Mga Gawa ng mga Apostol 21:1-40

21  Malungkot kaming humiwalay sa kanila at saka naglayag nang tuloy-tuloy papuntang Cos, kinabukasan ay sa Rodas, at mula roon ay sa Patara. 2  Nang may makita kaming barko patungong Fenicia, sumakay kami at naglayag. 3  Natanaw namin ang isla ng Ciprus sa gawing kaliwa. Pero nilampasan namin iyon at naglayag papuntang Sirya at dumaong sa Tiro, kung saan ibababa ng barko ang kargamento nito. 4  Hinanap namin ang mga alagad, at nang matagpuan namin sila ay nanatili kami roon nang pitong araw. Pero dahil sa ipinaalám ng espiritu, paulit-ulit nilang sinabihan si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem.+ 5  Kaya nang oras na para umalis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Pero inihatid kami ng lahat, pati ng mga babae at bata, hanggang sa labas ng lunsod. At nanalangin kami nang nakaluhod sa dalampasigan 6  at nagpaalam sa isa’t isa. Sumakay kami sa barko, at umuwi na sila. 7  Mula Tiro, dumaong kami sa Tolemaida, at kinumusta namin ang mga kapatid at nakituloy sa kanila nang isang araw. 8  Kinabukasan, pumunta kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ni Felipe na ebanghelisador,+ na isa sa pitong lalaki.+ 9  Ang taong ito ay may apat na dalagang anak na nanghuhula.+ 10  Pero nang mga ilang araw na kami roon, ang propetang si Agabo+ ay dumating mula sa Judea. 11  At pinuntahan niya kami, kinuha ang sinturon ni Pablo, at iginapos ang mga paa at kamay niya at sinabi: “Ganito ang sabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng sinturong ito ay igagapos sa ganitong paraan ng mga Judio sa Jerusalem,+ at ibibigay nila siya sa kamay ng mga tao ng ibang mga bansa.’”+ 12  Nang marinig namin ito, kami at ang mga naroon ay nagsimulang makiusap sa kaniya na huwag pumunta sa Jerusalem. 13  Sumagot si Pablo: “Bakit kayo umiiyak, at bakit ninyo pinahihina ang loob ko? Handa akong maigapos at mamatay pa nga sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”+ 14  Nang ayaw niyang magpapigil, hindi na kami tumutol* at sinabi namin: “Mangyari nawa ang kalooban ni Jehova.” 15  Pagkatapos, naghanda kami at naglakbay papuntang Jerusalem. 16  Sinamahan kami ng ilan sa mga alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa tutuluyan namin, sa bahay ni Minason na taga-Ciprus, isa sa mga unang alagad. 17  Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18  Pero kinabukasan, sumama sa amin si Pablo papunta kay Santiago,+ at naroon* ang lahat ng matatandang lalaki. 19  At binati niya sila at inilahad nang detalyado ang lahat ng ginawa ng Diyos sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng ministeryo niya. 20  Pagkarinig nito, niluwalhati nila ang Diyos, pero sinabi nila sa kaniya: “Kapatid, alam mong libo-libo sa mga mananampalataya ay Judio, at lahat sila ay mahigpit na sumusunod sa Kautusan.+ 21  At narinig nila ang usap-usapan tungkol sa iyo na tinuturuan mong tumalikod sa Kautusan ni Moises ang lahat ng Judio na nasa ibang mga bansa. Sinasabi mo raw sa mga ito na huwag tuliin ang mga anak nila at huwag nang sundin ang mga kaugalian.+ 22  Kaya ano ang magandang gawin? Dahil tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23  Ito ang gawin mo: May apat na lalaki sa amin na nasa ilalim ng panata. 24  Isama mo ang mga lalaking ito at linisin mo ang iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang mga gastusin nila, para mapaahitan nila ang kanilang ulo.* At malalaman ng lahat na hindi totoo ang usap-usapan tungkol sa iyo, kundi namumuhay ka kaayon ng Kautusan.+ 25  Para naman sa mga mananampalataya mula sa ibang mga bansa, nakapagpadala na tayo ng sulat sa kanila para ipaalám ang desisyon natin na dapat silang umiwas sa mga inihain sa idolo,+ pati na sa dugo,+ binigti,+ at seksuwal na imoralidad.”+ 26  Kinabukasan, isinama ni Pablo ang mga lalaki at nilinis ang sarili niya sa seremonyal na paraan kasama nila,+ at pumasok siya sa templo para ipaalám kung kailan matatapos ang seremonyal na paglilinis at kung kailan dapat maghandog para sa bawat isa sa kanila. 27  Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita siya sa templo ng mga Judiong mula sa Asia. Sinulsulan nila ang mga tao at sinunggaban siya, 28  at isinigaw nila: “Mga Israelita, tulong! Ito ang taong nagtuturo sa lahat ng tao saanmang lugar ng mga bagay na laban sa ating bayan, Kautusan, at sa lugar na ito. Ang mas masama pa, nagsama siya ng mga Griego sa templo at dinumhan ang banal na lugar na ito.”+ 29  Nakita kasi nila dati na kasama niya sa lunsod si Trofimo+ na taga-Efeso, at inisip nilang isinama siya ni Pablo sa templo. 30  Nagkagulo ang buong lunsod, at sumugod ang mga tao at kinaladkad nila si Pablo palabas ng templo, at agad na isinara ang mga pinto. 31  Habang binubugbog nila siya para patayin, nabalitaan ng kumandante ng militar na nagkakagulo ang buong Jerusalem; 32  at agad siyang nagsama ng mga sundalo at opisyal ng hukbo papunta roon. Nang makita nila ang kumandante ng militar at ang mga sundalo, tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo. 33  Lumapit ang kumandante ng militar at kinuha siya at iniutos na igapos siya ng dalawang tanikala;+ at itinanong nito sa mga tao kung sino siya at kung ano ang ginawa niya. 34  Pero magkakaiba ang isinisigaw nila. At dahil nagkakagulo ang lahat, walang maintindihan ang kumandante. Kaya iniutos nitong dalhin si Pablo sa kuwartel ng mga sundalo. 35  Nang makarating siya sa hagdan, kinailangan na siyang buhatin ng mga sundalo dahil napakarahas ng mga tao. 36  May grupong sumusunod sa kanila at sumisigaw: “Patayin siya!” 37  Nang dadalhin na siya sa kuwartel ng mga sundalo, sinabi ni Pablo sa kumandante ng militar: “Puwede ba kitang makausap?” Sinabi nito: “Nakapagsasalita ka ng Griego? 38  Hindi ba ikaw ang Ehipsiyo na nanulsol ng sedisyon noon at nagsama sa ilang ng 4,000 lalaking may punyal?” 39  At sinabi ni Pablo: “Ako ay isang Judio+ mula sa Tarso+ sa Cilicia, mamamayan ng isang kilalang lunsod. Pakiusap, payagan mo akong magsalita sa mga tao.” 40  Nang mabigyan ng pahintulot, sumenyas si Pablo para patahimikin ang mga tao habang nakatayo siya sa hagdan. Nang tumahimik ang lahat, sinabi niya sa kanila sa wikang Hebreo:+

Talababa

Lit., “tumahimik na kami.”
O “nagpunta roon.”
Para matupad nila ang panata nila sa Diyos.

Study Notes

gawing kaliwa: O “bahagi ng daungan.” Lumilitaw na dumaan ang barko sa timog-kanluran ng isla ng Ciprus habang naglalayag ito pasilangan papuntang Tiro. Mga siyam na taon na ang nakakalipas, sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero kasama sina Bernabe at Juan Marcos, napaharap sila sa mangkukulam na si Elimas, na kumontra sa pangangaral nila sa Ciprus. (Gaw 13:4-12) Nang makita ulit ni Pablo ang Ciprus at maalala niya ang mga nangyari doon, siguradong napatibay at napalakas siya na harapin ang susunod na mga pagsubok.

ebanghelisador: Ang terminong Griego na eu·ag·ge·li·stesʹ, na isinalin ditong “ebanghelisador,” ay pangunahin nang nangangahulugang “tagapaghayag ng mabuting balita.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:23.) Lahat ng Kristiyano ay inatasang mangaral ng mabuting balita (Mat 24:14; 28:19, 20; Gaw 5:42; 8:4; Ro 10:9, 10), pero makikita sa konteksto ng tatlong talata kung saan lumitaw ang terminong Griegong ito na ang salitang “ebanghelisador” ay puwedeng tumukoy sa mas espesipikong atas (Gaw 21:8; Efe 4:11, tlb.; 2Ti 4:5, tlb.). Halimbawa, kapag tumutukoy ito sa isang tao na magdadala ng mabuting balita sa isang bagong teritoryo na hindi pa napangaralan, ang terminong Griego ay puwedeng isaling “misyonero.” Pagkatapos ng Pentecostes, sinimulan ni Felipe ang pangangaral sa lunsod ng Samaria, at naging mabunga siya roon. Sa patnubay ng isang anghel, ipinangaral din ni Felipe ang mabuting balita tungkol kay Kristo sa isang mataas na opisyal na Etiope, at binautismuhan niya ito. Pagkatapos, inakay naman siya ng espiritu para mangaral sa Asdod at sa lahat ng lunsod na madaraanan niya papuntang Cesarea. (Gaw 8:5, 12, 14, 26-40) Makalipas ang mga 20 taon, tinatawag pa rin si Felipe na “ebanghelisador,” gaya ng makikita dito sa Gaw 21:8.

dalagang anak: Lit., “anak na babae, birhen.” Sa Bibliya, ang terminong Griego na par·theʹnos, na karaniwang isinasaling “birhen,” ay tumutukoy sa isang lalaki o babaeng walang asawa at hindi pa nakipagtalik. (Mat 25:1-12; Luc 1:27; 1Co 7:25, 36-38) Sa kontekstong ito, ang terminong Griegong ito ay nagpapakita na hindi pa nagkaasawa ang apat na anak na babae ni Felipe.

nanghuhula: Inihula ni propeta Joel na darating ang panahon na parehong manghuhula ang mga lalaki at babae. (Joe 2:28, 29) Ang mga salitang ginamit sa orihinal na wika na isinaling “manghula” ay pangunahin nang nangangahulugang “maghayag ng mensahe mula sa Diyos,” at hindi ito laging tumutukoy sa pagsasabi ng mangyayari sa hinaharap. (Tingnan ang study note sa Gaw 2:17.) Ang lahat ng miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay puwedeng magsalita tungkol sa katuparan ng mga hulang nasa Salita ng Diyos, pero ang ‘panghuhula’ na binabanggit sa 1Co 12:4, 10 ay isa sa makahimalang mga kaloob ng espiritu na ibinigay lang sa ilang miyembro ng bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Ang ilan sa mga tumanggap ng kaloob na ito ay nakapanghula ng mangyayari sa hinaharap, gaya ni Agabo. (Gaw 11:27, 28) Ang mga babaeng napili ni Jehova na tumanggap ng kaloob na ito ay siguradong nagpakita ng matinding paggalang kay Jehova sa pamamagitan ng patuloy na pagpapasakop sa pagkaulo ng mga lalaking miyembro ng kongregasyon.—1Co 11:3-5.

pinahihina ang loob ko: O “pinahihina ang puso ko.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “pagdurog-durugin; pagpira-pirasuhin.” Makasagisag ang pagkakagamit nito dito kasama ng salitang Griego para sa “puso.”

kalooban ni Jehova: Kapag ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang terminong Griego para sa “kalooban” (theʹle·ma) ay pinakamadalas na iniuugnay sa kalooban ng Diyos. (Mat 7:21; 12:50; Mar 3:35; Ro 12:2; 1Co 1:1; Heb 10:36; 1Pe 2:15; 4:2; 1Ju 2:17) Sa Septuagint, ang terminong Griego na theʹle·ma ay madalas na ginagamit na panumbas sa mga ekspresyong Hebreo para sa kalooban, o kagustuhan, ng Diyos, at makikita ito sa mga talata kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos. (Aw 40:8, 9 [39:9, 10, LXX]; 103:21 [102:21, LXX]; 143:9-11 [142:9-11, LXX]; Isa 44:24, 28; Jer 9:24 [9:23, LXX]; Mal 1:10) Ganiyan din ang pagkakagamit ni Jesus sa terminong ito sa panalangin niya sa kaniyang Ama sa Mat 26:42: “Mangyari nawa ang kalooban mo.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 21:14.

Santiago: Malamang na ang kapatid ni Jesus sa ina at ang Santiago na binabanggit sa Gaw 12:17; 15:13.—Tingnan ang study note sa Mat 13:55; Gaw 12:17; 15:13.

at naroon ang lahat ng matatandang lalaki: Tingnan ang study note sa Gaw 15:2; 16:4. Walang isa man sa mga apostol ang binanggit na nasa pagpupulong na iyon noong 56 C.E. Hindi sinasabi ng Bibliya kung bakit. Pero sinabi ng istoryador na si Eusebius (ipinanganak noong mga 260 C.E.) tungkol sa mga panahong malapit nang wasakin ang Jerusalem: “Pinalayas sa Judea ang natitira sa mga apostol, na laging nanganganib ang buhay. Pero sa kapangyarihan ni Kristo, nagpunta sila sa iba’t ibang lupain para ipangaral ang mensahe nila.” (Eusebius, Aklat III, V, v. 2) Kahit hindi makikita sa Kasulatan ang binanggit ni Eusebius, kaayon naman ito ng sinasabi ng Bibliya. Halimbawa, noong 62 C.E., nasa Babilonya si Pedro—malayo sa Jerusalem. (1Pe 5:13) Pero nasa Jerusalem pa rin si Santiago, na kapatid ni Jesus, at malamang na siya ang nanguna sa pagpupulong na ito na dinaluhan ng “lahat ng matatandang lalaki” at ni Pablo.

libo-libo: Lit., “laksa-laksa; sampu-sampung libo.” Ang salitang Griego ay literal na tumutukoy sa 10,000, o isang laksa, pero puwede rin itong tumukoy sa isang napakalaki at di-tiyak na bilang.

tumalikod: O “mag-apostata.” Ang pangngalang Griego na a·po·sta·siʹa na ginamit dito ay galing sa pandiwang a·phiʹste·mi, na literal na nangangahulugang “lumayo,” at puwede itong isaling “humiwalay; tumalikod,” depende sa konteksto. (Gaw 19:9; 2Ti 2:19) Ang pangngalan ay puwedeng mangahulugan na “paghiwalay; pag-iwan; pagrerebelde.” Dalawang beses itong lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito at sa 2Te 2:3. Sa klasikal na Griego, ginagamit ang pangngalang ito sa politikal na diwa, at lumilitaw na ganiyan ang pagkakagamit sa anyong pandiwa nito sa Gaw 5:37 may kaugnayan kay Hudas na taga-Galilea, na “nakahikayat [isang anyo ng a·phiʹste·mi] . . . ng mga tagasunod.” Ganiyan din ang pagkakagamit ng Septuagint sa pandiwang ito sa Gen 14:4, at ginamit nito ang pangngalang a·po·sta·siʹa sa Jos 22:22; 2Cr 29:19; at Jer 2:19 bilang panumbas sa mga ekspresyong Hebreo para sa “pagrerebelde” at “pagtataksil.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang a·po·sta·siʹa ay pangunahing ginagamit para sa pagtalikod sa relihiyon, sa pag-iwan sa tunay na pagsamba at paghinto sa paglilingkod sa Diyos, sa pagtatakwil sa dating pinaniniwalaan ng isa, o sa lubusang pagtalikod sa mga prinsipyo o pananampalataya.

binigti: Tingnan ang study note sa Gaw 15:20.

seksuwal na imoralidad: Tingnan ang study note sa Gaw 15:20.

kumandante: Ang salitang Griego na khi·liʹar·khos (chiliarch) ay literal na nangangahulugang “tagapamahala ng isang libo,” o 1,000 sundalo. Tumutukoy ito sa isang Romanong kumandante ng militar na tinatawag na tribuno. (Tingnan ang study note sa Ju 18:12.) Noong mga 56 C.E., si Claudio Lisias ang kumandante ng militar sa garison ng Jerusalem. (Gaw 23:22, 26) Gaya ng mababasa sa Gawa kabanata 21-24, siya ang nagligtas kay Pablo mula sa mga mang-uumog at sa nagkakagulong Sanedrin. Siya rin ang sumulat kay Gobernador Felix noong palihim niyang ipadala si Pablo sa Cesarea.

opisyal ng hukbo: O “senturyon.” Ang senturyon ay pinuno ng mga 100 sundalo sa hukbong Romano.

kuwartel ng mga sundalo: Isang baraks ng hukbong Romano, na nasa Tore, o Tanggulan, ng Antonia sa Jerusalem. Makikita ang tanggulang ito sa hilagang-kanlurang kanto ng looban ng templo, at matatanaw mula rito ang buong templo. Lumilitaw na nakapuwesto ito sa lugar kung saan itinayo noon ni Nehemias ang “Tanggulan ng Bahay,” na binabanggit sa Ne 2:8. Pinatibay ni Herodes na Dakila ang tanggulang ito; marami siyang ipinaayos at malaki ang ginastos niya. Pinangalanan niya itong Antonia para parangalan ang Romanong kumandante ng militar na si Mark Antony. Bago ang panahon ni Herodes, pangunahin nang ginagamit ang tanggulang ito para bantayan ang mga pagsalakay mula sa hilaga. Nang maglaon, nagsilbi itong kuwartel ng mga sundalong nagpapanatili ng kaayusan sa mga Judio at nagkokontrol sa pagpasok at paglabas ng mga tao sa templo. Isang lagusan ang nagdurugtong dito sa templo. (Josephus, Jewish Antiquities, XV, 424 [xi, 7]) Kaya ang mga nasa garisong ito ng mga Romano ay madaling makakapunta sa iba’t ibang lugar sa templo. Malamang na iyan ang dahilan kung bakit nailigtas agad ng mga sundalo si Pablo mula sa mga mang-uumog.—Gaw 21:31, 32; tingnan ang Ap. B11 para sa lokasyon ng Tanggulan ng Antonia.

sa wikang Hebreo: Tingnan ang study note sa Ju 5:2.

Media

Ang mga Ginawa ng Ebanghelisador na si Felipe
Ang mga Ginawa ng Ebanghelisador na si Felipe

Nakaulat sa Bibliya ang ilan sa mga ginawa ng masigasig na si “Felipe na ebanghelisador.” (Gaw 21:8) Isa siya sa “pitong lalaki . . . na may mabuting reputasyon” na namahagi ng pagkain sa mga alagad na nagsasalita ng Griego at mga alagad na nagsasalita ng Hebreo sa Jerusalem. (Gaw 6:1-6) Nang “ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat” pagkamatay ni Esteban, nagpunta si Felipe sa Samaria; nangaral siya doon ng mabuting balita at gumawa ng mga himala. (Gaw 8:1, 4-7) Nang maglaon, isinugo si Felipe ng anghel ni Jehova sa isang daan sa disyerto na mula sa Jerusalem hanggang Gaza. (Gaw 8:26) Nakita doon ni Felipe ang mataas na opisyal na Etiope, at ibinahagi niya rito ang mabuting balita. (Gaw 8:27-38) Inakay si Felipe ng espiritu ni Jehova palayo (Gaw 8:39), at patuloy siyang nangaral mula sa Asdod at sa lahat ng iba pang lunsod na malapit sa baybayin hanggang makarating siya sa Cesarea. (Gaw 8:40) Pagkatapos ng maraming taon, tumuloy sina Lucas at Pablo sa bahay ni Felipe sa Cesarea. Nang panahong iyon, si Felipe ay “may apat na dalagang anak na nanghuhula.”—Gaw 21:8, 9.

1. Jerusalem: Nangasiwa.—Gaw 6:5

2. Samaria: Nangaral ng mabuting balita.—Gaw 8:5

3. Daan sa disyerto papuntang Gaza: Ipinaliwanag ang Kasulatan sa isang mataas na opisyal na Etiope at binautismuhan ito.—Gaw 8:26-39

4. Baybayin: Ipinangaral ang mabuting balita sa lahat ng lunsod.—Gaw 8:40

5. Cesarea: Pinatuloy si Pablo sa bahay niya.—Gaw 21:8, 9

“Ang Pader”
“Ang Pader”

Nang sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso tungkol sa pagkakaisa, ikinumpara niya ang Kautusang Mosaiko sa isang pader na naghihiwalay sa mga Judio at Gentil. (Efe 2:14) Posibleng nasa isip ni Pablo ang pader ng maliliit na looban sa templo sa Jerusalem noong unang siglo. Tinatawag na Soreg ang mababang pader na ito. Harang ito para sa mga Gentil, at papatayin ang sinuman sa kanila na tatawid dito. Minsan, inumog si Pablo sa templo dahil pinagbintangan siya ng mga Judio na nagpasok ng mga Gentil sa maliit na looban. (Gaw 21:26-31) Para maintindihan kung ano ang gustong sabihin ni Pablo nang isulat niya ang tungkol sa “pader” na ito, panoorin ang video.

Daang Romano sa Tarso
Daang Romano sa Tarso

Ang Tarso, kung saan ipinanganak si Saul (nakilala bilang si apostol Pablo), ang pangunahing lunsod sa rehiyon ng Cilicia sa timog-silangan ng Asia Minor, na nasa Türkiye ngayon. (Gaw 9:11; 22:3) Ang Tarso ay isang malaki at mayamang lunsod na kilalá sa pakikipagkalakalan. Maganda ang lokasyon nito dahil nasa ruta ito ng kalakalan sa pagitan ng silangan at kanluran, na dumadaan sa Kabundukan ng Taurus hanggang sa Cilician Gates (isang makitid na kalsada na inuka sa bato at madadaanan ng karwahe). May daungan din sa lunsod na nagdurugtong sa Ilog Cydnus at Dagat Mediteraneo. Ang Tarso ay sentro ng kulturang Griego, at maraming Judiong nakatira dito. Nasa larawan ang natitirang guho na makikita sa Tarso sa ngayon, mga 16 km (10 mi) mula sa lugar kung saan nagdurugtong ang Ilog Cydnus at ang Dagat Mediteraneo. Maraming kilaláng tao na bumisita sa Tarso noon, gaya nina Mark Antony, Cleopatra, Julio Cesar, at ilang emperador. Tumitira doon paminsan-minsan ang Romanong opisyal at manunulat na si Cicero habang siya ang gobernador ng Cilicia mula 51 hanggang 50 B.C.E. Kilaláng sentro ng edukasyon ang Tarso noong unang siglo C.E., at ayon sa heograpong Griego na si Strabo, daig pa nito kahit ang Atenas at Alejandria. Kaya tama lang na inilarawan ni Pablo ang Tarso na “isang kilalang lunsod.”—Gaw 21:39.