang himalang ito. Kaya posibleng mahigit 12,000 ang lahat ng makahimalang pinakain.

Dalmanuta: Maliban sa Ebanghelyo ni Marcos, hindi na nabanggit ang lugar na ito sa iba pang bahagi ng Bibliya o sa mga sekular na akda. Hindi matukoy ang eksaktong lokasyon nito, pero ipinapalagay na malapit ito sa kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea, dahil ang lugar na iyon ay tinawag na Magadan sa kaparehong ulat sa Mateo. (Tingnan ang study note sa Mat 15:39.) Posibleng ang Dalmanuta ay ibang tawag sa Magadan.

Napabuntonghininga: Si Marcos, na madalas mag-ulat ng nadarama at reaksiyon ni Jesus (Mar 3:5; 7:34; 9:36; 10:13-16, 21), ay gumamit ng isang pandiwa na dito lang makikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang pinatinding anyo ng kaugnay na pandiwa na ginamit sa Mar 7:34 (tingnan ang study note), ay nagpapakita ng matinding emosyon. Posibleng nagbuntonghininga si Jesus sa sobrang pagkainis sa mga Pariseo na nanghihingi pa rin ng tanda kahit malinaw na nilang nakita ang kapangyarihan ni Jesus.

lebadura: O “pampaalsa.” Madalas itong gamitin sa Bibliya bilang sagisag ng kasamaan at kasalanan; dito, tumutukoy ito sa masasamang turo at impluwensiya. (Mat 16:6, 11, 12; 1Co 5:6-8) Posibleng inulit sa teksto ang salitang ito para ipakitang iba ang “lebadura” ng mga Pariseo sa lebadura ni Herodes at ng mga tagasuporta niya, ang mga Herodiano. Ang unang grupo ay relihiyoso at ang ikalawa naman ay politikal. Ang isang halimbawa ng politikal na “lebadura” ay ang pagtatanong kay Jesus ng dalawang grupong ito kung tama bang magbayad ng buwis para subukin si Jesus.—Mar 12:13-15.

Herodes: Sa ilang sinaunang manuskrito, “Herodiano” ang makikita dito.—Tingnan sa Glosari, “Herodes, mga tagasuporta ni.”

basket: Sa mga ulat tungkol sa dalawang pagkakataon na makahimalang nagpakain si Jesus ng maraming tao (tingnan ang study note sa Mar 6:43; 8:8, 20 at kaparehong ulat sa Mat 14:20; 15:37; 16:9, 10), espesipikong binabanggit ang magkaibang klase ng basket na ginamit sa pangongolekta ng natirang pagkain. Nang pakainin ang mga 5,000 lalaki, ginamit ang salitang Griego na koʹphi·nos (“basket”); nang pakainin ang 4,000 lalaki, ginamit naman ang salitang Griego na sphy·risʹ (“malalaking basket”). Ipinapakita nito na nakita mismo ng mga manunulat ang mga pangyayaring ito o nakuha nila ang detalyeng ito sa mapagkakatiwalaang mga saksi.

malalaking basket: Tingnan ang study note sa Mar 8:8, 19.

isang lalaking bulag: Si Marcos lang ang manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag na ito.​—Mar 8:22-26.

Cesarea Filipos: Tingnan ang study note sa Mat 16:13.

Juan Bautista: Tingnan ang study note sa Mat 3:1; Mar 1:4.

Elias: Tingnan ang study note sa Mat 11:14.

ang Kristo: Tingnan ang study note sa Mat 16:16.

Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mar 11:27; 14:43, 53; 15:1; tingnan ang study note sa Mat 16:21 at Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”

punong saserdote: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.

eskriba: Tingnan ang study note sa Mat 2:4 at Glosari.

Diyan ka sa likuran ko: Sa kaparehong ulat sa Mat 16:23, idinagdag ni Jesus: “Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin.” (Tingnan ang study note sa Mat 18:7.) Dito, sinaway nang matindi ni Jesus si Pedro. Hindi hinayaan ni Jesus na may anumang humadlang sa pagtupad niya ng kalooban ng kaniyang Ama. Malamang na ipinaalala rin ng pananalitang ito kay Pedro kung saan siya dapat lumagay bilang tagasunod ng kaniyang Panginoon.

Satanas: Tingnan ang study note sa Mat 16:23.

dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili: Ipinapakita nito ang pagiging handa ng isang tao na lubusang pagkaitan ang sarili o ibigay ang sarili niya sa Diyos. Ang pariralang Griego ay puwedeng isaling “dapat niyang hindian ang sarili niya,” na angkop lang dahil posibleng kasama rito ang pagtanggi sa personal na mga kagustuhan, ambisyon, o ginhawa. (2Co 5:14, 15) Iyon din ang pandiwang Griego na ginamit ni Marcos nang iulat niya ang pagtanggi ni Pedro na kilala nito si Jesus.—Mar 14:30, 31, 72.

pahirapang tulos: Tingnan ang study note sa Mat 16:24.

taksil: Lit., “mapangalunya.” O “di-tapat.” Sa espirituwal na diwa, ang pangangalunya ay kawalang-katapatan sa Diyos ng mga nakipagtipan sa kaniya. Nilabag ng mga Israelita ang tipang Kautusan dahil nakikibahagi sila sa gawain ng huwad na relihiyon, kaya nagkasala sila ng espirituwal na pangangalunya. (Jer 3:8, 9; 5:7, 8; 9:2; 13:27; 23:10; Os 7:4) Iyan din ang dahilan kaya tinawag ni Jesus na taksil ang mga Judio noong panahon niya. (Mat 12:39; 16:4) Kung hahayaan ng mga Kristiyanong bahagi ng bagong tipan na marumhan sila ng kasalukuyang sistemang ito, magkakasala rin sila ng espirituwal na pangangalunya. Totoo rin iyan sa lahat ng nakaalay kay Jehova.—San 4:4.

Media