Mga Gawa ng mga Apostol 16:1-40
Study Notes
Timoteo: Sa Bibliya, dito unang binanggit si Timoteo, na ang pangalang Griego ay nangangahulugang “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.” Hindi tiyak kung kailan naging Kristiyano si Timoteo. Pero mula pa pagkabata, tinuruan na siya ng nanay niyang si Eunice, na isang Judiong mánanampalatayá, at posibleng ng lola niyang si Loida tungkol sa “banal na mga kasulatan” ng mga Judio, ang Hebreong Kasulatan. (2Ti 1:5; 3:15) Malamang na naging Kristiyano sina Eunice at Loida nang dumalaw si Pablo sa Listra noong unang paglalakbay niya bilang misyonero. Ang ama ni Timoteo ay tinawag na Griego dahil posibleng ang mga ninuno niya ay mula sa Gresya o iba ang lahi niya. Lumilitaw na hindi siya Kristiyano. Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, noong katapusan ng 49 C.E. o pasimula ng 50 C.E., nagpunta siya sa Listra, kung saan lumilitaw na nakatira si Timoteo. Isa nang Kristiyano si Timoteo nang panahong iyon, at “mabuti ang sinasabi tungkol sa kaniya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gaw 16:2) Posibleng mga 20 taóng gulang si Timoteo noon, at sinusuportahan ito ng sinabi ni Pablo kay Timoteo mga 10 o 15 taon pagkatapos nito: “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo.” (1Ti 4:12, malamang na isinulat sa pagitan ng 61 at 64 C.E.) Ipinapakita nito na kahit noong panahong iyon, medyo bata pa rin si Timoteo.
tinuli: Alam na alam ni Pablo na hindi na obligadong magpatuli ang mga Kristiyano. (Gaw 15:6-29) Hindi tuli si Timoteo dahil hindi mánanampalatayá ang tatay niya. Alam ni Pablo na posibleng makatisod ito sa ilang Judio na dadalawin nila ni Timoteo sa paglalakbay nila para mangaral. Pero hindi hinayaan ni Pablo na humadlang ito sa gawain nila, kaya hiniling niya kay Timoteo na magpatuli kahit na masakit ito. Kaya parehong totoo sa kanila ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio.”—1Co 9:20.
mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem: Gaya ng makikita sa study note sa Gaw 15:2, may ilang matatandang lalaki noon sa Israel na nangangasiwa sa buong bansa. Sa katulad na paraan, ang matatandang lalaking ito sa Jerusalem at ang mga apostol ang nagsilbing lupong tagapamahala para sa lahat ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. Nang maresolba ang isyu sa pagtutuli, ipinaalám ng mga apostol at matatandang lalaki ang desisyon nila sa mga kongregasyon, at tinanggap ito ng mga kapatid nang walang kuwestiyon.
lalawigan ng Asia: O “probinsiya ng Asia.” Tingnan sa Glosari, “Asia.”
espiritu ni Jesus: Lumilitaw na tumutukoy sa paggamit ni Jesus ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, na ‘tinanggap niya mula sa Ama.’ (Gaw 2:33) Bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ginamit ni Jesus ang espiritu para pangasiwaan ang gawaing pangangaral ng mga Kristiyano noon at para ipakita kung saan sila dapat magpokus. Sa pagkakataong ito, ginamit ni Jesus ang “banal na espiritu” para pigilan si Pablo at ang mga kasama nito na mangaral sa mga lalawigan ng Asia at Bitinia. (Gaw 16:6-10) Pero nang maglaon, lumaganap pa rin ang mabuting balita sa mga rehiyong ito.—Gaw 18:18-21; 1Pe 1:1, 2.
nilampasan nila ang: O “dumaan sila sa.” Ang pandiwang Griego na pa·rerʹkho·mai, na isinalin ditong “nilampasan,” ay puwede ring mangahulugang dumaan sila mismo sa Misia, at lumilitaw na ito talaga ang ginawa ni Pablo at ng mga kasama niya. Ang daungan ng Troas ay nasa rehiyon ng Misia, na nasa hilagang-kanluran ng Asia Minor. Kailangan nilang dumaan sa Misia para makapunta sa Troas, kaya nang sabihing “nilampasan nila ang Misia,” nangangahulugan itong hindi na sila huminto roon para mangaral.
Macedonia: Tingnan sa Glosari.
naming: Hanggang sa Gaw 16:9, ang aklat ng Gawa ay isinalaysay sa ikatlong panauhan, ibig sabihin, iniuulat lang ni Lucas ang mga sinabi at ginawa ng iba. Pero pagdating sa Gaw 16:10, nagbago ang istilo niya; isinama na ni Lucas ang sarili niya sa salaysay. Ginamit na niya ang mga panghalip na “namin” at “kami” sa mga bahagi ng aklat kung saan lumilitaw na kasama siya ni Pablo at ng iba pa. (Tingnan ang study note sa Gaw 1:1 at “Introduksiyon sa Gawa.”) Unang sumama si Lucas kay Pablo mula sa Troas papuntang Filipos noong mga 50 C.E., pero nang umalis si Pablo sa Filipos, hindi na niya kasama si Lucas.—Gaw 16:10-17, 40; tingnan ang study note sa Gaw 20:5; 27:1.
sabihin . . . ang mabuting balita: Tingnan ang study note sa Gaw 5:42.
Filipos: Ang lunsod na ito ay dating tinatawag na Crenides (Krenides). Kinuha ni Felipe II ng Macedon (ama ni Alejandrong Dakila) ang lunsod mula sa mga taga-Tracia noong kalagitnaan ng ikaapat na siglo B.C.E. at ipinangalan ito sa sarili niya. Maraming minahan ng ginto sa lugar na ito, at gumawa sila ng mga baryang ginto sa utos ni Felipe. Noong mga 168 B.C.E., tinalo ng Romanong konsul na si Lucio Aemilio Paulo si Perseus, ang huling hari ng Macedonia, at kinuha niya ang Filipos at ang nakapalibot na mga teritoryo. Noong 146 B.C.E., ginawang lalawigan ng Roma ang buong Macedonia. Naganap sa Kapatagan ng Filipos noong 42 B.C.E. ang labanan kung saan tinalo nina Octavian (Octavio) at Mark Antony ang mga hukbo nina Brutus at Gaius Cassius Longinus, ang mga pumatay kay Julio Cesar. Para alalahanin ang malaking tagumpay ni Octavian, ginawa niyang kolonya ng Roma ang Filipos. Pagkalipas ng ilang taon, nang gawin siyang Cesar Augusto ng Senado ng Roma, pinangalanan niya ang lunsod na ito na Colonia Augusta Julia Philippensis.—Tingnan ang Ap. B13.
isang ilog: Sinasabi ng maraming iskolar na ang ilog na ito ay ang Gangites, na nasa kanluran ng Filipos at ang layo mula rito ay 2.4 km (1.5 mi), na higit sa haba ng paglalakbay na ipinapahintulot sa araw ng sabbath. Iniisip ng ilan na dahil maraming beteranong sundalong nakatira sa Filipos, pinagbawalan ang mga Judio na magtipon doon para sumamba, kaya kinailangan nilang magtipon sa malayong lugar. Sinasabi naman ng iba na ang ilog na ito ay ang Crenides (Krenides), na mas malapit sa lunsod at tinatawag ng mga tagaroon na Ilog Lydia. Pero may mga natagpuang libingan ng mga Romano doon, at dahil kitang-kita ito ng mga tao, iniisip ng ilan na hindi angkop ang lugar na ito para sa pananalangin. Ipinapalagay rin ng iba na ang tinutukoy dito ay ang tuyong ilog na nasa labas ng Pintuang-Daan ng Neapolis, kung saan maraming simbahang itinayo noong ikaapat o ikalimang siglo C.E. bilang pag-alaala sa pagbisita ni Pablo sa Filipos.
kung saan . . . nagtitipon ang mga tao para manalangin: Posibleng pinagbawalan ang mga Judio na magtayo ng sinagoga sa Filipos dahil maraming beteranong sundalo sa lunsod na iyon. Isa pa, kailangan ng 10 o higit pang mga lalaking Judio sa lunsod para makapagtayo ng isang sinagoga, pero posibleng hindi man lang umabot sa bilang na iyon ang mga lalaking Judio roon.
babaeng si Lydia: Dalawang beses lang binanggit si Lydia sa Bibliya, dito at sa Gaw 16:40. May nasusulat na mga ebidensiyang nagpapakita na ang Lydia ay isang personal na pangalan, pero naniniwala ang ilan na isa lang itong bansag na nangangahulugang “Babaeng Taga-Lydia.” Si Lydia at ang sambahayan niya ay naging Kristiyano noong mga 50 C.E. sa Filipos, kaya kasama sila sa mga unang naging Kristiyano sa Europa dahil sa pangangaral ni Pablo. Si Lydia—na posibleng hindi kailanman nag-asawa o isang biyuda—ay bukas-palad kaya nagkaroon siya ng pagkakataong masiyahan sa pakikisama sa mga misyonerong sina Pablo, Silas, at Lucas.—Gaw 16:15.
nagtitinda ng purpura: Nagtitinda si Lydia ng iba’t ibang bagay na kulay purpura, gaya ng tela, damit, makakapal na telang burdado, tina, at iba pa. Mula siya sa Tiatira, isang lunsod sa kanlurang Asia Minor sa rehiyong tinatawag na Lydia. May natagpuang inskripsiyon sa Filipos na nagpapakitang may samahan ng mga nagtitinda ng purpura sa lunsod na iyon. Kilalá ang mga taga-Lydia at ang mga nasa kalapít na lugar nila sa husay nila sa pagtitina ng purpura mula pa noong panahon ni Homer (ikasiyam o ikawalong siglo B.C.E.). Dahil kailangan ng malaking puhunan sa negosyo ni Lydia at nakapagpatulóy siya ng apat na tao sa malaking bahay niya—sina Pablo, Silas, Timoteo, at Lucas—malamang na isa siyang mayamang negosyante. Ang tinutukoy ditong “sambahayan niya” ay posibleng mga kamag-anak na kasama niya sa bahay, at puwede ring ipinapakita nito na may mga alipin at tagapaglingkod siya. (Gaw 16:15) Lumilitaw na naging tagpuan ng mga Kristiyano sa Filipos ang bahay ni Lydia dahil bago umalis sina Pablo at Silas, nakipagkita muna sila sa ilang kapatid sa bahay niya.—Gaw 16:40.
binuksan ni Jehova ang puso niya: Tinawag si Lydia na mananamba ng Diyos, isang ekspresyon na nagpapakitang isa siyang Judiong proselita. (Gaw 13:43) Noong araw ng Sabbath, kasama siya ng ilang babae na nagtitipon para manalangin sa tabi ng ilog na nasa labas ng Filipos. (Gaw 16:13) Posibleng kaunti lang ang Judio sa Filipos at walang sinagoga roon. Posibleng natuto si Lydia tungkol kay Jehova sa bayang pinagmulan niya, ang Tiatira, kung saan maraming Judio at may isang lugar na pinagtitipunan ng mga Judio. Napansin ni Jehova, ang Diyos na sinasamba niya, na nakikinig siyang mabuti.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 16:14.
mananampalataya ni Jehova: Gaya ng makikita sa study note sa naunang talata, maliwanag na si Jehova ang nasa isip ni Lydia dahil isa siyang Judiong proselita. Ngayon lang niya narinig ang tungkol kay Jesu-Kristo sa pangangaral ni Pablo at wala pa siyang pananampalataya kay Jesus. Kaya makatuwiran lang isipin na ang tinutukoy niya ay ang pananampalataya niya sa Diyos na sinasamba niya, si Jehova.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 16:15.
masamang espiritu, isang demonyo ng panghuhula: Lit., “espiritu ni python.” Ayon sa alamat, Python ang pangalan ng ahas o dragon na nagbabantay sa templo at orakulo ng Delphi sa Gresya. Paglipas ng panahon, ang salitang Griego na pyʹthon ay tumutukoy na rin sa isang tao na nakakapanghula at sa espiritu na nagsasalita sa pamamagitan niya. Nang maglaon, ginamit na rin ito para sa isang ventriloquist, pero dito sa Gawa, tumutukoy ito sa isang demonyo na naging dahilan para makapanghula ang isang babae.
dahil sa panghuhula: Sa Bibliya, ang mga mahikong saserdote, espiritista, astrologo, at iba pa ay nagsasabing kaya nilang hulaan ang mangyayari sa hinaharap. (Lev 19:31; Deu 18:11) Ang pangyayaring ito sa Filipos ang nag-iisang ulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kung saan binanggit na nakakapanghula ang mga demonyo. Kinakalaban ng mga demonyo ang Diyos at ang mga gumagawa ng kalooban niya, kaya hindi kataka-takang pinag-usig nang matindi sina Pablo at Silas nang palayasin nila ang demonyong ito ng panghuhula.—Gaw 16:12, 17-24.
pamilihan: O “plaza.” Ang salitang Griego na a·go·raʹ ay ginamit dito para tumukoy sa lugar kung saan namimilí at nagbebenta ang mga tao. Ito rin ang lugar kung saan nagtitipon ang mga tao sa mga lunsod at nayon sa sinaunang Gitnang Silangan at sa mga teritoryong sakop ng mga Griego at Romano. Batay sa ulat na ito na nangyari sa Filipos, lumilitaw na ang ilang kaso ay nireresolba sa pamilihan. Sa nahukay na mga guho ng Filipos, makikita na binabaybay ng Daang Egnatia ang gitna ng lunsod at nasa tabi nito ang isang malaki-laking pamilihan, kung saan nagtitipon ang mga tao.—Tingnan ang study note sa Mat 23:7; Gaw 17:17.
mahistrado sibil: Ang anyong pangmaramihan ng terminong Griego na stra·te·gosʹ na ginamit dito ay tumutukoy sa pinakamatataas na opisyal sa Filipos, na kolonya ng Roma. Trabaho nilang panatilihin ang kaayusan, pangasiwaan ang pananalapi, litisin at hatulan ang mga lumalabag sa batas, at magparusa.
mga Romano tayo: Isang kolonya ng Roma ang lunsod ng Filipos, at maraming benepisyo ang mga tagarito, posibleng kasama na ang pagkakaroon ng pangalawahing uri ng pagkamamamayang Romano. Ito ang posibleng dahilan kung bakit gustong-gusto nila ang Roma kahit na sinakop sila nito.—Tingnan ang study note sa Gaw 16:12.
salita ni Jehova: Tingnan ang study note sa Gaw 8:25 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 16:32.
binautismuhan siya agad: Mga Gentil ang tagapagbilanggo at ang sambahayan niya, o ang kaniyang pamilya, at malamang na hindi sila pamilyar sa pangunahing mga turo sa Kasulatan. Pagkatapos sabihin sa kanila nina Pablo at Silas na “maniwala . . . sa Panginoong Jesus,” siguradong lubusan nilang ipinaliwanag sa mga ito ang “salita ni Jehova.” (Gaw 16:31, 32) Talagang tumagos ito sa puso nila dahil noong gabi ring iyon, gaya ng binabanggit sa Gaw 16:34, ‘naniwala [o, nanampalataya] sila sa Diyos.’ Kaya tama lang na binautismuhan sila agad. Nang umalis sina Pablo at Silas sa Filipos, hindi na sumama sa kanila si Lucas, gaya ng ipinapahiwatig sa Gaw 16:40. (Tingnan ang study note sa Gaw 16:10.) Posibleng nagtagal nang ilang panahon si Lucas sa Filipos para tulungan ang mga bagong Kristiyano doon.
guwardiya: Ang salitang Griego na rha·bdouʹkhos, na literal na nangangahulugang “tagapagdala ng pamalo,” ay isang tagapaglingkod ng Romanong mahistrado na lagi niyang kasama at sumusunod sa utos niya. Ang terminong Romano para dito ay lictor. Ang ilan sa ginagawa ng mga guwardiyang ito ay gaya ng sa mga pulis, pero hindi sila humihiwalay sa mahistrado, at pananagutan nilang paglingkuran siya. Hindi ang mga mamamayan ang sinusunod nila kundi ang mahistrado.
mga Romano kami: Ibig sabihin, mga mamamayang Romano. Si Pablo, at lumilitaw na pati si Silas, ay mga mamamayang Romano. Ayon sa batas ng Roma, ang bawat mamamayan nito ay dapat na dumaan muna sa tamang proseso ng paglilitis at hindi puwedeng parusahan sa publiko hangga’t hindi napapatunayang nagkasala. Ang pagkamamamayang Romano ay nagbibigay sa isang tao ng ilang partikular na karapatan at pribilehiyo saanman siya magpunta sa imperyo. Ang isang mamamayang Romano ay nasa ilalim ng batas ng Roma, hindi ng batas ng mga lunsod na sakop nito. Kapag inakusahan, puwede siyang pumayag na litisin ayon sa batas doon, pero may karapatan pa rin siyang umapela sa hukumang Romano. Para sa kasong may parusang kamatayan, may karapatan siyang umapela sa emperador. Malawak ang naabot ng pangangaral ni apostol Pablo sa Imperyo ng Roma. Sa ulat, tatlong beses niyang ginamit ang karapatan niya bilang Romano. Ang unang pagkakataon ay dito sa Filipos, kung saan sinabi niya sa mga mahistrado na nilabag nila ang karapatan niya nang pagpapaluin nila siya.—Para sa dalawang iba pang pagkakataon, tingnan ang study note sa Gaw 22:25; 25:11.