Ayon kay Lucas 21:1-38
Talababa
Study Notes
kabang-yaman: Tingnan ang study note sa Mar 12:41.
mahirap: Ang salitang Griego na ginamit dito, pe·ni·khrosʹ, ay puwedeng tumukoy sa isang tao na hirap na hirap sa buhay at kapos kahit sa pangunahing mga pangangailangan. Dito lang ginamit ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga: Lit., “dalawang lepton.” Ang salitang Griego na le·ptonʹ ay nangangahulugang “isang bagay na maliit at manipis.” Ang isang lepton ay katumbas ng 1/128 ng isang denario, at lumilitaw na ito ang pinakamaliit na baryang tanso o bronse na ginagamit sa Israel.—Tingnan sa Glosari, “Lepton,” at Ap. B14.
buong ikabubuhay niya: Gaya ng makikita sa study note sa Luc 21:2, ang inihulog ng biyuda sa kabang-yaman ay “dalawang lepton,” na katumbas ng 1/64 ng isang-araw na suweldo. Ang lepton ang pinakamaliit na baryang ginagamit noon sa Israel. Ayon sa Mat 10:29, ang isang assarion (katumbas ng walong lepton) ay puwedeng ipambili ng dalawang maya, ang pinakamurang ibon na puwedeng kainin. Kaya ang pera ng biyudang ito ay kalahati lang ng presyo ng isang maya; kulang na kulang ito para makabili ng pagkain.
walang matitirang magkapatong na bato rito: Tingnan ang study note sa Mat 24:2.
Ako siya: Tingnan ang study note sa Mar 13:6.
kaguluhan: O “pag-aaklas.” Ang salitang Griego na a·ka·ta·sta·siʹa ay pangunahin nang tumutukoy sa pagiging magulo, pero puwede rin itong tumukoy sa paglaban sa awtoridad, pagrerebelde, o kaguluhan sa politika. Ginamit din ang terminong ito sa 2Co 6:5 para ilarawan ang marahas na pag-uusig kay Pablo.
wakas: O “ganap na wakas.”—Tingnan ang study note sa Mat 24:6.
Maglalabanan: Tingnan ang study note sa Mat 24:7.
bansa: Tingnan ang study note sa Mat 24:7.
epidemya: O “salot.” Sa tatlong manunulat ng Ebanghelyo na nag-ulat ng mahalagang hula ni Jesus tungkol sa panahon ng wakas, si Lucas lang ang bumanggit ng bahaging ito ng “tanda.” (Luc 21:7; Mat 24:3, 7; Mar 13:4, 8) Malalaman ang lahat ng bahagi ng tanda kapag binasa ang tatlong ulat. Dalawang beses lang lumitaw sa Bibliya ang salitang Griego na ginamit dito, at ang isa ay makikita sa Gaw 24:5, kung saan tumutukoy ito sa isang tao na itinuturing na “salot,” isa na nagdadala ng problema o pasimuno ng gulo.
nakakatakot na mga bagay: Galing sa pandiwang Griego na pho·beʹo, na nangangahulugang “matakot.” Dito lang lumitaw ang salitang ito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Lumilitaw na tumutukoy ito sa nakakakilabot na mga pangyayari.
ipaaalam ko sa inyo ang sasabihin ninyo: O “bibigyan ko kayo ng kakayahang magsalita nang mapuwersa.” Ginamit dito ang salitang Griego na stoʹma na literal na nangangahulugang “bibig.” Pero sa konteksto, tumutukoy ito sa kakayahang magsalita.
walang isa mang buhok ang malalagas sa inyong ulo: Sa paggamit ng eksaherasyong ito, tinitiyak ni Jesus sa mga tagasunod niya na mapoprotektahan sila kahit ‘kapootan sila ng lahat ng tao.’ (Luc 21:17) Ipinapakita ng konteksto na ang sinabi ni Jesus ay pangunahin nang tumutukoy sa proteksiyon mula sa espirituwal na kapahamakan o pagkapuksa magpakailanman, sa halip na sa proteksiyon mula sa lahat ng pisikal na pinsala. (Luc 21:16) Kaya hindi aasahan ng mga alagad ni Jesus na makahimala silang ililigtas mula sa karahasan o kahit kamatayan. Pero makakapagtiwala sila sa kapangyarihan ni Jehova na buhayin silang muli. (Mat 10:39) Ang paggamit dito ng dalawang negatibong salita sa Griego kasama ng pandiwa ay nagdiriin na talagang matutupad ang pangako ni Jesus. Ganiyan din ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya sa mga alagad niya ang tungkol sa malasakit sa kanila ng Diyos: “Biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.”—Luc 12:7; tingnan ang study note sa Mat 10:30.
pagtitiis: Ang pangngalang Griego na hy·po·mo·neʹ ay ginagamit sa Kasulatan para tumukoy sa “pagtitiis” na may kasamang lakas ng loob, paninindigan, at pagtitiyaga; hindi ito nawawalan ng pag-asa kahit may mga hadlang, pag-uusig, pagsubok, o tukso. Ang kaugnay na pandiwa na hy·po·meʹno, na isinasaling “magtiis,” ay literal na nangangahulugang “manatili sa ilalim.” Karaniwan na, nangangahulugan itong “pananatili sa halip na pagtakas; paninindigan; pagtitiyaga; pananatiling matatag.”—Mat 10:22; Ro 12:12; Heb 10:32; San 5:11.
maililigtas ninyo ang inyong buhay: Makikita sa konteksto ang kahulugan ng salitang Griego na psy·kheʹ na ginamit dito. (Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”) Kadalasan nang tumutukoy ito sa buhay ng isang tao, sa kasalukuyan man o sa hinaharap. Sa kontekstong ito, puwede rin itong isalin na “inyong buhay sa hinaharap” o “inyong tunay na buhay.”
kaniya: Tumutukoy sa lunsod ng Jerusalem. Sa kontekstong ito, ang pangalang Jerusalem sa Griego ay nasa pambabaeng anyo, pero sa ibang konteksto, wala itong kasarian.
Judea: Ang Romanong lalawigan ng Judea.
sa mga kabundukan: Ayon sa ikaapat-na-siglong istoryador na si Eusebius, ang mga Kristiyano noon sa Judea at Jerusalem ay tumawid sa Ilog Jordan para tumakas papuntang Pela, isang lunsod sa mabundok na rehiyon ng Decapolis.—Tingnan ang Ap. B10.
kaniya: Tumutukoy sa lunsod ng Jerusalem.—Tingnan ang study note sa Luc 21:20.
mga araw para sa paglalapat ng katarungan: O “mga araw ng paghihiganti,” na tumutukoy sa paghihiganti at paghatol ng Diyos. Sa isang naunang pagkakataon, sa sinagoga sa Nazaret, sumipi si Jesus mula sa hula ni Isaias (Isa 61:1, 2) at sinabing sa kaniya ito tumutukoy, pero hindi sinasabi sa ulat na sinipi niya rin ang tungkol sa “araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Luc 4:16-21) Pero sa pagkakataong ito, binanggit ni Jesus ang tungkol sa “mga araw ng paghihiganti” nang ihula niya na papalibutan ng nagkakampong mga hukbo ang Jerusalem. Ang paghihiganti ng Diyos ay isa sa mga bagay na nakasulat sa Hebreong Kasulatan. Ang salitang Griego na isinalin ditong “paglalapat ng katarungan” o “paghihiganti” ay ginamit sa salin ng Septuagint sa Deu 32:35; Jer 46:10 (26:10, LXX); at Os 9:7. Sa mga tekstong ito, ang mga katumbas na terminong Hebreo ay isinaling “paghihiganti” at “pagtutuos.”
mga takdang panahon ng mga bansa: O “mga panahon ng mga Gentil.” Ang salitang Griego na kai·rosʹ (ang anyong pangmaramihan ay isinalin ditong “mga takdang panahon”) ay puwedeng tumukoy sa isang bahagi ng “panahon” o isang itinakda o espesipikong yugto ng panahon na makikilala dahil sa ilang partikular na tanda. (Mat 13:30; 21:34; Mar 11:13) Ginamit ito para sa “takdang panahon” ng pagsisimula ng ministeryo ni Jesus (Mar 1:15) at sa “takdang panahon” ng kamatayan niya (Mat 26:18). Ang terminong kai·rosʹ ay ginagamit din para tumukoy sa panahon sa hinaharap, na nasa talaorasan o kaayusan ng Diyos, partikular na ang may kaugnayan sa presensiya ni Kristo at sa kaniyang Kaharian. (Gaw 1:7; 3:19; 1Te 5:1) Kung titingnan ang pagkakagamit ng salitang kai·rosʹ sa Bibliya, mauunawaan nating ang ekspresyong “mga takdang panahon ng mga bansa” ay hindi tumutukoy sa isang yugto ng panahon na walang takdang haba, kundi sa isang yugto ng panahon na may itinakdang pasimula at katapusan. Ang terminong “mga bansa” o “mga Gentil” ay ipinanunumbas sa pangmaramihang anyo ng salitang Griego na eʹthnos, na madalas gamitin ng mga manunulat ng Bibliya para tumukoy sa di-Judiong mga bansa.
lupa: Ang salitang Griego para sa “lupa” (oi·kou·meʹne) ay tumutukoy sa mundo na tirahan ng mga tao.—Luc 4:5; Gaw 17:31; Ro 10:18; Apo 12:9; 16:14.
makikita: Tingnan ang study note sa Mat 24:30.
Anak ng tao: Tingnan ang study note sa Mat 8:20.
nasa ulap: Tingnan ang study note sa Mat 24:30.
ilustrasyong: O “talinghagang; aral na.”—Tingnan ang study note sa Mat 13:3.
Ang langit at lupa ay maglalaho: Tingnan ang study note sa Mat 24:35.
ang mga salita ko ay hindi maglalaho: Tingnan ang study note sa Mat 24:35.
makatayo: Sa Bibliya, ang terminong ito ay ginagamit kung minsan para ipakita na ang isang indibidwal o grupo ay may magandang katayuan sa harap ng isa na may awtoridad. (Aw 1:5; 5:5; Kaw 22:29; Luc 1:19) Halimbawa, sa Apo 7:9, 15, sinasabing may isang malaking pulutong na “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero,” na nagpapakitang sinasang-ayunan sila ng Diyos at ni Jesus.
nananatili sa Bundok: Sa huling apat na araw ni Jesus sa lupa, abala siya sa Jerusalem buong araw. Pero sa gabi, umaalis si Jesus sa lunsod kasama ang mga alagad niya at pumupunta sa nayon ng Betania, sa silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo. Siguradong tumutuloy sila sa bahay nina Marta, Maria, at Lazaro.—Mat 21:17; Mar 11:11.
Media
Ayon sa akda ng mga rabbi, ang templong itinayo ni Herodes ay may 13 kabang-yaman na tinatawag na kabang shofar. Ang salitang Hebreo na shoh·pharʹ ay nangangahulugang “sungay ng barakong kambing,” na nagpapakitang may bahagi ng kaban na posibleng kahugis ng tambuli, o trumpeta. Posibleng sa pagkalansing ng mga baryang inihuhulog ng mga tao sa hugis-trumpetang kabang-yaman, naaalala ng mga tao ang pagtuligsa ni Jesus sa mga makasagisag na humihihip ng kanilang trumpeta kapag gumagawa ng mabuti sa mahihirap. (Mat 6:2) Malamang na halos hindi kumalansing ang dalawang maliliit na baryang inihulog ng biyuda, pero ipinakita ni Jesus na ang biyuda at ang kontribusyon nito ay parehong mahalaga kay Jehova.
Sinasabing ang mga batong ito na nasa timugang bahagi ng Western Wall ay mula sa mga istraktura sa bundok ng templo noong unang siglo. Iniwan ito para maging paalaala ng malagim na pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito sa kamay ng mga Romano.
Makikita sa kaliwa ang arko ng tagumpay na nasa Forum sa Roma, Italya. Itinayo ito para alalahanin ang tagumpay ng Romanong heneral na si Tito nang sakupin niya ang Jerusalem at Judea noong 70 C.E. Noong Hunyo 71 C.E., ipinagdiwang ni Tito at ng kaniyang ama na si Emperador Vespasian ang tagumpay na ito sa kabisera ng Imperyo ng Roma. Si Tito ang pumalit kay Vespasian bilang emperador noong 79 C.E. Pagkalipas ng dalawang taon, biglang namatay si Tito, at di-nagtagal, itinayo ang arkong ito para sa kaniya. Inukit sa magkabilang panig ng arko ang prusisyon ng tagumpay ni Tito, at may makukulay na pinta ito noong una. Sa isang panig (1), makikita ang mga sundalong Romano na buhat-buhat ang banal na mga kagamitan ng templo sa Jerusalem. Malinaw na makikitang kasama sa mga samsam ang kandelero na may pitong sanga at ang mesa para sa tinapay na pantanghal, kung saan nakapatong ang banal na mga trumpeta. Sa kabilang panig naman (2), makikita si Tito na nakatayo sa karwaheng hinihila ng apat na kabayo. Makikita sa mga ukit na ito ang ilustrasyong binanggit ni apostol Pablo sa dalawang liham niya. (2Co 2:14; Col 2:15) Siguradong pamilyar sa prusisyon ng tagumpay ng mga Romano ang mga nakabasa ng mga liham ni Pablo. Noon, ang ganitong mga ritwal ay inaaprobahan ng emperador ng Roma o ng pamilya niya. Pinapatunayan ng Arko ni Tito na natupad ang hula ni Jesus na mabibihag ang lunsod ng Jerusalem at magiging tapon ang mga tagaroon.—Luc 21:24.
Inihula ni Jesus na ang mga nakatira sa Jerusalem at Judea ay “papatayin . . . sa pamamagitan ng espada.” (Luc 21:24) Ang espadang makikita sa larawan ay mga 2,000 taon na at posibleng pag-aari ng isang Romanong sundalo na nakadestino sa Jerusalem noong 66 C.E. nang mag-aklas ang mga Judio laban sa mga Romano. Mga 60 cm (24 in) ang haba nito, at nakadikit dito ang natirang bahagi ng lalagyan nitong katad. Natagpuan ang espadang ito (noong 2011) noong naghuhukay ang mga arkeologo sa isang lagusan sa pagitan ng Lunsod ni David at ng Archaeological Park malapit sa Western Wall ng Jerusalem. Lumilitaw na ang lagusang ito ay naging taguan ng mga taga-Jerusalem noong nagkakagulo na dito bago ito mawasak noong 70 C.E.
Sa hula ni Jesus tungkol sa mangyayari sa Jerusalem at sa templo, sinabi niya na ang mga taga-Judea ay “dadalhing bihag sa lahat ng bansa.” (Luc 21:21, 24) Ang baryang makikita dito ay malinaw na patotoo na natupad ang sinabi ni Jesus. Ang ganitong mga barya na nagpapakita sa pagbihag sa Judea ay unang ginawa noong 71 C.E. Sa isang panig ng barya, makikita ang larawan ni Tito, anak ni Emperador Vespasian. Si Tito ang tumapos sa pananakop sa Judea na sinimulan ni Vespasian. Sa kabilang panig naman, makikita sa tabi ng puno ng palma ang isang lalaking taga-Judea na nakatali ang kamay sa likod at isang babaeng Judio na nakaupo at umiiyak. Mababasa dito ang “IVDAEA CAPTA,” na nangangahulugang “Ang Nabihag na Judea.”