Liham sa mga Hebreo 7:1-28
7 Dahil si Melquisedec, na hari ng Salem at saserdote ng Kataas-taasang Diyos, ay sumalubong kay Abraham nang bumalik ito mula sa pagpatay sa mga hari, at pinagpala niya ito,+
2 at binigyan* siya ni Abraham ng ikasampu ng lahat ng bagay. Una, ang pangalan niya ay isinasaling “Hari ng Katuwiran,” at siya rin ay hari ng Salem, ibig sabihin, “Hari ng Kapayapaan.”
3 Dahil siya ay walang ama, walang ina, walang talaangkanan, walang pasimula ng mga araw at walang wakas ng buhay, kundi ginawang tulad ng Anak ng Diyos, nananatili siyang saserdote sa lahat ng panahon.*+
4 Kaya isipin ninyo kung gaano kadakila ang taong ito na binigyan ni Abraham, ang ulo ng angkan,* ng ikasampu ng pinakamabubuting samsam.+
5 Totoo, ayon sa Kautusan, ang mga anak na lalaki ni Levi+ na inatasang maging mga saserdote ay dapat mangolekta ng ikapu mula sa bayan,+ mula sa mga kapatid nila, kahit na ang mga ito ay mga inapo* ni Abraham.
6 Pero ang taong ito, na hindi mula sa sambahayan ni Levi, ay tumanggap ng ikapu mula kay Abraham at pinagpala niya ang pinangakuan.+
7 Hindi nga matututulan na ang nagbibigay ng pagpapala ay mas dakila sa tumatanggap nito.
8 Sa kaso ng isa, ang tumatanggap ng ikapu ay mga taong namamatay, pero sa isa pang kaso, ang tumatanggap ng ikapu ay pinapatotohanan na nabubuhay.+
9 At masasabing kahit si Levi, na tumatanggap ng ikapu, ay nagbayad ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham,
10 dahil siya ay magiging inapo* pa lang ng ninuno niya nang salubungin ito ni Melquisedec.+
11 Kaya kung posibleng maging perpekto ang tao sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng mga Levita+ (dahil bahagi iyon ng Kautusan na ibinigay sa bayan), bakit pa kailangan ng ibang saserdote na ang pagkasaserdote ay gaya ng kay Melquisedec+ at hindi gaya ng kay Aaron?
12 Kung may pagbabago sa pagkasaserdote, kailangan ding baguhin ang Kautusan.+
13 Dahil ang taong tinutukoy ng mga bagay na ito ay nagmula sa ibang tribo, na hindi pinagmulan ng sinumang naglingkod sa altar.+
14 Dahil malinaw na ang Panginoon natin ay nagmula sa Juda,+ pero walang sinabi si Moises na may mga saserdote mula sa tribong iyon.
15 At lalo pa nga itong naging malinaw nang magkaroon ng ibang saserdote+ na gaya ni Melquisedec,+
16 na naging gayon, hindi dahil sa pinagmulang sambahayan, gaya ng nakasaad sa Kautusan, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihang nagbigay sa kaniya ng buhay na di-magwawakas.+
17 Dahil sinabi bilang patotoo sa kaniya: “Ikaw ay isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.”+
18 Kaya ang naunang kautusan ay inalis dahil ito ay mahina at hindi mabisa.+
19 Dahil walang anuman na naging perpekto dahil sa Kautusan,+ pero nagawa iyon ng mas magandang pag-asa na ibinigay ng Diyos,+ at sa pamamagitan nito ay nakalalapit tayo sa Diyos.+
20 Gayundin, hindi ito ginawa nang walang panunumpa
21 (dahil may mga tao na naging saserdote nang walang panunumpa, pero ang isang ito ay naging saserdote sa pamamagitan ng panunumpa ng Isa tungkol sa kaniya: “Si Jehova* ay sumumpa, at hindi magbabago ang isip niya,* ‘Ikaw ay isang saserdote magpakailanman’”),+
22 at dahil diyan, si Jesus ay naging garantiya ng* isang mas mabuting tipan.+
23 Bukod diyan, dahil namamatay ang mga saserdote, hindi sila nakapagpapatuloy sa paglilingkod, kaya kailangang may pumalit sa kanila,+
24 pero dahil siya ay mananatiling buháy magpakailanman,+ hindi kailangan ng mga kahalili sa pagkasaserdote niya.
25 Kaya maililigtas din niya nang lubusan ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil lagi siyang buháy para makiusap para sa kanila.+
26 Dahil kailangan natin ng gayong mataas na saserdote na tapat, walang kasamaan, walang dungis,+ hindi gaya ng mga makasalanan, at itinaas nang higit pa sa langit.+
27 Di-gaya ng matataas na saserdoteng iyon, hindi niya kailangang mag-alay ng mga handog araw-araw,+ una ay para sa sarili niyang mga kasalanan at pagkatapos ay para sa bayan,+ dahil inihandog niya ang sarili niya nang minsanan at walang hanggan ang bisa nito.+
28 Dahil ang Kautusan ay nag-aatas sa mga taong may mga kahinaan para maging mataas na saserdote,+ pero ang salitang sinumpaan+ pagkatapos ng Kautusan ay nag-aatas sa isang Anak, na ginawang perpekto+ magpakailanman.
Talababa
^ Lit., “pinartihan.”
^ O “nang walang hanggan.”
^ O “ang patriyarka.”
^ Lit., “ay lumabas sa mga balakang.”
^ Lit., “ay nasa balakang.”
^ O “hindi niya ito ikalulungkot.”
^ O “naging panagot para sa.”