Mga Bilang 18:1-32

18  At sinabi ni Jehova kay Aaron: “Ikaw at ang iyong mga anak at ang iyong angkan ang mananagot sa anumang kasalanan laban sa santuwaryo,+ at ikaw at ang iyong mga anak ang mananagot sa anumang kasalanan laban sa inyong pagkasaserdote.+ 2  Palapitin mo rin ang iyong mga kapatid mula sa tribo ni Levi, ang tribo ng iyong ninuno, para makasama mo sila at makapaglingkod sila sa iyo+ at sa iyong mga anak sa harap ng tolda ng Patotoo.+ 3  Gagampanan nila ang kanilang pananagutan sa iyo at sa buong tolda.+ Pero huwag silang lalapit sa mga kagamitan ng banal na lugar at sa altar para walang sinumang mamatay, sila man o kayo.+ 4  Sasama sila sa iyo at gagampanan nila ang kanilang pananagutan may kaugnayan sa tolda ng pagpupulong at sa lahat ng gawain sa tolda, at walang ibang* puwedeng lumapit sa inyo.+ 5  Dapat ninyong gampanan ang inyong pananagutan sa banal na lugar+ at sa altar+ para hindi na lumagablab ang galit ko+ sa bayang Israel. 6  Ako mismo ang kumuha sa inyong mga kapatid, ang mga Levita, mula sa mga Israelita, bilang kaloob para sa inyo.+ Ibinigay sila kay Jehova para mag-asikaso sa mga gawain sa tolda ng pagpupulong.+ 7  Bilang mga saserdote, ikaw at ang iyong mga anak ang may pananagutan sa mga gawain may kaugnayan sa altar at sa nasa loob ng kurtina;+ kayo ang gagawa ng mga ito.+ Ang paglilingkod bilang saserdote ay ibinigay ko sa inyo bilang kaloob, at ang ibang taong* lalapit sa santuwaryo ay dapat patayin.”+ 8  Sinabi pa ni Jehova kay Aaron: “Ako mismo ang nag-aatas sa iyo sa pag-iingat ng mga abuloy para sa akin.+ Ibinibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak bilang permanenteng paglalaan ang isang bahagi ng lahat ng banal na bagay na iniabuloy ng mga Israelita.+ 9  Para sa iyo ang mga bahagi ng mga kabanal-banalang handog na kinuha mula sa mga handog na pinaraan sa apoy: bawat handog na dinadala nila sa akin, pati ang kanilang handog na mga butil,+ handog para sa kasalanan,+ at handog para sa pagkakasala.+ Ito ay kabanal-banalang bagay para sa iyo at sa iyong mga anak. 10  Dapat mo itong kainin sa isang napakabanal na lugar.+ Puwede itong kainin ng bawat lalaki. Ito ay magiging banal sa iyo.+ 11  Para sa iyo rin ang mga ito: ang mga kaloob na iniaabuloy nila,+ pati ang lahat ng handog na iginagalaw*+ mula sa mga Israelita. Ibinibigay ko ang mga iyon sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae bilang permanenteng paglalaan sa inyo.+ Lahat ng taong malinis sa iyong sambahayan ay makakakain nito.+ 12  “Ibinibigay ko sa iyo ang lahat ng pinakamainam na langis at lahat ng pinakamainam na bagong alak at butil, ang mga unang bunga nila,+ na ibinibigay nila kay Jehova.+ 13  Magiging iyo ang mga unang hinog na bunga ng lahat ng nasa lupain nila, na dadalhin nila kay Jehova.+ Lahat ng taong malinis sa iyong sambahayan ay makakakain nito. 14  “Magiging iyo ang lahat ng bagay na inialay* na nasa Israel.+ 15  “Magiging iyo ang bawat panganay ng lahat ng nabubuhay na nilikha,*+ na ihahandog nila kay Jehova, tao man o hayop. Pero dapat mong tubusin ang panganay sa mga tao,+ at dapat mong tubusin ang panganay sa maruruming hayop.+ 16  Dapat mo itong tubusin gamit ang halagang pantubos kapag ang edad nito ay isang buwan pataas, ayon sa tinatayang halaga na limang siklong* pilak,+ ayon sa siklo ng banal na lugar.* Iyon ay 20 gerah.* 17  Pero huwag mong tutubusin ang panganay na toro* o panganay na lalaking kordero* o panganay na kambing.+ Banal ang mga iyon. Ang dugo ng mga iyon ay dapat mong iwisik sa altar,+ at ang taba ng mga iyon ay dapat mong sunugin para pumailanlang ang usok nito bilang handog na pinaraan sa apoy, isang nakagiginhawang amoy para kay Jehova.+ 18  Magiging iyo ang karne ng mga iyon. Gaya ng dibdib ng handog na iginagalaw* at ng kanang binti, magiging iyo ang mga iyon.+ 19  Ibinibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae bilang permanenteng paglalaan ang lahat ng banal na abuloy ng mga Israelita kay Jehova.+ Ito ay pakikipagtipan ni Jehova sa iyo at sa iyong mga supling, isang tipan ng asin* hanggang sa panahong walang takda.” 20  Sinabi pa ni Jehova kay Aaron: “Hindi ka magkakaroon ng mana sa lupain nila, at hindi ka magkakaroon ng bahagi sa lupain nila.+ Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga Israelita.+ 21  “Tingnan mo, ibinibigay ko sa mga anak ni Levi ang lahat ng ikasampung bahagi+ sa Israel bilang mana para sa paglilingkod nila sa tolda ng pagpupulong. 22  Hindi na puwedeng lumapit sa tolda ng pagpupulong ang bayan ng Israel dahil magkakasala sila at mamamatay. 23  Ang mga Levita ang maglilingkod sa tolda ng pagpupulong, at sila ang mananagot sa kasalanan nila.+ Hindi sila puwedeng magkaroon ng lupain sa gitna ng mga Israelita bilang mana. Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda sa lahat ng henerasyon ninyo.+ 24  Dahil ibinibigay ko sa mga Levita bilang mana ang ikasampung bahagi na iniabuloy ng bayan ng Israel kay Jehova. Kaya sinabi ko, ‘Hindi sila puwedeng magkaroon ng lupain sa gitna ng mga Israelita bilang mana.’”+ 25  At sinabi ni Jehova kay Moises: 26  “Sabihin mo sa mga Levita, ‘Tatanggapin ninyo mula sa mga Israelita ang ikasampung bahagi na ibinibigay ko sa inyo bilang mana,+ at mula sa ikasampung bahaging iyon, dapat ninyong iabuloy kay Jehova ang ikasampung bahagi nito.+ 27  At ituturing iyon na abuloy ninyo, na para bang mga butil iyon ng sarili ninyong giikan+ o saganang alak o langis mula sa inyong pisaan ng ubas at pisaan para sa langis. 28  Sa ganitong paraan, mag-aabuloy rin kayo kay Jehova mula sa lahat ng ikasampung bahagi na tinatanggap ninyo mula sa mga Israelita, at ang abuloy na iyon kay Jehova ay ibibigay ninyo kay Aaron na saserdote. 29  Iaabuloy ninyo kay Jehova ang pinakamainam mula sa lahat ng kaloob na ibinigay sa inyo+ bilang banal na bagay.’ 30  “At dapat mong sabihin sa kanila, ‘Kapag iniaabuloy ninyo ang pinakamainam sa mga iyon, ang matitira ay mapupunta sa inyo na mga Levita, na para bang iyon ay butil ng sarili ninyong giikan at alak mula sa inyong pisaan ng ubas at langis mula sa inyong pisaan para sa langis. 31  Puwede ninyo itong kainin kahit saan, kayo at ang inyong sambahayan, dahil iyon ay kabayaran para sa paglilingkod ninyo sa tolda ng pagpupulong.+ 32  Hindi kayo magkakasala dahil dito hangga’t iniaabuloy ninyo ang pinakamainam sa mga ito, at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga Israelita para hindi kayo mamatay.’”+

Talababa

Lit., “estrangherong,” o hindi kapamilya ni Aaron.
Lit., “ang estrangherong,” o hindi kapamilya ni Aaron.
Tingnan sa Glosari.
Tumutukoy sa lahat ng bagay na pinabanal para sa Diyos; ang mga ito ay inialay sa Diyos at hindi na mababawi o matutubos pa.
Lit., “lahat ng laman.”
Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.
O “ayon sa banal na siklo.”
Ang isang gerah ay 0.57 g. Tingnan ang Ap. B14.
O “lalaking baka.”
O “batang tupa.”
Tingnan sa Glosari.
Isang permanente at di-nagbabagong tipan.

Study Notes

Media