Unang Liham ni Juan 5:1-21
5 Ang bawat isa na naniniwalang si Jesus ang Kristo ay anak ng Diyos,+ at ang bawat isa na umiibig sa Ama ay umiibig din sa mga anak Niya.
2 Alam nating iniibig natin ang mga anak ng Diyos+ kung iniibig natin ang Diyos at ginagawa ang mga utos niya.
3 Dahil ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos: Sundin natin ang mga utos niya;+ at ang mga utos niya ay hindi pabigat,+
4 dahil ang lahat ng anak ng Diyos ay dumaraig sa sanlibutan.+ At nadaig natin ang sanlibutan dahil sa ating pananampalataya.+
5 Sino ang makadaraig sa sanlibutan?+ Hindi ba ang nananampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?+
6 Si Jesu-Kristo ay dumating sa pamamagitan ng tubig at ng dugo; hindi siya dumating sa pamamagitan lang ng tubig,+ kundi sa pamamagitan ng tubig at ng dugo.+ At ang espiritu ay nagpapatotoo,+ dahil ang espiritu ang katotohanan.
7 Dahil may tatlong tagapagpatotoo:
8 ang espiritu+ at ang tubig+ at ang dugo;+ at ang tatlong ito ay nagpapatotoo sa iisang bagay.
9 Tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, pero ang patotoo ng Diyos ay mas dakila. Dahil ang patotoo na ibinibigay ng Diyos ay ang patotoo na ibinigay niya tungkol sa Anak niya.
10 Ang taong nananampalataya sa Anak ng Diyos ay tumanggap sa patotoong ito. Ang taong hindi nananampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos,+ dahil hindi siya nanampalataya sa patotoong ibinigay ng Diyos tungkol sa Anak niya.
11 At ito ang patotoo: binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan+ at ang buhay na ito ay nasa Anak niya.+
12 Ang kaisa ng Anak ay may buhay na walang hanggan; ang hindi kaisa ng Anak ng Diyos ay walang buhay na walang hanggan.+
13 Sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para malaman ninyo na kayo ay may buhay na walang hanggan,+ kayo na nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.+
14 At nagtitiwala tayo sa Diyos+ na* anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.+
15 At kung alam nating pinakikinggan niya tayo anuman ang hinihiling natin, alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiniling natin, dahil hiniling natin ang mga iyon sa kaniya.+
16 Kung makita ng sinuman ang kapatid niya na gumagawa ng kasalanang hindi nito ikamamatay, ipanalangin niya ito, at ang Diyos ay magbibigay ng buhay rito,+ oo, sa mga hindi gumagawa ng kasalanang nakamamatay. May kasalanan na ikamamatay ng isa.+ Ito ang kasalanang sinasabi ko sa kaniya na huwag niyang ipanalangin.
17 Lahat ng masamang gawain ay kasalanan,+ pero may kasalanan na hindi ikamamatay ng isa.
18 Alam natin na ang lahat ng anak ng Diyos ay hindi patuloy na gumagawa ng kasalanan; binabantayan sila ng Anak ng Diyos,* at walang magagawa sa kanila ang isa na masama.+
19 Alam natin na tayo ay nagmula sa Diyos, pero ang buong mundo* ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama.*+
20 Pero alam natin na dumating ang Anak ng Diyos,+ at binigyan niya tayo ng unawa* para magkaroon tayo ng kaalaman sa tunay na Diyos. Tayo ay kaisa ng tunay na Diyos,+ sa pamamagitan ng Anak niyang si Jesu-Kristo. Ito ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan.+
21 Mahal na mga anak, mag-ingat kayo sa mga idolo.+
Talababa
^ O “At malaya nating nakakausap ang Diyos dahil.”
^ Si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos.
^ O “sanlibutan.”
^ Si Satanas.
^ Lit., “talino.”