Ikalawang Hari 5:1-27
5 Si Naaman na pinuno ng hukbo ng hari ng Sirya ay isang kilalang lalaki. Mataas ang tingin sa kaniya ng panginoon niya, dahil sa pamamagitan niya ay pinagtagumpay* ni Jehova ang Sirya. Isa siyang magiting na mandirigma, pero may ketong siya.*
2 Sa isa sa mga pagsalakay ng mga Siryano, nabihag nila mula sa lupain ng Israel ang isang batang babae na naging alipin ng asawa ni Naaman.
3 Sinabi ng bata sa amo niyang babae: “Kung makakapunta lang ang panginoon ko sa propetang+ nasa Samaria, pagagalingin ng propeta ang ketong niya!”+
4 Kaya pumunta siya* sa kaniyang panginoon at binanggit ang sinabi ng batang babae mula sa Israel.
5 Sinabi ng hari ng Sirya: “Pumunta ka na ngayon! Magpapadala ako ng liham sa hari ng Israel.” Kaya umalis ito at nagdala ng 10 talento* ng pilak, 6,000 pirasong ginto, at 10 damit.
6 Dinala niya sa hari ng Israel ang liham. Ganito ang nakasulat: “Kasabay ng liham na ito, isinugo ko ang lingkod kong si Naaman para pagalingin mo ang ketong niya.”
7 Pagkabasa ng hari ng Israel sa liham, pinunit niya ang damit niya at sinabi: “Diyos ba ako para pumatay o magligtas ng buhay?+ Pinapunta niya ang lalaking ito sa akin para pagalingin ang ketong niya! Kitang-kita ninyong naghahanap siya ng away.”
8 Nang mabalitaan ni Eliseo na lingkod ng tunay na Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang damit nito, nagpadala agad siya ng mensahe sa hari: “Bakit mo pinunit ang damit mo? Pakisuyo, papuntahin mo siya sa akin para malaman niya na may propeta sa Israel.”+
9 Kaya nagpunta si Naaman kasama ang kaniyang mga kabayo at mga karwaheng pandigma at tumayo sa pasukan ng bahay ni Eliseo.
10 Pero isang mensahero ang pinapunta ni Eliseo para sabihin sa kaniya: “Pumunta ka sa Jordan+ at lumublob ka roon nang pitong beses,+ at babalik sa dati ang laman mo at magiging malinis ka.”
11 Nagalit si Naaman at umalis at nagsabi: “Naisip ko pa naman, ‘Lalabas siya at tatayo sa harap ko at tatawag sa pangalan ni Jehova na kaniyang Diyos habang iwinawasiwas ang kamay niya sa ibabaw ng ketong para pagalingin ito.’
12 Hindi ba ang Abana at ang Parpar, na mga ilog ng Damasco,+ ay mas mabuti kaysa sa lahat ng ilog sa Israel? Hindi ba ako puwedeng lumublob doon at luminis?” At umalis siyang galit na galit.
13 Nilapitan siya ng mga lingkod niya at sinabi: “Ama ko, kung mahirap ang ipinagawa sa iyo ng propeta, hindi ba gagawin mo iyon? Kaya lalo na ito. Ang sinabi lang naman niya sa iyo, ‘Lumublob ka sa tubig at magiging malinis ka.’”
14 Kaya lumusong siya at lumublob sa Jordan nang pitong beses gaya ng sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos.+ Pagkatapos, ang laman niya ay naging gaya ng laman ng isang bata,+ at naging malinis siya.+
15 Kaya bumalik siya sa lingkod ng tunay na Diyos,+ siya at ang lahat ng kasama* niya, at tumayo siya sa harap nito at nagsabi: “Alam ko na ngayon na walang Diyos saanman sa lupa maliban sa Israel.+ Pakisuyong tanggapin mo ang isang regalo* mula sa iyong lingkod.”
16 Pero sinabi ni Eliseo: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova na pinaglilingkuran ko,* hindi ko tatanggapin iyan.”+ Pinilit nito si Eliseo na tanggapin ang regalo, pero paulit-ulit niya itong tinanggihan.
17 Kaya sinabi ni Naaman: “Kung ayaw mong tanggapin ang regalo, pakisuyong bigyan mo ang lingkod mo mula sa lupaing ito ng lupang mapapasan ng dalawang mula,* dahil ang lingkod mo ay hindi na mag-aalay ng handog na sinusunog o ng hain sa sinumang diyos maliban kay Jehova.
18 Pero patawarin sana ni Jehova ang iyong lingkod sa isang bagay na ito: Kapag pumupunta ang panginoon ko sa bahay* ni Rimon para yumukod doon, humahawak siya sa braso ko, kaya kailangan ko ring yumukod sa bahay ni Rimon. Kapag yumuyukod ako sa bahay ni Rimon, patawarin sana ni Jehova ang iyong lingkod.”
19 Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Umuwi kang payapa.” At umalis na siya. Nang malayo-layo na siya,
20 naisip ni Gehazi+ na tagapaglingkod ni Eliseo na lingkod ng tunay na Diyos:+ ‘Pinauwi ng panginoon ko ang Siryanong si Naaman+ nang hindi tinatanggap ang dala nito. Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, hahabulin ko siya at hihingi ako mula sa dala niya.’
21 Kaya hinabol ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman na may humahabol sa kaniya, bumaba siya sa karwahe niya para salubungin ito. Sinabi niya: “May problema ba?”
22 Sumagot ito: “Wala naman po. Pinasunod ako ng panginoon ko para sabihin sa inyo, ‘May biglang dumating na dalawang lalaki na mga anak ng mga propeta at galing sila sa mabundok na rehiyon ng Efraim. Pakisuyong bigyan mo sila ng isang talento ng pilak at dalawang damit.’”+
23 Sinabi ni Naaman: “Sige, kumuha ka ng dalawang talento.” Pinilit niya si Gehazi,+ at inilagay niya ang dalawang talento ng pilak sa dalawang supot, kasama ang dalawang damit. Ipinadala niya ito sa dalawa niyang tagapaglingkod, na lumakad sa unahan ni Gehazi.
24 Pagdating niya sa Opel,* kinuha niya ang mga ito mula sa kanila at inilagay sa bahay at pinaalis ang mga lalaki. Pagkaalis nila,
25 pumasok siya at tumayo sa tabi ng panginoon niya. Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Saan ka galing, Gehazi?” Pero sinabi niya: “Hindi naman umalis ang iyong lingkod.”+
26 Sinabi ni Eliseo sa kaniya: “Alam ko na bumaba ang lalaki mula sa karwahe niya para salubungin ka. Panahon ba ito para tumanggap ng pilak o tumanggap ng mga damit o ng mga taniman ng olibo o ng mga ubasan o ng mga tupa o ng mga baka o ng mga aliping lalaki o babae?+
27 Kaya ang ketong ni Naaman+ ay kakapit sa iyo at sa mga inapo mo magpakailanman.” Agad siyang umalis na namumuting parang niyebe dahil sa ketong.+
Talababa
^ O “iniligtas.”
^ O “may sakit siya sa balat.”
^ Posibleng tumutukoy kay Naaman.
^ Lit., “pagpapala.”
^ Lit., “ang buong kampo.”
^ Lit., “na sa harap niya ay nakatayo ako.”
^ Anak ng kabayo at asno.
^ O “templo.”
^ Isang lugar sa Samaria, posibleng isang burol o kuta.