Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

LEKSIYON 5

Laging Ginagawa ni Samuel ang Tama

Laging Ginagawa ni Samuel ang Tama

Napakabata pa ni Samuel nang tumira siya at magtrabaho sa tabernakulo, ang lugar na pinupuntahan ng mga tao para sambahin si Jehova. Alam mo ba kung paano napunta doon si Samuel? Kilalanin muna natin ang nanay ni Samuel na si Hana.

Matagal nang gustong magkaanak ni Hana, pero hindi siya nagkakaanak. Kaya nanalangin siya kay Jehova na sana magkaanak siya. Nangako siya na kung magkakaanak siya ng lalaki, dadalhin niya ito sa tabernakulo para tumira at magtrabaho doon. Sinagot ni Jehova ang panalangin niya. Nagkaanak siya at binigyan ito ng pangalang Samuel. Tinupad ni Hana ang pangako niya. Nang mga tatlo o apat na taóng gulang na si Samuel, dinala siya ni Hana sa tabernakulo para maglingkod sa Diyos.

Si Eli ang mataas na saserdote sa tabernakulo. Siya ang namamahala sa mga gawain doon. Doon din nagtatrabaho ang dalawa niyang anak na lalaki na malalaki na. Tandaan, sa tabernakulo pumupunta ang mga tao para sumamba sa Diyos, kaya dapat, mabubuting bagay ang ginagawa doon ng mga tao. Pero napakasama ng ginagawa ng mga anak ni Eli. Kitang-kita iyon ni Samuel. Ginaya ba ni Samuel ang mga anak ni Eli?​— Hindi. Lagi niyang ginagawa kung ano ang tama, gaya ng itinuro sa kaniya ng mga magulang niya.

Ano kaya ang dapat gawin ni Eli sa mga anak niya?​— Dapat niya silang pagalitan at huwag nang payagang magtrabaho sa bahay ng Diyos. Pero hindi iyon ginawa ni Eli kaya nagalit si Jehova sa kaniya at sa dalawang anak niya. Nagdesisyon si Jehova na parusahan sila.

Sinabi ni Samuel kay Eli ang ipinapasabi ni Jehova

Isang gabi, habang natutulog si Samuel, may narinig siyang tumatawag sa kaniya: ‘Samuel!’ Tumakbo siya kay Eli, pero sinabi ni Eli: ‘Hindi kita tinatawag.’ Tatlong beses itong nangyari. Kaya sinabi ni Eli kay Samuel na kapag may tumawag ulit sa kaniya, dapat niyang sabihin: ‘Sige po magsalita kayo, Diyos na Jehova, nakikinig ako.’ Iyan ang ginawa ni Samuel. Sinabi sa kaniya ni Jehova: ‘Sabihin mo kay Eli na paparusahan ko ang pamilya niya kasi masama ang ginagawa nila.’ Madali kayang sabihin iyan kay Eli?​— Hindi. Pero kahit natatakot si Samuel, sinunod niya ang utos ni Jehova. Nagkatotoo ang sinabi ni Jehova. Napatay ang dalawang anak ni Eli, at namatay din si Eli.

Magandang tularan si Samuel. Ginawa pa din niya ang tama kahit masama ang ginagawa ng iba. Ikaw, gagayahin mo ba si Samuel at laging gagawin ang tama? Kung oo, mapapasaya mo si Jehova pati na ang tatay at nanay mo.

BASAHIN SA IYONG BIBLIYA