Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TANONG 8

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Seksuwal na Pang-aabuso?

Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Seksuwal na Pang-aabuso?

KUNG BAKIT ITO MAHALAGA

Bawat taon, milyon-milyon ang nire-rape o minomolestiya, at mga kabataan ang pangunahing biktima.

ANO ANG GAGAWIN MO?

Isinalya si Annette ng lalaking gustong humalay sa kaniya. “Nanlaban ako,” ang sabi niya. “Sumigaw ako pero walang boses na lumabas. Itinulak ko siya, sinipa, sinuntok, at kinalmot. Pero nang maramdaman ko ang talim ng kutsilyo, bigla akong nawalan ng lakas.”

Kung ikaw ang nasa ganoong sitwasyon, ano ang gagawin mo?

MAG-ISIP MUNA!

Kahit nakahanda ka—marahil alisto ka kapag ginagabi sa daan— posible pa ring may mangyaring masama. “Ang takbuhan ay hindi sa matutulin,” ang sabi ng Bibliya, “ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman; sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11.

Ang ilang kabataan, gaya ni Annette, ay nabibiktima ng taong hindi nila kilala. Ang iba naman ay ng taong kilala nila o ng kapamilya pa nga. Ganiyan ang nangyari kay Natalie, 10 taóng gulang. Minolestiya siya ng tin-edyer na kapitbahay nila. “Takót na takót ako at hiyang-hiya, kaya wala muna akong pinagsabihan,” ang sabi niya.

WALA KANG KASALANAN

Sinisisi pa rin ni Annette ang sarili niya sa nangyari. “Lagi kong naaalaala ang gabing iyon,” ang sabi niya. “Naiisip ko, sana mas nanlaban pa ako. Ang totoo, nang masaksak ako, hindi na ako nakagalaw sa sobrang takot. Wala na akong nagawa, pero dapat sana, may ginawa pa ako.”

Sinisisi rin ni Natalie ang sarili niya. “Hindi ako dapat basta-basta nagtiwala,” ang sabi niya. “Sinabihan na kami ng mga magulang namin na dapat, lagi kaming magkasama ng kapatid ko kapag naglalaro sa labas, pero hindi ako nakinig. Kaya parang binigyan ko ng pagkakataon ang kapitbahay namin na pagsamantalahan ako. Sobrang nasaktan ang pamilya ko, at pakiramdam ko, ako ang may kasalanan. ’Yon ang pinakamasakit.”

Kung sinisisi mo rin ang iyong sarili gaya nina Annette at Natalie, tandaan na ang isang ni-rape ay biktima lang at hindi niya iyon ginusto. Pinagagaan ng ilang tao ang isyu sa pagsasabing normal lang sa mga lalaki na gawin iyon o na ginusto rin iyon ng biktima. Pero sino ba naman ang gustong ma-rape? Kung biktima ka ng ganitong karumal-dumal na krimen, wala kang kasalanan!

Siyempre pa, madaling sabihing “wala kang kasalanan,” pero baka mahirap itong paniwalaan. Ang ilan ay nananahimik na lang tungkol sa nangyari kaya sinisisi nila ang kanilang sarili at nakadarama sila ng mga negatibong emosyon. Pero kung mananahimik ka, sino ang talo—ikaw o ang nang-abuso sa iyo? Huwag kang basta magpatalo. May magagawa ka.

IPAGTAPAT ANG NANGYARI

Sinasabi ng Bibliya na noong sobra-sobra na ang problema ng tapat na si Job, sinabi niya: “Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!” (Job 10:1) Baka makabuti rin sa iyo kung gagawin mo iyan. Kung ipagtatapat mo sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan ang nangyari, matutulungan ka nito na maka-recover.

Baka napakabigat ng iyong kalooban. Humingi ka ng tulong at ipakipag-usap iyon sa iba.

Napatunayan ni Annette na totoo iyon. Sinabi niya: “Nakipag-usap ako sa isang malapít na kaibigan, at pinayuhan niya akong lumapit sa mga elder sa kongregasyon namin. Buti na lang, sinunod ko siya. Ilang beses nila akong kinausap at sinabi sa ’kin ang mga kailangan kong marinig—na hindi ko ito kasalanan. Wala akong kasalanan.”

Ipinagtapat ni Natalie sa kaniyang mga magulang ang tungkol sa pang-aabuso. “Inalalayan nila ako,” ang sabi niya. “Sinabi nilang huwag akong mahiyang magkuwento, at nakatulong iyon para hindi maipon ang lungkot at galit na nararamdaman ko.”

Malaking tulong din kay Natalie ang panalangin. “Natulungan ako ng pakikipag-usap sa Diyos,” ang sabi niya, “lalo na no’ng mga panahong hindi ko pa kayang magtapat sa iba. Kapag nananalangin ako, nasasabi ko lahat, kaya gumagaan ang pakiramdam ko.”

Mararanasan mo rin ang “panahon ng pagpapagaling.” (Eclesiastes 3:3) Ingatan ang iyong pisikal at emosyonal na kalusugan. Magpahinga kung kailangan. Higit sa lahat, umasa sa Diyos ng buong kaaliwan, si Jehova.—2 Corinto 1:3, 4.

KAPAG NASA EDAD KA NA PARA MAKIPAG-DATE

Kung isa kang babae at ginigipit kang gumawa ng di-tama, walang masama kung sasabihin mong, “Tumigil ka!” o “Alisin mo ’yang kamay mo!” Huwag kang matakot na iwan ka ng boyfriend mo. Kung makikipag-break siya sa iyo dahil dito, okey lang. Hindi mo kailangan ang ganiyang boyfriend! Ang bagay sa iyo, isang tunay na lalaking rerespeto sa iyo at sa iyong prinsipyo.

QUIZ TUNGKOL SA SEXUAL HARASSMENT

“Noong haiskul ako, hinihila ng ilang kabataang lalaki ang istrap ng bra ko sa likod at may sinasabing bastos, gaya ng mag-e-enjoy daw ako kapag nakipag-sex ako sa kanila.”—Coretta.

Sa tingin mo, ang ginagawa ba ng mga kabataang lalaking iyon ay

  1. Pagbibiro?

  2. Pagpi-flirt?

  3. Sexual harassment?

“Sa bus, sinabihan ako ng isang kabataang lalaki ng mga salitang bastos at hinawakan ako. Tinampal ko ang kamay niya at sinabihan siyang lumayo. Tiningnan niya ako na para bang nababaliw na ako.”—Candice.

Ano sa tingin mo ang ginagawa ng lalaking ito kay Candice?

  1. Pagbibiro?

  2. Pagpi-flirt?

  3. Sexual harassment?

“Noong nakaraang taon, laging sinasabi sa akin ng isang kabataang lalaki na gusto niya ako at gusto niyang mag-date kami, kahit lagi akong tumatanggi. Kung minsan, hinahaplos niya ang braso ko. Sinasabihan ko siyang tumigil, pero tuloy pa rin siya. Tapos, no’ng itinatali ko ang sintas ng sapatos ko, pinalo niya ang puwit ko.”—Bethany.

Sa tingin mo, ang ginagawa ba ng lalaking ito ay:

  1. Pagbibiro?

  2. Pagpi-flirt?

  3. Sexual harassment?

Ang tamang sagot sa tatlong tanong ay C.

Ano ang kaibahan ng sexual harassment sa pagpi-flirt o pagbibiro?

Sa sexual harassment, ang gumagawa lang nito ang nag-eenjoy, pero kahihiyan naman para sa biktima. Nagpapatuloy iyon kahit sabihan niya ang nambabastos na tumigil.

Seryosong bagay ang harassment. Puwede rin itong mauwi sa seksuwal na karahasan.