Genesis 24:1-67

24  At si Abraham ay matanda na, may kalaunan na sa mga taon; at pinagpala ni Jehova si Abraham sa lahat ng bagay.+  Kaya sinabi ni Abraham sa kaniyang lingkod, ang pinakamatanda sa kaniyang sambahayan, na siyang namamahala sa lahat ng kaniyang tinatangkilik:+ “Pakisuyo, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita,+  sapagkat pasusumpain kita sa pamamagitan ni Jehova,+ ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa aking anak mula sa mga anak na babae ng mga Canaanita na sa gitna nila ay nananahanan ako,+  kundi paroroon ka sa aking lupain at sa aking mga kamag-anak,+ at kukuha ka nga ng asawa para sa aking anak, para kay Isaac.”  Gayunman, sinabi ng lingkod sa kaniya: “Ano kung hindi nais ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito? Dapat ko bang ibalik ang iyong anak sa lupain na pinanggalingan mo?”+  Dahil dito ay sinabi ni Abraham sa kaniya: “Ingatan mong huwag ibalik doon ang aking anak.+  Si Jehova na Diyos ng langit, na siyang kumuha sa akin mula sa bahay ng aking ama at mula sa lupain ng aking mga kamag-anak+ at siyang nagsalita sa akin at siyang sumumpa sa akin,+ na nagsasabi, ‘Sa iyong binhi+ ay ibibigay ko ang lupaing ito,’+ siya ang magsusugo ng kaniyang anghel sa unahan mo,+ at tiyak na kukuha ka ng asawa para sa aking anak mula roon.+  Ngunit kung hindi nais ng babae na sumama sa iyo, ikaw naman ay mapalalaya mula sa sumpang ito na binitiwan mo sa akin.+ Huwag mo lamang ibalik doon ang aking anak.”  Sa gayon ay inilagay ng lingkod ang kaniyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon at sumumpa sa kaniya may kinalaman sa bagay na ito.+ 10  Kaya ang lingkod ay kumuha ng sampung kamelyo mula sa mga kamelyo ng kaniyang panginoon at yumaon taglay ang bawat uri ng mabuting bagay ng kaniyang panginoon sa kaniyang kamay.+ Pagkatapos ay bumangon siya at pumaroon sa Mesopotamia sa lunsod ni Nahor. 11  Nang maglaon ay pinaluhod niya ang mga kamelyo sa labas ng lunsod sa tabi ng isang balon ng tubig noong pagabi na,+ nang oras na kinaugalian ng mga babae na lumabas upang sumalok ng tubig.+ 12  At sinabi niya: “Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham,+ pakisuyo, pangyarihin mong maganap ito sa harap ko sa araw na ito at magpakita ka ng maibiging-kabaitan+ sa aking panginoong si Abraham.+ 13  Narito, nakatayo ako sa tabi ng isang bukal ng tubig, at ang mga anak na babae ng mga tao ng lunsod ay lumalabas upang sumalok ng tubig.+ 14  Mangyari nga na ang kabataang babae na sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong bangang pantubig upang ako ay makainom,’ at magsasabi nga, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,’ siya ang italaga mo sa iyong lingkod,+ kay Isaac; at sa ganito mo ipaalam sa akin na nagpakita ka ng matapat na pag-ibig sa aking panginoon.”+ 15  Buweno, nangyari nga na bago siya matapos sa pagsasalita,+ aba, narito, lumalabas si Rebeka, na ipinanganak kay Betuel+ na anak ni Milca+ na asawa ni Nahor,+ na kapatid ni Abraham, at ang kaniyang bangang pantubig ay nakapatong sa kaniyang balikat.+ 16  At ang kabataang babae ay lubhang kaakit-akit ang anyo,+ isang dalaga, at wala pang lalaki ang nagkaroon ng seksuwal na pakikipagtalik sa kaniya;+ at lumusong siya sa bukal at pinasimulang punuin ang kaniyang bangang pantubig at pagkatapos ay umahon. 17  Kaagad na tumakbo ang lingkod upang salubungin siya at nagsabi: “Pakisuyo, pahigupin mo ako ng kaunting tubig mula sa iyong banga.”+ 18  Sinabi naman niya: “Uminom ka, panginoon ko.” Sa gayon ay dali-dali niyang ibinaba ang kaniyang banga sa kaniyang kamay at pinainom siya.+ 19  Nang matapos na niyang painumin siya, nang magkagayon ay sinabi niya: “Ang iyong mga kamelyo rin ay isasalok ko ng tubig hanggang sa matapos silang uminom.”+ 20  Kaya dali-dali niyang ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa labangan at tumakbo nang pabalik-balik sa balon upang sumalok ng tubig,+ at patuloy siyang sumalok para sa lahat ng kaniyang mga kamelyo. 21  Samantala ang lalaki ay nakatitig sa kaniya sa pagkamangha, na nananatiling tahimik upang malaman kung pinagtagumpay ni Jehova ang kaniyang paglalakbay o hindi.+ 22  Dahil dito ay nangyari, nang matapos nang uminom ang mga kamelyo, nang magkagayon ay kumuha ang lalaki ng isang gintong singsing na pang-ilong+ na kalahating siklo ang bigat at dalawang pulseras+ para sa kaniyang mga kamay, sampung siklo na ginto ang bigat ng mga iyon, 23  at sinabi niya: “Kanino kang anak? Sabihin mo sa akin, pakisuyo. Mayroon bang anumang dako sa bahay ng iyong ama upang pagpalipasan namin ng gabi?”+ 24  Sa gayon ay sinabi niya sa kaniya: “Ako ang anak ni Betuel+ na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor.”+ 25  At sinabi pa niya sa kaniya: “Kapuwa may dayami at saganang kumpay sa amin, gayundin ang isang dako upang pagpalipasan ng gabi.”+ 26  At yumukod ang lalaki at nagpatirapa sa harap ni Jehova+ 27  at nagsabi: “Pagpalain si Jehova+ na Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi naglayo ng kaniyang maibiging-kabaitan at ng kaniyang pagiging mapagkakatiwalaan sa aking panginoon. Habang ako ay nasa daan, inakay ako ni Jehova sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”+ 28  At tumakbo ang kabataang babae at sinabi sa sambahayan ng kaniyang ina ang tungkol sa mga bagay na ito. 29  At may isang kapatid si Rebeka at ang pangalan nito ay Laban.+ Kaya tumakbo si Laban patungo sa lalaki na nasa labas sa tabi ng bukal. 30  At nangyari, sa pagkakita sa singsing na pang-ilong at sa mga pulseras+ na nasa mga kamay ng kaniyang kapatid at sa pagkarinig sa mga salita ni Rebeka na kaniyang kapatid, na nagsasabi: “Ganito ang sinalita sa akin ng lalaki,” pagkatapos ay pumaroon siya sa lalaki at naroon nga ito, nakatayo sa tabi ng mga kamelyo sa may bukal. 31  Kaagad niyang sinabi: “Halika, ikaw na pinagpala ni Jehova.+ Bakit nakatayo ka pa rito sa labas, gayong inihanda ko na ang bahay at ang dako para sa mga kamelyo?” 32  Sa gayon ay pumasok sa bahay ang lalaki, at kinalagan niya ang mga kamelyo at binigyan ng dayami at kumpay ang mga kamelyo at ng tubig upang hugasan ang kaniyang mga paa at ang mga paa ng mga lalaking kasama niya.+ 33  Pagkatapos ay naghain ng makakain sa harap niya, ngunit sinabi niya: “Hindi ako kakain hanggang sa masabi ko ang tungkol sa aking sadya.” Dahil dito ay sinabi niya: “Magsalita ka!”+ 34  Nang magkagayon ay sinabi niya: “Ako ay lingkod+ ni Abraham. 35  At lubhang pinagpala ni Jehova ang aking panginoon anupat patuloy niya siyang ginagawang mas dakila at binibigyan siya ng mga tupa at mga baka at pilak at ginto at mga alilang lalaki at mga alilang babae at mga kamelyo at mga asno.+ 36  Isa pa, si Sara na asawa ng aking panginoon ay nanganak ng isang lalaki sa aking panginoon nang tumanda na siya;+ at ibibigay ni Abraham sa kaniya ang lahat ng kaniyang tinatangkilik.+ 37  Kaya pinasumpa ako ng aking panginoon, na nagsasabi, ‘Huwag kang kukuha ng asawa para sa aking anak mula sa mga anak na babae ng mga Canaanita na sa kanilang lupain ay nananahanan ako.+ 38  Hindi, kundi paroroon ka sa bahay ng aking ama at sa aking pamilya+ at kukuha ka ng asawa para sa aking anak.’+ 39  Ngunit sinabi ko sa aking panginoon, ‘Ano kung ang babae ay hindi sumama sa akin?’+ 40  Nang magkagayon ay sinabi niya sa akin, ‘Si Jehova, na sa harap niya ay lumalakad+ ako, ay magsusugo ng kaniyang anghel+ na kasama mo at tiyak na pagtatagumpayin niya ang iyong lakad;+ at kukuha ka ng asawa para sa aking anak mula sa aking pamilya at mula sa bahay ng aking ama.+ 41  Sa pagkakataong iyon ay maaalisan ka ng pananagutan sa akin sa pamamagitan ng sumpa kapag nakarating ka sa aking pamilya, at kung hindi nila siya ibigay sa iyo, makalalaya ka sa pananagutan sa akin sa pamamagitan ng sumpa.’+ 42  “Nang makarating ako sa bukal ngayon, sinabi ko nga, ‘Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham, kung talagang pagtatagumpayin mo ang aking lakad na paroroonan+ ko, 43  narito, nakatayo ako sa tabi ng isang bukal ng tubig. Mangyari nga na ang dalagang+ lalabas upang sumalok ng tubig na siyang sasabihan ko: “Pakisuyo, painumin mo ako ng kaunting tubig mula sa iyong banga,” 44  at siyang magsasabi nga sa akin: “Uminom ka, at isasalok ko rin ng tubig ang iyong mga kamelyo,” siya ang babae na itinalaga ni Jehova para sa anak ng aking panginoon.’+ 45  “Bago ako matapos sa pagsasalita+ sa aking puso,+ aba, naroon si Rebeka na lumalabas, taglay ang kaniyang banga sa ibabaw ng kaniyang balikat; at lumusong siya sa bukal at nagsimulang sumalok ng tubig.+ Nang magkagayon ay sinabi ko sa kaniya, ‘Painumin mo ako, pakisuyo.’+ 46  Kaya dali-dali niyang ibinaba ang kaniyang banga mula sa kaniya at sinabi, ‘Uminom ka,+ at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo.’ Nang magkagayon ay uminom ako, at pinainom din niya ang mga kamelyo. 47  Pagkatapos ay nagtanong ako sa kaniya at nagsabi, ‘Kanino kang anak?’+ na dito ay sinabi niya, ‘Ang anak ni Betuel na anak ni Nahor, na siyang ipinanganak ni Milca sa kaniya.’ Kaya inilagay ko ang singsing na pang-ilong sa butas ng kaniyang ilong at ang mga pulseras sa kaniyang mga kamay.+ 48  At ako ay yumukod at nagpatirapa sa harap ni Jehova at pinagpala ko si Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham,+ na siyang umakay sa akin sa tunay na daan+ upang kunin ang anak na babae ng kapatid ng aking panginoon para sa kaniyang anak. 49  At ngayon kung talagang nagpapakita kayo ng maibiging-kabaitan at ng pagiging mapagkakatiwalaan sa aking panginoon,+ sabihin ninyo sa akin; ngunit kung hindi, sabihin ninyo sa akin, upang makaliko ako sa kanan o sa kaliwa.”+ 50  Nang magkagayon ay sumagot si Laban at si Betuel at nagsabi: “Kay Jehova nagmula+ ang bagay na ito. Hindi kami makapagsasalita sa iyo ng masama o ng mabuti.+ 51  Narito si Rebeka sa harap mo. Kunin mo siya at yumaon ka, at maging asawa siya ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinalita ni Jehova.”+ 52  At nangyari, nang marinig ng lingkod ni Abraham ang kanilang mga salita, siya ay kaagad na nagpatirapa sa lupa sa harap ni Jehova.+ 53  At ang lingkod ay nagsimulang maglabas ng mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto at mga kasuutan at ibinigay ang mga iyon kay Rebeka; at siya ay nagbigay ng mga piling bagay sa kapatid nito at sa ina nito.+ 54  Pagkatapos ay kumain sila at uminom, siya at ang mga lalaking kasama niya, at sila ay nagpalipas ng gabi roon at bumangon sa kinaumagahan. Nang magkagayon ay sinabi niya: “Payaunin ninyo ako sa aking panginoon.”+ 55  Dito ay sinabi ng kaniyang kapatid at ng kaniyang ina: “Mamalagi sa amin ang kabataang babae nang kahit man lamang sampung araw. Pagkatapos ay makayayaon na siya.” 56  Ngunit sinabi niya sa kanila: “Huwag ninyo akong pigilan, yamang pinagtagumpay ni Jehova ang aking lakad.+ Payaunin ninyo ako, upang makaparoon ako sa aking panginoon.”+ 57  Kaya sinabi nila: “Tawagin natin ang kabataang babae at mag-usisa tayo sa kaniyang bibig.”+ 58  Nang magkagayon ay tinawag nila si Rebeka at sinabi sa kaniya: “Sasama ka ba sa lalaking ito?” Sinabi naman niya: “Handa akong sumama.”+ 59  Sa gayon ay pinayaon nila si Rebeka+ na kanilang kapatid at ang kaniyang yaya+ at ang lingkod ni Abraham at ang kaniyang mga tauhan. 60  At pinasimulan nilang pagpalain si Rebeka at sinabi sa kaniya: “O ikaw, kapatid namin, ikaw nawa ay maging libu-libong sampung libo, at ariin ng iyong binhi ang pintuang-daan niyaong mga napopoot sa kaniya.”+ 61  Pagkatapos ay tumindig si Rebeka at ang kaniyang mga tagapaglingkod na babae+ at sumakay sila sa mga kamelyo+ at sumunod sa lalaki; at dinala ng lingkod si Rebeka at yumaon. 62  At si Isaac ay nanggaling sa daang patungo sa Beer-lahai-roi,+ sapagkat nananahanan siya sa lupain ng Negeb.+ 63  At si Isaac ay naglalakad sa labas upang magbulay-bulay+ sa parang nang sumasapit na ang gabi. Nang itaas niya ang kaniyang mga mata at tumingin, aba, narito, may mga kamelyo na dumarating! 64  Nang itaas ni Rebeka ang kaniyang mga mata, nakita niya si Isaac at bumaba siya mula sa kamelyo. 65  Nang magkagayon ay sinabi niya sa lingkod: “Sino ang lalaking iyon na naroon at naglalakad sa parang upang sumalubong sa atin?” at sinabi ng lingkod: “Iyon ang aking panginoon.” At kumuha siya ng pandong at nagtakip ng kaniyang sarili.+ 66  At isinaysay ng lingkod kay Isaac ang lahat ng bagay na ginawa niya. 67  Pagkatapos ay dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kaniyang ina.+ Sa gayon ay kinuha niya si Rebeka at ito ay naging kaniyang asawa;+ at inibig niya ito,+ at si Isaac ay nakasumpong ng kaaliwan matapos na mawala ang kaniyang ina.+

Talababa