Genesis 9:1-29
9 Pinagpala ng Diyos si Noe at ang mga anak niya at sinabi: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, at punuin ninyo ang lupa.+
2 Patuloy na matatakot sa inyo ang bawat buháy na nilalang sa lupa, bawat lumilipad na nilalang sa langit, bawat bagay na gumagalaw sa lupa, at lahat ng isda sa dagat. Pamamahalaan* ninyo ang mga iyon.+
3 Ang bawat gumagalaw na hayop na buháy ay puwede ninyong maging pagkain.+ Ang lahat ng iyon ay ibinibigay ko sa inyo gaya ng berdeng pananim.+
4 Pero huwag ninyong kakainin ang laman kasama ang buhay* nito—ang dugo+ nito.+
5 Bukod diyan, pananagutin ko ang magpapadanak ng dugo ninyo.* Kung patayin kayo ng isang buháy na nilalang, dapat itong mamatay. Kung patayin ng isang tao ang kapuwa niya, dapat siyang patayin, dahil pinadanak niya ang dugo ng kapatid niya.+
6 Ang sinumang pumatay* ng tao ay papatayin din ng tao,+ dahil ang tao ay ginawa ng Diyos ayon sa Kaniyang larawan.+
7 At kung tungkol sa inyo, magpalaanakin kayo at magpakarami, at mangalat kayo sa buong lupa.”+
8 Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Noe at sa mga anak niya:
9 “Nakikipagtipan ako ngayon sa inyo+ at sa magiging mga anak ninyo,
10 at sa bawat buháy na nilalang* na kasama ninyo, ang mga ibon, hayop, at lahat ng buháy na nilalang sa lupa na kasama ninyo, ang lahat ng lumabas sa arka—ang lahat ng buháy na nilalang sa lupa.+
11 Oo, nakikipagtipan ako sa inyo: Hindi na muling malilipol ang lahat ng tao at hayop* sa pamamagitan ng baha, at hindi na muling sisirain ng isang baha ang lupa.”+
12 At sinabi pa ng Diyos: “Ito ang tanda ng pakikipagtipan ko sa inyo at sa bawat buháy na nilalang* na kasama ninyo, para sa lahat ng susunod na henerasyon.
13 Maglalagay ako sa ulap ng bahaghari, at ito ang magiging tanda ng tipan sa pagitan ko at ng lupa.
14 Sa tuwing magdadala ako ng ulap sa ibabaw ng lupa, tiyak na lilitaw ang bahaghari sa ulap.
15 At tiyak na maaalaala ko ang pakikipagtipan ko sa inyo at sa bawat uri ng buháy na nilalang;* at ang tubig ay hindi na muling magiging baha na lilipol sa lahat ng tao at hayop.+
16 At ang bahaghari ay lilitaw sa ulap, at tiyak na makikita ko iyon at maaalaala ang walang-hanggang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bawat uri ng buháy na nilalang* sa lupa.”
17 Inulit ng Diyos kay Noe: “Ito ang tanda ng pakikipagtipan ko sa lahat ng tao at hayop na nasa lupa.”+
18 Ang mga anak ni Noe na lumabas sa arka ay sina Sem, Ham, at Japet.+ At naging anak ni Ham si Canaan.+
19 Ang tatlong ito ang mga anak ni Noe, at sa kanila nagmula ang lahat ng taong nangalat sa lupa.+
20 At sinimulan ni Noe na sakahin ang lupa, at nagtanim siya ng mga ubas.
21 Nang uminom siya ng alak, nalasing siya at naghubad sa loob ng tolda niya.
22 Nakita ni Ham, na ama ni Canaan, ang kahubaran ng kaniyang ama at sinabi iyon sa dalawang kapatid niya na nasa labas.
23 Kaya kumuha sina Sem at Japet ng isang balabal at inilagay sa balikat nilang dalawa at lumakad nang paatras. Sa gayon, tinakpan nila ang kahubaran ng kanilang ama habang nakatalikod sila, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama.
24 Nang magising si Noe at mawala ang kalasingan, nalaman niya ang ginawa sa kaniya ng bunso niyang anak,
25 kaya sinabi niya:
“Sumpain si Canaan.+
At siya ang maging pinakamababang alipin ng mga kapatid niya.”+
26 Sinabi pa niya:
“Purihin si Jehova, ang Diyos ni Sem,At si Canaan ay maging alipin niya.+
27 Bigyan nawa ng Diyos si Japet ng napakalaking lupain,At manirahan nawa siya sa mga tolda ni Sem.
At si Canaan ay maging alipin din niya.”
28 Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng Baha.+
29 Kaya nabuhay si Noe nang 950 taon, at siya ay namatay.