Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto 3:1-18
Talababa
Study Notes
liham ng rekomendasyon: Noong unang siglo C.E., ginagamit ang mga liham mula sa mapagkakatiwalaang mga tao para ipakilala ang isang estranghero o makumpirma ang pagkakakilanlan o awtoridad niya. (Gaw 18:27; tingnan ang study note sa Ro 16:1.) Karaniwan noon ang mga liham ng rekomendasyon, at may sinusunod na pamantayan sa pagsulat ng ganitong liham, na makikita sa mga gabay sa pagliham. (Gaw 28:21) Sa 2Co 3:1, sinasabi ni Pablo na hindi niya kailangang sumulat ng liham ng rekomendasyon para sa mga taga-Corinto o tumanggap nito mula sa kanila para patunayang isa siyang ministro. Tinulungan niya silang maging mga Kristiyano kaya puwede niyang sabihin: “Kayo mismo ang liham namin.”—2Co 3:2.
Kayo mismo ang liham namin: Sagot ito ni Pablo sa tanong niya sa naunang talata. Para bang sinasabi ni Pablo: “Hindi namin kailangan ng nasusulat na katibayan para patunayang mga ministro kami ng Diyos. Kayo ang buháy na mga liham namin ng rekomendasyon.” Ang kongregasyong Kristiyano sa Corinto ay ebidensiya na ministro ng Diyos si Pablo.
nakasulat sa aming mga puso: Laging nasa puso ni Pablo ang mga miyembro ng kongregasyon. Sinanay niya sila na maging mga saksi ng Diyos at ni Kristo kaya para silang bukás na liham, na nakikilala at binabasa ng buong sangkatauhan.
liham ni Kristo na isinulat namin bilang mga lingkod: Si Pablo ay isang ‘piniling sisidlan’ ni Jesu-Kristo “para dalhin ang pangalan [ni Kristo] sa [di-Judiong] mga bansa” (Gaw 9:15; tlb.), at ginamit niya si Pablo bilang lingkod niya para isulat ang liham ng rekomendasyon na ito. Tuwing Sabbath, parehong pinangangaralan ni Pablo ang mga Judio at Griego sa Corinto. (Gaw 18:4-11) Hindi kayang sumulat ni Pablo ng ganitong liham sa sarili niyang kakayahan, dahil sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Kung nakahiwalay kayo sa akin, wala kayong magagawang anuman.”—Ju 15:5.
sa mga tapyas ng laman, sa mga puso: O “sa mga tapyas ng puso ng tao.” Ang Kautusan ni Moises ay nakasulat sa mga tapyas ng bato. (Exo 31:18; 34:1) Sa kontekstong ito, ipinakita ang pagkakaiba ng tipang Kautusan at ng bagong tipan na binanggit sa hula ni Jeremias, kung saan ipinangako ni Jehova: “Ilalagay ko sa loob nila ang kautusan ko, at isusulat ko iyon sa puso nila.” (Jer 31:31-33) Sa hula ni Ezekiel tungkol sa paglaya ng bayan ng Diyos mula sa Babilonya, inilarawan kung paano aalisin ni Jehova sa kanila ang “pusong bato,” o matigas na puso, at papalitan ng “pusong laman,” isang puso na malambot, nagpapahubog, masunurin, at nagpapagabay sa Diyos.—Eze 11:19; 36:26.
naging kuwalipikado kami dahil sa Diyos: Sa kontekstong ito, ang ekspresyong Griego na isinaling “kuwalipikado” ay pangunahin nang nangangahulugang “sapat; bagay.” Kapag iniugnay ito sa mga tao, puwede itong mangahulugang “may kakayahan; karapat-dapat.” (Luc 22:38; Gaw 17:9; 2Co 2:16; 3:6) Kaya ang buong ekspresyon ay puwedeng isaling “ang Diyos ang dahilan kaya naisasakatuparan namin ang gawaing ito.” Ginamit sa salin ng Septuagint sa Exo 4:10 ang isa sa mga salitang Griegong ito, kung saan binanggit na para kay Moises, hindi siya kuwalipikadong humarap sa Paraon. Ayon sa tekstong Hebreo, sinabi ni Moises: “Hindi talaga ako magaling magsalita.” Pero isinalin ito ng Septuagint na “Hindi talaga ako kuwalipikado.” Gayunman, ginawa siyang kuwalipikado ni Jehova. (Exo 4:11, 12) Kaya ang mga ministrong Kristiyano ay nagiging kuwalipikado rin sa pamamagitan ng “espiritu ng Diyos na buháy.”—2Co 3:3.
lingkod: O “ministro.” Kadalasan nang ginagamit ng Bibliya ang salitang Griego na di·aʹko·nos para tumukoy sa mga patuloy na naglilingkod sa iba nang mapagpakumbaba. (Tingnan ang study note sa Mat 20:26.) Dito, tinukoy ni Pablo ang sarili niya, si Timoteo, at ang lahat ng pinahirang Kristiyano bilang “mga lingkod ng isang bagong tipan.” (2Co 1:1) Kasama sa paglilingkod nila ang pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita para tulungan ang iba na maging bahagi ng bagong tipan o makinabang dito.—Tingnan ang study note sa Ro 11:13.
isang bagong tipan: Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, inihula ni Jehova na magkakaroon ng “isang bagong tipan” na naiiba sa tipang Kautusan. (Jer 31:31-34) Ang tipang Kautusan ay sa pagitan ni Jehova at ng likas na Israel; ang bagong tipan naman ay sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel. Si Moises ang tagapamagitan ng tipang Kautusan; si Jesus naman ang Tagapamagitan ng bagong tipan. (Ro 2:28, 29; Gal 6:15, 16; Heb 8:6, 10; 12:22-24) Nagkabisa ang tipang Kautusan sa pamamagitan ng dugo ng hayop; nagkabisa naman ang bagong tipan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, gaya ng sinabi niya nang banggitin niya ang “bagong tipan” noong gabi ng Nisan 14, 33 C.E., bago siya mamatay.—Luc 22:20 at study note; 1Co 11:25.
hindi ng isang nasusulat na Kautusan: Ang mga pinahirang Kristiyano ay hindi lingkod ng tipang Kautusan, na may mga bahaging nakasulat sa tapyas ng bato, at nang maglaon ay inilipat sa mga balumbon. Hindi ganiyan ang bagong tipan, na ginagabayan ng espiritu ng Diyos. Ang nasusulat na Kautusan ay nagpataw ng hatol na kamatayan sa mga Israelita, samantalang ang mga lingkod ng bagong tipan ay ginagabayan ng espiritu ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan. Tinutulungan sila ng espiritung iyon na makapanatiling tapat at magkaroon ng mga katangian na kailangan nila para matanggap ang kanilang gantimpala.—2Co 1:21, 22; Efe 1:13, 14; Tit 3:4-7.
ang Kautusan na nagpapataw ng kamatayan: Tumutukoy ito sa Kautusang Mosaiko. Inihahayag ng Kautusan ang pagkakasala. (Gal 3:19) Kaya masasabing ito ay “nagpapataw ng hatol na kamatayan.” (2Co 3:6; Gal 3:10) Ang tipang Kautusan ay sagisag lang ng bagong tipan na inihula ni Jeremias (Jer 31:31-33) at tinukoy ni Pablo na ginagabayan ng “espiritu” (2Co 3:8). Ang bagong tipan ay nakahihigit sa tipang Kautusan dahil ang mga bahagi ng bagong tipan ay tagasunod ng Punong Kinatawan para sa buhay, si Jesu-Kristo. Kaya buhay, hindi kamatayan, ang dulot ng bagong tipan.—Gaw 3:15.
napakaluwalhati: Sa bahaging ito ng liham ni Pablo (2Co 3:7-18), tinalakay niya ang nakahihigit na kaluwalhatian ng bagong tipan kung ikukumpara sa lumang tipan. Masasabi nating iyan ang tema ng tinatalakay ni Pablo sa mga talatang ito, dahil 13 beses niyang ginamit dito ang mga salitang Griego na nangangahulugang “kaluwalhatian” o “maging maluwalhati.” Ang orihinal na kahulugan ng pangngalang Griego na isinaling “kaluwalhatian” ay “opinyon; reputasyon,” pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, nangangahulugan itong “kaluwalhatian; karingalan; kadakilaan.”
ang Kautusan na nagpapataw ng hatol na kamatayan: Dito, binanggit ulit ni Pablo ang Kautusang Mosaiko na “nagpapataw ng hatol na kamatayan.” (2Co 3:6; tingnan ang study note sa 2Co 3:7.) Pero inilarawan niya ang bagong tipan na naglalapat ng katuwiran. Mas maningning ang espirituwal na kaluwalhatian ng pinahirang mga Kristiyano na bahagi ng bagong tipan kung ikukumpara sa literal na kaluwalhatiang nakita ng mga Israelita nang ibigay ang Kautusang Mosaiko. Nagniningning sila kapag ipinaaaninag nila ang mga katangian ng Diyos. Dahil sa bagong tipan, naging posibleng “mapatawad ang mga kasalanan”; nagkaroon din ng “mga saserdoteng maglilingkod bilang mga hari” na magdadala ng pagpapala sa lahat ng tao. Kaya mas maraming pakinabang sa tipang ito kaysa sa tipang Kautusan, na hindi makakapagbigay ng matuwid na katayuan sa mga tao.—Mat 26:28; Gaw 5:31; 1Pe 2:9.
nagtakip ng tela sa mukha niya: Ipinaliwanag ni Pablo na nagtakip ng mukha si Moises dahil sa makalamang kaisipan at masamang kalagayan ng puso ng mga Israelita. (2Co 3:7, 14) Piniling bayan sila ng Diyos, at gusto ni Jehova na mapalapít sila sa kaniya. (Exo 19:4-6) Pero di-gaya ni Moises na nakipag-usap kay Jehova “nang mukhaan” (Exo 33:11), ayaw nilang tingnan kahit ang repleksiyon man lang ng kaluwalhatian ng Diyos. Sa halip na mahalin si Jehova at sambahin siya nang buong isip at puso, tinalikuran nila siya.
mga Israelita: O “bayang Israel.” Lit., “mga anak ni Israel.”—Tingnan sa Glosari, “Israel.”
pumurol ang isip nila: Dahil hindi ibinigay ng mga Israelita sa Bundok Sinai ang buong puso nila kay Jehova, “pumurol” (lit., “tumigas”) ang “isip” nila. Ganiyan din ang nangyari sa mga Judio na patuloy pa ring sumusunod sa Kautusan kahit na pinawalang-bisa na ito ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Hindi nila naunawaan na inaakay sila ng Kautusan kay Jesus. (Col 2:17) Sinabi ni Pablo na para bang may nakatakip na tela sa mukha ng mga taong iyon dahil hindi sila nakakakita, o nakakaintindi. Maaalis lang ang telang iyon at mauunawaan nila nang malinaw ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagkilala sa kaniya bilang Mesiyas at pananampalataya sa kaniya.—Luc 2:32.
kapag binabasa ang lumang tipan: Tinutukoy dito ni Pablo ang tipang Kautusan na nakasulat sa mga aklat ng Exodo hanggang Deuteronomio, na isang bahagi lang ng Hebreong Kasulatan. Tinawag itong “lumang tipan” dahil pinalitan na ito ng “bagong tipan” at napawalang-bisa na ito ng kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos.—Jer 31:31-34; Heb 8:13; Col 2:14; tingnan ang study note sa Gaw 13:15; 15:21.
natatalukbungan ang puso nila: Hindi tinanggap ng mga Judio ang mabuting balita na ipinangaral ni Jesus. Kaya tuwing binabasa ang Kautusan, hindi nila naiintindihan na inaakay sila nito kay Kristo. Kahit binabasa nila ang Kasulatang mula sa Diyos, wala silang pananampalataya at kapakumbabaan at hindi rin tama ang kalagayan ng puso nila. ‘Maaalis lang ang talukbong’ nila kung mapagpakumbaba at taimtim silang lalapit kay Jehova, ibig sabihin, kailangan nilang buong-pusong magpasakop at tanggapin na mayroon nang isang bagong tipan.—2Co 3:16.
kapag ang isa ay bumabaling kay Jehova: Sa bahaging ito ng liham ni Pablo (2Co 3:7-18), tinatalakay niya ang nakahihigit na kaluwalhatian ng bagong tipan kung ikukumpara sa tipang Kautusan, ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng Israel na si Moises ang tagapamagitan. Kinuha ni Pablo ang ilustrasyon niya sa Exo 34:34. Ang pandiwang Griego sa 2Co 3:16 na isinaling “bumabaling” ay literal na nangangahulugang “bumalik; umikot.” (Gaw 15:36) Kapag ginamit may kaugnayan sa Diyos, nangangahulugan ito ng pagbaling o panunumbalik sa kaniya mula sa maling landasin. (Gaw 3:19; 14:15; 15:19; 26:18, 20) Sa kontekstong ito, ang pagbaling ng Israel kay Jehova ay nangangahulugang mapagpakumbaba at taimtim silang lalapit sa kaniya, ibig sabihin, kailangan nilang buong-pusong magpasakop at tanggapin na mayroon nang isang bagong tipan. Sinasabi sa 2Co 3:14 na maaalis lang ang makasagisag na telang nakatakip sa mukha nila “sa pamamagitan ni Kristo.” Kaya sa pagbaling nila kay Jehova, kailangan din nilang kilalanin ang papel ni Jesu-Kristo bilang ang Tagapamagitan ng bagong tipan.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 3:16.
Si Jehova ang Espiritu: Kahawig ito ng sinabi ni Jesus sa Ju 4:24: “Ang Diyos ay Espiritu.” Dito, ang salitang Griego na pneuʹma ay tumutukoy sa isang espiritung persona.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma”; at study note sa Ju 4:24; tingnan din ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 3:17.
may kalayaan kung nasaan ang espiritu ni Jehova: Dito, ipinakita ni Pablo sa mga kapananampalataya niya kung sino ang Pinagmumulan ng tunay na kalayaan, ang Maylalang ng lahat ng bagay. Siya lang ang may lubusan at walang-limitasyong kalayaan. Para maging tunay na malaya ang isang tao, kailangan niyang ‘bumaling kay Jehova,’ o magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya. (2Co 3:16) Hindi lang paglaya mula sa literal na pagkaalipin ang maibibigay ng “espiritu ni Jehova.” Pinapalaya tayo ng “espiritu ni Jehova” mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan, pati na sa huwad na relihiyon at mga kaugalian nito. (Ro 6:23; 8:2) Tinutulungan din ng banal na espiritu ng Diyos ang mga Kristiyano na magkaroon ng mga katangiang kailangan para maging tunay na malaya.—Gal 5:22, 23.
espiritu ni Jehova: Ang aktibong puwersa ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Gaw 5:9.) Para sa paliwanag kung bakit ginamit sa Bagong Sanlibutang Salin ang pangalan ng Diyos sa mismong teksto, tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 3:17.
ipinaaaninag . . . na gaya ng salamin: Ang mga salamin noon ay gawa sa mga metal gaya ng bronse o tanso, at marami sa mga ito ang mataas ang kalidad dahil pinakintab ito nang husto. Gaya ng salamin, makikita sa mga pinahirang Kristiyano ang kaluwalhatian ng Diyos na sumisinag sa kanila mula kay Jesu-Kristo. Nagiging “mas kawangis [sila] ng Diyos” habang ipinaaaninag nila ang mga katangian ng Anak ni Jehova. (2Co 4:6; Efe 5:1) Sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng Kasulatan, binibigyan sila ng Diyos ng “bagong personalidad,” na repleksiyon ng sarili niyang mga katangian.—Efe 4:24; Col 3:10.
kaluwalhatian ni Jehova: Ang orihinal na kahulugan ng salitang Griego na isinalin ditong “kaluwalhatian” (doʹxa) ay “opinyon; reputasyon,” pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, nangangahulugan itong “kaluwalhatian; karingalan; kadakilaan.” Ang katumbas na terminong Hebreo nito (ka·vohdhʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “bigat” at puwedeng tumukoy sa anumang dahilan kung bakit nagiging mahalaga, o kahanga-hanga, ang isang tao o bagay. Kaya ang kaluwalhatian ni Jehova ay puwedeng tumukoy sa isang kahanga-hangang ebidensiya ng kaniyang walang-kapantay na kapangyarihan. Sa Bibliya, ang terminong Hebreo para sa “kaluwalhatian” ay lumitaw nang mahigit 30 beses kasama ng Tetragrammaton. Ang ilan dito ay makikita sa Exo 16:7; Lev 9:6; Bil 14:10; 1Ha 8:11; 2Cr 5:14; Aw 104:31; Isa 35:2; Eze 1:28; Hab 2:14.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 3:18.
ni Jehova na Espiritu: Ang saling ito ay kaayon ng unang bahagi ng 2Co 3:17, kung saan sinasabi na “si Jehova ang Espiritu.” (Tingnan ang study note.) Pero puwede rin itong isalin na “ng espiritu ni Jehova.” Parehong tama batay sa gramatika ang dalawang saling ito.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 3:18.
nagiging mas kawangis tayo ng Diyos at mas naipaaaninag natin ang kaluwalhatian niya: Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay puwedeng literal na isaling “mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian.” Lalo pang naipaaaninag ng pinahirang mga Kristiyano ang kaluwalhatian ni Jehova habang sumusulong sila sa espirituwal. Nababago sila at nagiging mas kawangis ng Diyos dahil sa kaniyang Anak, ang “Kristo, na siyang larawan ng Diyos.” (2Co 4:4) Kapansin-pansin na ang pandiwang Griego na isinalin ditong “nababago” (me·ta·mor·phoʹo) ay ginamit din ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma.—Tingnan ang study note sa Ro 12:2.