Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica 4:1-18

4  Bilang panghuli, mga kapatid, tinagubilinan namin kayo noon kung paano kayo dapat mamuhay para maging kalugod-lugod sa Diyos,+ at iyan nga ang ginagawa ninyo. Ngayon, hinihiling namin sa inyo, oo, nakikiusap kami sa inyo sa ngalan ng Panginoong Jesus na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo. 2  Dahil alam ninyo ang mga itinagubilin* namin sa inyo sa ngalan ng Panginoong Jesus. 3  Dahil kalooban ng Diyos na maging banal kayo+ at umiwas sa seksuwal na imoralidad.+ 4  Dapat na alam ng bawat isa sa inyo kung paano kontrolin ang kaniyang katawan+ para mapanatili itong banal+ at marangal, 5  na hindi nagpapadala sa sakim at di-makontrol na seksuwal na pagnanasa,+ gaya ng ginagawa ng mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.+ 6  Hindi dapat lumampas sa limitasyon ang sinuman sa bagay na ito at masamantala ang kapatid niya, dahil pinaparusahan ni Jehova ang gumagawa ng mga ito. Noon pa man ay sinabi na namin ito at binigyan namin kayo ng malinaw na babala tungkol dito. 7  Dahil tinawag tayo ng Diyos para maging banal, hindi para maging marumi.+ 8  Kaya kung may hindi nagbibigay-pansin dito, hindi tao ang binabale-wala niya kundi ang Diyos,+ na nagbibigay sa inyo ng kaniyang banal na espiritu.+ 9  Pero kung tungkol naman sa pag-ibig sa mga kapatid,+ hindi na namin ito kailangang isulat sa inyo, dahil tinuruan na kayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa.+ 10  Ang totoo, ginagawa na ninyo iyan sa lahat ng kapatid sa buong Macedonia. Pero hinihimok namin kayo, mga kapatid, na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo. 11  Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik+ at huwag makialam sa buhay ng iba+ at magtrabaho kayo,+ gaya ng tagubilin namin sa inyo, 12  para makita ng mga tao sa labas na namumuhay kayo nang disente+ at hindi nangangailangan ng anuman. 13  Bukod diyan, mga kapatid, gusto naming maunawaan ninyo ang* mangyayari sa mga namatay na,+ para hindi kayo malungkot gaya ng iba na walang pag-asa.+ 14  Dahil kung nananampalataya tayo na namatay si Jesus at nabuhay-muli,+ nananampalataya rin tayong bubuhayin ng Diyos ang mga namatay* na kaisa ni Jesus para makasama niya.*+ 15  Ito ang sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ni Jehova: Ang mga buháy sa atin sa panahon ng presensiya ng Panginoon ay hindi mauunang umakyat sa langit kaysa sa mga namatay* na; 16  dahil ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit at maririnig ang kaniyang tinig, tinig ng isang arkanghel,+ at hawak niya ang trumpeta ng Diyos, at ang mga patay na kaisa ni Kristo ang unang bubuhaying muli.+ 17  Pagkatapos, tayong mga natitirang buháy ay aagawin sa mga ulap+ para makasama sila at para salubungin ang Panginoon+ sa hangin; at lagi na nating makakasama ang Panginoon.+ 18  Kaya patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.

Talababa

O “iniutos.”
O “ayaw naming wala kayong alam sa.”
Jesus.
Lit., “natulog.”
Lit., “natulog.”

Study Notes

na maging banal kayo: Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay puwede ring isaling “ang pagpapabanal sa inyo.” Dalawang beses pang ginamit ni Pablo sa kontekstong ito ang salitang Griego na ha·gi·a·smosʹ, sa 1Te 4:4 at 4:7, kung saan isinalin itong “banal.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga salitang isinasaling “banal” at “kabanalan” ay nagpapakita ng pagiging nakabukod para sa paglilingkod sa Diyos. Nangangahulugan din ang mga terminong ito ng pagiging malinis sa moral. (Mar 6:20; 2Co 7:1; 1Pe 1:15, 16) Sa kontekstong ito, tumutukoy ang pagiging banal sa pag-iwas sa seksuwal na imoralidad, o sa lahat ng seksuwal na gawaing ipinagbabawal sa Bibliya.—Tingnan sa Glosari, “Banal; Kabanalan.”

seksuwal na imoralidad: Tingnan ang study note sa Gaw 15:20.

katawan: Lit., “sisidlan.” Ikinumpara ni Pablo ang katawan ng tao sa isang sisidlan. Para magawa ng isang tao na “kontrolin ang kaniyang katawan para mapanatili itong banal,” kailangan niyang iayon sa banal na pamantayang moral ng Diyos ang kaniyang kaisipan at hangarin. Ang terminong Griego para sa “sisidlan” ay ginamit din sa makasagisag na paraan sa Gaw 9:15, tlb.; Ro 9:22; at 2Co 4:7.

di-makontrol na seksuwal na pagnanasa: Ang salitang Griego na ginamit dito (paʹthos) ay tumutukoy sa matindi, o di-makontrol, na pagnanasa. Ito rin ang salitang Griego na lumitaw sa Ro 1:26 at Col 3:5. Sa liham na ito ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, ginamit niya kasama ng salitang ito ang terminong e·pi·thy·miʹa, na literal na nangangahulugang “pagnanasa.” Sa kontekstong ito, saklaw din ng terminong ito ang di-tama at sobra-sobrang paghahangad sa isang bagay, kaya ginamit sa salin ang salitang sakim. Kaya maliwanag sa konteksto na ang pinagsamang ekspresyong ito ay tumutukoy sa maling seksuwal na pagnanasa. Puwedeng masapatan ang seksuwal na pagnanasa ng isa’t isa kung mag-asawa sila (1Co 7:3, 5; Heb 13:4), pero ipinapakita dito ni Pablo na “pinaparusahan ni Jehova” ang mga gumagawa ng imoralidad (1Te 4:3-6).

masamantala ang kapatid niya: Ang salitang Griego na isinaling “masamantala” ay kaugnay ng termino para sa “sakim” at tumutukoy sa isa na may labis na seksuwal na pagnanasa, na sarili lang ang iniisip. Puwede rin itong mangahulugang “nakawan,” “linlangin,” o “dayain.” Dito, posibleng ipinapahiwatig ng terminong ito na kapag nakagawa ang isang Kristiyano ng seksuwal na imoralidad kasama ang isang kapananampalataya, para bang ninakawan niya ito ng malinis na konsensiya. Kung may asawa ang sinuman sa kanila, nasisira nito ang tiwala ng napagkasalahang asawa kaya hindi na siya panatag at masaya. Dahil sa imoralidad, nasisira din ang reputasyon ng mga nagkasala, ng mga pamilya nila, at ng kongregasyon. Higit sa lahat, winawalang-galang ng mga gumagawa ng imoralidad ang Diyos.—1Te 4:8.

dahil pinaparusahan ni Jehova ang gumagawa ng mga ito: Ang pariralang ito ay puwede ring isaling “dahil si Jehova ang Tagapaghiganti sa lahat ng bagay na ito.” Lumilitaw na kinuha ito ni Pablo sa Aw 94:1, kung saan tinawag si Jehova na “Diyos ng paghihiganti.” Pananagutan ng inatasang mga elder na itiwalag ang mga di-nagsisising nagkasala (1Co 5:1, 13), pero si Jehova mismo ang maglalapat ng parusa sa mga namimihasa sa seksuwal na imoralidad at hindi nagsisisi.—Para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Te 4:6.

marumi: Tingnan ang study note sa Efe 4:19.

pag-ibig sa mga kapatid: Tingnan ang study note sa Ro 12:10.

tinuruan . . . ng Diyos: Salin ito ng ekspresyong Griego na the·o·diʹda·ktos, na dito lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kombinasyon ito ng mga salitang Griego para sa “Diyos” at “tinuruan.” Posibleng kinuha ito ni Pablo sa Isa 54:13, kung saan mababasa sa tekstong Hebreo: “Ang lahat ng anak mo ay tuturuan ni Jehova.” Sa Ju 6:45, sinipi ni Jesus ang pananalitang ito ni Isaias. Mababasa rin sa iba pang teksto na tinuturuan ng Diyos na Jehova ang bayan niya. (Deu 6:1; Isa 48:17) May isang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, o posibleng higit pa, na gumamit dito ng pangalan ng Diyos; at ganiyan din ang ginawa ng ilang salin sa ibang wika.

tinuruan na kayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa: Nilalang ng Diyos ang tao ayon sa larawan niya, kaya may kakayahan tayong umibig. (Gen 1:27) Tinuruan ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng sarili niyang halimbawa kung paano umibig. (Mat 5:44, 45; Gaw 14:17; 1Ju 4:9-11) Paulit-ulit na idiniin sa Salita niya kung gaano kahalagang magpakita ng pag-ibig. (Lev 19:34; Deu 10:18, 19; 1Ju 3:16; 4:21) Ayon kay Jesus, ito ang isa sa dalawang pinakamahalagang utos sa Kautusan ng Diyos sa Israel: “Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mat 22:39; Lev 19:18) Tinawag ng alagad na si Santiago ang utos na ito na “kautusan ng Hari.” (San 2:8) Pero idinagdag dito ni Jesus na dapat ibigin ng mga Kristiyano ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila.—Ju 13:34.

mga namatay na: Lit., “mga natulog na.” Sa Kasulatan, ginagamit ang ekspresyong “natutulog” para tumukoy sa literal na pagtulog (Mat 28:13; Luc 22:45; Ju 11:12; Gaw 12:6) at sa pagtulog sa kamatayan (Ju 11:11; Gaw 7:60; tlb.; 13:36; tlb.; 1Co 7:39; tlb.; 15:6; tlb.; 1Co 15:51; 2Pe 3:4; tlb.). Kapag ginagamit ang mga ekspresyong ito may kaugnayan sa kamatayan, madalas itong tumbasan ng mga tagapagsalin ng Bibliya ng pananalitang “natulog sa kamatayan” o “namatay.” Ito ang dalawa sa mga dahilan kung bakit angkop ang pagkakagamit ng Bibliya sa ekspresyong ito: Una, ipinapakita ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang alam, gaya ng isang natutulog. (Ec 9:5, 10; Ju 11:11, 13) Ikalawa, nagbibigay ng pag-asa ang Kasulatan na ang mga “namatay” ay ‘gigisingin’ sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.—Dan 12:2; tingnan ang study note sa Ju 11:11; Gaw 7:60.

ayon sa salita ni Jehova: Karaniwan nang tumutukoy ito sa mensaheng galing kay Jehova.—Ihambing ang study note sa Gaw 8:25; 1Te 1:8; para sa paliwanag kung bakit ginamit ang pangalan ng Diyos sa talatang ito, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 1Te 4:15.

panahon ng presensiya ng Panginoon: Tumutukoy ito sa panahon ng presensiya ng Panginoong Jesu-Kristo. (1Te 2:19; 3:13; 5:23) Sa isang sinaunang manuskritong Griego, ang mababasa ay “presensiya ni Jesus.”

ang Panginoon: Tumutukoy kay Jesu-Kristo.

bababa mula sa langit: Dito, makasagisag ang pagbaba ng Panginoong Jesus. Nangangahulugan itong bibigyang-pansin niya ang lupa at gagamitin ang kapangyarihan niya rito. Ganiyan din ang pagkakagamit sa Hebreong Kasulatan ng mga terminong gaya ng “bumaba” at “yumuyuko.” (Gen 11:5; 18:21; Aw 113:6) Halimbawa, sinasabi sa Gen 11:5 na “bumaba si Jehova para tingnan ang lunsod” ng Babel. Ibig sabihin, titingnan niyang mabuti ang sitwasyon sa Babel para malaman kung ano ang dapat gawin sa lunsod.

maririnig ang kaniyang tinig: O “maririnig ang kaniyang utos.” Isang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang salitang Griego na ginamit dito. Puwede itong tumukoy sa utos sa isang hukbo para umatake ito o sa isang utos ng hari. Sa makasagisag na paraan, bababa mula sa langit ang Panginoong Jesus para utusang gumising ang mga patay na kaisa ni Kristo, o ang mga pinahirang tagasunod niya. Makikita rin sa ibang bahagi ng Kasulatan na ang “tinig” ni Jesus ang maririnig ng mga patay (Ju 5:25) at na “kay Kristo . . . , ang lahat ay bubuhayin” (1Co 15:22).—Tingnan ang study note sa 1Co 15:55.

tinig ng isang arkanghel: Dalawang beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang terminong Griego para sa “arkanghel” (ar·khagʹge·los), at palagi itong nasa anyong pang-isahan. Ang panlaping ginamit sa Griego ay nangangahulugang “pinuno” o “pangunahin”; kaya ang “arkanghel” ay nangangahulugang “pinunong anghel” o “pangunahing anghel.” Ang ikalawang paglitaw ng “arkanghel,” sa Jud 9, ay iniugnay sa pangalang Miguel. Kaya sa Kasulatan, si Miguel lang ang tinatawag na “arkanghel.” Siya ang inatasan ng Diyos na maging pinuno ng mga anghel. Sa 1Te 4:16, binanggit na ang Panginoong Jesus ay may “tinig” ng isang arkanghel at may kapangyarihang bumuhay ng mga patay. (Tingnan ang study note sa Ju 11:25.) Kaya lumilitaw na ang ekspresyong “tinig ng isang arkanghel” ay nagdiriin sa awtoridad ni Jesus na magbigay ng utos.—Ju 5:26-29.

trumpeta ng Diyos: Sa Kasulatan, iba-iba ang dahilan ng paghihip ng trumpeta. (Tingnan sa Glosari, “Trumpeta.”) Dito, hinipan ang “trumpeta ng Diyos” para tipunin ang bayan ni Jehova, gaya ng paghihip sa dalawang pilak na trumpeta noong panahon ni Moises para tipunin ang 12 tribo ng Israel. (Bil 10:1-10) Sa 1Co 15:52, iniugnay ni apostol Pablo ang nakakagising na tunog ng “trumpeta” sa pagbuhay-muli sa pinahirang mga Kristiyano.

aagawin sa mga ulap . . . para salubungin ang Panginoon sa hangin: Sa kontekstong ito, makasagisag ang pagkakagamit ng “ulap” at “hangin.” Ang “ulap” ay kadalasan nang nagpapahiwatig na hindi makikita ang isang bagay o pangyayari.—Tingnan ang study note sa Mat 24:30; Gaw 1:11.

salubungin ang Panginoon: Tumutukoy sa Panginoong Jesu-Kristo, gaya ng makikita sa konteksto.—1Te 4:15, 16.

makakasama ang Panginoon: Tumutukoy sa Panginoong Jesu-Kristo.—1Te 4:15, 16.

Media