Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

LEKSIYON 6

Hindi Takót si David

Hindi Takót si David

Ano ang ginagawa mo kapag natatakot ka?​— Siguro tumatakbo ka sa nanay at tatay mo. Pero may isa ka pang matatakbuhan. Mas malakas siya kahit kanino. Kilala mo ba siya?​— Oo, ang Diyos na Jehova. Sa Bibliya, mababasa natin ang kuwento tungkol sa batang si David. Alam niyang lagi siyang tutulungan ni Jehova kaya hindi siya takót.

Sanggol pa lang si David, tinuruan na siya ng mga magulang niya na mahalin si Jehova. Nakatulong ito kay David para maging matapang kahit nakakatakot ang nangyayari. Alam niyang Kaibigan niya si Jehova at tutulungan siya ng Diyos. Minsan, habang nagbabantay si David ng mga tupa, dumating ang isang malaking leon at tinangay nito ang isang tupa! Alam mo ba kung ano ang ginawa ni David? Hinabol niya ang leon, tapos pinatay niya ito! At nang isang oso naman ang sumalakay sa mga tupa, pinatay din ito ni David! Sino sa tingin mo ang tumulong kay David?​— Oo, si Jehova.

Naging matapang din si David noong nakikipaglaban ang mga Israelita sa mga Filisteo. Isang sundalong Filisteo ang napakatangkad, isang higante! Siya si Goliat. Pinagtatawanan ng higanteng ito ang mga sundalong Israelita pati na si Jehova. Hinamon ni Goliat ang mga Israelita na makipaglaban sa kaniya. Pero takót sa kaniya ang lahat ng Israelita. Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya kay Goliat: ‘Lalabanan kita! Tutulungan ako ni Jehova at matatalo kita!’ Matapang ba si David?​— Oo, napakatapang. Gusto mo bang malaman kung ano ang nangyari?

Kinuha ni David ang kaniyang tirador, namulot ng limang makikinis na bato, at pinuntahan ang higante para makipaglaban dito. Nang makita ni Goliat na isang bata lang si David, pinagtawanan niya ito. Pero sinabi ni David: ‘Ikaw, panlaban mo sa ‘kin ang espada mo. Pero ako, lalabanan kita sa pangalan ni Jehova!’ Nilagyan niya ng bato ang kaniyang tirador, tumakbo palapit kay Goliat, at itinira ang bato. Eksaktong tumama ang bato sa pagitan ng mga mata ni Goliat! Patay si Goliat pagbagsak nito! Takót na takót ang mga Filisteo kaya nagtakbuhan silang lahat. Paano natalo ng isang batang gaya ni David ang isang higante?​— Tinulungan siya ni Jehova, at mas malakas si Jehova kaysa sa higanteng iyon!

Hindi takót si David kasi alam niyang tutulungan siya ni Jehova

Ano ang matututunan mo sa kuwento ni David?​— Mas malakas si Jehova kahit kanino. At Kaibigan mo siya. Kaya kapag natatakot ka, tandaan mong kaya kang tulungan ni Jehova na maging matapang!

BASAHIN SA IYONG BIBLIYA