Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 4

Bakit Dapat Nating Igalang ang Awtoridad?

Bakit Dapat Nating Igalang ang Awtoridad?

“Bigyang-dangal ninyo ang lahat ng uri ng tao, magkaroon kayo ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot kayo sa Diyos, parangalan ninyo ang hari.”—1 PEDRO 2:17.

1, 2. (a) Kaninong tagubilin ang kailangan nating sundin? (b) Anong mga tanong ang pag-aaralan natin sa kabanatang ito?

 NOONG bata ka pa, baka may mga panahong ayaw mong sumunod sa ipinapagawa ng mga magulang mo. Mahal mo sila at alam mong dapat mo silang sundin. Pero baka hindi mo sila gustong sundin lagi.

2 Alam natin na mahal tayo ng ating Ama, si Jehova. Inaalagaan niya tayo at tinitiyak niyang mayroon tayo ng lahat ng kailangan natin para maging masaya ang buhay natin. Binibigyan niya tayo ng mga tagubilin para magtagumpay tayo. Kung minsan, ginagamit niya ang ibang tao para magbigay ng tagubilin. Dapat nating igalang ang awtoridad ni Jehova. (Kawikaan 24:21) Pero bakit nahihirapan tayong sumunod kung minsan? Bakit hinihiling ni Jehova na sumunod tayo sa mga tagubilin? At paano natin ipinapakita na iginagalang natin ang awtoridad niya?—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 9.

BAKIT MAHIRAP SUMUNOD?

3, 4. Bakit hindi perpekto ang mga tao? Bakit mahirap para sa atin na sumunod sa tagubilin ng iba?

3 Ang tao ay may tendensiyang magrebelde. Totoo na iyan mula pa nang magkasala sina Adan at Eva. Kahit nilalang sila na perpekto, nagrebelde pa rin sila sa awtoridad ng Diyos. Mula noon, lahat ng tao ay ipinapanganak na hindi perpekto. Kaya naman nahihirapan tayong sumunod sa mga tagubilin ni Jehova at ng iba. Isa pa, hindi rin perpekto ang mga ginagamit ni Jehova para magbigay sa atin ng tagubilin.—Genesis 2:15-17; 3:1-7; Awit 51:5; Roma 5:12.

4 Dahil hindi tayo perpekto, may tendensiya tayong maging mayabang. Dahil sa pride, nahihirapan tayong sumunod sa tagubilin. Halimbawa, sa Israel, pinili ni Jehova si Moises para manguna sa bayan Niya. Pero ang lalaking si Kora, na maraming taon nang naglilingkod kay Jehova, ay naging mayabang at hindi nagpakita ng paggalang kay Moises. Kahit si Moises ang nangunguna sa bayan ng Diyos, hindi siya naging mayabang. Ang totoo, inilarawan siya bilang ang pinakamapagpakumbabang tao noong panahong iyon. Pero ayaw sundin ni Kora si Moises. Kinumbinsi pa nga niya ang marami na magrebelde rin kay Moises. Ano ang nangyari kay Kora at sa mga kasama niya? Pinatay sila. (Bilang 12:3; 16:1-3, 31-35) Maraming halimbawa sa Bibliya na nagpapakitang mapanganib ang pagiging ma-pride.—2 Cronica 26:16-21; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 10.

5. Paano inabuso ng ilan ang kapangyarihan nila?

5 Baka narinig mo na ang pananalitang, “Ang kapangyarihan ay nagpapasamâ.” Sa kasaysayan ng tao, marami ang umabuso sa kapangyarihan. (Basahin ang Eclesiastes 8:9.) Halimbawa, si Saul ay mabuti at mapagpakumbaba nang piliin siya ni Jehova na maging hari sa Israel. Pero hinayaan niyang tumubo sa puso niya ang pride at inggit, kaya inusig niya ang inosenteng si David. (1 Samuel 9:20, 21; 10:20-22; 18:7-11) Di-nagtagal, naging hari si David, at isa siya sa pinakamahusay na hari sa Israel. Pero umabuso rin siya sa kapangyarihan. Sinipingan niya si Bat-sheba, ang asawa ni Uria, at pagkatapos, sinubukan pa niyang itago ang kasalanan niya nang ipadala niya si Uria sa labanan para mamatay.—2 Samuel 11:1-17.

KUNG BAKIT IGINAGALANG NATIN ANG AWTORIDAD NI JEHOVA

6, 7. (a) Ano ang handa nating gawin dahil mahal natin si Jehova? (b) Ano ang tutulong sa atin na sumunod kahit hindi ito laging madaling gawin?

6 Sinusunod natin ang mga tagubilin ni Jehova dahil mahal natin siya. Mahal natin si Jehova higit kaninuman, kaya gusto natin siyang pasayahin. (Basahin ang Kawikaan 27:11; Marcos 12:29, 30.) Sa hardin ng Eden pa lang, gusto na ni Satanas na kuwestiyunin ng tao ang awtoridad ni Jehova. Gusto ng Diyablo na isipin nating walang karapatan si Jehova na sabihin sa atin kung ano ang dapat gawin. Pero alam nating kasinungalingan iyan. Sang-ayon tayo sa mga pananalitang ito: “O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, dahil nilalang mo ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 4:11.

7 Noong bata ka pa, baka tinuruan kang sumunod sa mga magulang mo kahit ayaw mo. Bilang mga lingkod ni Jehova, baka nahihirapan din tayong sumunod kung minsan. Pero dahil mahal at iginagalang natin si Jehova, ginagawa natin ang lahat para sundin siya. Magandang halimbawa si Jesus sa atin. Sumunod siya kay Jehova kahit hindi ito laging madaling gawin. Kaya masasabi niya sa kaniyang Ama: “Mangyari nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.”—Lucas 22:42; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 11.

8. Paano tayo pinapatnubayan ni Jehova? (Tingnan ang kahong “ Makinig sa Payo.”)

8 Sa ngayon, pinapatnubayan tayo ni Jehova sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, ibinigay niya sa atin ang Bibliya. Inilaan din niya ang mga elder sa kongregasyon. Iginagalang natin ang awtoridad ni Jehova kapag iginagalang natin ang mga ginagamit niya para patnubayan tayo. Kung tatanggihan natin ang tulong nila, para na rin nating tinanggihan si Jehova. Nang hindi sundin ng mga Israelita si Moises, nagalit si Jehova. Para sa Kaniya, siya mismo ang hindi nila sinunod.—Bilang 14:26, 27; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 12.

9. Paano tayo mapapakilos ng pag-ibig na sumunod sa tagubilin?

9 Kapag iginagalang natin ang awtoridad, ipinapakita nito na mahal din natin ang mga kapatid. Isipin ito: Kapag may likas na sakuna, madalas na nagtutulungan ang isang rescue team para mailigtas ang mas maraming tao hangga’t posible. Para magtagumpay ang team, kailangang may mangunguna sa kanila at kailangan ng bawat miyembro na sumunod sa tagubilin. Pero paano kung hindi susunod ang isang miyembro at basta na lang gagawin ang gusto niya? Kahit pa maganda ang intensiyon niya, kung hindi naman siya makikinig, puwedeng maging dahilan ito ng problema at maisapanganib ang buhay ng mga kasama niya. Puwede ring magdusa ang iba kapag hindi tayo sumusunod sa mga tagubilin mula kay Jehova at sa mga binigyan niya ng awtoridad. Pero kapag sinusunod natin si Jehova, ipinapakita nating mahal natin ang ating mga kapatid at iginagalang ang kaayusan niya.—1 Corinto 12:14, 25, 26.

10, 11. Ano ang pag-uusapan natin ngayon?

10 Lahat ng ipinapagawa sa atin ni Jehova ay para sa ikabubuti natin. Kapag iginagalang natin ang awtoridad sa pamilya, sa kongregasyon, at mga opisyal ng gobyerno, makikinabang ang lahat.—Deuteronomio 5:16; Roma 13:4; Efeso 6:2, 3; Hebreo 13:17.

11 Maigagalang natin ang iba kapag naintindihan natin kung bakit gusto ni Jehova na gawin natin ito. Pag-usapan natin nang detalyado kung paano natin maipapakita ang paggalang sa loob ng pamilya, kongregasyon, at gobyerno.

PAGGALANG SA LOOB NG PAMILYA

12. Paano maipapakita ng asawang lalaki na may paggalang siya sa awtoridad?

12 Si Jehova ang nagpasimula ng pamilya at binigyan niya ng papel ang bawat miyembro nito. Kapag naiintindihan ng bawat miyembro ang inaasahan sa kanila ni Jehova, magiging masaya sila at makikinabang ang buong pamilya. (1 Corinto 14:33) Inatasan ni Jehova ang mga asawang lalaki na maging ulo ng pamilya. Ibig sabihin, inaasahan ni Jehova na aalagaan niya at maibiging papatnubayan ang asawa niya at mga anak. Kaya mananagot ang asawang lalaki kay Jehova kung paano niya pinapangalagaan ang pamilya niya. Ang Kristiyanong asawang lalaki ay mabait at mapagmahal at nakikitungo sa pamilya niya gaya ng pakikitungo ni Jesus sa kongregasyon. Kapag ganiyan ang asawang lalaki, ipinapakita niyang iginagalang niya si Jehova.—Efeso 5:23; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 13.

13. Paano maipapakita ng asawang babae na may paggalang siya sa awtoridad?

13 Mahalaga rin ang papel ng Kristiyanong asawang babae. Sinusuportahan niya ang asawang lalaki habang ginagampanan nitong mabuti ang pagiging ulo ng pamilya. Tinutulungan din niya ang asawa niya sa pagsasanay sa mga anak nila. Kung magalang ang asawang babae, matuturuan niya ang mga anak niya na maging magalang. (Kawikaan 1:8) Iginagalang niya ang asawa niya at nakikipagtulungan sa mga desisyon nito. Kapag hindi siya sang-ayon sa asawa niya tungkol sa isang bagay, ipinapaliwanag niya ito sa mabait at magalang na paraan. Iba naman ang mga hamong napapaharap kapag hindi Saksi ang asawa ng isang Kristiyanong babae. Pero kung patuloy niyang mamahalin at igagalang ang asawa niya, baka dumating ang araw na gustuhin din nitong makilala si Jehova at sambahin siya.—Basahin ang 1 Pedro 3:1.

14. Paano maipapakita ng mga anak na may paggalang sila sa awtoridad?

14 Mahalaga kay Jehova ang mga anak, at kailangang-kailangan nila ng proteksiyon at patnubay. Kapag sinusunod ng mga anak ang mga magulang nila, napapasaya nila ang mga ito. Pero ang mas mahalaga, naipapakita nilang iginagalang nila si Jehova at napapasaya nila siya. (Kawikaan 10:1) Sa maraming pamilya, ang mga anak ay pinapalaki ng nagsosolong magulang. Baka napakahirap nito para sa magulang at mga anak. Pero kung masunurin ang mga anak at sinusuportahan nila ang nanay o tatay nila, mas nagiging masaya ang pamilya. Anuman ang sitwasyon, walang perpektong pamilya. Pero mas magiging masaya ang bawat pamilya kapag sinusunod ng bawat miyembro ang patnubay ni Jehova. Napapapurihan nito si Jehova, ang Tagapagpasimula ng pamilya.—Efeso 3:14, 15.

PAGGALANG SA LOOB NG KONGREGASYON

15. Paano natin maipapakita na iginagalang natin ang awtoridad sa loob ng kongregasyon?

15 Pinapatnubayan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano, at kay Jesus niya ibinigay ang awtoridad dito. (Colosas 1:18) Inatasan naman ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin” na pangalagaan ang bayan ng Diyos sa lupa. (Mateo 24:45-47) Sa ngayon, ang “tapat at matalinong alipin” ay ang Lupong Tagapamahala. Ang Lupong Tagapamahala ang naglalaan ng kailangan natin sa tamang panahon para manatiling matibay ang pananampalataya natin. Sinusuportahan ng mga elder, ministeryal na lingkod, at tagapangasiwa ng sirkito ang mga kongregasyon sa buong mundo at tumatanggap sila ng mga tagubilin mula sa Lupong Tagapamahala. Responsibilidad nilang lahat na pangalagaan tayo. Mananagot sila kay Jehova kung paano nila ginagampanan ang responsibilidad nila. Kaya kapag iginagalang natin ang mga lalaking ito, iginagalang natin si Jehova.—Basahin ang 1 Tesalonica 5:12; Hebreo 13:17; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 14.

16. Bakit masasabing hinirang ng banal na espiritu ang mga elder at ministeryal na lingkod?

16 Tinutulungan ng mga elder at ministeryal na lingkod ang kongregasyon na manatiling tapat at nagkakaisa. Gaya natin, hindi rin sila perpekto. Kaya paano sila pinipili? Dapat maabot ng mga lalaking ito ang mga kuwalipikasyong nasa Bibliya. (1 Timoteo 3:1-7, 12; Tito 1:5-9) Ginamit ni Jehova ang banal na espiritu para isulat ng mga manunulat ng Bibliya ang mga kuwalipikasyong ito. Nananalangin kay Jehova ang mga elder para sa banal na espiritu kapag nagdedesisyon kung sino ang dapat hirangin bilang elder o ministeryal na lingkod. Malinaw na pinapangasiwaan ni Jesus at ni Jehova ang mga kongregasyon. (Gawa 20:28) Ang mga lalaking ito na inatasang tumulong at mangalaga sa atin ay regalo ng Diyos.—Efeso 4:8.

17. Para ipakita ang paggalang, ano ang kailangang gawin ng isang sister kung minsan?

17 Kung minsan, baka walang available na elder o ministeryal na lingkod na gaganap sa isang atas sa kongregasyon. Sa ganitong sitwasyon, puwedeng makatulong ang iba pang bautisadong brother. Pero kung wala talagang available na brother, puwedeng hilingan ang isang sister para gumanap ng atas na karaniwang ginagawa ng isang brother. Pero kailangan niyang maglagay ng lambong sa ulo, puwedeng isang scarf o sombrero. (1 Corinto 11:3-10) Sa ganiyang paraan, ipinapakita niyang iginagalang niya ang kaayusan ni Jehova sa pagkaulo, sa loob ng pamilya at ng kongregasyon.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 15.

PAGGALANG SA MGA OPISYAL NG GOBYERNO

18, 19. (a) Ano ang matututuhan natin sa Roma 13:1-7? (b) Paano natin ipinapakita ang paggalang sa gobyerno?

18 Sa ngayon, pinapayagan ni Jehova na magkaroon ng awtoridad ang mga gobyerno, kaya dapat natin silang igalang. Namumuno sila sa mga bansa at komunidad para maging maayos ang takbo ng mga ito at magbigay ng kinakailangang serbisyo. Sinusunod ng mga Kristiyano ang tagubilin sa Roma 13:1-7. (Basahin.) Iginagalang natin ang “nakatataas na mga awtoridad” at sinusunod ang mga batas ng bansa o komunidad na tinitirhan natin. Apektado ng mga batas na ito ang ating pamilya, negosyo, o mga pag-aari. Halimbawa, nagbabayad tayo ng buwis at ibinibigay natin ang tamang impormasyon na hinihiling ng gobyerno. Pero ano ang dapat nating gawin kung may ipinapagawa ang gobyerno na labag sa batas ng Diyos? Sinabi ni apostol Pedro: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:28, 29.

19 Kung kailangan nating humarap sa isang opisyal ng gobyerno, gaya ng hukom o pulis, dapat tayong maging magalang. Iginagalang ng mga kabataang Kristiyano ang mga guro nila at ibang empleado sa eskuwelahan. Sa trabaho, iginagalang natin ang ating amo o manager, kahit hindi ito ginagawa ng iba. Sa paggawa nito, tinutularan natin si apostol Pablo, na naging magalang sa mga opisyal kahit mahirap ito kung minsan. (Gawa 26:2, 25) Kahit hindi mabait makitungo sa atin ang iba, magalang pa rin tayo.—Basahin ang Roma 12:17, 18; 1 Pedro 3:15.

20, 21. Anong magagandang bagay ang puwedeng mangyari kapag iginagalang natin ang iba?

20 Sa buong mundo, nawawalan na ng paggalang ang mga tao. Pero sinisikap ng mga lingkod ni Jehova na igalang ang lahat. Sinusunod natin ang tagubilin ni apostol Pedro: “Bigyang-dangal ninyo ang lahat ng uri ng tao.” (1 Pedro 2:17) Kapag iginagalang natin ang iba, napapansin nila ito. Sinabi ni Jesus: “Pasikatin . . . ninyo ang inyong liwanag sa mga tao, para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo at purihin ang inyong Ama.”—Mateo 5:16.

21 Kapag magalang tayo sa loob ng pamilya, kongregasyon, at iba pang bahagi ng buhay natin, baka maging interesado ang iba na matuto tungkol kay Jehova. At kapag iginagalang natin ang iba, si Jehova mismo ang iginagalang natin. Dahil diyan, napapasaya natin si Jehova at naipapakita nating mahal natin siya.