Unang Cronica 16:1-43
16 Ipinasok nila ang Kaban ng tunay na Diyos at inilagay iyon sa loob ng tolda na itinayo ni David para dito;+ at nag-alay sila ng mga handog na sinusunog at mga haing pansalo-salo sa harap ng tunay na Diyos.+
2 Nang matapos ni David ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog+ at mga haing pansalo-salo,+ pinagpala niya ang bayan sa ngalan ni Jehova.
3 Bukod diyan, namahagi siya sa lahat ng Israelita, sa bawat lalaki at babae, ng isang bilog na tinapay, isang kakaning datiles, at isang kakaning pasas.
4 Pagkatapos, inatasan niya ang ilang Levita na maglingkod sa harap ng Kaban ni Jehova,+ para parangalan,* pasalamatan, at purihin si Jehova na Diyos ng Israel.
5 Si Asap+ ang lider, at sumunod sa kaniya si Zacarias; at sina Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel+ ang tumutugtog ng mga instrumentong de-kuwerdas at alpa;+ at si Asap ang tumutugtog ng simbalo,*+
6 at ang mga saserdoteng sina Benaias at Jahaziel ang palaging humihihip ng trumpeta sa harap ng kaban ng tipan ng tunay na Diyos.
7 Noong araw na iyon unang kumatha si David ng awit ng pasasalamat kay Jehova at ipinaawit niya ito kay Asap+ at sa mga kapatid nito:
8 “Magpasalamat kayo kay Jehova,+ tumawag kayo sa pangalan niya,Ipaalám ninyo sa mga bansa ang mga ginawa niya!+
9 Umawit kayo sa kaniya, umawit kayo ng mga papuri sa* kaniya,+Pag-isipan* ninyo ang lahat ng kamangha-mangha niyang gawa.+
10 Ipagmalaki ninyo ang kaniyang banal na pangalan.+
Magsaya nawa ang puso ng mga humahanap kay Jehova.+
11 Hanapin ninyo si Jehova+ at umasa kayo sa lakas niya.
Lagi ninyong hanapin ang kaniyang mukha.*+
12 Alalahanin ninyo ang kamangha-manghang mga bagay na ginawa niya,+Ang kaniyang mga himala at ang mga hatol na inihayag niya,
13 Kayong mga supling* ng lingkod niyang si Israel,+Kayong mga anak ni Jacob, na mga pinili niya.+
14 Siya si Jehova na ating Diyos.+
Siya ang humahatol sa buong lupa.+
15 Alalahanin ninyo ang kaniyang tipan magpakailanman,Ang ipinangako* niya, hanggang sa sanlibong henerasyon,+
16 Ang tipan niya kay Abraham,+At ang panata niya kay Isaac,+
17 Na pinagtibay niya kay Jacob,+At ibinigay niya bilang walang-hanggang tipan kay Israel.
18 Sinabi niya, ‘Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan+Bilang inyong mana.’+
19 Ito ay noong kakaunti pa kayo,Oo, napakakaunti, at noong mga dayuhan kayo sa lupain.+
20 Nagpalipat-lipat sila ng bansa,Mula sa isang kaharian papunta sa ibang bayan.+
21 Hindi niya hinayaang pagmalupitan sila ng sinuman,+Kundi alang-alang sa kanila ay sumaway siya ng mga hari:+
22 ‘Huwag ninyong sasaktan ang mga pinili* ko,At huwag ninyong gagawan ng masama ang mga propeta ko.’+
23 Buong lupa, umawit kayo kay Jehova!
Ihayag ninyo araw-araw ang pagliligtas niya!+
24 Isaysay ninyo sa mga bansa ang kaluwalhatian niya,Sa lahat ng bayan ang kaniyang kamangha-manghang mga gawa.
25 Dahil si Jehova ay dakila at karapat-dapat sa lahat ng papuri.
Mas dapat siyang katakutan kaysa sa lahat ng iba pang diyos.+
26 Ang lahat ng diyos ng mga bansa ay walang-silbing mga diyos,+Pero si Jehova ang gumawa ng langit.+
27 Napapalibutan siya ng dangal at kaluwalhatian;+Nasa tirahan niya ang lakas at kagalakan.+
28 Ibigay ninyo kay Jehova ang nararapat sa kaniya, kayong mga pamilya ng mga bayan,Ibigay ninyo kay Jehova ang nararapat sa kaniya dahil sa kaniyang lakas at kaluwalhatian.+
29 Ibigay ninyo kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa pangalan niya;+Magdala kayo ng kaloob at humarap sa kaniya.+
Yumukod* kayo kay Jehova nang may banal na kasuotan.*+
30 Manginig kayo sa harap niya, buong lupa!
Matibay ang pagkakagawa sa lupa;* hindi ito magagalaw.*+
31 Magsaya ang langit, at magalak ang lupa;+Ihayag ninyo sa mga bansa, ‘Si Jehova ay naging Hari!’+
32 Umugong ang dagat at ang lahat ng naroon;Magsaya ang mga parang at ang lahat ng naroon.
33 Kasabay nito, ang mga puno sa kagubatan ay humiyaw sa kagalakan sa harap ni Jehova,Dahil dumarating* siya para hatulan ang lupa.
34 Magpasalamat kayo kay Jehova, dahil siya ay mabuti;+Ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.+
35 At sabihin ninyo, ‘Iligtas mo kami, O Diyos na aming tagapagligtas,+Tipunin mo kami at sagipin mula sa mga bansa,Para makapagpasalamat kami sa banal mong pangalan,+At magalak sa pagpuri sa iyo.+
36 Purihin nawa si Jehova, ang Diyos ng Israel,Magpakailanman.’”*
At sinabi ng buong bayan, “Amen!”* at pinuri nila si Jehova.
37 Pagkatapos, iniwan ni David si Asap+ at ang mga kapatid nito sa harap ng kaban ng tipan ni Jehova para maglingkod sila palagi sa harap ng Kaban,+ at magampanan ang pang-araw-araw na gawain.+
38 Si Obed-edom at ang mga kapatid niya, na may bilang na 68, at si Obed-edom, na anak ni Jedutun, at si Hosa ang mga bantay ng pintuang-daan;
39 at ang saserdoteng si Zadok+ at ang mga kapuwa niya saserdote ay nasa harap ng tabernakulo ni Jehova sa mataas na lugar sa Gibeon+
40 para regular na mag-alay kay Jehova ng mga handog na sinusunog sa altar ng handog na sinusunog, sa umaga at sa gabi, at gawin ang lahat ng nakasulat sa Kautusan ni Jehova na ibinigay niya sa Israel.+
41 Kasama nila sina Heman at Jedutun+ at ang iba pang piling lalaki na tinukoy ayon sa pangalan para magpasalamat kay Jehova,+ dahil “ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan”;+
42 at kasama nila sina Heman+ at Jedutun para humihip ng mga trumpeta at magpatunog ng mga simbalo at ng mga instrumentong ginagamit sa pagpuri sa* tunay na Diyos; at ang mga anak ni Jedutun+ ay nasa pintuang-daan.
43 Pagkatapos, umuwi na ang buong bayan, at umuwi si David para pagpalain ang sarili niyang sambahayan.
Talababa
^ Lit., “alalahanin.”
^ O “pompiyang.”
^ O “umawit kayo at tumugtog para sa.”
^ O posibleng “Isalaysay.”
^ O “presensiya.”
^ O “inapo.” Lit., “Kayong binhi.”
^ Lit., “salitang iniutos.”
^ Lit., “pinahiran.”
^ O posibleng “dahil sa karilagan ng kabanalan niya.”
^ O “Sumamba.”
^ O “mabungang lupain.”
^ O “mayayanig.”
^ O “dumating na.”
^ O “Mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas.”
^ O “Mangyari nawa!”
^ O “mga instrumento ng awit ng.”