Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 9

Sambahin si Jehova Bilang Pamilya

Sambahin si Jehova Bilang Pamilya

“Sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa.”​—Apocalipsis 14:7

Gaya ng natutuhan mo sa brosyur na ito, maraming simulain sa Bibliya na makatutulong sa iyo at sa pamilya mo. Gusto ni Jehova na maging masaya kayo. Nangako siya na kung uunahin ninyo ang pagsamba sa kaniya, “lahat ng iba pang mga bagay . . . ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Talagang gusto niyang maging kaibigan ka. Gamitin ang bawat pagkakataon para maging mas malapít ang pakikipagkaibigan mo sa Diyos. Ito ang pinakadakilang karangalan na matatanggap ng isang tao.​—Mateo 22:37, 38.

1 PATIBAYIN ANG KAUGNAYAN KAY JEHOVA

ANG SABI NG BIBLIYA: “‘Ako ay magiging isang ama sa inyo, at kayo ay magiging mga anak na lalaki at mga anak na babae sa akin,’ sabi ni Jehova.” (2 Corinto 6:18) Gusto ng Diyos na maging malapít na kaibigan ka niya. Magagawa mo ito sa pananalangin. Inaanyayahan ka ni Jehova na ‘manalangin nang walang lubay.’ (1 Tesalonica 5:17) Nais niyang marinig ang niloloob at ikinababalisa mo. (Filipos 4:6) Kapag nananalangin ka kasama ng iyong pamilya, madarama nila na totoong-totoo sa iyo ang Diyos.

Bukod sa pakikipag-usap sa Diyos, kailangan mo ring makinig sa kaniya. Magagawa mo ito kung pag-aaralan mo ang kaniyang Salita at mga salig-Bibliyang publikasyon. (Awit 1:1, 2) Bulay-bulayin ang iyong natututuhan. (Awit 77:11, 12) Kasama rin sa pakikinig sa Diyos ang regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.​—Awit 122:1-4.

Mapapatibay mo rin ang kaugnayan mo kay Jehova kung ipakikipag-usap mo sa iba ang tungkol sa kaniya. Mas madalas mo itong ginagawa, mas madarama mong napapalapít ka sa kaniya.​—Mateo 28:19, 20.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Maglaan ng panahon araw-araw para magbasa ng Bibliya at manalangin

  • Gawing priyoridad ng pamilya ang espirituwal na mga gawain sa halip na paglilibang at pagrerelaks

2 GAWING KASIYA-SIYA ANG PAMPAMILYANG PAGSAMBA

ANG SABI NG BIBLIYA: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Mag-iskedyul ng regular na programa ng pampamilyang pagsamba at sundin ito. (Genesis 18:19) Pero hindi sapat iyon. Dapat maging bahagi ng inyong buhay ang Diyos araw-araw. Patibayin ang inyong kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa kaniya ‘kapag nakaupo kayo sa inyong bahay, naglalakad sa daan, nakahiga, at kapag bumabangon.’ (Deuteronomio 6:6, 7) Tularan si Josue, na nagsabi: “Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.”​—Josue 24:15.

ANG PUWEDE MONG GAWIN:

  • Magkaroon ng regular at maayos na programa ng pampamilyang pagsamba na babagay sa pangangailangan ng bawat miyembro ng pamilya