Exodo 33:1-23
33 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: “Magpatuloy ka sa paglalakbay kasama ang bayang inilabas mo sa Ehipto. Pumunta kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob nang sabihin ko, ‘Ibibigay ko ito sa mga supling* mo.’+
2 Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo,+ at itataboy ko ang mga Canaanita, Amorita, Hiteo, Perizita, Hivita, at Jebusita.+
3 Pumunta kayo sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.+ Pero hindi ako sasama sa inyo, dahil kayo ay isang bayang matigas ang ulo*+ at baka malipol ko kayo sa daan.”+
4 Nang marinig ng bayan ang masamang balitang ito, nagdalamhati sila, at walang isa man ang nagsuot ng mga palamuti.
5 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kayo ay isang bayang matigas ang ulo.*+ Sa isang saglit lang, makakapunta ako sa gitna ninyo at kaya ko kayong lipulin.+ Kaya huwag muna ninyong isuot ang mga palamuti ninyo habang pinag-iisipan ko kung ano ang gagawin ko sa inyo.’”
6 Kaya hindi na nagsuot ng palamuti ang mga Israelita mula noong pagkakataong iyon sa Bundok Horeb.
7 At kinuha ni Moises ang tolda niya at itinayo ito sa labas ng kampo, malayo-layo sa kampo, at tinawag niya itong isang tolda ng pagpupulong. Ang lahat ng humihingi ng patnubay ni Jehova+ ay lumalabas sa kampo para pumunta sa tolda ng pagpupulong.
8 Kapag pumupunta si Moises sa tolda, ang buong bayan ay tumatayo sa pasukan ng kani-kanilang tolda, at pinagmamasdan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa tolda.
9 Kapag pumapasok si Moises sa tolda, bumababa ang haliging ulap+ at pumupuwesto sa pasukan ng tolda habang kausap ng Diyos si Moises.+
10 Kapag nakita ng buong bayan ang haliging ulap na nakapuwesto sa pasukan ng tolda, ang bawat isa ay tumatayo sa pasukan ng kani-kaniyang tolda at yumuyukod.
11 Kinakausap ni Jehova si Moises nang mukhaan,+ kung paanong nakikipag-usap ang isang tao sa isa pang tao. Kapag bumabalik siya sa kampo, hindi umaalis sa tolda ang katulong at lingkod niyang si Josue,+ na anak ni Nun.
12 Sinabi ni Moises kay Jehova: “Sinasabi mo sa akin, ‘Akayin mo ang bayang ito,’ pero hindi mo ipinaaalam sa akin kung sino ang isusugo mo na kasama ko. At sinabi mo, ‘Kilalang-kilala kita,* at kalugod-lugod ka rin sa paningin ko.’
13 Pakisuyo, kung kalugod-lugod ako sa iyong paningin, ipaalám mo sa akin ang iyong mga daan+ para makilala kita at patuloy kang malugod sa akin. Alalahanin mo rin na ang bansang ito ay iyong bayan.”+
14 Kaya sinabi niya: “Sasama ako* sa iyo,+ at bibigyan kita ng kapayapaan.”+
15 Sinabi ni Moises: “Kung hindi ka sasama,* huwag mo na kaming paalisin sa lugar na ito.
16 Paano malalaman ng mga tao na kalugod-lugod ako sa paningin mo, ako at ang iyong bayan? Hindi ba sa pagsama mo sa amin?+ Kung sasama ka, ako at ang iyong bayan ay mapapaiba sa lahat ng iba pang bayan na nasa ibabaw ng lupa.”+
17 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Gagawin ko rin ang hiniling mong ito sa akin dahil kalugod-lugod ka sa paningin ko at kilalang-kilala kita.”
18 Sinabi ni Moises: “Pakisuyo, ipakita mo sa akin ang kaluwalhatian mo.”
19 Pero sinabi niya: “Pararaanin ko sa harap ng iyong mukha ang buong kaluwalhatian* ko, at ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova+ sa harap mo; at papaboran ko ang mga gusto kong paboran, at kaaawaan ko ang mga gusto kong kaawaan.”+
20 Pero idinagdag niya: “Hindi mo puwedeng makita ang aking mukha, dahil walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.”
21 Sinabi pa ni Jehova: “May malaking bato rito na malapit sa akin. Tumayo ka rito.
22 Kapag dumadaan ang kaluwalhatian ko, ipupuwesto kita sa isang uka ng malaking bato, at tatakpan kita ng kamay ko hanggang sa makadaan ako.
23 Pagkatapos, aalisin ko ang kamay ko, at makikita mo ang likod ko. Pero hindi puwedeng makita ang aking mukha.”+
Talababa
^ Lit., “sa binhi.”
^ Lit., “leeg.”
^ Lit., “leeg.”
^ Lit., “Kilala kita sa pangalan.” O “Pinili kita.”
^ Lit., “ang aking mukha.”
^ Lit., “Kung hindi sasama ang iyong mukha.”
^ Lit., “kabutihan.”