Liham sa mga Hebreo 13:1-25
Talababa
Study Notes
Media
Sa larawan, isang Kristiyano ang nangangaral sa dalawang Judio habang nasa may paanan ng bundok ng templo sa Jerusalem. Kailangan ng lakas ng loob ng mga Hebreong Kristiyano na nakatira sa Jerusalem para maipangaral sa mga kapuwa nila Judio ang tungkol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, ang tunay na Mesiyas. Karamihan sa ginagawa ng mga tao sa paligid nila ay nakabase sa Kautusang Mosaiko at sa iba’t ibang tradisyong Judio. Sa napakagandang templo sa Jerusalem (gaya ng makikita sa larawan), naghahandog ng mga hayop ang mga saserdoteng Levita bilang pagsunod sa Kautusang Mosaiko. Posibleng ginagamit ng mga Judio ang nakikitang mga bagay na ito para patunayang nakahihigit ang paraan ng pagsamba nila. Pero noong mga 61 C.E., sumulat si Pablo ng isang liham para sa mga Hebreong Kristiyano at ipinakita niya doon na nakahihigit ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano kaysa sa Judaismo. Sinabi niya na nakahihigit ang templo ng mga Kristiyano dahil isa itong espirituwal na templo at nakahihigit din ang Mataas na Saserdote nila, “si Jesus na Anak ng Diyos.” Nakahihigit din ang handog na inihain niya, na minsanan lang kailangang ibigay. Ipinaliwanag ni Pablo ang mga di-nakikitang bagay na ito sa langit. (Heb 4:14; 7:27, 28; 9:24, 25) Siguradong nakatulong sa mga Hebreong Kristiyano ang mga sinabi ni Pablo, at dahil dito, lumakas ang loob nila na patuloy na sambahin ang Diyos na Jehova sa tamang paraan. Isang mahalagang bahagi ng pagsamba nila ang paghahandog ng mga papuri, na tinukoy ni Pablo bilang “bunga ng mga labi . . . na naghahayag sa mga tao ng pangalan [ng Diyos].” Idinagdag pa niya: “Nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.” (Heb 13:15, 16) Sa kabaligtaran, wala nang halaga ang mga hayop na inihahandog sa templo pagkatapos ng 33 C.E. Hindi na ito tinatanggap ng Diyos.