KABANATA 19
“Karunungan ng Diyos na Nasa Isang Sagradong Lihim”
1, 2. Anong “sagradong lihim” ang dapat makatawag ng ating interes, at bakit?
LIHIM! Dahil sa ang mga ito’y nakaiintriga, nakaaakit, at nakalilito, karaniwan nang nahihirapan ang mga tao na itago ang mga ito. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Naluluwalhati ang Diyos dahil sa paglilihim ng isang bagay.” (Kawikaan 25:2) Oo, bilang Kataas-taasang Tagapamahala at Maylalang, may karapatan si Jehova na paglihiman ng ilang bagay ang mga tao hanggang sa dumating ang kaniyang itinakdang panahon para isiwalat ang mga ito.
2 Gayunman, may isang nakaaakit at nakaiintrigang lihim na isiniwalat na ni Jehova sa kaniyang Salita. Ito’y tinatawag na “sagradong lihim ng kalooban [ng Diyos].” (Efeso 1:9) Ang pagkaalam ng tungkol dito ay hindi lamang basta para masapatan ang iyong pag-uusisa. Ang pagkaalam sa lihim na ito ay makaaakay tungo sa kaligtasan at makapagbibigay sa iyo ng ilang kaunawaan tungkol sa di-maarok na karunungan ni Jehova.
Unti-unting Isinisiwalat
3, 4. Paano nagbibigay ng pag-asa ang hula na nakaulat sa Genesis 3:15, at anong hiwaga, o “sagradong lihim,” ang saklaw nito?
3 Nang magkasala sina Adan at Eva, sa wari’y nabigo na ang layunin ni Jehova na magkaroon ng isang paraiso sa lupa na tinatahanan ng perpektong mga tao. Subalit agad na nilutas ng Diyos ang problema. Sinabi niya: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo [ng ahas] at ng babae at sa pagitan ng supling mo at ng supling niya. Dudurugin ng supling niya ang ulo mo, at susugatan mo ito sa sakong.”—Genesis 3:15.
4 Ito’y isang palaisipan at mahiwagang pananalita. Sino ang babaeng ito? Sino ang ahas? Sino ang “supling” na dudurog sa ulo ng ahas? Walang nagawa sina Adan at Eva kundi ang manghula. Gayunpaman, ang mga salita ng Diyos ay nagbibigay ng pag-asa sa sinumang magiging tapat na supling ng di-tapat na mag-asawang iyon. Magtatagumpay ang katuwiran. Matutupad ang layunin ni Jehova. Subalit paano? Iyan ay isang hiwaga! Tinatawag iyan sa Bibliya na “karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim, ang nakatagong karunungan.”—1 Corinto 2:7.
5. Ipaghalimbawa kung bakit unti-unti ang pagsisiwalat ni Jehova sa kaniyang lihim.
5 Bilang “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” sa dakong huli ay isisiwalat ni Jehova ang kaugnay na mga detalye hinggil sa pagsasakatuparan ng lihim na ito. (Daniel 2:28) Subalit gagawin niya ito nang unti-unti. Bilang paghahalimbawa, marahil ay iniisip natin kung paano sumasagot ang isang mapagmahal na ama kapag ang kaniyang maliit na anak ay nagtatanong, “Itay, saan po ba ako galing?” Ang impormasyong ibibigay ng isang marunong na ama ay yaon lamang mauunawaan ng maliit na batang iyon. Habang lumalaki ang bata, dinaragdagan ng ama ang sinasabi nito sa kaniya. Sa katulad na paraan, alam ni Jehova kung handa na ang kaniyang bayan para sa mga kapahayagan ng kaniyang kalooban at layunin.—Kawikaan 4:18; Daniel 12:4.
6. (a) Para sa anong layunin ang isang tipan, o kontrata? (b) Bakit kahanga-hanga na si Jehova pa ang magsisimula ng pakikipagtipan sa mga tao?
6 Paano ginawa ni Jehova ang gayong mga kapahayagan? Gumamit siya ng sunod-sunod na mga tipan, o kontrata, upang isiwalat ang maraming detalye. Malamang, may pagkakataon na pumirma ka na rin sa isang uri ng kontrata—marahil upang bumili ng bahay o umutang o magpautang ng pera. Ang gayong kontrata ay nagbibigay ng isang legal na garantiya na tutuparin ang mga napagkasunduan. Subalit bakit pa kakailanganin ni Jehova na gumawa ng pormal na mga tipan, o kontrata, sa mga tao? Tiyak na ang kaniyang salita ay sapat nang garantiya sa kaniyang mga pangako. Totoo iyan, subalit, sa maraming pagkakataon, may-kabaitang pinagtibay ng Diyos ang kaniyang salita sa pamamagitan ng legal na mga kontrata. Ang matitibay na kasunduang ito ay nagbibigay sa atin bilang di-perpektong mga tao ng lalo pang matatag na saligan para magtiwala sa mga pangako ni Jehova.—Hebreo 6:16-18.
Ang Tipan kay Abraham
7, 8. (a) Anong tipan ang ginawa ni Jehova kay Abraham, na nagbibigay ng anong liwanag tungkol sa sagradong lihim? (b) Paano unti-unting nilinaw ni Jehova ang hanay ng angkan ng ipinangakong supling?
7 Mahigit na dalawang libong taon matapos na palayasin ang tao mula sa Paraiso, sinabi ni Jehova sa kaniyang tapat na lingkod na si Abraham: “Tiyak na pararamihin ko ang supling mo gaya ng mga bituin sa langit . . . At sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila dahil pinakinggan mo ang tinig ko.” (Genesis 22:17, 18) Higit pa ito sa isang pangako; binalangkas ito ni Jehova sa anyo ng isang tipang batas at sinuhayan ito ng kaniyang di-nasisirang sumpa. (Genesis 17:1, 2; Hebreo 6:13-15) Tunay ngang kahanga-hanga na gumawa ng kontrata ang Kataas-taasang Panginoon na pagpapalain niya ang mga tao!
“Pararamihin ko ang supling mo gaya ng mga bituin sa langit”
8 Isiniwalat ng Abrahamikong tipan na ang ipinangakong supling ay darating bilang isang tao, yamang siya’y magiging inapo ni Abraham. Subalit sino kaya siya? Sa kalaunan, isiniwalat ni Jehova na sa mga anak ni Abraham, si Isaac ang magiging ninuno ng supling. Sa dalawang anak ni Isaac, si Jacob ang pinili. (Genesis 21:12; 28:13, 14) Pagkaraan, binigkas ni Jacob ang makahulang pananalitang ito sa isa sa kaniyang 12 anak: “Ang setro ay hindi hihiwalay kay Juda, at ang baston ng kumandante ay hindi maaalis sa pagitan ng mga paa niya, hanggang sa dumating ang Shilo [o, “Siya na Kinauukulan Nito,” talababa], at magiging masunurin dito ang mga bayan.” (Genesis 49:10) Noon nalaman na ang supling pala ay magiging hari, isa na nagmula kay Juda!
Ang Tipan sa Israel
9, 10. (a) Anong tipan ang ginawa ni Jehova sa bansang Israel, at anong proteksiyon ang inilaan ng tipang iyon? (b) Paano ipinakita ng Kautusan na kailangan ng mga tao ang isang pantubos?
9 Noong 1513 B.C.E., si Jehova ay gumawa ng isang kaayusan na naghanda ng daan para sa higit pang mga kapahayagan tungkol sa sagradong lihim. Nakipagtipan siya sa mga inapo ni Abraham, ang bansang Israel. Bagaman wala na itong bisa sa ngayon, ang tipang ito ng Kautusang Mosaiko ay naging isang mahalagang bahagi sa layunin ni Jehova na pangyarihin ang pagdating ng ipinangakong supling. Paano? Isaalang-alang ang tatlong paraan. Una, ang Kautusan ay gaya ng isang pader na nagbibigay ng proteksiyon. (Efeso 2:14) Ang matuwid na mga batas nito ay gumanap bilang isang halang sa pagitan ng Judio at ng Gentil. Sa gayon ay nakatulong ang Kautusan upang maingatan ang angkan ng ipinangakong supling. Pangunahin nang dahil sa gayong proteksiyon, ang bansang Israel ay umiiral pa rin nang dumating ang itinakdang panahon ng Diyos upang isilang ang Mesiyas sa tribo ni Juda.
10 Ikalawa, lubusang ipinakita ng Kautusan na kailangan ng mga tao ang isang pantubos. Bilang isang perpektong Kautusan, inilantad nito ang kawalan ng kakayahan ng makasalanang mga tao na lubusang manghawakan dito. Sa gayon ay naging dahilan ito “para maging hayag ang mga pagkakasala hanggang sa dumating ang pinangakuang supling.” (Galacia 3:19) Sa pamamagitan ng mga handog na hayop, ang Kautusan ay naglaan ng pansamantalang pagbabayad-sala sa mga kasalanan. Subalit yamang, gaya ng isinulat ni Pablo, “hindi maaalis ng dugo ng mga toro at mga kambing ang mga kasalanan,” ang mga handog na ito ay naging larawan lamang ng haing pantubos ni Kristo. (Hebreo 10:1-4) Kung gayon, para sa mga tapat na Judio, ang tipang iyon ay naging “tagapagbantay . . . na umaakay kay Kristo.”—Galacia 3:24.
11. Anong maluwalhating pag-asa ang ibinigay ng tipang Kautusan sa Israel, subalit bakit nabigo ang bansang iyon sa kabuoan?
11 Ikatlo, ang tipang iyan ay nag-alok ng isang maluwalhating pag-asa sa bansang Israel. Sinabi sa kanila ni Jehova na kung sila’y magiging tapat sa tipan, sila’y magiging “isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Ang likas na Israel nga nang maglaon ang naging unang mga miyembro ng makalangit na kaharian ng mga saserdote. Gayunman, sa kabuoan, ang Israel ay naghimagsik laban sa tipang Kautusan, tinanggihan ang Mesiyas, at nabigo sa pag-asang iyan. Kung gayon, sino kaya ang kukumpleto ng kaharian ng mga saserdote? At paano kaya magkakaroon ng kaugnayan ang pinagpalang bansang iyan sa ipinangakong supling? Ang mga aspektong iyan ng sagradong lihim ay isisiwalat sa itinakdang panahon ng Diyos.
Ang Tipan kay David Para sa Isang Kaharian
12. Anong pakikipagtipan ang ginawa ni Jehova kay David, at ano ang niliwanag nito tungkol sa sagradong lihim ng Diyos?
12 Noong ika-11 siglo B.C.E., higit pang niliwanag ni Jehova ang tungkol sa sagradong lihim nang gumawa siya ng isa pang tipan. Nangako siya sa tapat na si Haring David: “Gagawin kong hari na kahalili mo ang iyong supling, . . . at gagawin kong matibay ang pagkakatatag ng kaharian niya. . . . Gagawin kong matibay ang trono ng kaniyang kaharian magpakailanman.” (2 Samuel 7:12, 13; Awit 89:3) Ang angkan ng ipinangakong supling ay naging limitado na lamang ngayon sa sambahayan ni David. Subalit magagawa kaya ng isang karaniwang tao na mamahala magpakailanman? (Awit 89:20, 29, 34-36) At magagawa kaya ng isang taong hari na iligtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan?
13, 14. (a) Ayon sa Awit 110, anong pangako ang ibinigay ni Jehova sa kaniyang pinahirang Hari? (b) Ano pang mga kapahayagan hinggil sa darating na supling ang ginawa sa pamamagitan ng mga propeta ni Jehova?
13 Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, sumulat si David: “Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: ‘Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.’ Si Jehova ay sumumpa, at hindi magbabago ang isip niya: ‘Ikaw ay isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec!’” (Awit 110:1, 4) Ang mga salita ni David ay tuwirang kumapit sa ipinangakong supling, o Mesiyas. (Gawa 2:35, 36) Ang Haring ito ay mamamahala, hindi mula sa Jerusalem, kundi mula sa langit “sa kanan” ni Jehova. Magbibigay iyan sa kaniya ng awtoridad hindi lamang sa buong lupain ng Israel kundi sa buong lupa. (Awit 2:6-8) Mayroon pang isang bagay na isiniwalat dito. Pansinin na bumigkas si Jehova ng isang taimtim na sumpa na ang Mesiyas ay magiging “isang saserdote . . . gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.” Tulad ni Melquisedec, na naglingkod bilang haring saserdote noong kapanahunan ni Abraham, ang darating na supling ay tatanggap ng tuwirang atas mula sa Diyos upang maglingkod bilang Hari at Saserdote!—Genesis 14:17-20.
14 Sa nagdaang mga taon, ginamit ni Jehova ang kaniyang mga propeta upang gumawa ng higit pang mga kapahayagan tungkol sa kaniyang sagradong lihim. Halimbawa, isiniwalat ni Isaias na ang supling ay mamamatay sa isang mapagsakripisyong kamatayan. (Isaias 53:3-12) Inihula naman ni Mikas ang lugar ng kapanganakan ng Mesiyas. (Mikas 5:2) Inihula pa nga ni Daniel ang eksaktong panahon ng paglitaw at kamatayan ng supling.—Daniel 9:24-27.
Isiniwalat ang Sagradong Lihim!
15, 16. (a) Paanong ang Anak ni Jehova ay “isinilang ng isang babae”? (b) Ano ang minana ni Jesus sa kaniyang mga taong magulang, at kailan siya dumating bilang ang ipinangakong supling?
15 Nanatiling isang hiwaga kung paano matutupad ang mga hulang ito hanggang sa aktuwal na lumitaw ang supling. Ang Galacia 4:4 ay nagsasabi: “Nang matapos ang itinakdang panahon, isinugo ng Diyos ang Anak niya, na isinilang ng isang babae.” Noong taóng 2 B.C.E., isang anghel ang nagsabi sa isang birheng Judio na nagngangalang Maria: “Magdadalang-tao ka at magkakaanak ng isang lalaki, at papangalanan mo siyang Jesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama . . . Sasaiyo ang banal na espiritu, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya ang isisilang mo ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.”—Lucas 1:31, 32, 35.
16 Nang maglaon, inilipat ni Jehova ang buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa sinapupunan ni Maria, kung kaya siya’y isinilang ng isang babae. Si Maria ay isang di-perpektong babae. Gayunman, hindi nagmana si Jesus ng pagiging di-perpekto mula sa kaniya, sapagkat siya’y “Anak ng Diyos.” Kasabay nito, ang mga taong magulang ni Jesus, bilang mga inapo ni David, ay naglaan sa Kaniya ng kapuwa likas at legal na mga karapatan ng isang tagapagmana ni David. (Gawa 13:22, 23) Nang bautismuhan si Jesus noong 29 C.E., inatasan siya ni Jehova sa pamamagitan ng banal na espiritu at sinabi: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.” (Mateo 3:16, 17) Sa wakas, dumating na rin ang supling! (Galacia 3:16) Panahon na upang isiwalat ang higit pa tungkol sa sagradong lihim.—2 Timoteo 1:10.
17. Paano niliwanag ang kahulugan ng Genesis 3:15?
17 Sa panahon ng kaniyang ministeryo, ipinakilala ni Jesus ang ahas sa Genesis 3:15 bilang si Satanas at ang supling ng ahas bilang mga kampon ni Satanas. (Mateo 23:33; Juan 8:44) Nang maglaon, isiniwalat kung paanong ang lahat ng ito ay dudurugin magpakailanman. (Apocalipsis 20:1-3, 10, 15) At ang babae ay nakilala bilang “ang Jerusalem sa itaas,” o asawang babae ng Diyos—ang makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova, na binubuo ng espiritung mga nilalang. a—Galacia 4:26; Apocalipsis 12:1-6.
Ang Bagong Tipan
18. Ano ang layunin ng “bagong tipan”?
18 Marahil ang pinakamatinding kapahayagan sa lahat ay naganap noong gabi bago mamatay si Jesus nang sabihin niya sa kaniyang tapat na mga alagad ang tungkol sa “bagong tipan.” (Lucas 22:20) Gaya ng hinalinhan nito, ang tipan ng Kautusang Mosaiko, ang bagong tipang ito ay magluluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote.” (Exodo 19:6; 1 Pedro 2:9) Gayunman, ang tipang ito ay magtatatag, hindi ng isang likas na bansa, kundi yaong espirituwal, ang “Israel ng Diyos,” na binubuo lamang ng tapat na pinahirang mga tagasunod ni Kristo. (Galacia 6:16) Ang mga kabilang na ito sa bagong tipan ay makakasama ni Jesus sa pagpapala sa lahi ng tao!
19. (a) Bakit nagtatagumpay ang bagong tipan sa pagluluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote”? (b) Bakit ang pinahirang mga Kristiyano ay tinatawag na “isang bagong nilalang,” at ilan ang maglilingkod sa langit kasama ni Kristo?
19 Ngunit bakit kaya nagtatagumpay ang bagong tipan sa pagluluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote” upang pagpalain ang mga tao? Sapagkat sa halip na hatulan ang mga alagad ni Kristo bilang mga makasalanan, naglaan ito ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang hain. (Jeremias 31:31-34) Kapag tumanggap na sila ng isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova, inaampon niya sila tungo sa kaniyang makalangit na pamilya at inaatasan sila sa pamamagitan ng banal na espiritu. (Roma 8:15-17; 2 Corinto 1:21) Sa gayon ay nararanasan nilang “[muling] maisilang tungo sa isang buháy na pag-asa” na “nakalaan sa langit.” (1 Pedro 1:3, 4) Yamang ang gayong mataas na kalagayan ay lubusang bago sa mga tao, ang inianak-sa-espiritung pinahirang mga Kristiyano ay tinatawag na “isang bagong nilalang.” (2 Corinto 5:17) Isinisiwalat ng Bibliya na 144,000 ang sa dakong huli ay makikibahagi sa pamamahala mula sa langit sa tinubos na mga tao.—Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-4.
20. (a) Anong pagsisiwalat tungkol sa sagradong lihim ang ginawa noong 36 C.E.? (b) Sino ang magtatamasa ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham?
20 Bilang kasama ni Jesus, ang mga pinahirang ito ay nagiging ‘supling ni Abraham.’ b (Galacia 3:29) Ang unang pinili ay mga likas na Judio. Subalit noong 36 C.E., isiniwalat ang isa pang aspekto ng sagradong lihim: Ang mga Gentil, o mga di-Judio, ay makikibahagi rin sa makalangit na pag-asa. (Roma 9:6-8; 11:25, 26; Efeso 3:5, 6) Ang pinahirang mga Kristiyano lang ba ang magtatamasa ng mga pagpapalang ipinangako kay Abraham? Hindi, sapagkat sa handog ni Jesus ay makikinabang ang buong sangkatauhan. (1 Juan 2:2) Nang maglaon, isiniwalat ni Jehova na isang di-mabilang na “malaking pulutong” ang makaliligtas sa wakas ng sistemang ito ni Satanas. (Apocalipsis 7:9, 14) Pagkarami-rami pa ang bubuhaying muli taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso!—Lucas 23:43; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:11-15; 21:3, 4.
Ang Karunungan ng Diyos at ang Sagradong Lihim
21, 22. Sa anong mga paraan itinatanghal ng sagradong lihim ni Jehova ang kaniyang karunungan?
21 Ang sagradong lihim ay isang kagila-gilalas na pagtatanghal ng “karunungan ng Diyos na naipapakita sa napakaraming iba’t ibang paraan.” (Efeso 3:8-10) Kay lalim ng karunungang itinanghal ni Jehova sa pagbalangkas ng lihim na ito at sa pagsisiwalat nito nang unti-unti! Isinaalang-alang niya nang may karunungan ang limitasyon ng mga tao, anupat hinahayaan silang magpakita ng tunay na kalagayan ng kanilang puso.—Awit 103:14.
22 Ipinakita rin ni Jehova ang walang-kapantay na karunungan sa kaniyang pagpili kay Jesus bilang Hari. Ang Anak ni Jehova ay higit na mapagkakatiwalaan kaysa sa sinumang nilalang sa uniberso. Sa pamumuhay bilang isang tao na may dugo at laman, naranasan ni Jesus ang maraming uri ng kagipitan. Lubusan niyang nauunawaan ang mga problema ng tao. (Hebreo 5:7-9) At kumusta naman ang mga kasamang tagapamahala ni Jesus? Sa nagdaang mga siglo, kapuwa ang mga lalaki at mga babae—na pinili mula sa lahat ng lahi, wika, at pinagmulan—ay pinahiran. Talagang walang problema ang hindi naharap at napagtagumpayan ng mga indibidwal na kabilang sa kanila. (Efeso 4:22-24) Tunay ngang ang pamumuhay sa ilalim ng pamamahala ng maawaing mga haring saserdoteng ito ay isang kaluguran!
23. Anong pribilehiyo ang taglay ng mga Kristiyano may kaugnayan sa sagradong lihim ni Jehova?
23 Sumulat si apostol Pablo: “Ang sagradong lihim [ay] hindi ipinaalám sa nakalipas na mga sistema at henerasyon. Pero isiniwalat ito ngayon sa mga banal.” (Colosas 1:26) Oo, marami nang bagay ang naunawaan ng pinahirang mga banal ni Jehova tungkol sa sagradong lihim, at naibahagi na nila ang kaalamang iyan sa milyon-milyon. Kay laking pribilehiyo nga ang taglay nating lahat! Ipinaalám ni Jehova sa atin “ang sagradong lihim ng kalooban niya.” (Efeso 1:9) Ibahagi natin ang kahanga-hangang lihim na ito sa iba, anupat tinutulungan silang suriin din ang di-maarok na karunungan ng Diyos na Jehova!
a “Ang sagradong lihim ng makadiyos na debosyon” ay isiniwalat din kay Jesus. (1 Timoteo 3:16) Napakatagal ding naging isang lihim, isang hiwaga, kung may sinuman nga na makapagpapanatili ng lubos na katapatan kay Jehova. Si Jesus ang naging kasagutan. Nanatili siyang tapat sa ilalim ng lahat ng pagsubok na ipinaranas ni Satanas sa kaniya.—Mateo 4:1-11; 27:26-50.
b Nakipagtipan din si Jesus “para sa isang kaharian” sa grupong iyon. (Lucas 22:29, 30) Sa diwa, kinontrata ni Jesus ang “munting kawan” na ito para mamahalang kasama niya sa langit bilang pangalawahing bahagi ng supling ni Abraham.—Lucas 12:32.