KABANATA 37
Pag-alaala kay Jehova at sa Kaniyang Anak
HALIMBAWANG may nagbigay sa iyo ng isang napakaespesyal na regalo. Ano ang gagawin mo?— Basta ka na lamang ba magpapasalamat at pagkatapos ay kalilimutan mo na ang nagbigay nito sa iyo? O aalalahanin mo siya at ang ginawa niya sa iyo?—
Ang Diyos na Jehova ay nagbigay sa atin ng isang napakaespesyal na regalo. Isinugo niya ang kaniyang Anak sa lupa upang mamatay para sa atin. Alam mo ba kung bakit kailangang mamatay si Jesus para sa atin?— Ito ay isang napakahalagang bagay na dapat nating maunawaan.
Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 23, si Adan ay nagkasala nang labagin niya ang sakdal na kautusan ng Diyos. At minana natin ang kasalanan mula kay Adan, ang ama nating lahat. Kaya, ano sa palagay mo ang kailangan natin?— Kailangan natin, wika nga, ang isang bagong ama, isa na may sakdal na buhay sa lupa. Sino sa palagay mo ang puwedeng maging gayong klase ng ama para sa atin?— Si Jesus.
Isinugo ni Jehova si Jesus sa lupa para maging gaya ng isang ama sa atin kapalit ni Adan. Ang Bibliya ay nagsasabi: “ ‘Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay.” Sino ba ang unang Adan?— Oo, ang isa na nilalang ng Diyos mula sa alabok ng lupa. Sino naman ang ikalawang Adan?— Si Jesus. Ipinakikita ito ng Bibliya nang sabihin nito: “Ang unang tao [si Adan] ay mula sa lupa at gawa sa alabok; ang ikalawang tao [si Jesus] ay mula sa langit.”—1 Corinto 15:45, 47; Genesis 2:7.
Yamang kinuha ng Diyos ang buhay ni Jesus mula sa langit at inilagay ito sa loob ng tiyan ng babaing si Maria, si Jesus ay hindi nakamana ng anumang kasalanan mula kay Adan. Ito ang dahilan kung bakit si Jesus ay Lucas 1:30-35) Ito rin ang dahilan kung bakit sinabi ng isang anghel sa mga pastol nang ipanganak si Jesus: “Ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas.” (Lucas 2:11) Pero para maging Tagapagligtas natin, ano muna ang kailangang gawin ng sanggol na si Jesus?— Kailangan muna siyang lumaki at maging isang tao na husto ang gulang, gaya ni Adan. Pagkatapos, si Jesus ay puwede nang maging ‘ang ikalawang Adan.’
isang sakdal na tao. (Si Jesus, ang ating Tagapagligtas, ay magiging “Walang-hanggang Ama” rin natin. Iyan ang tawag sa kaniya sa Bibliya. (Isaias 9:6, 7) Oo, ang sakdal na si Jesus ay maaaring maging ama natin kapalit ni Adan, na naging di-sakdal nang siya ay magkasala. Sa gayon ay puwede nating piliin ‘ang ikalawang Adan’ bilang ating ama. Mangyari pa, si Jesus mismo ay Anak ng Diyos na Jehova.
Kapag natuto tayo tungkol kay Jesus, matatanggap natin siya bilang Tagapagligtas natin. Natatandaan mo ba kung mula saan tayo kailangang mailigtas?— Oo, mula sa kasalanan at kamatayan na minana natin kay Adan. Ang sakdal na buhay bilang isang tao na husto ang gulang, na inihain, o ibinigay, ni Jesus para sa atin ay tinatawag na pantubos. Ibinigay ni Jehova ang pantubos para alisin ang ating mga kasalanan.—Mateo 20:28; Roma 5:8; 6:23.
Tiyak na hindi natin gustong kalimutan ang ginawa ng Diyos at ng kaniyang Anak para sa atin, hindi ba?— Ipinakita ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang isang pantanging paraan na makatutulong
sa atin upang maalaala ang kaniyang ginawa. Pag-usapan natin ito.Isipin mong ikaw ay nasa itaas na kuwarto ng isang bahay sa Jerusalem. Gabi noon. Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nasa isang mesa. Sa mesa, may inihaw na kordero, ilang lapad na tinapay, at mapulang alak. Espesyal ang kanilang pagkain. Alam mo ba kung bakit?—
Ang hapunang ito ay upang ipaalaala sa kanila ang ginawa ni Jehova daan-daang taon na ang nakalilipas nang ang kaniyang bayan, ang mga Israelita, ay alipin pa sa Ehipto. Sinabi noon ni Jehova sa kaniyang bayan: ‘Pumatay kayo ng isang kordero para sa bawat pamilya, at ilagay ang dugo nito sa mga poste ng pinto ng inyong mga bahay.’ Pagkatapos
ay sinabi niya: ‘Pumasok kayo sa inyong mga bahay, at kainin ang kordero.’Ginawa ito ng mga Israelita. At nang gabi ring iyon, ang anghel ng Diyos ay dumaan sa lupain ng Ehipto. Sa karamihan ng mga bahay, pinatay ng anghel ang naroroong panganay na anak. Pero nang makita ng anghel ang dugo ng kordero sa mga poste ng pinto, nilampasan niya ang bahay na iyon. Sa mga bahay na iyon, walang namatay na mga bata. Si Paraon, ang hari ng Ehipto, ay natakot sa ginawa ng anghel ni Jehova. Kaya sinabi ni Paraon sa mga Israelita: ‘Sige, puwede na kayong umalis. Lumabas na kayo sa Ehipto!’ Sa gayon, kinargahan nila ang kanilang mga kamelyo at mga buriko at sila’y umalis.
Ayaw ni Jehova na malimutan ng kaniyang bayan kung paano niya sila pinalaya. Kaya sinabi niya: ‘Minsan sa isang taon ay kakain kayo ng isang hapunan na gaya ng kinain ninyo ngayong gabi.’ Tinawag nila ang pantanging hapunang ito na Paskuwa. Nang gabing iyon, ang anghel ng Diyos ay ‘lumampas’ sa mga bahay na may marka ng dugo.—Exodo 12:1-13, 24-27, 31.
Ito ang nasa isip ni Jesus at ng kaniyang mga apostol nang kinakain nila ang hapunan ng Paskuwa. Pagkaraan, isang napakahalagang bagay ang ginawa ni Jesus. Pero, bago niya gawin iyon, pinaalis muna niya ang taksil na apostol na si Judas. Pagkatapos ay dinampot ni Jesus ang isa sa natirang tinapay, nanalangin, pinagputul-putol ito, at ipinasa sa kaniyang mga alagad. “Kunin ninyo, kainin ninyo,” ang sabi niya. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: ‘Ang tinapay na ito ay sumasagisag sa aking katawan na ibibigay ko kapag ako’y namatay para sa inyo.’
Sumunod ay dinampot naman ni Jesus ang isang kopa ng mapulang alak. Pagkatapos ng isa pang panalangin ng pasasalamat, ipinasa niya ito sa lahat at sinabi: “Uminom kayo mula rito, kayong lahat.” At sinabi niya: ‘Ang alak na ito ay sumasagisag sa aking dugo. Malapit ko nang ibuhos ang aking dugo upang mapalaya kayo mula sa inyong mga kasalanan. Patuloy ninyong gawin ito upang maalaala ninyo ako.’—Mateo 26:26-28; 1 Corinto 11:23-26.
Napansin mo ba na sinabi ni Jesus na dapat itong patuloy na gawin ng mga alagad bilang pag-alaala sa kaniya?— Hindi na sila magkakaroon ng hapunan ng Paskuwa. Sa halip, minsan sa isang taon ay gagawin nila ang pantanging hapunang ito bilang pag-alaala kay Jesus at sa kaniyang kamatayan. Ang hapunang ito ay tinatawag na Hapunan ng Panginoon. Sa ngayon ay madalas nating tawagin ito na Memoryal. Bakit?— Kasi, ipinaaalaala nito sa atin ang ginawa ni Jesus at ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, para sa atin.
Ang tinapay ay magpapaalaala sa atin sa katawan ni Jesus. Handa niyang ihain ang katawang ito para magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. At kumusta naman ang mapulang alak?— Ito ay magpapaalaala sa atin sa halaga ng dugo ni Jesus. Mas mahalaga ito kaysa sa dugo ng kordero ng Paskuwa sa Ehipto. Alam mo ba kung bakit?— Sinasabi ng Bibliya na ang dugo ni Jesus ay makapagdudulot ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. At kapag naalis nang lahat ang ating mga kasalanan, hindi na tayo magkakasakit, tatanda, at mamamatay. Iyan ang dapat nating isipin kapag dumadalo tayo sa Memoryal.
Ang lahat ba ay dapat kumain ng tinapay at uminom ng alak sa Memoryal?— Buweno, sinabi ni Jesus sa mga kumakain at umiinom: ‘Magkakaroon kayo ng bahagi sa aking kaharian at uupong kasama ko sa mga trono sa langit.’ (Lucas 22:19, 20, 30) Ang ibig sabihin nito ay pupunta sila sa langit para maging mga haring kasama ni Jesus. Kaya sila lamang na may pag-asang mamahalang kasama ni Jesus sa langit ang dapat kumain ng tinapay at uminom ng alak.
Pero silang mga hindi kumakain ng tinapay o umiinom ng alak ay dapat pa ring dumalo sa Memoryal. Alam mo ba kung bakit?— Kasi, ibinigay rin ni Jesus ang kaniyang buhay para sa atin. Sa pagdalo sa Memoryal, ipinakikita natin na hindi tayo nakalilimot. Naaalaala natin ang napakaespesyal na regalo ng Diyos.
Kabilang sa mga tekstong nagpapakita ng kahalagahan ng pantubos ni Jesus ay ang 1 Corinto 5:7; Efeso 1:7; 1 Timoteo 2:5, 6; at 1 Pedro 1:18, 19.