Ikalawang Hari 9:1-37

9  Pagkatapos, tinawag ng propetang si Eliseo ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi rito: “Ibigkis mo sa baywang mo ang damit mo, at dalhin mo ang langis na ito at pumunta ka kaagad sa Ramot-gilead.+ 2  Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu+ na anak ni Jehosapat na anak ni Nimsi; pumasok ka at ihiwalay mo siya sa iba pang mga pinuno at dalhin mo siya sa kaloob-loobang silid. 3  Pagkatapos, kunin mo ang langis at ibuhos mo iyon sa ulo niya at sabihin mo, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Inaatasan* kita bilang hari sa Israel.”’+ Pagkatapos, buksan mo ang pinto at umalis ka kaagad.” 4  Kaya pumunta sa Ramot-gilead ang tagapaglingkod ng propeta. 5  Pagdating niya roon, nakaupo ang mga pinuno ng hukbo. Sinabi niya: “May mensahe ako para sa iyo, O pinuno.” Nagtanong si Jehu: “Kanino sa amin?” Sinabi niya: “Para sa iyo, O pinuno.” 6  Kaya tumayo si Jehu at pumasok sa bahay; ibinuhos ng tagapaglingkod ang langis sa ulo niya at sinabi sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Inaatasan* kita bilang hari sa bayan ni Jehova, sa Israel.+ 7  Lipulin mo ang sambahayan ng panginoon mong si Ahab, at ipaghihiganti ko ang dugo ng mga lingkod kong propeta at ang dugo ng lahat ng lingkod ni Jehova na pinatay ni Jezebel.+ 8  At mapupuksa ang buong sambahayan ni Ahab; at lilipulin ko ang lahat ng lalaki* sa sambahayan ni Ahab, pati na ang mga hamak at mahihina sa Israel.+ 9  At ang sambahayan ni Ahab ay gagawin kong gaya ng sambahayan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat at gaya ng sambahayan ni Baasa+ na anak ni Ahias. 10  Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain sa Jezreel,+ at walang maglilibing sa kaniya.’” Pagkatapos, binuksan ng tagapaglingkod ang pinto at tumakbo paalis.+ 11  Pagbalik ni Jehu sa mga lingkod ng panginoon niya, tinanong siya ng mga ito: “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot siya: “Kilala naman ninyo ang lalaking iyon. Kung ano-ano lang ang sinasabi niya.” 12  Pero sinabi ng mga ito: “Hindi totoo iyan! Sige na, sabihin mo sa amin.” Sinabi niya: “Ito ang mensahe niya sa akin, at idinagdag pa niya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Inaatasan* kita bilang hari sa Israel.”’”+ 13  Agad na hinubad ng bawat isa sa kanila ang kani-kaniyang damit at inilatag ang mga iyon sa mga baytang na dadaanan niya,+ at hinipan nila ang tambuli at sinabi: “Si Jehu ay naging hari!”+ 14  Pagkatapos, si Jehu+ na anak ni Jehosapat na anak ni Nimsi ay nakipagsabuwatan laban kay Jehoram. Si Jehoram at ang buong Israel ay nakabantay noon sa Ramot-gilead+ dahil kay Haring Hazael+ ng Sirya. 15  Nang maglaon, bumalik si Haring Jehoram sa Jezreel+ para magpagaling mula sa mga sugat na natamo niya sa mga Siryano nang makipaglaban siya kay Haring Hazael ng Sirya.+ Sinabi ngayon ni Jehu: “Kung kakampi ko kayo, huwag ninyong hayaang makatakas ang sinuman mula sa lunsod para ibalita ito sa Jezreel.” 16  Pagkatapos, sumakay si Jehu sa karwahe niya at nagpunta sa Jezreel, dahil si Jehoram ay nagpapagaling doon, at si Haring Ahazias ng Juda ay pumunta roon para dalawin si Jehoram. 17  Habang nakatayo ang bantay sa tore sa Jezreel, nakita niya ang malaking pangkat ni Jehu na paparating. Agad niyang sinabi: “May nakikita akong malaking pangkat ng mga lalaki.” Sinabi ni Jehoram: “Magsugo ka ng kabalyero para salubungin sila at sabihin, ‘Kapayapaan ba ang dala ninyo?’” 18  Kaya sinalubong siya ng mangangabayo at sinabi: “Ito ang sinabi ng hari, ‘Kapayapaan ba ang dala ninyo?’” Pero sinabi ni Jehu: “Ano ang alam mo sa ‘kapayapaan’? Pumunta ka sa likuran ko!” Iniulat ng bantay: “Nakarating sa kanila ang mensahero, pero hindi pa siya bumabalik.” 19  Kaya nagsugo siya ng ikalawang mangangabayo. Nang makarating ito sa kanila, sinabi nito: “Ito ang sinabi ng hari, ‘Kapayapaan ba ang dala ninyo?’” Pero sinabi ni Jehu: “Ano ang alam mo sa ‘kapayapaan’? Pumunta ka sa likuran ko!” 20  Iniulat ng bantay: “Nakarating siya sa kanila, pero hindi pa siya bumabalik. At ang pagpapatakbo ng pinuno nila ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu na apo* ni Nimsi, dahil nagpapatakbo siyang parang baliw.” 21  Sinabi ni Jehoram: “Ihanda ang karwahe!” Kaya inihanda ang kaniyang karwaheng pandigma. Si Haring Jehoram ng Israel at si Haring Ahazias+ ng Juda ay sumakay sa kani-kaniyang karwaheng pandigma para salubungin si Jehu. Nasalubong nila ito sa bukid ni Nabot+ na Jezreelita. 22  Pagkakita ni Jehoram kay Jehu, sinabi niya: “Kapayapaan ba ang dala mo, Jehu?” Pero sinabi nito: “Paano magkakaroon ng kapayapaan kung patuloy sa pakikiapid at pangkukulam* ang iyong inang si Jezebel?”+ 23  Agad na iniliko ni Jehoram ang karwahe niya para tumakas, at sinabi niya kay Ahazias: “Pinagtaksilan tayo, Ahazias!” 24  At kinuha ni Jehu ang kaniyang pana at pinana sa likod si Jehoram, at ang palaso ay tumagos sa puso nito, at bumagsak ito sa loob ng karwaheng pandigma nito. 25  Pagkatapos, sinabi niya sa ayudante* niyang si Bidkar: “Buhatin mo siya at ihagis sa bukid ni Nabot na Jezreelita.+ Tandaan mo, magkasama tayong nagpapatakbo ng karwahe sa likod ng ama niyang si Ahab nang sabihin mismo ni Jehova ang hatol na ito laban sa kaniya:+ 26  ‘“Nakita ko kahapon ang dugo ni Nabot+ at ang dugo ng mga anak niya,” ang sabi ni Jehova. “Titiyakin kong magbabayad ka+ sa mismong bukid na ito,” ang sabi ni Jehova.’ Kaya ngayon, buhatin mo siya at ihagis sa bukid, gaya ng sinabi ni Jehova.”+ 27  Nang makita ni Haring Ahazias+ ng Juda ang nangyayari, tumakas siya at dumaan sa isang malaking hardin.* (Nang maglaon, hinabol siya ni Jehu at sinabi: “Pabagsakin din siya!” At nasugatan nila siya habang nasa karwahe paakyat sa Gur, malapit sa Ibleam.+ Pero nagpatuloy pa siya sa pagtakas hanggang sa Megido, at doon siya namatay. 28  Pagkatapos, isinakay siya ng mga lingkod niya sa isang karwahe papuntang Jerusalem, at inilibing nila siya sa libingan niya kasama ng kaniyang mga ninuno sa Lunsod ni David.+ 29  Naging hari si Ahazias+ sa Juda noong ika-11 taon ni Jehoram na anak ni Ahab.) 30  Nang dumating si Jehu sa Jezreel,+ nalaman iyon ni Jezebel.+ Kaya kinulayan niya ng itim ang mga mata niya at inayusan ang ulo niya at dumungaw sa bintana. 31  Pagpasok ni Jehu sa pintuang-daan, sinabi ni Jezebel: “Napabuti ba si Zimri, ang pumatay sa kaniyang panginoon?”+ 32  Tumingala si Jehu sa bintana at nagsabi: “Sino ang kampi sa akin? Sino?”+ Dalawa o tatlong opisyal sa palasyo ang agad na dumungaw sa kaniya. 33  Sinabi niya: “Ihulog ninyo siya!” Kaya inihulog nila si Jezebel, at ang dugo nito ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at pinagtatapakan ng mga kabayo ni Jehu si Jezebel. 34  Pagkatapos, pumasok si Jehu at kumain at uminom. At sinabi niya: “Pakisuyo, asikasuhin ninyo ang isinumpang babaeng iyon at ilibing siya. Tutal, anak siya ng isang hari.”+ 35  Pero nang puntahan nila ito para ilibing, wala na silang inabutan kundi ang bungo nito at ang mga paa at ang mga palad nito.+ 36  Nang bumalik sila at sabihin sa kaniya ang tungkol dito, sinabi niya: “Natupad ang sinabing ito ni Jehova+ sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias na Tisbita, ‘Sa lupain sa Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel.+ 37  At ang bangkay ni Jezebel ay magiging dumi* sa ibabaw ng lupa ng Jezreel kaya hindi nila masasabi: “Ito si Jezebel.”’”

Talababa

Lit., “Pinapahiran.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”
Lit., “Pinapahiran.”
Lit., “ang sinumang umiihi sa pader.” Pananalitang Hebreo na ginagamit sa paghamak sa mga lalaki.
Lit., “Pinapahiran.”
Lit., “anak.”
O “panggagaway.” Tingnan sa Glosari.
Opisyal ng militar.
Lit., “sa bahay-hardin.”
O “pataba.”

Study Notes

Media