Liham sa mga Taga-Galacia 6:1-18
Study Notes
maling hakbang: Ang terminong Griego para sa “maling hakbang” (pa·raʹpto·ma; lit., “pagkadapa sa tabi”) ay puwedeng tumukoy sa isang kasalanan, na posibleng isang pagkakamali sa desisyon o isang seryosong paglabag sa utos ng Diyos. (Mat 6:14; Ro 5:15, 17; Efe 1:7; 2:1, 5) Hindi lumalakad ayon sa matuwid na pamantayan ng Diyos ang isang tao na nakagawa ng maling hakbang. Papunta siya sa maling direksiyon, pero posibleng hindi pa naman siya nakakagawa ng seryosong kasalanan.
kayong may-gulang na mga Kristiyano: O “kayong may espirituwal na kuwalipikasyon.” Ang salitang Griego na ginamit dito (pneu·ma·ti·kosʹ) ay kaugnay ng salita para sa “espiritu” (pneuʹma) na ginamit sa ekspresyong “banal na espiritu ng Diyos,” o aktibong puwersa. (Efe 4:30) Kaya para maging kuwalipikado ang isang may-gulang na Kristiyano na ibalik sa ayos ang iba, hindi lang kaalaman, karunungan, at karanasan ang kailangan niya. Kailangan ding makita sa kaniya na lagi siyang nagpapagabay sa banal na espiritu ng Diyos.—Gal 5:16, 18, 25.
magsikap na ibalik sa ayos: Ang pandiwang Griego na ka·tar·tiʹzo ay ginagamit para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang bagay. Dito, ginamit ang pandiwang ito para tumukoy sa pagtutuwid sa isang kapananampalataya na nakagawa ng “maling hakbang.” Batay sa anyo ng pandiwang ginamit dito, puwede itong isaling“magsikap na ibalik sa ayos,” na nagpapakitang nagsisikap nang husto ang “may-gulang na mga Kristiyano” na ibalik sa tamang landas ang nagkasala. Pero nakadepende pa rin sa reaksiyon ng pinapayuhan kung maibabalik siya sa ayos. Ginamit din ang pandiwang ito sa Mat 4:21 para ilarawan ang ‘pagtatahi sa punit’ ng mga lambat. Ang kaugnay na pangngalang ka·tar·ti·smosʹ, na isinaling “ituwid” sa Efe 4:12, ay isang termino na ginagamit kung minsan sa medisina para ilarawan ang pagbabalik sa ayos ng isang buto, biyas, o kasukasuan.—Tingnan ang study note sa 2Co 13:9; Efe 4:12.
bantayan ninyo ang inyong sarili: Sa orihinal na wika, anyong pang-isahan ang ginamit ni Pablo sa pariralang ito, kahit na ang ginamit niya noong umpisa ay “mga kapatid.” Gusto kasing babalaan ni Pablo ang bawat Kristiyanong nagpapayo sa iba na mag-ingat para hindi siya mahulog sa mga tukso na pinapaiwasan niya sa iba. Babala rin ito laban sa pagiging mapagmatuwid at mapagmataas.—1Co 10:12.
Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa: Ang anyong pangmaramihan ng salitang Griego na baʹros, na isinalin ditong “mga pasanin,” ay literal na nangangahulugang “mabibigat na bagay” at puwede ring isaling “mga problema.” Ipinayo ito ni Pablo kasunod ng sinabi niya sa naunang talata na sikaping maibalik sa ayos ang isang tao na nakagawa ng “maling hakbang.” Baka napakabigat ng naging epekto ng maling hakbang niya, at mahihirapan siyang buhatin ito nang mag-isa. Kung laging handa ang isang Kristiyano na tulungan ang mga kapananampalataya niya na buhatin ang mga pasanin nila, patunay ito na mahal niya sila at tinutupad niya ang kautusan ng Kristo. (Ju 13:34, 35) Pero gaya ng sinabi ng apostol sa talata 3-5, hindi niya pananagutan na buhatin ang responsibilidad ng iba sa Diyos, na tinutukoy bilang “pasan” (sa Griego, phor·tiʹon).—Tingnan ang study note sa Gal 6:5.
kautusan ng Kristo: Kasama sa kautusang ito ang lahat ng itinuro ni Jesus at ang ipinasulat ng espiritu ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sa mga tagasunod ni Kristo. Gaya ng inihula ni Jeremias, pinalitan nito ang tipan ng Kautusang Mosaiko. (Jer 31:31-34; Heb 8:6-13) Hindi si Kristo ang gumawa ng mga utos at prinsipyo dito; galing ito sa dakilang Tagapagbigay-Batas, si Jehova. (Ju 14:10) Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang ekspresyong “kautusan ng Kristo,” pero ang kahawig nitong parirala na “kautusan ni Kristo” ay ginamit sa 1Co 9:21. Tinatawag din itong “perpektong kautusan na umaakay sa kalayaan” (San 1:25), “kautusan ng isang malayang bayan” (San 2:12), at “kautusan ng pananampalataya.”—Ro 3:27.
sarili niyang pasan: O “sarili niyang pananagutan.” Ginamit dito ni Pablo ang salitang Griego na phor·tiʹon, na tumutukoy sa isang bagay na dinadala o binubuhat, pero hindi niya binanggit kung gaano ito kabigat. Iba ito sa “mga pasanin” na binanggit sa talata 2. Posibleng kailangan ng isang tao ng tulong sa pagbubuhat ng mabibigat na pasaning iyon. (Tingnan ang study note.) Ang terminong ginamit dito ay tumutukoy sa pananagutan ng isang Kristiyano sa Diyos na siya mismo ang dapat magbuhat. Sinasabi ng isang reperensiya tungkol sa salitang Griegong ito: “Isa itong terminong pangmilitar na tumutukoy sa bag o kagamitan ng isang sundalo.”
ibahagi . . . ang lahat ng mabubuting bagay sa isa na nagtuturo: Ang isa na “tinuruan” ay pinapasiglang maging mapagbigay sa kaniyang guro, sa materyal man o espirituwal. Makikita ang prinsipyong iyan sa iba pang bahagi ng Kasulatan. (Mat 10:9, 10; Ro 15:27 at study note; 1Co 9:11, 13, 14; 1Ti 5:17, 18; Heb 13:16) Sa orihinal na wika, ang terminong isinaling “ibahagi” ay puwede ring mangahulugan na nakikinig ang estudyante sa itinuturo sa kaniya at isinasabuhay ito. Inihahayag niya ang kaniyang pananampalataya at paniniwala sa sarili niyang pananalita, kaya siya mismo ay nagiging guro ng mabuting balita. Kapag ganito ang ginagawa niya, nagiging magkabahagi sila ng guro niya sa “mabubuting bagay.”—2Ti 2:2.
tinuruan ng salita ng Diyos: Kasama sa “salita ng Diyos” ang mga turo ni Jesu-Kristo. Sa mga liham ni Pablo, lagi niyang idiniriin ang pagtuturo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sa ganitong konteksto, madalas niyang ginagamit ang salitang Griego na di·daʹsko, na tumutukoy sa pagpapaliwanag, paggamit ng nakakakumbinsing argumento, at paghaharap ng mga katibayan. (Ro 2:21; 12:7; 1Co 4:17; Col 3:16; 2Ti 2:2; tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Pero sa talatang ito, ginamit niya ang mas espesipikong termino na ka·te·kheʹo para tukuyin ang taong “tinuruan ng salita ng Diyos” at ang “isa na nagtuturo.” Ang ekspresyong ito ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo nang bibigan. (Tingnan ang study note sa Gaw 18:25.) Kapag ang mga katotohanan sa “salita ng Diyos” ay paulit-ulit na itinatanim sa puso at isip ng isang tao, nagiging kuwalipikado siyang magturo sa iba.—2Ti 2:2.
linlangin: Ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na tumutukoy sa pambabastos na makikita sa ekspresyon ng mukha, partikular na sa ilong. Sa ilang wika, puwede itong tumukoy sa pag-ismid o pagtataas ng ilong. Puwedeng may kasama itong panlalait o panunuya at panghahamon pa nga. Nagbababala dito si Pablo na mapanganib kung iisipin ng isa na puwede niyang hamakin o lusutan ang mga prinsipyo sa Salita ng Diyos.
anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya: Alam na alam ng mga tao ang kasabihang ito noong panahon ni Pablo. Lumilitaw na galing ito sa mga lugar na karaniwan ang pagsasaka. Malinaw ang punto ng kasabihang ito: Kung ano ang itinanim sa lupa, iyon din ang tutubo. Noon, madalas itong gamitin para tukuyin ang masasamang resultang inaani ng isang tao na gumagawa ng masama. Pero idiniin ni Pablo na ang mabubuting gawa ay nagbubunga rin ng mabuting bagay, ang “buhay na walang hanggan.” (Gal 6:8) Ang di-nalulumang prinsipyong ito ay mababasa rin sa ibang bahagi ng Bibliya.—Kaw 11:18; 22:8; Os 8:7; 10:12; 2Co 9:6; tingnan ang mga study note sa Gal 6:8.
naghahasik para sa laman: Tumutukoy sa isa na nagpapakasasa sa “mga gawa ng laman,” na udyok ng pagiging makasalanan ng tao. (Gal 5:19-21) Ang aanihin niyang bunga, o resulta, ng ganitong ‘paghahasik’ ay kasiraan mula sa kaniyang laman. Nang magkasala ang unang tao, naging alipin siya ng kasiraan at ang lahat ng inapo niya. (Ro 5:12; 8:21 at study note) Dahil diyan, naging di-perpekto ang lahat ng tao. Nagkakasakit sila, tumatanda, at namamatay. Pero nagresulta rin ito ng kabulukan sa moral at espirituwal. Kaya ang “naghahasik para sa laman” ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan.—Ihambing ang 2Pe 2:12, 18, 19.
naghahasik para sa espiritu: Tumutukoy sa isang tao na ang paraan ng pamumuhay ay hindi pumipighati sa banal na espiritu ng Diyos, kaya malayang dumadaloy sa kaniya ang espiritu at naipapakita niya ang bunga nito. Ang ganitong tao ay “mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.”—Mat 19:29; 25:46; Ju 3:14-16; Ro 2:6, 7; Efe 1:7.
tumigil: O “manghimagod.” Ang terminong Griego na ginamit dito ay puwedeng mangahulugan na hindi panghihinaan ng loob o mawawalan ng gana ang isa sa paggawa ng mabuti.—Tingnan ang study note sa 2Co 4:1.
pagkakataon: Ang salitang Griego na kai·rosʹ ay isinasalin kung minsan na “panahon” o “takdang panahon.” Sa Efe 5:16 (tingnan ang study note), ginamit ito sa ekspresyong “gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”
mga kapananampalataya natin: O “mga kapatid natin; mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” Ang salitang Griego na isinaling “mga may kaugnayan” ay ginagamit kapag tinutukoy ang mga miyembro ng isang pamilya, o sambahayan. (1Ti 5:8) Sa mga Griego at Romano noon, ang isang sambahayan ay binubuo ng mga taong malalapít sa isa’t isa at magkakatulad ang paniniwala at layunin. At ganiyang-ganiyan nga ang unang siglong mga Kristiyano. Kadalasan nang nagtitipon sila sa bahay ng mga kapatid nila (Ro 16:3-5), at malapít sila sa isa’t isa dahil sa kanilang pananampalataya.—Efe 2:19.
liham na ito, na isinulat ng sarili kong kamay: Karaniwan nang idinidikta ni Pablo sa isang tagasulat ang mga liham niya, pero lumilitaw na siya mismo ang nagsulat sa liham na ito.—Tingnan ang Ro 16:22 at study note.
mga gustong magkaroon ng magandang impresyon sa harap ng tao: Ang literal na salin para sa ekspresyong “sa harap ng tao” ay “sa laman.” Sa kontekstong ito, ang “laman” ay tumutukoy sa mga bahagi ng katawan ng tao na nakikita ng iba. Itinuturo ng ilang nag-aangking Kristiyano na dapat pa ring magpatuli ang isa at sumunod sa Kautusang Mosaiko para sang-ayunan siya ng Diyos. Pero sinasabi nila ito dahil gusto nilang magkaroon ng magandang impresyon sa mga Judio. Ginagawa nila ito “para hindi sila pag-usigin” ng mga Judiong tutol sa Kristiyanismo. Dahil masyado silang nagpopokus sa tingin sa kanila ng tao at ipinipilit nila ang pagtutuli, ipinapakita nilang hindi sila naniniwala na ang kamatayan lang ni Jesus ang paraan para maligtas sila.
pahirapang tulos: O “tulos na pambitay.”—Tingnan sa Glosari.
pahirapang tulos ng Kristo: Dito, ang terminong “pahirapang tulos” (sa Griego, stau·rosʹ) ay tumutukoy sa kamatayan ni Jesus sa tulos. Namatay si Jesus sa ganitong paraan para mapalaya ang mga tao sa kasalanan at maipagkasundo sila sa Diyos at maging kaibigan Niya. ‘Pinag-usig’ si Pablo ng mga Judio dahil kinikilala niya at inihahayag na ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ang nag-iisang paraan para maligtas.
patay: O “ibinayubay sa tulos.” Itinuro ni Pablo na ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos ang paraan para maligtas. Kaya galít kay Pablo ang sanlibutan, at itinuturing siya nitong isang kriminal na dapat ‘patayin.’ Para naman kay Pablo, ang sanlibutan ang karapat-dapat sa kamatayan.
Ang mahalaga ay ang pagiging bagong nilalang: Ang bawat pinahirang Kristiyano ay isang bagong nilalang—naging anak siya ng Diyos sa pamamagitan ng espiritu at may pag-asa siyang makasama ni Kristo sa Kaharian sa langit. (Gal 4:6, 7) Ang mga pinahiran ay bahagi rin ng kongregasyong Kristiyano, ang “Israel ng Diyos” (Gal 6:16 at study note), na isa ring bagong nilalang. (Tingnan ang study note sa 2Co 5:17.) Kaya hindi mahalaga sa Diyos kung tuli o di-tuli ang isang Kristiyano.
ayon sa simulaing ito: Ang salitang Griego na ginamit dito (ka·nonʹ) ay galing sa salitang Hebreo para sa “tambo” (qa·nehʹ), na ginagamit bilang batayan o panukat. (Eze 40:5) Ginamit ni Pablo ang terminong ito para tumukoy sa ‘simulain’ na dapat gawing batayan ng “Israel ng Diyos” pagdating sa paraan ng pamumuhay nila. Kung mananampalataya sila sa walang-kapantay na kabaitan na tinanggap nila sa pamamagitan ni Kristo at mamumuhay kaayon nito, sasakanila ang “kapayapaan at awa” na hindi nararanasan dati ng makasalanang mga tao.—Gal 3:24, 25; ihambing sa Glosari, “Kanon (kanon ng Bibliya).”
Israel ng Diyos: Ang ekspresyong ito, na isang beses lang lumitaw sa Kasulatan, ay tumutukoy sa espirituwal na Israel, hindi sa likas na mga inapo ni Israel (bagong pangalan ni Jacob). (Gen 32:22-28) Makikita sa naunang talata (Gal 6:15) na hindi kailangang tuliin ang isa para maging bahagi siya ng “Israel ng Diyos.” Inihula ni propeta Oseas na may mga Gentil na magiging bahagi ng isang bayan na pagpapalain ng Diyos. Sinabi ng Diyos: “Sasabihin ko sa hindi ko bayan: ‘Kayo ang bayan ko.’” (Os 2:23; Ro 9:22-25) May mga likas na Judio at proselita pa rin na kabilang sa espirituwal na Israel (Gaw 1:13-15; 2:41; 4:4), pero “maliit na grupo” na lang sila na natira sa bayang itinakwil ng Diyos (Isa 10:21, 22; Ro 9:27). Nang maglaon, isinulat ni Pablo sa mga taga-Roma: “Hindi lahat ng nagmumula kay Israel ay talagang Israelita.”—Ro 9:6; tingnan din ang study note sa Gaw 15:14; Ro 2:29; 9:27; 11:26.
Israel: Ibig sabihin, “Nakikipagpunyagi (Nagmamatiyaga) sa Diyos” o “Nakikipagpunyagi ang Diyos.” Ibinigay kay Jacob ang pangalang ito matapos niyang makipagbuno sa isang anghel para tumanggap ng pagpapala. Di-gaya ni Esau, pinahalagahan ni Jacob ang sagradong mga bagay at handa siyang magsikap para makuha ang pabor ng Diyos. (Gen 32:22-28; Heb 12:16) Tinutularan ng mga kabilang sa “Israel ng Diyos” ang pananampalataya at pagnanais ni Jacob na gawin ang kalooban ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Israel ng Diyos sa talatang ito.
ang mga pilat na tanda ng isang alipin ni Jesus: Dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang termino na isinaling “mga pilat na tanda ng isang alipin” (anyong pangmaramihan ng salitang Griego na stigʹma). Sa sekular na mga akdang Griego, ginagamit ang terminong ito para tumukoy sa marka o letra na itinatatak kung minsan sa mga alipin, pero puwede rin itong tumukoy sa pilat. Posibleng ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga pilat sa katawan niya dahil sa pag-uusig sa kaniya. Ang mga pilat na ito ay patunay na isa siyang tapat na alipin ni Kristo. (2Co 4:10; 11:23-27; Fil 3:10) Pero posible ring hindi literal na pilat ang tinutukoy niya. Puwedeng ang nasa isip ni Pablo ay ang pagsasagawa niya ng kaniyang ministeryo, ang pagpapakita niya ng mga katangiang bunga ng espiritu ng Diyos, at ang paraan ng pamumuhay niya, na nagpapatunay na isa siyang alipin ni Kristo.
habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian: O “habang nagpapakita kayo ng magagandang saloobin.” Ang terminong “saloobin” ay salin ng salitang Griego na pneuʹma, na karaniwang isinasaling “espiritu.” Sa kontekstong ito, ang pneuʹma ay tumutukoy sa puwersa o sa nangingibabaw na takbo ng isip ng isang tao na nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. Halimbawa, ginamit sa Kasulatan ang ekspresyong “tahimik at mahinahong espiritu.” (1Pe 3:4) May binanggit din si Pablo na “espiritu ng pagiging duwag” na kabaligtaran ng “kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip.” (2Ti 1:7; tlb.) At sa katapusan ng liham ni Pablo kay Timoteo, ginamit niya ang ekspresyong katulad ng nasa talatang ito. (2Ti 4:22) Ipinapakita nito na kaya ng isang indibidwal na magpakita ng isang partikular na saloobin, at kaya rin itong gawin ng isang grupo. Ganito rin ang konklusyon ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Filipos, pero gaya sa liham niya sa mga taga-Galacia, anyong pangmaramihan ng panghalip na Griego ang ginamit niya. Ipinapakita nito na gusto niyang ang lahat ng miyembro ng kongregasyon ay magpakita ng iisang saloobin na kaayon ng kalooban ng Diyos at ng halimbawa ni Kristo.—Fil 4:23.