Exodo 11:1-10

11  At sinabi ni Jehova kay Moises: “Magpapadala ako ng isa pang salot sa Paraon at sa Ehipto. Pagkatapos nito, papayagan na niya kayong umalis.+ Kapag pinaalis niya kayo, talagang itataboy niya kayo.+ 2  Sabihan mo ang bayan na ang lahat ng lalaki at babae ay dapat humingi sa kanilang kapitbahay ng mga kagamitang pilak at ginto.”+ 3  Ang bayan ay naging kalugod-lugod sa paningin ng mga Ehipsiyo dahil kay Jehova. Naging napakataas din ng tingin kay Moises ng mga lingkod ng Paraon at ng mga tao sa Ehipto. 4  At sinabi ni Moises: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Pagdating ng mga hatinggabi, pupunta ako sa Ehipto,+ 5  at ang lahat ng panganay sa Ehipto ay mamamatay,+ mula sa panganay ng Paraong nakaupo sa kaniyang trono hanggang sa panganay ng aliping babaeng gumagamit ng gilingan,* at ang lahat ng panganay ng mga hayop.+ 6  Magkakaroon ng napakalakas na pag-iyak sa buong Ehipto, na hindi pa nangyari kahit kailan at hindi na muling mangyayari.+ 7  Pero walang isa mang aso ang tatahol* sa mga Israelita, sa mga tao o sa mga alagang hayop nila, at makikita ninyo ang pagkakaiba ng pakikitungo ni Jehova sa mga Ehipsiyo at sa mga Israelita.’+ 8  At lahat ng lingkod mo ay pupunta sa akin at yuyukod, na sinasabi, ‘Umalis na kayo, ikaw at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.’+ At pagkatapos ay aalis ako.” Pagkasabi nito, umalis siya sa harap ng galit na galit na Paraon. 9  Sinabi ni Jehova kay Moises: “Hindi makikinig sa inyo ang Paraon,+ para dumami pa ang himala ko sa Ehipto.”+ 10  Nakita ng Paraon ang lahat ng himalang ito na ginawa nina Moises at Aaron,+ pero hinayaan ni Jehova na magmatigas ang puso ng Paraon, kaya hindi nito pinayagang umalis ang mga Israelita sa lupain nito.+

Talababa

O “gilingang pangkamay.”
Lit., “ang magpapatalas ng dila.”

Study Notes

Media