Mateo 26:1-75
26 Ngayon nang matapos na ni Jesus ang lahat ng mga pananalitang ito, sinabi niya sa kaniyang mga alagad:
2 “Alam ninyo na dalawang araw mula ngayon ay magaganap ang paskuwa,+ at ang Anak ng tao ay ibibigay upang ibayubay.”+
3 Nang magkagayon ay nagtipon ang mga punong saserdote at ang matatandang lalaki ng bayan sa looban ng mataas na saserdote na tinatawag na Caifas,+
4 at nagsanggunian+ upang dakpin si Jesus sa pamamagitan ng tusong pakana at patayin siya.
5 Gayunman, patuloy nilang sinasabi: “Huwag sa kapistahan, upang walang kaguluhang bumangon sa gitna ng mga tao.”+
6 Samantalang si Jesus ay nasa Betania+ sa bahay ni Simon na ketongin,+
7 isang babae na may sisidlang alabastro ng mamahaling mabangong langis+ ang lumapit sa kaniya, at pinasimulan niyang ibuhos ito sa kaniyang ulo habang siya ay nakahilig sa mesa.
8 Sa pagkakita nito ang mga alagad ay nagalit at nagsabi: “Bakit may ganitong pag-aaksaya?+
9 Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga at maibibigay sa mga taong dukha.”+
10 Sa pagkabatid nito,+ sinabi ni Jesus sa kanila: “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya ng isang mainam na gawa sa akin.+
11 Sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha,+ ngunit hindi ninyo ako laging makakasama.+
12 Sapagkat nang ilagay ng babaing ito ang mabangong langis na ito sa aking katawan, ginawa niya iyon sa paghahanda sa akin para sa libing.+
13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang mabuting balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”+
14 Nang magkagayon ang isa sa labindalawa, ang tinatawag na Hudas Iscariote,+ ay pumaroon sa mga punong saserdote
15 at nagsabi: “Ano ang ibibigay ninyo sa akin upang ipagkanulo siya sa inyo?”+ Nagtakda sila sa kaniya ng tatlumpung pirasong pilak.+
16 Kaya mula noon ay patuloy siyang naghahanap ng mabuting pagkakataon upang ipagkanulo siya.+
17 Nang unang araw ng mga tinapay na walang pampaalsa+ ang mga alagad ay lumapit kay Jesus, na nagsasabi: “Saan mo ibig na maghanda kami upang makakain ka ng paskuwa?”+
18 Sinabi niya: “Pumaroon kayo sa lunsod kay Ganoon-at-ganito+ at sabihin ninyo sa kaniya, Sinasabi ng Guro, ‘Ang aking takdang panahon ay malapit na; ipagdiriwang ko ang paskuwa kasama ng aking mga alagad sa iyong tahanan.’ ”+
19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa iniutos ni Jesus sa kanila, at inihanda nila ang mga bagay-bagay para sa paskuwa.+
20 Ngayon, nang gumabi na,+ siya ay nakahilig sa mesa na kasama ang labindalawang alagad.+
21 Samantalang kumakain sila, sinabi niya: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.”+
22 Palibhasa’y lubhang napighati dahil dito, ang bawat isa sa kanila ay nagpasimulang magsabi sa kaniya: “Panginoon, hindi ako iyon, hindi ba?”+
23 Bilang tugon ay sinabi niya: “Siya na kasabay kong nagsasawsaw ng kaniyang kamay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin.+
24 Totoo, ang Anak ng tao ay aalis, gaya ng nasusulat+ may kinalaman sa kaniya, ngunit sa aba+ ng taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng tao!+ Mas mainam pa sana sa kaniya kung ang taong iyon ay hindi na ipinanganak.”
25 Bilang tugon si Hudas, na magkakanulo na sa kaniya, ay nagsabi: “Hindi ako iyon, hindi ba, Rabbi?” Sinabi niya sa kaniya: “Ikaw mismo ang nagsabi nito.”
26 Habang nagpapatuloy sila sa pagkain, kumuha si Jesus ng tinapay+ at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito+ at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: “Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.”+
27 Gayundin, kumuha siya ng isang kopa+ at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: “Uminom kayo mula rito, kayong lahat;+
28 sapagkat ito ay nangangahulugan+ ng aking ‘dugo+ ng tipan,’+ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami+ ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.+
29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Mula ngayon ay hindi na ako iinom pa ng alinman sa bungang ito ng punong ubas hanggang sa araw na iyon kapag iinumin ko ito nang panibago na kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.”+
30 Sa wakas, pagkatapos na umawit ng mga papuri,+ sila ay lumabas patungo sa Bundok ng mga Olibo.+
31 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Lahat kayo ay matitisod may kaugnayan sa akin sa gabing ito, sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay mangangalat.’+
32 Ngunit pagkatapos na maibangon ako, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”+
33 Ngunit si Pedro, bilang sagot, ay nagsabi sa kaniya: “Bagaman ang lahat ng iba pa ay matisod may kaugnayan sa iyo, kailanman ay hindi ako matitisod!”+
34 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Sa gabing ito, bago tumilaok ang tandang, itatatwa mo ako nang tatlong ulit.”+
35 Sinabi ni Pedro sa kaniya: “Kahit na kailangan akong mamatay na kasama mo, hindi kita sa anumang paraan itatatwa.” Lahat ng iba pang alagad ay nagsabi rin ng gayunding bagay.+
36 Nang magkagayon ay pumaroon si Jesus na kasama sila sa lugar+ na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa mga alagad: “Umupo kayo rito habang ako ay pumupunta roon at nananalangin.”+
37 At nang maisama si Pedro at ang dalawang anak+ ni Zebedeo, siya ay nagsimulang mapighati at lubhang mabagabag.+
38 Nang magkagayon ay sinabi niya sa kanila: “Ang aking kaluluwa ay lubhang napipighati, maging hanggang sa kamatayan.+ Manatili kayo rito at patuloy na magbantay na kasama ko.”+
39 At pagparoon nang bahagya sa unahan, isinubsob niya ang kaniyang mukha, na nananalangin+ at nagsasabi: “Ama ko, kung maaari, palampasin mo sa akin ang kopang+ ito. Gayunman, hindi ayon sa kalooban ko,+ kundi ayon sa kalooban mo.”+
40 At lumapit siya sa mga alagad at nasumpungan silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro: “Hindi ba ninyo magagawang magbantay kahit man lamang isang oras na kasama ko?+
41 Patuloy kayong magbantay+ at manalangin+ nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.+ Sabihin pa, ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”+
42 Muli, sa ikalawang pagkakataon,+ siya ay umalis at nanalangin, na sinasabi: “Ama ko, kung hindi ito maaaring palampasin malibang inumin ko ito, maganap nawa ang iyong kalooban.”+
43 At muli siyang lumapit at nasumpungan silang natutulog, sapagkat ang kanilang mga mata ay mabigat.+
44 Kaya pagkaiwan sa kanila, siya ay muling umalis at nanalangin sa ikatlong pagkakataon,+ na sinasabi nang minsan pa ang gayunding salita.
45 Nang magkagayon ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila: “Sa oras na gaya nito ay natutulog kayo at nagpapahinga! Narito! Malapit na ang oras upang ang Anak ng tao ay ipagkanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.+
46 Tumindig kayo, humayo na tayo. Narito! Ang magkakanulo sa akin ay papalapit na.”+
47 At habang siya ay nagsasalita pa, narito! si Hudas,+ na isa sa labindalawa, ay dumating at kasama niya ang isang malaking pulutong na may mga tabak+ at mga pamalo mula sa mga punong saserdote at matatandang lalaki ng bayan.+
48 Ngayon ang magkakanulo sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang tanda, na sinasabi: “Ang sinumang halikan ko, siya iyon; dakpin ninyo siya.”+
49 At paglapit nang tuluy-tuloy kay Jesus ay sinabi niya: “Magandang araw, Rabbi!”+ at hinalikan+ siya nang napakagiliw.
50 Ngunit sinabi ni Jesus+ sa kaniya: “Kaibigan, sa anong layunin naririto ka?” Nang magkagayon ay lumapit sila at isinunggab ang mga kamay kay Jesus at dinakip siya.+
51 Ngunit, narito! iniunat ng isa sa mga kasama ni Jesus ang kaniyang kamay at hinugot ang kaniyang tabak at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote at tinagpas ang kaniyang tainga.+
52 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito,+ sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.+
53 O iniisip mo ba na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel?+
54 Kung magkagayon, paano matutupad ang Kasulatan na dapat itong maganap sa ganitong paraan?”
55 Nang oras na iyon ay sinabi ni Jesus sa mga pulutong: “Kayo ba ay lumabas na may mga tabak at mga pamalo na waring laban sa isang magnanakaw upang arestuhin ako?+ Sa araw-araw ay umuupo ako noon sa templo+ na nagtuturo, at gayunma’y hindi ninyo ako dinakip.
56 Ngunit ang lahat ng ito ay naganap upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.”+ Nang magkagayon ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at tumakas.+
57 Si Jesus ay dinala niyaong mga dumakip sa kaniya kay Caifas+ na mataas na saserdote, kung saan natitipon ang mga eskriba at ang matatandang lalaki.+
58 Ngunit si Pedro ay patuloy na sumusunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa looban+ ng mataas na saserdote, at, pagpasok sa loob, umupo siyang kasama ng mga tagapaglingkod sa bahay upang makita ang kalalabasan.+
59 Samantala ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng bulaang patotoo laban kay Jesus upang patayin siya,+
60 ngunit wala silang nasumpungan, bagaman maraming bulaang saksi ang humarap.+ Nang maglaon ay dalawa ang humarap
61 at nagsabi: “Sinabi ng taong ito, ‘Maibabagsak ko ang templo ng Diyos at maitatayo ito sa tatlong araw.’ ”+
62 Dahil dito ang mataas na saserdote ay tumayo at nagsabi sa kaniya: “Wala ka bang isasagot? Ano itong pinatototohanan ng mga ito laban sa iyo?”+
63 Ngunit si Jesus ay nanatiling tahimik.+ Kaya sinabi ng mataas na saserdote sa kaniya: “Sa harap ng Diyos na buháy ay pinanunumpa+ kita na sabihin sa amin kung ikaw ang Kristo+ na Anak ng Diyos!”
64 Sinabi ni Jesus+ sa kaniya: “Ikaw mismo ang nagsabi nito.+ Gayunma’y sinasabi ko sa inyo, Mula ngayon+ ay makikita ninyo ang Anak ng tao+ na nakaupo sa kanan+ ng kapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap sa langit.”+
65 Nang magkagayon ay hinapak ng mataas na saserdote ang kaniyang mga panlabas na kasuutan, na sinasabi: “Siya ay namusong!+ Ano’t nangangailangan pa tayo ng mga saksi?+ Tingnan ninyo! Ngayon ay narinig ninyo ang pamumusong.+
66 Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila: “Nararapat siyang mamatay.”+
67 Nang magkagayon ay dinuraan nila siya sa mukha+ at sinuntok+ siya. Sinampal siya ng iba sa mukha,+
68 na sinasabi: “Manghula ka sa amin, ikaw na Kristo.+ Sino ang humampas sa iyo?”+
69 Ngayon ay nakaupo si Pedro sa labas doon sa looban; at isang alilang babae ang lumapit sa kaniya, na sinasabi: “Ikaw rin ay kasama ni Jesus na taga-Galilea!”+
70 Ngunit ikinaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi: “Hindi ko alam ang sinasabi mo.”
71 Pagkalabas niya sa bahay-pintuan, isa pang babae ang nakapansin sa kaniya at nagsabi sa mga naroroon: “Ang taong ito ay kasama ni Jesus na Nazareno.”+
72 At muli niya itong ikinaila, na may sumpa: “Hindi ko kilala ang taong iyon!”+
73 Pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit yaong mga nakatayo sa paligid at nagsabi kay Pedro: “Tiyak na isa ka rin sa kanila, sapagkat, sa katunayan, nahahalata ka sa iyong pananalita.”+
74 Nang magkagayon ay nagsimula siyang manata at manumpa: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” At kaagad na tumilaok ang tandang.+
75 At naalaala ni Pedro ang pananalita na sinalita ni Jesus, samakatuwid nga: “Bago tumilaok ang tandang, itatatwa mo ako nang tatlong ulit.”+ At siya ay lumabas at tumangis nang may kapaitan.+