Ezekiel 16:1-63

16  Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova: 2  “Anak ng tao, ipaalám mo sa Jerusalem ang kasuklam-suklam na mga gawain niya.+ 3  Sabihin mo, ‘Ito ang sinabi sa Jerusalem ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: “Ikaw ay nagmula at ipinanganak sa lupain ng mga Canaanita. Amorita+ ang iyong ama, at Hiteo+ ang iyong ina. 4  Nang araw na ipanganak ka, hindi ka pinutulan ng pusod, hindi ka pinaliguan para luminis, hindi ka pinahiran ng asin, at hindi ka ibinalot sa tela. 5  Wala man lang naawa sa iyo at gumawa ng alinman sa mga ito. Walang nahabag sa iyo. Sa halip, inihagis ka sa parang dahil kinapootan ka nang araw na ipanganak ka. 6  “‘“Nang dumaan ako, nakita kitang kakawag-kawag sa sarili mong dugo. Habang nakahiga ka sa iyong dugo, sinabi ko: ‘Patuloy kang mabuhay!’ Oo, sinabi ko sa iyo habang nakahiga ka sa iyong dugo: ‘Patuloy kang mabuhay!’ 7  Pinarami kita nang husto gaya ng mga halamang umuusbong sa parang, at lumaki ka at nagsuot ng pinakamagagandang palamuti. Naging malusog ang iyong dibdib, at lumago ang iyong buhok; pero ikaw ay hubo’t hubad pa rin.”’ 8  “‘Nang dumaan ako at makita ka, napansin kong nasa edad ka na para umibig. Kaya itinakip ko sa iyong hubad na katawan ang damit* ko,+ at nanata ako at nakipagtipan sa iyo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘at naging akin ka. 9  Pinaliguan din kita para maalis ang dugo sa katawan mo at pinahiran ng langis.+ 10  At sinuotan kita ng damit na may burda at binigyan ng magandang sandalyas na gawa sa balat* at binalutan* ng magandang klase ng lino, at sinuotan kita ng mamahaling mga damit. 11  Nilagyan kita ng palamuti at sinuotan ng mga pulseras at kuwintas. 12  Sinuotan kita ng hikaw sa ilong at sa mga tainga at ng magandang korona. 13  Lagi kang nagsusuot ng palamuting ginto at pilak, at ang kasuotan mo ay magandang klase ng lino, mamahalin, at may burda. Ang pagkain mo ay gawa sa magandang klase ng harina, pulot-pukyutan, at langis, at naging napakaganda mo,+ at bagay ka nang maging reyna.’”* 14  “‘Naging tanyag ka* sa gitna ng mga bansa+ dahil sa iyong kagandahan; perpekto iyon dahil karilagan ko ang inilagay ko sa iyo,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.” 15  “‘Pero nagsimula kang magtiwala sa kagandahan mo+ at naging babaeng bayaran dahil sa iyong katanyagan.+ Ibinigay mo ang iyong sarili bilang isang babaeng bayaran sa bawat dumadaan,+ at naging kaniya ang iyong kagandahan. 16  Kinuha mo ang ilan sa iyong mga kasuotan at gumawa ka ng makukulay at matataas na lugar kung saan naging babaeng bayaran ka+—hindi dapat mangyari ang mga bagay na iyon. 17  Kinuha mo rin ang magagandang alahas* na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at gumawa ka ng mga lalaking estatuwa at nakiapid sa mga ito.+ 18  At kinuha mo ang mga damit mong may burda at ibinalot sa mga ito,* at inihandog mo sa mga ito ang aking langis at insenso.+ 19  At ang tinapay na ibinigay ko sa iyo—ang ipinakain ko sa iyo na gawa sa magandang klase ng harina, langis, at pulot-pukyutan—ay inihandog mo rin sa mga ito bilang nakagiginhawang amoy.+ Iyon ang mismong nangyari,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.” 20  “‘Kinuha mo ang iyong mga anak na lalaki at babae na ipinanganak mo sa akin+ at inihain sila sa mga ito para lamunin+—hindi pa ba sapat ang pagiging babaeng bayaran mo? 21  Pinatay mo ang mga anak ko, at sinunog mo sila para ihain.+ 22  Habang isinasagawa mo ang lahat ng kasuklam-suklam na bagay na ito at namumuhay ka bilang babaeng bayaran, hindi mo inalaala ang mga araw ng iyong kabataan noong hubo’t hubad ka at kakawag-kawag sa sarili mong dugo. 23  Kaawa-awa ka dahil sa lahat ng kasamaan mo; kaawa-awa ka,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 24  ‘Gumawa ka ng isang bunton at nagtayo ng mataas na lugar sa bawat liwasan* para sa iyong sarili. 25  Itinayo mo ang iyong matataas na lugar sa kanto ng bawat lansangan, at ginawa mong kasuklam-suklam ang iyong kagandahan dahil iniaalok mo ang iyong sarili* sa lahat ng dumadaan,+ at maraming beses kang nakiapid.+ 26  Nakiapid ka sa mga anak na lalaki ng Ehipto,+ ang mahahalay mong kapitbahay,* at ginalit mo ako dahil napakaraming beses mong nakiapid. 27  At gagamitin ko ang kapangyarihan* ko laban sa iyo at babawasan ko ang pagkain mo+ at ibibigay kita sa mga babaeng napopoot sa iyo,+ sa mga anak na babae ng mga Filisteo, na nangingilabot sa mahalay mong paggawi.+ 28  “‘Hindi ka pa nasiyahan, kaya nakiapid ka rin sa mga anak na lalaki ng Asirya,+ pero pagkatapos mong gawin iyon, hindi ka pa rin nasiyahan. 29  Kaya nakiapid ka rin sa lupain ng mga negosyante* at sa mga Caldeo,+ pero hindi ka pa rin nasiyahan. 30  Talagang napakasama ng* iyong puso* nang gawin mo ang lahat ng ito; para kang walang-kahihiyang babaeng bayaran!’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova. 31  ‘Pero nang gumawa ka ng bunton sa pinakakilalang lugar sa bawat lansangan at nagtayo ng mataas na lugar sa bawat liwasan, hindi ka naging gaya ng isang babaeng bayaran dahil ayaw mong tumanggap ng bayad. 32  Isa kang mapangalunyang asawa na umiibig sa estranghero sa halip na sa sarili mong asawa!+ 33  Mga babaeng bayaran ang binibigyan ng regalo,+ pero iba ka—ikaw ang nagreregalo sa lahat ng nagnanasa sa iyo,+ at sinusuhulan mo silang pumunta sa iyo mula sa lahat ng lugar para makiapid sa iyo.+ 34  Iba ka sa lahat ng babaeng bayaran. Walang sinuman sa kanila ang nakikiapid nang gaya mo! Ikaw ang nagbabayad, at hindi ka binabayaran. Iba ang paraan mo.’ 35  “Kaya pakinggan mo, O babaeng bayaran,+ ang mensahe ni Jehova. 36  Ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Dahil nagpakasasa ka sa kahalayan at nahantad ang iyong hubad na katawan nang makiapid ka sa iyong mga kalaguyo at sa lahat ng iyong kasuklam-suklam at karima-rimarim na idolo*+ na pinaghandugan mo pa ng dugo ng iyong mga anak,+ 37  titipunin ko ang lahat ng iyong kalaguyo na pinasaya mo, ang mga inibig mo at ang mga kinapootan mo. Titipunin ko sila laban sa iyo mula sa lahat ng lugar at ihahantad ko sa kanila ang iyong hubad na katawan, at makikita ka nila na hubo’t hubad.+ 38  “‘At ipapataw ko sa iyo ang mga parusang nararapat sa mga babaeng mangangalunya+ at mamamatay-tao,+ at paparusahan kita ng kamatayan dahil sa aking galit at pagseselos.+ 39  Ibibigay kita sa kamay nila, at gigibain nila ang iyong mga bunton at ibabagsak ang iyong matataas na lugar;+ at huhubaran ka nila+ at kukunin ang magaganda mong alahas*+ at iiwan kang hubo’t hubad. 40  Magtitipon sila ng mga tao laban sa iyo,+ at babatuhin ka nila+ at papatayin gamit ang espada nila.+ 41  Susunugin nila ang mga bahay mo,+ at ilalapat nila ang mga hatol sa iyo sa harap ng maraming babae; at patitigilin kita sa pagiging babaeng bayaran mo,+ at hindi ka na rin magbabayad. 42  Huhupa ang galit ko sa iyo+ at mawawala ang poot ko;+ at magiging kalmado na ako at hindi na galit.’ 43  “‘Dahil hindi mo inalaala ang mga araw ng iyong kabataan+ at ginalit mo ako sa paggawa ng lahat ng bagay na ito, ibabalik ko sa iyo ang bunga ng landasin mo,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘at titigilan mo na ang iyong mahalay na paggawi at lahat ng iyong kasuklam-suklam na gawain. 44  “‘At sasabihin sa iyo ng lahat ng gumagamit ng kawikaan: “Kung ano ang ina, ganoon din ang anak!”+ 45  Katulad ka ng iyong ina na namumuhi sa kaniyang asawa at mga anak. Katulad ka rin ng iyong mga kapatid na babae na namumuhi sa kanilang asawa at mga anak. Hiteo ang inyong ina, at Amorita+ ang inyong ama.’” 46  “‘Ang nakatatanda mong kapatid na babae ay ang Samaria+ na nakatira sa iyong hilaga* kasama ang mga anak niya,*+ at ang nakababata mong kapatid na babae ay ang Sodoma+ na nakatira sa iyong timog* kasama ang mga anak niya.+ 47  Hindi mo lang basta nilakaran ang mga landasin nila at ginaya ang kasuklam-suklam nilang mga gawain, kundi naging mas masama pa ang paggawi mo kaysa sa kanila sa maikling panahon lang.+ 48  Tinitiyak ko, kung paanong buháy ako,’ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, ‘ang Sodoma na iyong kapatid na babae at ang mga anak niya ay hindi gumawi nang gaya mo at ng iyong mga anak. 49  Ito ang kasalanan ng Sodoma na iyong kapatid: Siya at ang mga anak niya+ ay mapagmataas,+ at sagana sila sa pagkain+ at walang álalahanín,+ pero hindi nila tinulungan ang mga nagdurusa at mahihirap.+ 50  Nanatili silang mapagmataas+ at ipinagpatuloy nila ang kanilang kasuklam-suklam na mga gawain sa harap ko,+ kaya kinailangan ko silang puksain.+ 51  “‘Ang mga kasalanan ng Samaria+ ay hindi man lang umabot sa kalahati ng mga kasalanan mo. At patuloy mong dinagdagan ang iyong kasuklam-suklam na mga gawain, kaya nagmukhang matuwid ang mga kapatid mo dahil sa lahat ng iyong kasuklam-suklam na gawain.+ 52  Magtiis ka ngayon sa kahihiyan dahil napagmukha mong tama ang ginawa ng mga kapatid mo.* At dahil mas kasuklam-suklam ang ginawa mong kasalanan kaysa sa ginawa nila, mas matuwid sila kaysa sa iyo. Kaya ngayon, mahiya ka dahil pinagmukha mong matuwid ang mga kapatid mo.’ 53  “‘At titipunin ko ang mga nabihag sa kanila, ang mga nabihag mula sa Sodoma at sa mga anak niya at ang mga nabihag mula sa Samaria at sa mga anak niya; titipunin ko rin kasama nila ang mga nabihag mula sa iyo+ 54  para mapahiya ka; at mahihiya ka dahil pinagaan mo ang kalooban nila. 55  Babalik sa dating kalagayan ang mga kapatid mo, ang Sodoma at ang mga anak niya at ang Samaria at ang mga anak niya, at ikaw at ang iyong mga anak ay babalik din sa inyong dating kalagayan.+ 56  Ayaw mo man lang banggitin ang Sodoma na iyong kapatid noong panahong nagmamataas ka, 57  bago nahayag ang iyong sariling kasamaan.+ Ngayon, ikaw ang dinudusta ng mga anak na babae ng Sirya at ng mga nasa palibot niya, at hinahamak ka ng mga anak na babae ng mga Filisteo,+ na nasa palibot mo. 58  Aanihin mo ang bunga ng iyong mahalay na paggawi at kasuklam-suklam na mga gawain,’ ang sabi ni Jehova.” 59  “Dahil ito ang sinabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova: ‘Paparusahan kita ayon sa mga ginawa mo,+ dahil hinamak mo ang panata mo nang hindi ka tumupad sa pakikipagtipan ko sa iyo.+ 60  Pero aalalahanin ko ang pakikipagtipan ko sa iyo noong mga araw ng iyong kabataan, at gagawa ako ng isang permanenteng tipan sa pagitan natin.+ 61  Maaalaala mo ang mga ginawa mo at mapapahiya ka+ kapag tinanggap mo ang mga kapatid mo, ang mga nakatatanda at nakababata sa iyo, at ibibigay ko sila sa iyo bilang mga anak na babae, pero hindi dahil sa pakikipagtipan ko sa iyo.’ 62  “‘At ako mismo ay makikipagtipan sa iyo; at malalaman mo na ako si Jehova. 63  At maaalaala mo ang ginawa mo at hindi mo man lang maibubuka ang iyong bibig dahil sa kahihiyan,+ kapag nagbayad-sala ako para sa iyo sa kabila ng lahat ng ginawa mo,’+ ang sabi ng Kataas-taasang Panginoong Jehova.”

Talababa

O “laylayan ng damit.”
Balat ng poka, o hayop sa dagat na tinatawag sa Ingles na seal.
O “binalutan ko ang iyong ulo.”
O “maharlika.”
O “Nakilala ang pangalan mo.”
O “palamuti.”
Mga lalaking idolo.
O “plaza.”
Lit., “dahil bumubukaka ka.”
Lit., “ang mga kapitbahay mong malalaki ang laman.”
Lit., “kamay.”
Lit., “lupain ng Canaan.”
O “mahina ang.”
O posibleng “Galit na galit ako sa iyo.”
Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
O “palamuti.”
Malamang na tumutukoy sa katabing mga nayon nito.
Lit., “kanan.”
Lit., “kaliwa.”
O “dahil nakipagtalo ka para sa mga kapatid mo.”

Study Notes

Media