ARALIN 19
Tunay na Kristiyano Ba ang mga Saksi ni Jehova?
Naniniwala kaming mga Saksi ni Jehova na kami ay mga tunay na Kristiyano. Bakit? Alamin kung saan nakabase ang mga paniniwala at ang pangalan namin, at kung paano namin ipinapakita ang pag-ibig sa isa’t isa.
1. Saan nakabase ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova?
Sinabi ni Jesus na ang “salita [ng Diyos] ay katotohanan.” (Juan 17:17) Gaya ni Jesus, laging ibinabase ng mga Saksi ni Jehova ang paniniwala nila sa Salita ng Diyos. Tingnan ang kasaysayan namin. Noong mga 1870, pinag-aralang mabuti ng isang grupo ng estudyante ng Bibliya ang Salita ng Diyos. Ibinase nila rito ang mga paniniwala nila kahit iba ito sa mga itinuturo ng ibang relihiyon. Pagkatapos, sinabi nila sa iba ang mga natutuhan nila. a
2. Bakit kami tinatawag na mga Saksi ni Jehova?
Tinawag ni Jehova ang mga mananamba niya na mga saksi kasi sinasabi nila ang katotohanan tungkol sa kaniya. (Hebreo 11:4–12:1) Halimbawa, sinabi ng Diyos sa bayan niya noon: “Kayo ang mga saksi ko.” (Basahin ang Isaias 43:10.) Tinawag si Jesus na “ang Tapat na Saksi.” (Apocalipsis 1:5) Kaya noong 1931, ginamit namin ang pangalang Saksi ni Jehova. At ipinagmamalaki namin ang pangalang ito.
3. Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang pag-ibig ni Jesus?
Mahal na mahal ni Jesus ang mga alagad niya at itinuring niya sila na mga kapamilya. (Basahin ang Marcos 3:35.) Ganiyan din ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Nagkakaisa kami, at itinuturing naming kapamilya ang isa’t isa. (Filemon 1, 2) Sinusunod din namin ang utos na “magkaroon . . . ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.” (1 Pedro 2:17) Ipinapakita namin ito sa maraming paraan gaya ng pagtulong sa mga kapatid namin sa buong mundo kapag nangangailangan sila.
PAG-ARALAN
Alamin pa ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova, at tingnan ang mga ebidensiya na kami ay mga tunay na Kristiyano.
4. Nakabase ang mga paniniwala namin sa Bibliya
Inihula ni Jehova na mas maiintindihan pa natin ang mga katotohanan sa Bibliya. Basahin ang Daniel 12:4 at talababa. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Ano ang “sasagana” habang patuloy na pinag-aaralan ng bayan ng Diyos ang Bibliya?
Tingnan kung paano pinag-aralan ng isang grupo ng estudyante ng Bibliya, kasama si Charles Russell, ang Salita ng Diyos. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Paano pinag-aralan ni Charles Russell at ng kasama niyang mga Estudyante ng Bibliya ang Salita ng Diyos?
Alam mo ba?
May mga pagkakataong ina-adjust namin ang mga paniniwala namin. Bakit? Kung paanong unti-unting lumilinaw ang mga detalye ng isang tanawin habang sumisikat ang araw, unti-unti ring ipinapaunawa ng Diyos ang mga katotohanan sa Bibliya. (Basahin ang Kawikaan 4:18.) Totoo, hindi nagbabago ang Bibliya. Pero ina-adjust namin ang mga paniniwala namin habang mas nauunawaan namin ang Bibliya.
5. Namumuhay kami ayon sa pangalan namin
Bakit namin ginamit ang pangalang Saksi ni Jehova? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Bakit tamang tawagin kami na mga Saksi ni Jehova?
Bakit pumili si Jehova ng mga tao para maging mga saksi niya? Dahil sasabihin nila ang mga katotohanan tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova. Marami kasing kasinungalingan ang sinabi tungkol sa kaniya. Tingnan ang dalawa sa mga ito.
Itinuturo ng ilang relihiyon na gusto ng Diyos na gumamit tayo ng mga imahen sa pagsamba. Basahin ang Levitico 26:1. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Ano ang itinuturo ng teksto tungkol diyan? Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag gumagamit tayo ng mga imahen?
Itinuturo ng ilang lider ng relihiyon na si Jesus ang Diyos. Basahin ang Juan 20:17. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Ano ang itinuturo ng teksto tungkol diyan? Ang Diyos ba at si Jesus ay iisa?
-
Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na nagpadala si Jehova ng mga Saksi niya para ituro ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa Anak niya?
6. Mahal namin ang isa’t isa
Ikinumpara ng Bibliya ang mga Kristiyano sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Basahin ang 1 Corinto 12:25, 26. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
-
Ano ang gagawin ng mga tunay na Kristiyano kung may kapananampalataya silang nahihirapan?
-
Ano ang napansin mo sa pag-ibig ng mga Saksi ni Jehova sa isa’t isa?
Kapag may mga Saksi ni Jehova na nangangailangan sa isang lugar, tumutulong agad ang mga kapananampalataya nila mula sa iba’t ibang bansa. Para makita ang isang halimbawa, panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
-
Sa video, paano ipinakita ng mga Saksi ni Jehova na mahal nila ang isa’t isa?
MAY NAGSASABI: “Bagong relihiyon lang ang mga Saksi ni Jehova.”
-
Kailan pa tinawag ni Jehova na mga saksi ang mga mananamba niya?
SUMARYO
Ang mga Saksi ni Jehova ay mga tunay na Kristiyano. Isa kaming pamilya ng mga mananamba ni Jehova mula sa iba’t ibang bansa. Nakabase ang mga paniniwala namin sa Bibliya at ipinapangaral namin ang mga katotohanan tungkol kay Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
-
Bakit namin ginamit ang pangalang Saksi ni Jehova?
-
Paano namin ipinapakita na mahal namin ang isa’t isa?
-
Sa tingin mo, tunay na Kristiyano ba ang mga Saksi ni Jehova?
TINGNAN DIN
Alamin pa ang kasaysayan namin.
Tingnan ang isang halimbawa kung paano ipinakita ng mga Saksi ni Jehova ang mga maling turo.
Alamin ang sagot sa mga tanong tungkol sa mga Saksi ni Jehova.
“Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova” (web page sa jw.org/tl)
Galít si Stephen sa ibang lahi kaya ginagawan niya sila ng masama. Alamin kung bakit siya nagbago.
“Pasamâ Nang Pasamâ ang Buhay Ko” (Ang Bantayan, Hulyo 1, 2015)
a Mula pa noong 1879, inilalathala na ng mga Saksi ni Jehova ang magasing Bantayan para ipaliwanag ang sinasabi ng Bibliya.