Ikalawang Cronica 15:1-19
15 Ngayon ay napuspos ng espiritu ng Diyos si Azarias na anak ni Oded.
2 Kaya lumabas siya at pinuntahan si Asa at sinabi rito: “Pakinggan ninyo ako, O Asa at buong Juda at Benjamin! Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay nananatili sa panig niya;+ at kung hahanapin ninyo siya, hahayaan niyang makita ninyo siya,+ pero kung iiwan ninyo siya, iiwan niya kayo.+
3 Sa loob ng mahabang panahon,* wala sa Israel ang tunay na Diyos, walang saserdoteng nagtuturo sa kanila, at wala silang kautusan.+
4 Pero nang malagay sila sa kagipitan at manumbalik sila kay Jehova na Diyos ng Israel at hanapin nila siya, hinayaan niyang makita nila siya.+
5 Nang mga panahong iyon, mapanganib ang paglalakbay,* dahil napakagulo sa mga lupain.
6 Dinudurog ng isang bansa ang isa pang bansa at ng isang lunsod ang isa pang lunsod, dahil hinahayaan sila ng Diyos na magkagulo at dumanas ng iba’t ibang uri ng paghihirap.+
7 Pero kayo, magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob,*+ dahil gagantimpalaan ang mga ginagawa ninyo.”
8 Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito at ang hula ng propetang si Oded, lumakas ang loob niya at inalis niya ang kasuklam-suklam na mga idolo mula sa buong lupain ng Juda+ at Benjamin at mula sa mga lunsod na sinakop niya sa mabundok na rehiyon ng Efraim, at inayos niya ang altar ni Jehova na nasa harap ng beranda ni Jehova.+
9 At tinipon niya ang buong Juda at Benjamin at ang mga dayuhan mula sa Efraim at Manases at Simeon na naninirahang kasama nila,+ dahil napakarami nilang umalis sa Israel at kumampi sa kaniya nang makita nilang sumasakaniya ang Diyos niyang si Jehova.
10 Nagtipon sila sa Jerusalem noong ikatlong buwan ng ika-15 taon ng paghahari ni Asa.
11 Nang araw na iyon, naghandog sila kay Jehova ng 700 baka at 7,000 tupa mula sa samsam na dinala nila.
12 Bukod diyan, gumawa sila ng tipan na hanapin si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno nang kanilang buong puso at buong kaluluwa.+
13 Sinumang hindi hahanap kay Jehova na Diyos ng Israel ay papatayin, ang nakabababa at ang nakatataas, lalaki man o babae.+
14 Kaya nanata sila kay Jehova na may malakas na tinig, sigaw ng kagalakan, at tunog ng mga trumpeta at tambuli.
15 At ang buong Juda ay nagsaya sa ginawang panata, dahil nanata sila nang buong puso at may pananabik nila siyang hinanap, at hinayaan niyang makita nila siya,+ at patuloy silang binigyan ni Jehova ng kapahingahan sa buong lupain.+
16 Inalis pa nga ni Haring Asa ang lola niyang si Maaca+ sa posisyon nito bilang inang reyna, dahil gumawa ito ng kasuklam-suklam na idolo para sa pagsamba sa sagradong poste.*+ Pinutol ni Asa ang kasuklam-suklam na idolo nito, dinurog iyon, at sinunog iyon sa Lambak ng Kidron.+
17 Pero hindi naalis ang matataas na lugar+ sa Israel.+ Gayunman, ibinigay ni Asa ang buong puso niya sa Diyos habang nabubuhay siya.+
18 At ipinasok niya sa bahay ng tunay na Diyos ang mga bagay na pinabanal niya at ng kaniyang ama—pilak, ginto, at iba’t ibang kagamitan.+
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang noong ika-35 taon ng paghahari ni Asa.+
Talababa
^ Lit., “ng maraming araw.”
^ Lit., “walang kapayapaan sa lumalabas o pumapasok.”
^ Lit., “huwag hayaang lumaylay ang inyong mga kamay.”