Unang Hari 11:1-43

11  Pero si Haring Solomon ay umibig sa maraming babaeng banyaga+ bukod pa sa anak ng Paraon:+ mga babaeng Moabita,+ Ammonita,+ Edomita, Sidonio,+ at Hiteo.+ 2  Galing sila sa mga bansang tinutukoy ni Jehova nang sabihin niya sa mga Israelita: “Huwag kayong makikisama sa kanila,* at hindi sila dapat makisama sa inyo, dahil siguradong pasusunurin nila kayo* sa mga diyos nila.”+ Pero mahal na mahal sila* ni Solomon. 3  Mayroon siyang 700 asawa na mga prinsesa at 300 pangalawahing asawa, at malaki ang naging impluwensiya sa kaniya ng mga asawa niya. 4  Nang tumanda na si Solomon,+ pinasunod siya ng mga asawa niya sa ibang mga diyos,+ at hindi niya ibinigay ang buong puso niya kay Jehova na kaniyang Diyos; hindi niya tinularan ang ama niyang si David. 5  At si Solomon ay sumunod kay Astoret,+ na diyosa ng mga Sidonio, at kay Milcom,+ na kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita. 6  At ginawa ni Solomon ang masama sa paningin ni Jehova, at hindi siya sumunod kay Jehova nang lubusan; hindi niya tinularan ang ama niyang si David.+ 7  Noon nagtayo si Solomon sa bundok sa harap ng Jerusalem ng isang mataas na lugar+ para kay Kemos, ang kasuklam-suklam na diyos ng Moab, at para kay Molec,+ ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita.+ 8  Ganoon ang ginawa niya para sa lahat ng asawa niyang banyaga na gumagawa ng haing usok at naghahandog sa mga diyos nila. 9  Nagalit si Jehova kay Solomon dahil lumayo ang puso niya kay Jehova na Diyos ng Israel,+ na nagpakita sa kaniya nang dalawang beses+ 10  at nagbabala sa kaniya tungkol sa mismong bagay na ito, na huwag siyang sumunod sa ibang mga diyos.+ Pero hindi niya sinunod ang iniutos ni Jehova. 11  Sinabi ngayon ni Jehova kay Solomon: “Dahil sa ginawa mo at dahil hindi mo tinupad ang aking tipan at ang mga batas na ibinigay ko sa iyo, aalisin* ko sa iyo ang kaharian, at ibibigay ko ito sa isa sa mga lingkod mo.+ 12  Pero alang-alang sa ama mong si David, hindi ko iyon gagawin habang nabubuhay ka. Aalisin* ko iyon sa kamay ng anak mo,+ 13  pero hindi ko aalisin sa kaniya ang buong kaharian.+ Isang tribo ang ibibigay ko sa anak mo,+ alang-alang sa lingkod kong si David at alang-alang sa Jerusalem, na pinili ko.”+ 14  Pagkatapos, nagbangon si Jehova laban kay Solomon+ ng isang kaaway, si Hadad na Edomita, na mula sa pamilya ng hari ng Edom.+ 15  Nang matalo ni David ang Edom,+ pumunta roon si Joab na pinuno ng hukbo para ilibing ang mga namatay, at tinangka niyang pabagsakin ang bawat lalaki sa Edom. 16  (Dahil anim na buwang nanatili roon si Joab at ang buong Israel hanggang sa mapatay niya ang bawat lalaki sa Edom.) 17  Pero tumakas si Hadad kasama ang ilang Edomita na lingkod ng kaniyang ama, at pumunta sila sa Ehipto; bata pa noon si Hadad. 18  Kaya umalis sila sa Midian at nagpunta sa Paran. Nagsama sila ng mga lalaki mula sa Paran+ at nagpunta sa Ehipto, sa Paraon na hari ng Ehipto, na naglaan sa kaniya ng bahay, pagkain, at lupain. 19  Natuwa ang Paraon kay Hadad; ibinigay pa nga niya ang kapatid ng asawa niyang si Tapenes na reyna* para mapangasawa nito. 20  Nang maglaon, isinilang ng kapatid ni Tapenes ang anak nilang lalaki, si Genubat, at pinalaki ito* ni Tapenes sa bahay ng Paraon, at si Genubat ay tumira sa bahay ng Paraon kasama ng mga anak ng Paraon. 21  Nabalitaan ni Hadad sa Ehipto na namatay na* si David+ at si Joab+ na pinuno ng hukbo. Kaya sinabi ni Hadad sa Paraon: “Payagan mo akong umalis para makapunta ako sa sarili kong bayan.” 22  Pero sinabi ng Paraon sa kaniya: “Ano ba ang kulang dito at gusto mo pang pumunta sa sarili mong bayan?” Sinabi niya: “Wala naman, pero pakisuyo, payagan mo akong umalis.” 23  Nagbangon ang Diyos laban kay Solomon ng isa pang kaaway,+ si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas mula sa panginoon niyang si Hadadezer+ na hari ng Zoba. 24  Nang talunin* ni David ang mga lalaki ng Zoba, nagtipon si Rezon ng mga lalaki at naging pinuno siya ng isang grupo ng mga mandarambong.+ Pumunta sila sa Damasco+ at nanirahan doon at nagsimulang mamuno sa Damasco. 25  At naging kalaban siya ng Israel noong panahon ni Solomon. Nakadagdag siya sa pinsalang ginawa ni Hadad at kinapootan niya ang Israel habang naghahari siya sa Sirya. 26  At nariyan din ang lingkod ni Solomon+ na si Jeroboam,+ anak ni Nebat na isang Efraimita mula sa Zereda, at Zerua ang pangalan ng kaniyang ina, isang biyuda. Nagrebelde rin siya sa hari.+ 27  Ito ang dahilan kung bakit siya nagrebelde sa hari: Itinayo ni Solomon ang Gulod*+ at isinara ang puwang sa Lunsod ni David na ama niya.+ 28  Ang Jeroboam na ito ay isang lalaking may kakayahan. Nang makita ni Solomon ang kasipagan nito, ginawa niya itong tagapangasiwa+ sa mga sapilitang pinagtrabaho mula sa sambahayan ni Jose. 29  Nang panahong iyon, lumabas sa Jerusalem si Jeroboam, at nakita siya ng propetang si Ahias+ na Shilonita sa daan. May suot na bagong damit si Ahias, at silang dalawa lang ang nasa parang. 30  Hinubad ni Ahias ang bagong damit na suot niya at pinunit iyon sa 12 piraso. 31  Pagkatapos, sinabi niya kay Jeroboam: “Kumuha ka ng 10 piraso, dahil ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Aalisin* ko ang kaharian sa kamay ni Solomon, at bibigyan kita ng 10 tribo.+ 32  Pero isang tribo ang maiiwan sa kaniya+ alang-alang sa lingkod kong si David+ at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko mula sa lahat ng tribo ng Israel.+ 33  Gagawin ko ito dahil iniwan nila ako+ at yumuyukod sila kay Astoret na diyosa ng mga Sidonio, kay Kemos na diyos ng Moab, at kay Milcom na diyos ng mga Ammonita, at hindi sila lumakad sa mga daan ko sa pamamagitan ng paggawa ng tama sa paningin ko at pagsunod sa aking mga tuntunin at batas;* hindi nila tinularan ang ama niyang si David. 34  Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian mula sa kamay niya, at pananatilihin ko siyang pinuno habang nabubuhay siya, alang-alang sa lingkod kong si David na pinili ko,+ dahil tinupad niya ang aking mga utos at tuntunin. 35  Pero kukunin ko ang paghahari mula sa kamay ng anak niya at ibibigay ko iyon sa iyo, ang 10 tribo.+ 36  Bibigyan ko ang anak niya ng isang tribo, para ang lingkod kong si David ay hindi mawalan ng lampara sa harap ko sa Jerusalem,+ ang lunsod na pinili ko para doon ilagay ang pangalan ko. 37  Kukunin kita at mamamahala ka sa lahat ng gustuhin mo, at magiging hari ka sa Israel. 38  At kung susunod ka sa lahat ng iuutos ko sa iyo at lalakad sa mga daan ko at gagawin mo ang tama sa paningin ko sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin at utos ko, gaya ng ginawa ng lingkod kong si David,+ sasaiyo rin ako. Ipagtatayo kita ng isang namamalaging sambahayan, gaya ng itinayo ko para kay David,+ at ibibigay ko sa iyo ang Israel. 39  At hihiyain ko ang mga supling ni David dahil dito,+ pero hindi habang panahon.’”+ 40  Kaya tinangka ni Solomon na patayin si Jeroboam, pero tumakas si Jeroboam sa Ehipto, kay Sisak+ na hari ng Ehipto,+ at nanatili siya sa Ehipto hanggang sa mamatay si Solomon. 41  At ang iba pang nangyari kay Solomon, ang lahat ng ginawa niya at ang karunungan niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ni Solomon.+ 42  Naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel nang 40 taon. 43  Pagkatapos, si Solomon ay namatay* at inilibing sa Lunsod ni David na ama niya; at ang anak niyang si Rehoboam+ ang naging hari kapalit niya.

Talababa

O “Huwag kayong kukuha ng asawa sa kanila.”
Lit., “ikikiling nila ang puso ninyo.”
Maaari ding tumukoy sa mga idolo.
Lit., “pupunitin.”
Lit., “Pupunitin.”
Reynang hindi namamahala.
O posibleng “at inawat ito sa pagsuso.”
Lit., “humiga nang kasama ng mga ama niya.”
Lit., “patayin.”
O “Milo.” Salitang Hebreo na nangangahulugang “panambak.”
Lit., “Pupunitin.”
O “hudisyal na pasiya.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”

Study Notes

Media