Levitico 7:1-38

7  “‘Ito ang kautusan tungkol sa handog para sa pagkakasala:+ Iyon ay kabanal-banalang bagay. 2  Papatayin nila ang handog para sa pagkakasala kung saan nila pinapatay ang handog na sinusunog, at ang dugo nito+ ay dapat iwisik sa lahat ng panig ng altar.+ 3  Ihahandog niya ang lahat ng taba nito:+ ang matabang buntot, ang taba na nakapalibot sa mga bituka, 4  at ang dalawang bato pati ang taba ng mga iyon na malapit sa balakang. Kukunin din niya ang lamad* sa atay kasama ng mga bato.+ 5  Susunugin ng saserdote ang mga iyon para pumailanlang mula sa altar ang usok ng mga iyon bilang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy.+ Iyon ay handog para sa pagkakasala. 6  Bawat lalaki, na saserdote, ay kakain nito,+ at dapat itong kainin sa banal na lugar. Iyon ay kabanal-banalang bagay.+ 7  Iisa lang ang kautusan sa handog para sa kasalanan at handog para sa pagkakasala; mapupunta ito sa saserdote na magbabayad-sala sa pamamagitan nito.+ 8  “‘Kapag inihandog ng saserdote ang handog na sinusunog ng isang tao, ang balat+ ng handog na sinusunog na dinala sa saserdote ay mapupunta sa saserdote. 9  “‘Bawat handog na mga butil na niluto sa pugon, sa kawali, o sa malapad na lutuan+ ay mapupunta sa saserdote na maghahandog nito. Ito ay magiging kaniya.+ 10  Pero bawat handog na mga butil na tuyo+ o hinaluan ng langis+ ay para sa lahat ng anak ni Aaron; pantay-pantay ang makukuha ng bawat isa. 11  “‘At ito ang kautusan tungkol sa haing pansalo-salo+ na ihahandog ng isang tao kay Jehova: 12  Kapag inihahandog niya ito bilang hain ng pasasalamat,+ maghahandog din siya ng hugis-singsing na mga tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at hugis-singsing na mga tinapay na gawa sa magandang klase ng harina, na hinalong mabuti at nilagyan ng maraming langis. 13  Bukod diyan, maghahandog siya ng hugis-singsing na mga tinapay na may pampaalsa kasama ng kaniyang mga haing pansalo-salo na inihandog niya bilang pasasalamat. 14  Mula sa bawat hain niya, maghahandog siya ng isang banal na bahagi kay Jehova; mapupunta ito sa saserdote na magwiwisik ng dugo ng mga haing pansalo-salo.+ 15  Ang karne ng haing pansalo-salo na inihandog niya bilang pasasalamat ay kakainin sa araw na ihandog niya ito. Hindi siya magtitira nito sa umaga.+ 16  “‘Kung ang inialay niyang handog ay isang panata+ o kusang-loob na handog,+ dapat itong kainin sa araw na ialay niya ang kaniyang handog, at ang matitira dito ay puwede pang makain kinabukasan. 17  Pero kung sa ikatlong araw ay may matirang karne mula sa handog, dapat itong sunugin.+ 18  Gayunman, kung sa ikatlong araw ay may kumain ng natirang karne ng kaniyang haing pansalo-salo, ang naghahandog nito ay hindi magiging kalugod-lugod. Hindi siya makikinabang dito; ito ay kasuklam-suklam, at ang kakain nito ay mananagot sa kaniyang kasalanan.+ 19  Ang karne na madidikit sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin. Susunugin iyon. Lahat ng taong malinis ay makakakain ng malinis na karne. 20  “‘Pero kung ang isang maruming tao* ay kumain ng karne ng haing pansalo-salo na para kay Jehova, ang taong* iyon ay dapat patayin.*+ 21  Kung mahipo ng isang tao* ang anumang bagay na marumi, iyon man ay karumihan ng isang tao+ o isang maruming hayop+ o anumang marumi at kasuklam-suklam na bagay,+ at kumain siya ng karne ng haing pansalo-salo na para kay Jehova, ang taong* iyon ay papatayin.’” 22  Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 23  “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Huwag kayong kakain ng anumang taba+ ng toro* o ng batang lalaking tupa o ng kambing. 24  Ang taba ng isang hayop na natagpuang patay at ang taba ng isang hayop na pinatay ng ibang hayop ay puwedeng gamitin sa ibang paraan, pero huwag na huwag ninyo itong kakainin.+ 25  Ang sinumang kumain ng taba ng isang hayop na inialay niya bilang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy ay papatayin. 26  “‘Huwag kayong kakain ng anumang dugo+ sa alinmang lugar na tinitirhan ninyo, iyon man ay dugo ng ibon o ng iba pang hayop. 27  Ang sinumang* kumain ng anumang dugo ay papatayin.’”+ 28  Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 29  “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Ang sinumang naghahandog ng kaniyang haing pansalo-salo para kay Jehova ay kukuha ng isang bahagi mula sa kaniyang haing pansalo-salo bilang handog kay Jehova.+ 30  Siya mismo ang magdadala ng taba+ kasama ang dibdib bilang handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, at igagalaw niya iyon nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw*+ sa harap ni Jehova. 31  Susunugin ng saserdote ang taba para pumailanlang mula sa altar ang usok,+ pero ang dibdib ay mapupunta kay Aaron at sa mga anak niya.+ 32  “‘Ibibigay ninyo sa saserdote ang kanang binti bilang isang banal na bahagi mula sa inyong mga haing pansalo-salo.+ 33  Ang kanang binti ang magiging bahagi ng anak ni Aaron+ na maghahandog ng dugo ng mga haing pansalo-salo at ng taba. 34  Dahil kukunin ko mula sa mga haing pansalo-salo ng mga Israelita ang dibdib ng handog na iginagalaw* at ang binti ng banal na bahagi, at ibibigay ko ang mga iyon kay Aaron na saserdote at sa mga anak niya; ito ay isang tuntunin hanggang sa panahong walang takda para sa mga Israelita.+ 35  “‘Ito ang mga bahagi mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy na ibibigay sa mga saserdote, kay Aaron at sa mga anak niya, sa araw na iharap niya sila para maglingkod kay Jehova bilang mga saserdote.+ 36  Iniutos ni Jehova na ibigay sa kanila ang bahaging ito mula sa mga Israelita sa araw na pahiran niya sila ng langis.+ Mananatili ang batas na ito na kailangang sundin ng mga henerasyon nila.’” 37  Ito ang kautusan para sa handog na sinusunog,+ handog na mga butil,+ handog para sa kasalanan,+ handog para sa pagkakasala,+ hain para sa pag-aatas,+ at haing pansalo-salo,+ 38  gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises sa Bundok Sinai+ nang araw na utusan niya ang mga Israelita na ialay ang mga handog nila kay Jehova sa ilang ng Sinai.+

Talababa

O “taba.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “alisin sa bayan niya.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
O “lalaking baka.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari.
Tingnan sa Glosari.

Study Notes

Media