Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 19

Siya ay Nagprotekta, Naglaan, at Nagtiyaga

Siya ay Nagprotekta, Naglaan, at Nagtiyaga

1, 2. (a) Anong pagbabago ang haharapin ni Jose at ng kaniyang pamilya? (b) Anong masamang balita ang kinailangang sabihin ni Jose sa kaniyang asawa?

 IPINASAN ni Jose sa likod ng asno ang isa pang kargada. Maguguniguni natin siyang pinagmamasdan ang nayon ng Betlehem sa kadiliman ng gabi at tinatapik ang tagiliran ng asnong iyon. Tiyak na iniisip niya ang kanilang malayong paglalakbay​—patungo sa Ehipto! Ano na kaya ang mangyayari sa kaniyang pamilya sa bansang iyon na may ibang wika at mga kaugalian?

2 Hindi madaling sabihin sa kaniyang mahal na asawang si Maria ang masamang balita, pero nilakasan ni Jose ang kaniyang loob. Sinabi niya kay Maria na inihatid sa kaniya ng isang anghel sa panaginip ang mensaheng ito mula sa Diyos: Gustong patayin ni Haring Herodes ang kanilang munting anak! Kailangan nilang umalis agad. (Basahin ang Mateo 2:13, 14.) Alalang-alala si Maria. Hindi maubos-maisip nina Maria at Jose kung bakit may gustong pumatay sa kanilang inosente at walang kalaban-labang anak. Pero nagtiwala sila kay Jehova at naghanda na sa paglalakbay.

3. Ilarawan ang pag-alis ni Jose at ng kaniyang pamilya mula sa Betlehem. (Tingnan din ang larawan.)

3 Malalim na ang gabi nang lisanin nina Jose, Maria, at Jesus ang Betlehem. Habang naglalakbay sila patimog at nagbubukang-liwayway na sa silangan, malamang na iniisip ni Jose kung ano ang mangyayari sa kanila. Paano kaya mapoprotektahan ng isang hamak na karpintero ang kaniyang pamilya laban sa makapangyarihang mga puwersa? Patuloy kaya niya silang mapaglalaanan ng kanilang mga pangangailangan? Makapagtitiyaga kaya siya sa pagtupad sa mabigat na atas na ibinigay ng Diyos na Jehova sa kaniya, ang pangalagaan at palakihin ang natatanging batang ito? Mabibigat na hamon ang napaharap kay Jose. Habang tinatalakay natin kung paano niya napagtagumpayan ang mga ito, makikita natin kung bakit kailangan ng mga ama sa ngayon​—at nating lahat—​na tularan ang pananampalataya ni Jose.

Pinrotektahan ni Jose ang Kaniyang Pamilya

4, 5. (a) Paano ganap na nagbago ang buhay ni Jose? (b) Paano pinatibay ng anghel si Jose para balikatin ang isang mabigat na atas?

4 Halos dalawang taon bago nito, sa kaniyang bayang Nazaret, ganap na nagbago ang buhay ni Jose matapos siyang makipagtipan sa anak ni Heli. Kilala ni Jose si Maria bilang isang babaing tapat at may malinis na moral. Pero nalaman niyang nagdadalang-tao ito! Binalak niyang diborsiyuhin si Maria nang palihim para protektahan ito mula sa iskandalo. a Gayunman, isang anghel ang nagpaliwanag sa kaniya sa panaginip na si Maria ay nagdadalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu ni Jehova. Sinabi pa ng anghel na ang sanggol na dinadala ni Maria ay ‘magliligtas sa kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.’ Pinalakas niya ang loob ni Jose: “Huwag kang matakot na iuwi si Maria na iyong asawa.”​—Mat. 1:18-21.

5 Ganiyan ang ginawa ng matuwid at masunuring si Jose. Binalikat niya ang pinakamabigat na atas: palakihin at pangalagaan ang isang anak na hindi kaniya pero napakahalaga sa Diyos. Nang maglaon, bilang pagsunod sa utos ng emperador, si Jose at ang kaniyang asawang nagdadalang-tao ay nagpunta sa Betlehem para magparehistro. Doon isinilang ang sanggol.

6-8. (a) Anong mga pangyayari ang naging dahilan ng isa pang pagbabago sa buhay ni Jose at ng kaniyang pamilya? (b) Ano ang ebidensiya na galing kay Satanas ang “bituin”? (Tingnan din ang talababa.)

6 Hindi bumalik si Jose at ang kaniyang pamilya sa Nazaret. Sa halip, nanatili sila sa Betlehem, na mga sampung kilometro mula sa Jerusalem. Mahirap lang sila pero ginawa ni Jose ang lahat para paglaanan at protektahan sina Maria at Jesus. Nanirahan sila sa isang simpleng bahay. Pagkatapos, nang malaki-laki na si Jesus​—marahil mahigit isang taóng gulang na—​muling nagbago ang kanilang buhay.

7 Dumating ang isang grupo ng mga lalaki, mga astrologo mula sa Silangan, na malamang ay mula pa sa Babilonya. Sinundan nila ang isang “bituin” patungo sa bahay nina Jose at Maria para makita ang bata na magiging hari ng mga Judio. Napakagalang ng mga lalaking ito.

8 Alam man ng mga astrologo o hindi, nanganib ang buhay ng batang si Jesus dahil sa kanila. Inakay muna sila ng nakita nilang “bituin,” hindi sa Betlehem, kundi sa Jerusalem. b Doon, sinabi nila sa napakasamang haring si Herodes na hinahanap nila ang bata na magiging hari ng mga Judio. Nalipos ng inggit at galit ang hari dahil sa dala nilang balita.

9-11. (a) Bakit masasabing may kumikilos na mga puwersa na mas makapangyarihan kaysa kay Herodes o kay Satanas? (b) Paano naiiba ang paglalakbay patungong Ehipto kumpara sa sinasabi sa apokripal na mga alamat?

9 Mabuti na lang, may kumikilos na mga puwersa na mas makapangyarihan kaysa kay Herodes o kay Satanas. Sa anong paraan? Nang dumating sa bahay nina Jesus ang mga bisita at nakita siyang kasama ng kaniyang ina, inilabas nila ang kanilang mga regalo, pero wala silang hininging kapalit. Tiyak na gulat na gulat sina Jose at Maria dahil bigla silang nagkaroon ng “ginto at olibano at mira”​—mamahaling mga bagay! Babalik sana ang mga astrologo kay Haring Herodes para sabihin kung nasaan ang bata, pero kumilos si Jehova. Sa pamamagitan ng panaginip, inutusan niya ang mga astrologo na dumaan sa ibang ruta pauwi.​—Basahin ang Mateo 2:1-12.

10 Pagkaalis ng mga astrologo, binabalaan si Jose ng anghel ni Jehova: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka patungong Ehipto, at manatili ka roon hanggang sa sabihin ko sa iyo; sapagkat hahanapin na ni Herodes ang bata upang patayin ito.” (Mat. 2:13) Gaya ng nabanggit sa pasimula, sumunod agad si Jose. Inuna niya ang kaligtasan ng kaniyang anak at nagpunta sila sa Ehipto. Dahil sa mamahaling mga regalo ng paganong mga astrologo, may magagamit na ang pamilya ni Jose para sa paglalakbay at pamumuhay sa Ehipto.

11 Nang maglaon, pinaganda ng apokripal na mga alamat ang kuwento tungkol sa paglalakbay sa Ehipto. Sinasabing makahimalang pinaikli ng batang si Jesus ang paglalakbay, pinabait ang mga bandido, at pinayuko pa nga ang mga palmang datiles para makapamitas ng bunga ang kaniyang ina. c Pero ang totoo, mahaba at mahirap ang paglalakbay na iyon.

Isinakripisyo ni Jose ang sariling kaalwanan para sa kaniyang pamilya

12. Ano ang matututuhan kay Jose ng mga magulang na nagpapalaki ng mga anak sa magulong daigdig na ito?

12 Maraming matututuhan kay Jose ang mga magulang. Isinaisantabi niya ang kaniyang trabaho at isinakripisyo ang sariling kaalwanan para protektahan ang kaniyang pamilya. Maliwanag na para sa kaniya, ang kaniyang pamilya ay ipinagkatiwala mismo ni Jehova. Sa ngayon, pinalalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak sa isang magulong daigdig na punô ng mga elementong magsasapanganib, magpapasamâ, o sisira pa nga sa buhay ng mga kabataan. Kahanga-hanga ang mga ina at ama na kumikilos agad, gaya ni Jose, at ginagawa ang lahat para protektahan ang kanilang mga anak mula sa gayong mga impluwensiya!

Naglaan si Jose Para sa Kaniyang Pamilya

13, 14. Bakit sa Nazaret nanirahan sina Jose at Maria?

13 Lumilitaw na hindi nagtagal sa Ehipto ang pamilya ni Jose dahil ipinaalam sa kaniya ng anghel na patay na si Herodes. Dinala ni Jose ang kaniyang pamilya pabalik sa kanilang lupang tinubuan. Ayon sa isang sinaunang hula, tatawagin ni Jehova ang kaniyang Anak “mula sa Ehipto.” (Mat. 2:15) Nakatulong si Jose para matupad ang hulang iyan, pero saan na sila maninirahan?

14 Maingat si Jose. Alam niyang dapat din niyang katakutan ang humalili kay Herodes na si Arquelao, na marahas at mamamatay-tao rin. Sa patnubay ng Diyos, isinama ni Jose ang kaniyang pamilya sa hilaga, malayo sa Jerusalem at sa lahat ng gulong nangyayari doon, pabalik sa kaniyang bayang Nazaret sa Galilea. Doon na nanirahan ang kanilang pamilya.​—Basahin ang Mateo 2:19-23.

15, 16. Paano mailalarawan ang trabaho ni Jose, at anu-anong gamit ang posibleng mayroon siya?

15 Simple lang ang buhay nila​—pero hindi ito madali. Tinukoy ng Bibliya si Jose bilang karpintero, isang salita na sumasaklaw sa maraming gawain may kaugnayan sa kahoy, gaya ng pagputol ng puno, paghakot dito, at pagpapatuyo nito para magamit sa paggawa ng mga bahay, bangka, maliliit na tulay, kariton, gulong, pamatok, at iba’t ibang kagamitan sa pagsasaka. (Mat. 13:55) Mabigat na trabaho ito. Ang karpintero noong panahon ng Bibliya ay karaniwan nang nagtatrabaho sa labas lang ng kaniyang bahay o sa isang malapit na gawaan.

16 May iba’t ibang gamit si Jose, na ang ilan ay malamang na minana pa niya sa kaniyang ama. Maaaring gumamit siya ng eskuwala, hulog, yeso, palataw, lagari, daras, martilyo, malyete, pait, barena, iba’t ibang pandikit, at marahil ay mga pako, bagaman napakamahal nito.

17, 18. (a) Ano ang natutuhan ni Jesus mula sa kaniyang ama-amahan? (b) Bakit kailangang magtrabahong mabuti si Jose bilang karpintero?

17 Gunigunihin ang batang si Jesus habang pinanonood ang kaniyang ama-amahan na nagtatrabaho. Pinagmamasdan niyang mabuti ang bawat kilos ni Jose, at hangang-hanga siya sa malalakas na balikat at bisig ni Jose, sa bihasang mga kamay nito, at sa talinong nakikita sa mga mata nito. Marahil itinuro ni Jose sa kaniyang maliit na anak ang ilang simpleng trabaho gaya ng pagkikinis ng kahoy gamit ang pinatuyong balat ng isda. Malamang na ipinaliwanag niya kay Jesus ang pagkakaiba ng mga kahoy na ginagamit niya​—gaya ng sikomoro (igos-mulberi), ensina, o olibo.

18 Alam din ni Jesus na ang malalakas na kamay na pumutol ng mga puno, gumawa ng mga biga, at pumukpok sa mga hugpungan ay siya ring mga kamay na nag-aruga sa kaniya, sa kaniyang ina, at sa mga kapatid niya. Oo, lumaki ang pamilya nina Jose at Maria; nagkaroon pa sila ng di-kukulangin sa anim na anak bukod kay Jesus. (Mat. 13:55, 56) Kailangang magtrabahong mabuti si Jose para mapangalagaan at mapakain silang lahat.

Alam ni Jose na ang pinakamahalaga ay ang pag-aasikaso sa espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya

19. Paano pinaglaanan ni Jose ang espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya?

19 Pero alam ni Jose na ang pinakamahalaga ay ang pag-aasikaso sa espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Kaya naglaan siya ng panahon para turuan ang kaniyang mga anak tungkol sa Diyos na Jehova at sa Kaniyang mga kautusan. Regular na isinasama nina Jose at Maria ang kanilang mga anak sa sinagoga, kung saan ang Kautusan ay binabasa nang malakas at ipinaliliwanag. Malamang na napakaraming tanong ni Jesus pagkagaling doon, at sinikap ni Jose na masapatan ang espirituwal na pangangailangan ng kaniyang anak. Isinasama rin ni Jose ang kaniyang pamilya sa relihiyosong mga kapistahan sa Jerusalem. Sa taunang Paskuwa, mga dalawang linggo ang kailangan ni Jose para maglakbay nang mga 120 kilometro, dumalo sa okasyon, at makauwi.

20. Paano matutularan ng mga ulo ng Kristiyanong pamilya ang halimbawa ni Jose?

20 Ganiyan din ang ginagawa ng mga ulo ng Kristiyanong pamilya sa ngayon. Sila ay nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak, anupat laging inuuna ang pagsasanay sa espirituwal kaysa sa ibang mga bagay gaya ng materyal na kaalwanan. Sinisikap nilang magdaos ng pampamilyang pagsamba at maisama ang kanilang mga anak sa mga Kristiyanong pagpupulong at asamblea. Tulad ni Jose, alam nilang iyon ang pinakamahalagang magagawa nila para sa kanilang mga anak.

“May Pagkabagabag ng Isip”

21. Ilarawan ang ginagawa ng pamilya ni Jose kapag panahon ng Paskuwa, at kailan napansin nina Jose at Maria na nawawala si Jesus?

21 Nang 12 anyos si Jesus, isinama ni Jose ang kaniyang pamilya sa Jerusalem gaya ng dati. Tagsibol noon at panahon ng Paskuwa, isang masayang okasyon, at sama-samang naglalakbay ang malalaking pamilya. Habang papaahon sila sa Jerusalem, marami ang kumakanta ng pamilyar na mga awit ng pagsampa. (Awit 120-134) Halos di-mahulugang-karayom ang lunsod sa dami ng tao. Pagkatapos ng okasyon, pauwi na ang mga pamilya. Marahil sa dami ng inaasikaso, inisip nina Jose at Maria na kasama si Jesus ng ibang naglalakbay, baka ng mga kamag-anak nila. Lumipas pa ang isang araw bago nila natuklasang nawawala si Jesus!​—Luc. 2:41-44.

22, 23. Ano ang ginawa nina Jose at Maria nang mawala ang kanilang anak, at ano ang sinabi ni Maria nang matagpuan nila siya?

22 Natataranta silang bumalik sa Jerusalem na halos wala nang katau-tao. Sinuyod nila ang mga lansangan habang tinatawag ang kanilang anak. Nasaan kaya ang batang iyon? Sa ikatlong araw ng paghahanap, naisip kaya ni Jose na binigo niya si Jehova sa ipinagkatiwala sa kaniya? Pagkatapos, nagtungo sila sa templo. Naghanap sila roon hanggang sa makarating sila sa isang malaking silid kung saan nagkakatipon ang maraming edukadong lalaki na bihasa sa Kautusan​—naroon si Jesus na nakaupong kasama nila! Nakahinga nang maluwag sina Jose at Maria!​—Luc. 2:45, 46.

23 Nakikinig si Jesus sa mga lalaki at marami siyang tanong. Namangha ang mga lalaki sa kaunawaan at mga sagot ni Jesus. Takang-taka naman sina Jose at Maria. Sa ulat ng Bibliya, tahimik lang si Jose. Pero sapat na ang sinabi ni Maria para malaman natin ang nadarama nilang dalawa: “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan nang ganito? Narito, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo nang may pagkabagabag ng isip.”​—Luc. 2:47, 48.

24. Paano tayo binibigyan ng Bibliya ng ideya tungkol sa pagiging magulang?

24 Sa maikling ulat na ito, binibigyan tayo ng Salita ng Diyos ng ideya tungkol sa pagiging magulang. Maaari itong magdulot ng kaigtingan​—kahit pa nga sakdal ang anak! Sa mapanganib na daigdig sa ngayon, mas ‘nakababagabag ng isip’ ang pagpapalaki ng anak. Pero para sa mga ama’t ina, nakaaaliw malaman na kinikilala ng Bibliya na may mga hamong napapaharap sa kanila.

25, 26. Ano ang sagot ni Jesus sa kaniyang mga magulang, at ano ang maaaring nadama ni Jose sa pananalita ng kaniyang anak?

25 Nanatili si Jesus sa isang lugar kung saan nadama niyang napakalapit niya sa kaniyang Ama sa langit, si Jehova, anupat sabik na sabik siyang matuto. Simple lang ang sagot niya sa kaniyang mga magulang: “Bakit kailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?”​—Luc. 2:49.

26 Tiyak na maraming ulit na pinag-isipan ni Jose ang mga salitang iyon. Marahil ay nakapagpataba ito ng kaniyang puso. Tutal, talagang sinikap niyang ituro sa kaniyang anak-anakan na magkaroon ng gayong damdamin para sa Diyos na Jehova. Bagaman bata pa, nauunawaan na ni Jesus ang damdaming ipinahihiwatig ng salitang “ama,” dahil na rin sa mga taóng nakasama niya si Jose.

27. Ano ang pribilehiyo mo bilang isang ama, at bakit dapat mong tandaan ang halimbawa ni Jose?

27 Kung ikaw ay isang ama, naiisip mo ba ang napakalaking pribilehiyo mo na ituro at ipadama sa iyong mga anak ang pagmamahal at pagsasanggalang ng isang ama? Gayundin, kung mayroon kang mga anak-anakan o ampon, tandaan ang halimbawa ni Jose at ituring na natatangi at mahalaga ang bawat anak. Tulungan silang maging mas malapít sa kanilang Ama sa langit, ang Diyos na Jehova.Basahin ang  Efeso 6:4.

Nagtiyaga si Jose Nang May Katapatan

28, 29. (a) Ano ang isinisiwalat ng mga salita sa Lucas 2:51, 52 tungkol kay Jose? (b) Anong papel ang ginampanan ni Jose upang sumulong sa karunungan ang kaniyang anak?

28 Pagkatapos nito, bahagya na lang ang ulat ng Bibliya tungkol kay Jose, pero mahalagang isaalang-alang ito. Mababasa natin na si Jesus ay “patuloy [na] nagpasakop sa kanila”​—sa kaniyang mga magulang. Nalaman din natin na “si Jesus ay patuloy na sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa lingap ng Diyos at ng mga tao.” (Basahin ang Lucas 2:51, 52.) Ano ang isinisiwalat ng mga salitang ito tungkol kay Jose? Marami. Natutuhan natin na patuloy na nanguna si Jose sa kaniyang pamilya, dahil iginalang ng kaniyang sakdal na anak ang awtoridad niya bilang ama at patuloy na nagpasakop sa kaniya.

29 Nalaman pa natin na patuloy na sumulong si Jesus sa karunungan. Tiyak na napakalaki ng naitulong sa kaniya ni Jose. May kasabihan noon ang mga Judio na mababasa pa rin ngayon. Sinasabi nito na tanging ang mga lalaking may libreng panahon ang talagang nagiging marunong, pero ang mga manggagawa, gaya ng karpintero, magsasaka, at panday, ay “hindi makapaghahayag ng katarungan at kahatulan; at hindi sila masusumpungan kung saan may usapan tungkol sa mga talinghaga.” Nang maglaon, pinatunayan ni Jesus na hindi totoo ang kasabihang iyon. Noong bata siya, napakadalas niyang marinig ang kaniyang ama-amahan na may-kahusayang nagtuturo tungkol sa “katarungan at kahatulan” ni Jehova, kahit karpintero lang ito!

30. Paano nagpakita si Jose ng halimbawa para sa mga ulo ng pamilya ngayon?

30 Makikita rin natin ang impluwensiya ni Jose sa pisikal na paglaki ni Jesus. Dahil naalagaang mabuti, si Jesus ay lumaking malakas at malusog. Isa pa, sinanay ni Jose ang kaniyang anak na maging bihasa sa pagtatrabaho. Nakilala si Jesus hindi lang bilang anak ng karpintero kundi bilang “ang karpintero.” (Mar. 6:3) Kaya naging matagumpay ang pagsasanay ni Jose. May-katalinuhang tinutularan ng mga ulo ng pamilya si Jose, anupat inaalagaan ang kanilang mga anak at tinitiyak na masusuportahan ng mga ito ang kanilang sarili balang-araw.

31. (a) Batay sa ipinahihiwatig ng ebidensiya, kailan namatay si Jose? (Ilakip ang  kahon.) (b) Anong halimbawa ang iniwan ni Jose para tularan natin?

31 Pagdating natin sa ulat ng Bibliya tungkol sa bautismo ni Jesus sa edad na mga 30, hindi na binabanggit si Jose. Ipinahihiwatig ng ebidensiya na biyuda na si Maria nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo. (Tingnan ang kahong “ Kailan Namatay si Jose?”) Gayunman, nag-iwan si Jose ng napakagandang halimbawa ng isang ama na nagprotekta sa kaniyang pamilya, naglaan sa kanila, at nagtiyaga nang may katapatan hanggang sa wakas. Ang pananampalataya ni Jose ay dapat tularan ng lahat ng ama, ulo ng pamilya, o ng sinumang Kristiyano.

a Noong panahong iyon, ang magkatipan ay itinuturing na parang mag-asawa na.

b Ang “bituin” na ito ay hindi isang karaniwang bituin sa langit; ni nanggaling man iyon sa Diyos. Maliwanag na ang kababalaghang iyon ay bahagi ng napakasamang pakana ni Satanas na patayin si Jesus.

c Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang unang himala ni Jesus, ang “pasimula ng kaniyang mga tanda,” ay ginawa niya matapos siyang bautismuhan.​—Juan 2:1-11.