Mateo 17:1-27
17 Pagkaraan ng anim na araw ay isinama ni Jesus si Pedro at si Santiago at si Juan na kaniyang kapatid at dinala sila sa isang napakataas na bundok nang sila lamang.+
2 At siya ay nagbagong-anyo sa harap nila, at ang kaniyang mukha ay suminag na gaya ng araw,+ at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay nagningning na gaya ng liwanag.+
3 At, narito! nagpakita sa kanila sina Moises at Elias, na nakikipag-usap sa kaniya.+
4 Bilang tugon ay sinabi ni Pedro kay Jesus: “Panginoon, mabuti para sa atin ang dumito. Kung nais mo, magtatayo ako rito ng tatlong tolda, isa para sa iyo at isa para kay Moises at isa para kay Elias.”+
5 Habang siya ay nagsasalita pa, narito! isang maliwanag na ulap ang lumilim sa kanila, at, narito! isang tinig mula sa ulap, na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan;+ makinig kayo sa kaniya.”+
6 Sa pagkarinig nito ay isinubsob ng mga alagad ang kanilang mga mukha at lubhang natakot.+
7 Nang magkagayon ay lumapit si Jesus at paghipo sa kanila ay nagsabi: “Tumayo kayo at huwag matakot.”+
8 Nang itingala nila ang kanilang mga mata, wala silang nakitang sinuman kundi si Jesus lamang.+
9 At habang bumababa sila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus, na sinasabi: “Huwag ninyong sabihin ang pangitain sa kaninuman hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon mula sa mga patay.”+
10 Gayunman, iniharap sa kaniya ng mga alagad ang tanong: “Bakit, kung gayon, sinasabi ng mga eskriba na kailangan munang dumating si Elias?”+
11 Bilang tugon ay sinabi niya: “Si Elias ay talaga ngang darating at magsasauli ng lahat ng mga bagay.+
12 Gayunman, sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias at hindi nila siya nakilala kundi ginawa sa kaniya ang mga bagay na nais nila. Sa ganitong paraan din ang Anak ng tao ay itinalagang magdusa sa kanilang mga kamay.”+
13 Nang magkagayon ay naunawaan ng mga alagad na sinalita niya sa kanila ang tungkol kay Juan Bautista.+
14 At nang dumating sila sa pulutong,+ isang tao ang lumapit sa kaniya, na lumuluhod sa kaniya at nagsasabi:
15 “Panginoon, maawa ka sa aking anak na lalaki, dahil siya ay isang epileptiko at may karamdaman, sapagkat bumabagsak siyang madalas sa apoy at madalas sa tubig;+
16 at dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit hindi nila magawang pagalingin siya.”+
17 Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: “O salinlahing walang pananampalataya at pilipit,+ hanggang kailan ko kayo pakikisamahan? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya rito sa akin.”
18 Nang magkagayon ay sinaway ito ni Jesus, at ang demonyo ay lumabas sa kaniya;+ at napagaling ang batang lalaki mula nang oras na iyon.+
19 Sa gayon ang mga alagad ay lumapit kay Jesus nang sarilinan at nagsabi: “Bakit nga ba hindi namin iyon mapalayas?”+
20 Sinabi niya sa kanila: “Dahil sa inyong kakaunting pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo ay may pananampalataya na kasinlaki ng butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito patungo roon,’ at lilipat ito, at walang magiging imposible para sa inyo.”+
21 ——
22 Habang nagkakatipon sila noon sa Galilea ay sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang Anak ng tao ay itinalagang ipagkanulo sa mga kamay ng mga tao,+
23 at papatayin nila siya, at sa ikatlong araw ay ibabangon siya.”+ Dahil dito ay lubha silang napighati.+
24 Pagdating nila sa Capernaum ang mga tao na naniningil ng [buwis na] dalawang drakma ay lumapit kay Pedro at nagsabi: “Hindi ba nagbabayad ang inyong guro ng [buwis na] dalawang drakma?”+
25 Sinabi niya: “Oo.” Gayunman, nang pumasok siya sa bahay ay inunahan siya ni Jesus sa pagsasabing: “Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ng mga impuwesto o pangulong buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa kanilang mga anak o mula sa ibang mga tao?”
26 Nang sabihin niyang: “Mula sa ibang mga tao,” sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung gayon nga, ang mga anak ay libre sa buwis.
27 Ngunit upang hindi natin sila matisod,+ pumunta ka sa dagat, maghagis ka ng kawil, at kunin mo ang unang isda na lilitaw at, kapag ibinuka mo ang bibig nito, makasusumpong ka ng isang baryang estater. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila para sa akin at sa iyo.”+