Genesis 14:1-24

14  Nang mga araw nina Amrapel na hari ng Sinar,+ Ariok na hari ng Elasar, Kedorlaomer+ na hari ng Elam,+ at Tidal na hari ng Goiim, 2  nakipagdigma sila kina Bera na hari ng Sodoma,+ Birsa na hari ng Gomorra,+ Sinab na hari ng Adma, Semeber na hari ng Zeboiim,+ at sa hari ng Bela, na tinatawag ding Zoar. 3  Lahat sila* ay nagsanib-puwersa sa Lambak* ng Sidim,+ na tinatawag ding Dagat Asin.*+ 4  Naglingkod ang limang haring iyon kay Kedorlaomer nang 12 taon, pero naghimagsik sila noong ika-13 taon. 5  Kaya noong ika-14 na taon, si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya ay lumusob, at tinalo nila ang mga Repaim sa Asterot-karnaim, ang mga Zuzim sa Ham, ang mga Emim+ sa Save-kiriataim, 6  at ang mga Horita+ sa kanilang bundok ng Seir+ hanggang sa El-paran, na nasa ilang. 7  Pagkatapos, bumalik sila at pumunta sa En-mispat, na tinatawag ding Kades,+ at sinakop nila ang buong teritoryo ng mga Amalekita+ at gayundin ang mga Amorita+ na naninirahan sa Hazazon-tamar.+ 8  Sa pagkakataong ito, lumusob ang hari ng Sodoma, gayundin ang hari ng Gomorra, ang hari ng Adma, ang hari ng Zeboiim, at ang hari ng Bela, na tinatawag ding Zoar, at sila ay humanay sa Lambak* ng Sidim para makipagdigma 9  kina Kedorlaomer na hari ng Elam, Tidal na hari ng Goiim, Amrapel na hari ng Sinar, at Ariok na hari ng Elasar+—apat na hari laban sa lima. 10  Napakaraming hukay na punô ng bitumen sa Lambak* ng Sidim, at habang sinusubukang tumakas ng mga hari ng Sodoma at Gomorra, nahulog sila sa mga iyon, at ang iba pa ay tumakas papunta sa mabundok na rehiyon. 11  Pagkatapos, kinuha ng apat na nagtagumpay na hari ang lahat ng pag-aari ng Sodoma at Gomorra at ang lahat ng pagkain nila at umalis.+ 12  Kinuha rin nila si Lot, ang anak ng kapatid ni Abram na nakatira sa Sodoma,+ pati na ang mga pag-aari nito. 13  Pagkatapos, isang taong nakatakas ang pumunta kay Abram na Hebreo at ikinuwento ang nangyari. Nakatira siya noon* malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amorita,+ ang kapatid nina Escol at Aner.+ Sila ay mga kakampi ni Abram. 14  Sa gayon ay narinig ni Abram na nabihag ang kaniyang kamag-anak.*+ Kaya tinipon niya ang mga lalaking sinanay para makipagdigma, 318 lingkod na ipinanganak sa sambahayan niya, at hinabol nila ang mga kalaban hanggang sa Dan.+ 15  Nang gabi na, hinati niya sa mga grupo ang kaniyang mga lingkod, at nilusob niya at ng mga lingkod niya ang mga kalaban at tinalo ang mga ito. At hinabol niya sila hanggang sa Hoba, na nasa hilaga ng Damasco. 16  Nabawi niya ang lahat ng pag-aari, at nabawi rin niya si Lot na kaniyang kamag-anak, ang mga pag-aari nito, ang mga babae, at ang iba pang bihag. 17  Nang makabalik si Abram matapos niyang talunin si Kedorlaomer at ang mga kasama nitong hari, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Lambak* ng Save, na tinatawag ding Lambak ng Hari.+ 18  At si Melquisedec+ na hari ng Salem+ ay naglabas ng tinapay at alak; siya ay saserdote ng Kataas-taasang Diyos.+ 19  Pagkatapos, pinagpala niya si Abram at sinabi: “Pagpalain nawa si Abram ng Kataas-taasang Diyos,Ang Maylikha ng langit at lupa; 20  At purihin ang Kataas-taasang Diyos,Na nagbigay ng mga kaaway mo sa iyong kamay!” At binigyan siya ni Abram ng ikasampu ng lahat ng bagay.+ 21  Pagkatapos, sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram: “Ibigay mo sa akin ang mga tao, pero kunin mo ang mga pag-aari.” 22  Pero sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma: “Itinataas ko ang kamay ko bilang panunumpa kay Jehova na Kataas-taasang Diyos, na Maylikha ng langit at lupa, 23  na wala akong kukuning anumang bagay na pag-aari mo, kahit isang sinulid o isang sintas ng sandalyas, para hindi mo sabihin, ‘Ako ang nagpayaman kay Abram.’ 24  Wala akong kukunin maliban sa nakain na ng mga lingkod ko. Pero para sa mga lalaking sumama sa akin, sina Aner, Escol, at Mamre+—hayaan mong kunin nila ang parte nila.”

Talababa

Dagat na Patay.
O “Mababang Kapatagan.”
Lumilitaw na ang panghalip na “sila” ay tumutukoy sa mga hari sa tal. 1.
O “Mababang Kapatagan.”
O “Mababang Kapatagan.”
O “Nakatira siya noon sa mga tolda.”
Lit., “kapatid.”
O “Mababang Kapatagan.”

Study Notes

Media