Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 23

Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad

Tinuruan Siya ng Panginoon na Maging Mapagpatawad

1. Ano ang maaaring pinakamasaklap na sandali sa buhay ni Pedro?

HINDING-HINDI malilimutan ni Pedro nang magkatinginan sila ni Jesus. May nakita ba siyang hinanakit o panunumbat sa mga mata ni Jesus? Hindi natin alam; sinasabi lang ng kinasihang ulat na “ang Panginoon ay bumaling at tumingin kay Pedro.” (Luc. 22:61) Ngunit sa isang tingin na iyon, nadama ni Pedro ang bigat ng kaniyang pagkakamali. Natanto ni Pedro na ginawa niya ang inihula ni Jesus, ang mismong bagay na sinabi niyang hinding-hindi niya gagawin​—itinatwa niya ang minamahal niyang Panginoon. Lumung-lumo si Pedro, at ito na marahil ang pinakamasaklap na sandali sa kaniyang buhay.

2. Anong aral ang kailangang matutuhan ni Pedro, at paano tayo makikinabang sa kaniyang karanasan?

2 Pero hindi pa huli ang lahat. Dahil malaki ang pananampalataya ni Pedro, may pagkakataon pa siyang ituwid ang kaniyang pagkakamali at matutuhan mula kay Jesus ang isang napakahalagang aral​—ang pagpapatawad. Kailangan din itong matutuhan ng bawat isa sa atin, kaya subaybayan natin ang pangyayaring ito sa buhay ni Pedro.

Isang Tao na Marami Pang Dapat Matutuhan

3, 4. (a) Ano ang itinanong ni Pedro kay Jesus, at ano ang maaaring iniisip ni Pedro? (b) Paano ipinakita ni Jesus na naimpluwensiyahan si Pedro ng saloobing laganap noon?

3 Mga anim na buwan bago nito, sa Capernaum, lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong: “Panginoon, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at magpapatawad ako sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?” Maaaring iniisip ni Pedro na marami na iyon. Itinuturo kasi ng mga lider ng relihiyon noon na tatlong beses lang dapat magpatawad! Sumagot si Jesus: “Hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.”​—Mat. 18:21, 22.

4 Ibig bang sabihin ni Jesus, kailangang bilangin ni Pedro ang mga pagkakamaling nagawa sa kaniya? Hindi; sa halip, nang gawin niyang 77 ang binanggit ni Pedro na 7, sinasabi niyang dahil sa pag-ibig ay hindi tayo dapat magbilang ng pagkakamali. (1 Cor. 13:4, 5) Ipinakita ni Jesus na naimpluwensiyahan si Pedro ng walang-awa at di-mapagpatawad na saloobing laganap noon, na para bang inililista ang bawat pagkakamali. Pero ayon sa pamantayan ng Diyos, dapat tayong magpatawad nang sagana.​—Basahin ang 1 Juan 1:7-9.

5. Kailan natin higit na nauunawaan ang tungkol sa pagpapatawad?

5 Hindi tinutulan ni Pedro ang sinabi ni Jesus. Pero talaga bang tumagos sa puso niya ang aral ni Jesus? Kung minsan, mas nauunawaan natin ang tungkol sa pagpapatawad kapag naiisip natin na tayo mismo ay nangangailangan nito. Kaya balikan natin ang mga pangyayari bago mamatay si Jesus. Sa mga oras na iyon, maraming nagawa si Pedro na nangailangan ng kapatawaran ng kaniyang Panginoon.

Maraming Beses na Pinatawad

6. Ano ang reaksiyon ni Pedro nang turuan ni Jesus ang mga apostol tungkol sa kapakumbabaan, pero paano siya pinakitunguhan ni Jesus?

6 Napakahalaga ng gabing iyon​—ang huling gabi ng buhay ni Jesus sa lupa. Marami pang gustong ituro si Jesus sa kaniyang mga apostol—​isa na rito ang kapakumbabaan. Nagpakita si Jesus ng halimbawa ng kapakumbabaan nang hugasan niya ang kanilang mga paa, isang trabaho na karaniwang ipinagagawa sa pinakamababang lingkod. Sa simula, kinuwestiyon ni Pedro ang ginagawa ni Jesus. Pagkatapos, tinanggihan niya ito. Sumunod, iginiit niyang hugasan ni Jesus hindi lang ang kaniyang mga paa kundi pati ang kaniyang mga kamay at ulo! Hindi nawalan ng pasensiya si Jesus, sa halip ay mahinahong ipinaliwanag ang kahalagahan at kahulugan ng ginagawa niya.​—Juan 13:1-17.

7, 8. (a) Sa anu-anong paraan sinubok ni Pedro ang pasensiya ni Jesus? (b) Paano pa nagpakita si Jesus ng mabait at mapagpatawad na saloobin?

7 Pagkatapos nito, nasubok na naman ni Pedro ang pasensiya ni Jesus. Nagtalu-talo uli ang mga apostol kung sino sa kanila ang pinakadakila, at tiyak na kasali rito si Pedro. Gayunpaman, may-kabaitan silang itinuwid ni Jesus at pinapurihan pa nga ang magandang nagawa nila​—naging tapat sila sa kanilang Panginoon. Pero inihula niya na iiwan nila siya. Sumagot si Pedro na hindi niya iiwan si Jesus kahit pa sa harap ng kamatayan. Bilang tugon, inihula ni Jesus na tatlong ulit na ikakaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon sa mismong gabing iyon bago tumilaok ang tandang nang makalawang ulit. Pero hindi lang tinutulan ni Pedro si Jesus kundi ipinagmalaki pang magiging mas tapat siya kaysa sa ibang mga apostol!​—Mat. 26:31-35; Mar. 14:27-31; Luc. 22:24-28; Juan 13:36-38.

8 Malapit na bang maubos ang pasensiya ni Jesus kay Pedro? Ang totoo, kahit sa mahirap na panahong ito, hinahanap pa rin ni Jesus ang mabubuting katangian ng kaniyang di-sakdal na mga apostol. Alam niyang bibiguin siya ni Pedro, pero sinabi Niya: “Nagsumamo na ako para sa iyo na ang iyong pananampalataya ay huwag manghina; at ikaw, kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Luc. 22:32) Ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siyang magsisisi si Pedro at muling maglilingkod nang tapat. Isa nga itong mabait at mapagpatawad na saloobin!

9, 10. (a) Paano kinailangang ituwid si Pedro sa hardin ng Getsemani? (b) Ano ang ipinaaalaala sa atin ng nangyari kay Pedro?

9 Nang maglaon, sa hardin ng Getsemani, kinailangang ituwid si Pedro nang ilang beses. Hiniling ni Jesus sa kaniya, gayundin kina Santiago at Juan, na patuloy na magbantay habang nananalangin Siya. Dumaranas si Jesus ng matinding pamimighati at kailangan niya ng suporta, pero laging nakakatulog si Pedro at ang mga kasama niya. Ngunit inunawa at pinatawad sila ni Jesus, at sinabi: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”​—Mar. 14:32-41.

10 Di-nagtagal, dumating ang mga mang-uumog na may dalang mga sulo at armado ng mga tabak at pamalo. Kailangan nilang maging maingat. Pero nagpadalus-dalos si Pedro. Bigla niyang iwinasiwas ang tabak sa ulo ni Malco, isang alipin ng mataas na saserdote, at tinagpas ang tainga nito. Mahinahong itinuwid ni Jesus si Pedro, pinagaling ang sugat ni Malco, at ipinaliwanag ang isang simulain tungkol sa pag-iwas sa karahasan na sinusunod pa rin ng Kaniyang mga tagasunod hanggang sa ngayon. (Mat. 26:47-55; Luc. 22:47-51; Juan 18:10, 11) Marami nang nagawang pagkakamali si Pedro na kinailangang patawarin ng kaniyang Panginoon. Ipinaaalaala nito sa atin na tayong lahat ay madalas na nagkakasala. (Basahin ang Santiago 3:2.) Sino ba sa atin ang hindi nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos sa araw-araw? Pero may mangyayari pa kay Pedro sa gabing iyon. Magagawa niya ang pinakamabigat niyang pagkakamali.

Ang Pinakamabigat na Pagkakamali ni Pedro

11, 12. (a) Paano nagpakita ng lakas ng loob si Pedro nang arestuhin si Jesus? (b) Bakit masasabing hindi pa naipakikita ni Pedro ang sinabi niyang handa niyang gawin?

11 Sinabi ni Jesus sa mga mang-uumog na kung siya ang hinahanap nila, dapat nilang palayain ang mga apostol niya. Walang magawa si Pedro nang igapos ng mga mang-uumog si Jesus. Pagkatapos, tumakas siya gaya ng ginawa ng ibang mga apostol.

12 Huminto sina Pedro at Juan sa kanilang pagtakas, marahil malapit sa bahay ng dating mataas na saserdoteng si Anas, kung saan unang dinala si Jesus para pagtatanungin. Nang ilipat si Jesus mula roon, sumunod sina Pedro at Juan pero “sa malayo.” (Mat. 26:58; Juan 18:12, 13) Hindi duwag si Pedro. Kailangan ang lakas ng loob sa ginawa niyang ito. Armado ang mga mang-uumog, at nasugatan na ni Pedro ang isa sa kanila. Pero hindi pa naipakikita ni Pedro ang matapat na pag-ibig na sinasabi niya​—na handa siyang mamatay na kasama ng kaniyang Panginoon kung kailangan.​—Mar. 14:31.

13. Ano ang tanging paraan para lubos na masundan si Kristo?

13 Gaya ni Pedro, marami sa ngayon ang sumusunod kay Kristo “sa malayo”​—sa paraang walang sinumang makapapansin. Pero gaya ng isinulat ni Pedro nang maglaon, ang tanging paraan para lubos na masundan ang Kristo ay ang manatiling malapít sa Kaniya, anupat tinutularan ang Kaniyang halimbawa sa lahat ng bagay, anuman ang mangyari.​—Basahin ang 1 Pedro 2:21.

14. Ano ang ginawa ni Pedro noong gabing nililitis si Jesus?

14 Maingat na sinundan ni Pedro ang mga dumakip kay Jesus hanggang sa makarating siya sa may pintuan ng isa sa pinakamalalaking mansiyon sa Jerusalem. Ito ang bahay ni Caifas, ang mayaman at makapangyarihang mataas na saserdote. Karaniwan na, ang ganitong mga bahay ay may looban sa pinakagitna at pintuan sa harap. Nakarating doon si Pedro pero hindi siya pinapasok. Si Juan naman ay nakapasok na dahil kilala niya ang mataas na saserdote, kaya lumapit siya sa bantay-pinto para papasukin nito si Pedro. Lumilitaw na hindi sumabay si Pedro kay Juan, ni sinikap man niyang pumasok sa bahay para suportahan ang kaniyang Panginoon. Nanatili siya sa looban, kung saan nagpapainit sa sigâ ang ilang alipin at lingkod dahil maginaw noon. Pinagmamasdan niya na isa-isang pumapasok ang mga bulaang saksi laban kay Jesus habang nililitis siya sa loob.​—Mar. 14:54-57; Juan 18:15, 16, 18.

15, 16. Ipaliwanag kung paano natupad ang hula ni Jesus tungkol sa tatlong pagkakaila ni Pedro.

15 Dahil sa sigâ, mas naaninaw ng babaing nagpapasok kay Pedro ang mukha niya kaya nakilala siya nito. Sinabi ng babae: “Ikaw rin ay kasama ni Jesus na taga-Galilea!” Dahil nabigla si Pedro, ikinaila niya si Jesus at sinabi pa nga niyang hindi niya alam kung ano ang sinasabi ng babae. Lumipat si Pedro malapit sa bahay-pintuan para hindi siya mapansin ng iba. Pero nakilala siya ng isa pang babae, at sinabi rin nito: “Ang taong ito ay kasama ni Jesus na Nazareno.” Sumumpa si Pedro: “Hindi ko kilala ang taong iyon!” (Mat. 26:69-72; Mar. 14:66-68) Malamang na pagkatapos ng pangalawang pagkakailang ito, narinig ni Pedro ang pagtilaok ng tandang. Pero dahil litung-lito siya sa mga pangyayari, hindi niya naalaala ang inihula ni Jesus mga ilang oras lang ang nakalilipas.

16 Sinisikap pa rin ni Pedro na hindi siya mapansin. Pero isang grupo ng mga taong nakatayo sa looban ang lumapit sa kaniya. Ang isa sa kanila ay kamag-anak ni Malco, ang alipin na nasugatan ni Pedro. Sinabi niya kay Pedro: “Nakita kitang kasama niya sa hardin, hindi ba?” Napilitan si Pedro na kumbinsihin silang hindi iyon totoo. Kaya sinabi niyang kung nagsisinungaling siya, sumpain na sana siya. Iyan ang ikatlong pagkakaila ni Pedro. Pagkasabi niya nito, narinig niya ang ikalawang pagtilaok ng tandang nang gabing iyon.​—Juan 18:26, 27; Mar. 14:71, 72.

“Ang Panginoon ay bumaling at tumingin kay Pedro”

17, 18. (a) Ano ang reaksiyon ni Pedro nang matanto niyang binigo niya nang husto ang kaniyang Panginoon? (b) Ano ang maaaring nasa isip ni Pedro?

17 Kalalabas pa lang ni Jesus sa balkonahe kung saan matatanaw ang looban. Nang sandaling iyon, na inilarawan sa pasimula ng kabanatang ito, nagkatinginan sila ni Pedro. Noon natanto ni Pedro na binigo niya nang husto ang kaniyang Panginoon. Lumabas si Pedro sa looban na sising-sisi sa nagawa niya. Nakarating siya sa mga lansangan ng lunsod na natatanglawan ng liwanag ng buwan. Umagos ang kaniyang mga luha. Nanlupaypay siya at tumangis nang may kapaitan.​—Mar. 14:72; Luc. 22:61, 62.

18 Sa ganitong kalagayan, kadalasan nang maiisip ng isang tao na napakabigat ng nagawa niyang kasalanan at wala na itong kapatawaran. Baka iyan ang nasa isip ni Pedro. Gayon nga ba?

Hindi Na ba Mapatatawad si Pedro?

19. Ano ang nadama ni Pedro tungkol sa kaniyang pagkakamali, pero paano natin nalaman na hindi siya nagpadaig sa pagkasira ng loob?

19 Hindi natin lubos na maiisip ang tindi ng kirot na nadama ni Pedro nang mag-uumaga na at nang makita niya kung ano ang nangyayari kay Jesus. Tiyak na sinisi niya ang kaniyang sarili nang mamatay si Jesus noong araw na iyon matapos ang ilang oras ng matinding paghihirap! Lumung-lumo si Pedro sa tuwing maiisip niyang nakaragdag pa siya sa kirot na nadama ng kaniyang Panginoon sa huling araw ng Kaniyang buhay bilang tao. Sa kabila ng labis na kalungkutan ni Pedro, hindi siya nagpadaig sa pagkasira ng loob. Alam natin ito dahil sinasabi ng ulat na sumama siyang muli sa mga kapuwa niya alagad. (Luc. 24:33) Tiyak na lungkot na lungkot ang lahat ng apostol dahil sa iginawi nila nang gabing iyon, kaya inaliw nila ang isa’t isa.

20. Ano ang matututuhan natin sa isa sa pinakamatalinong desisyon ni Pedro?

20 Sa pangyayaring ito, makikita natin ang isa sa pinakamatalinong desisyon ni Pedro. Kapag nabuwal ang isang lingkod ng Diyos, ang mahalaga ay hindi ang tindi ng kaniyang pagkabuwal kundi ang tindi ng kaniyang determinasyong bumangong muli para ituwid ang mga bagay-bagay. (Basahin ang Kawikaan 24:16.) Ipinakita ni Pedro ang tunay na pananampalataya nang makipagtipon siyang muli sa kaniyang mga kapatid kahit nanlulumo siya. Kapag ang isa ay nalulungkot, karaniwan nang ibinubukod niya ang kaniyang sarili pero mapanganib ito. (Kaw. 18:1) Ang matalinong gawin ay patuloy na makisama sa mga kapananampalataya para muling lumakas ang espirituwalidad.​—Heb. 10:24, 25.

21. Dahil nakikipagtipon si Pedro sa mga kapuwa niya alagad, anong balita ang narinig niya?

21 Dahil kasama si Pedro ng mga kapuwa niya alagad, narinig niya ang nakagigitlang balita na nawawala ang bangkay ni Jesus. Tumakbo sina Pedro at Juan sa pinaglibingan kay Jesus na sinarhan ang pasukan. Malamang na mas naunang dumating si Juan dahil mas bata siya. Nang makita niyang bukás ang libingan, nag-atubili siyang pumasok. Pero hindi si Pedro. Kahit humihingal pa, pumasok siya sa libingan, ngunit wala itong laman!​—Juan 20:3-9.

22. Bakit napawi ang lahat ng kalungkutan at pag-aalinlangan sa puso ni Pedro?

22 Naniwala ba si Pedro na binuhay-muli si Jesus? Sa simula ay hindi, kahit pa nga iniulat ng tapat na mga babae na nagpakita sa kanila ang mga anghel para sabihing ibinangon na si Jesus mula sa mga patay. (Luc. 23:55–24:11) Ngunit bago matapos ang araw na iyon, napawi na ang lahat ng kalungkutan at pag-aalinlangan sa puso ni Pedro. Buháy si Jesus, at isa na siyang makapangyarihang espiritu! Nagpakita si Jesus sa lahat ng kaniyang apostol. Pero may ginawa muna siya. Sinabi ng mga apostol nang araw na iyon: “Katotohanan ngang ibinangon ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon!” (Luc. 24:34) Nang maglaon, isinulat din ni apostol Pablo ang tungkol sa natatanging araw na iyon nang si Jesus ay “nagpakita . . . kay Cefas, pagkatapos ay sa labindalawa.” (1 Cor. 15:5) Ang Cefas at Simon ay mga pangalan din ni Pedro. Nagpakita si Jesus sa kaniya nang araw na iyon​—maliwanag na noong nag-iisa si Pedro.

Maraming nagawang pagkakamali si Pedro na kinailangang patawarin ng kaniyang Panginoon, pero sino ba sa atin ang hindi nangangailangan ng kapatawaran sa araw-araw?

23. Bakit mahalagang tandaan ng mga nagkasalang Kristiyano ang karanasan ni Pedro?

23 Hindi iniulat ng Bibliya ang mga detalye ng nakaaantig na pagkikitang iyon nina Jesus at Pedro. Pero makatitiyak tayong tuwang-tuwa si Pedro na makitang buháy na uli ang kaniyang minamahal na Panginoon at magkaroon siya ng pagkakataong ipahayag ang kaniyang kalungkutan at pagsisisi. Higit sa lahat, gusto ni Pedro na mapatawad siya. Tiyak na lubusan siyang pinatawad ni Jesus! Mahalagang tandaan ng mga nagkasalang Kristiyano ang karanasan ni Pedro. Hindi natin dapat isipin na hinding-hindi na tayo mapatatawad ng Diyos. Lubusang tinutularan ni Jesus ang kaniyang Ama, na ‘magpapatawad nang sagana.’​—Isa. 55:7.

Higit Pang Patotoo ng Pagpapatawad

24, 25. (a) Ilarawan ang nangyari nang mangisda si Pedro sa Dagat ng Galilea nang gabing iyon. (b) Ano ang reaksiyon ni Pedro sa himalang ginawa ni Jesus kinaumagahan?

24 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na magpunta sa Galilea, kung saan muli silang magkikita. Pagdating nila roon, nagpasiya si Pedro na mangisda sa Dagat ng Galilea. Sumama rin ang iba. Muli, si Pedro ay nasa lawa kung saan ginugol niya ang maraming taon ng kaniyang buhay. Ang langitngit ng bangka, ang hampas ng alon, at ang magaspang na lambat sa kaniyang mga kamay ay malamang na nagpaalaala sa kaniya ng dati niyang buhay. Wala silang nahuling isda nang gabing iyon.​—Mat. 26:32; Juan 21:1-3.

Tumalon si Pedro mula sa bangka at lumangoy patungo sa dalampasigan

25 Nang mag-uumaga na, isang tao sa dalampasigan ang nagsabi sa mga mangingisda na ihagis nila ang kanilang lambat sa kabilang panig ng bangka. Sumunod sila at nakahuli ng 153 isda! Kilala ni Pedro kung sino ang taong iyon. Tumalon siya mula sa bangka at lumangoy patungo sa dalampasigan. Doon, pinakain ni Jesus ang kaniyang tapat na mga kaibigan ng inihaw na isda. Nagtuon siya ng pansin kay Pedro.​—Juan 21:4-14.

26, 27. (a) Anong pagkakataon ang tatlong beses na ibinigay ni Jesus kay Pedro? (b) Paano ipinakita ni Jesus na lubos na niyang pinatawad si Pedro?

26 Tinanong ni Jesus si Pedro kung iniibig ba niya ang kaniyang Panginoon “nang higit kaysa sa mga ito”​—malamang na habang itinuturo ang mga nahuling isda. Alin kaya ang mas matimbang sa puso ni Pedro, ang pangingisda o ang pag-ibig kay Jesus? Kung paanong tatlong beses ikinaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon, tatlong beses din siyang binigyan ni Jesus ng pagkakataong patunayan ang kaniyang pag-ibig sa harap ng mga kasamahan niya. Sinabi sa kaniya ni Jesus kung paano niya maipakikita ang pag-ibig na iyon: sa pamamagitan ng pag-una sa sagradong paglilingkod, anupat pinakakain, pinatitibay, at pinapastulan ang kawan ni Kristo, ang Kaniyang tapat na mga tagasunod.​—Luc. 22:32; Juan 21:15-17.

27 Sa gayon, pinatunayan ni Jesus na mahalaga pa rin si Pedro sa kaniya at sa kaniyang Ama. Gaganap siya ng isang mahalagang papel sa kongregasyon na pinangangasiwaan ni Kristo. Isa ngang malaking patotoo na lubos na siyang pinatawad ni Jesus! Tiyak na naantig si Pedro sa awa na ipinakita sa kaniya.

28. Paano ipinakita ni Pedro na karapat-dapat siya sa kaniyang pangalan?

28 Sa loob ng maraming taon, naging tapat si Pedro sa kaniyang atas. Pinatibay niya ang kaniyang mga kapatid, gaya ng iniutos ni Jesus noong gabi bago Siya mamatay. Naging mabait at matiisin si Pedro sa pagpapastol at pagpapakain sa mga tagasunod ni Kristo. Pinatunayan ni Simon na karapat-dapat siya sa pangalang ibinigay sa kaniya ni Jesus​—Pedro, o Bato—​sa pamamagitan ng pagiging matatag, matibay, at maaasahang impluwensiya sa kongregasyon. Pinatotohanan ito ng dalawang maibiging liham na isinulat ni Pedro na naging mahahalagang aklat ng Bibliya. Ipinakikita rin ng mga liham na iyon na hindi kailanman nakalimutan ni Pedro ang aral sa pagpapatawad na itinuro sa kaniya ni Jesus.​—Basahin ang 1 Pedro 3:8, 9; 4:8.

29. Paano natin matutularan ang pananampalataya ni Pedro at ang pagiging maawain ng kaniyang Panginoon?

29 Nawa’y matutuhan din natin ang aral na iyon. Araw-araw ba tayong humihingi ng tawad sa Diyos para sa ating mga pagkakamali? Pagkatapos, nadarama ba natin na pinatawad na tayo anupat hindi na tayo binabagabag ng ating budhi? At nagpapatawad ba tayo sa mga nagkakasala sa atin? Kung oo, tinutularan natin ang pananampalataya ni Pedro​—at ang pagiging maawain ng kaniyang Panginoon.