Esther 6:1-14

6  Nang gabing iyon, hindi makatulog ang hari. Kaya ipinakuha niya ang aklat ng kasaysayan,+ at binasa ito sa hari. 2  Nabasa roon ang iniulat ni Mardokeo tungkol sa dalawang opisyal sa palasyo na sina Bigtana at Teres, mga bantay-pinto, na nagplanong pumatay kay Haring Ahasuero.+ 3  Nagtanong ang hari: “Anong parangal at gantimpala ang ibinigay kay Mardokeo para dito?” Sumagot ang mga tagapaglingkod ng hari: “Wala po.” 4  Mayamaya ay sinabi ng hari: “Sino ang nasa labas?” Si Haman noon ay nasa harap ng palasyo+ dahil sasabihin nito sa hari na ibitin si Mardokeo sa tulos na inihanda niya para dito.+ 5  Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari: “Si Haman+ po ang nasa labas.” Kaya sinabi ng hari: “Papasukin siya.” 6  Pagpasok ni Haman, sinabi ng hari: “Ano ang dapat gawin sa lalaking gustong parangalan ng hari?” Naisip ni Haman: “Sino pa ba ang gustong parangalan ng hari kundi ako?”+ 7  Kaya sinabi ni Haman sa hari: “Para sa lalaking gustong parangalan ng hari, 8  magpakuha kayo ng damit na isinusuot ng hari+ at ng isang kabayong sinasakyan ng hari at may korona. 9  Pagkatapos, ipagkatiwala ninyo ang damit at ang kabayo sa isa sa mga kagalang-galang na opisyal ng hari. Bibihisan ng mga lingkod ng hari ang lalaking gustong parangalan ng hari, at sakay ng kabayo ay ililibot nila siya sa liwasan* ng lunsod. Sisigaw sila sa unahan niya, ‘Ganito ang ginagawa sa lalaking gustong parangalan ng hari!’”+ 10  Kaagad na sinabi ng hari kay Haman: “Dali! Kunin mo ang damit at ang kabayo, at ang mga sinabi mo ay gawin mo sa Judiong si Mardokeo na nakaupo sa pintuang-daan ng palasyo. Siguraduhin mong mangyayari ang lahat ng sinabi mo.” 11  Kaya kinuha ni Haman ang damit at ang kabayo, at binihisan niya si Mardokeo+ at inilibot sa liwasan ng lunsod sakay ng kabayo. Sumisigaw si Haman sa unahan ni Mardokeo: “Ganito ang ginagawa sa lalaking gustong parangalan ng hari!” 12  Pagkatapos, bumalik si Mardokeo sa pintuang-daan ng palasyo, pero si Haman ay nagmamadaling umuwi sa bahay niya, na lumong-lumo at may takip sa ulo. 13  Nang sabihin ni Haman sa asawa niyang si Zeres+ at sa lahat ng kaibigan niya ang nangyari sa kaniya, sinabi ng kaniyang mga tagapayo* at ni Zeres: “Kung Judio* si Mardokeo, hindi ka mananalo sa kaniya. At ngayong nagsimula ka nang bumagsak sa harap niya, tuluyan ka nang babagsak.” 14  Habang nakikipag-usap pa sila sa kaniya, dumating ang mga opisyal ng palasyo at dali-daling dinala si Haman sa salusalong inihanda ni Esther.+

Talababa

O “plaza.”
Lit., “taong marurunong.”
Lit., “mula sa binhi ng mga Judio.”

Study Notes

Media