KABANATA 22
Ipinapakita Mo Ba ang “Karunungan Mula sa Itaas”?
1-3. (a) Paano nagpakita si Solomon ng pambihirang karunungan sa paraan ng kaniyang paglutas sa sigalot ng dalawang ina? (b) Ano ang ipinangako ni Jehova na ibibigay sa atin, at anong mga tanong ang bumabangon?
MABIGAT na kaso ito—dalawang babae ang nag-aagawan sa isang sanggol. Ang dalawang babae ay nakatira sa isang bahay, at pareho silang nagsilang ng isang anak na lalaki, na ilang araw lamang ang pagitan. Namatay ang isa sa mga sanggol, at ngayon ay parehong inaangkin ng mga babaeng ito na siya ang ina ng buháy na sanggol. a Walang ibang nakasaksi sa nangyari. Malamang na ang kaso ay dininig na sa mababang hukuman ngunit hindi ito nalutas. Sa wakas, ang sigalot ay dinala kay Solomon, ang hari ng Israel. Mapalilitaw kaya niya ang katotohanan?
2 Matapos ang ilang sandaling pakikinig sa pagtatalo ng dalawang babae, humingi si Solomon ng isang espada. Pagkatapos, sa paraang waring gagawin niyang talaga ito, iniutos niya na hatiin ang bata, at ibigay sa dalawang babae ang tig-kalahati. Agad na nagmakaawa sa hari ang tunay na ina na ibigay ang sanggol—ang kaniyang pinakamamahal na anak—sa kaagaw na babae. Ngunit patuloy na iginigiit ng kaagaw na babae na hatiin ang bata. Batid na ngayon ni Solomon ang totoo. Alam niya ang magiliw na pagkahabag ng isang ina sa kaniyang anak na nagmula sa kaniyang sinapupunan, at ginamit niya ang kaalamang iyan upang lutasin ang sigalot. Isip-isipin na lamang ang pasasalamat ng ina nang ibigay ni Solomon sa kaniya ang kaniyang anak at sabihin nitong: “Siya ang ina.”—1 Hari 3:16-27.
3 Pambihirang karunungan ito, hindi ba? Nang mabalitaan ng mga tao kung paano nilutas ni Solomon ang kaso, sila’y humanga, “dahil nakita nilang binigyan siya ng Diyos ng karunungan.” Oo, ang karunungan ni Solomon ay kaloob ng Diyos. Binigyan siya ni Jehova ng “pusong marunong at may kaunawaan.” (1 Hari 3:12, 28) Subalit kumusta naman tayo? Maaari din ba tayong makatanggap ng makadiyos na karunungan? Ginabayan ni Jehova si Solomon na isulat: “Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 2:6) Nangako si Jehova na magbibigay ng karunungan—ang kakayahang magamit ang kaalaman at kaunawaan sa mabuting paraan—sa mga taimtim na humahanap nito. Paano tayo magkakaroon ng karunungan mula sa itaas? At paano natin mapangyayaring maugitan nito ang ating buhay?
“Kumuha Ka ng Karunungan”—Paano?
4-7. Ano-ano ang apat na kahilingan upang magkaroon ng karunungan?
4 Kailangan bang maging napakatalino natin o napakataas ng pinag-aralan upang makatanggap ng makadiyos na karunungan? Hindi. Handa si Jehova na ibahagi sa atin ang kaniyang karunungan anuman ang ating kinamulatan at edukasyon. (1 Corinto 1:26-29) Subalit dapat na tayo ang unang kumilos, sapagkat hinihimok tayo ng Bibliya na ‘kumuha ng karunungan.’ (Kawikaan 4:7) Paano natin ito magagawa?
5 Una, kailangan muna tayong matakot sa Diyos. “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan [“ang unang hakbang tungo sa karunungan,” The New English Bible],” ang sabi sa Kawikaan 9:10. Ang pagkatakot sa Diyos ang pundasyon ng tunay na karunungan. Bakit? Alalahanin na ang karunungan ay nagsasangkot ng kakayahang magamit ang nalalaman sa matagumpay na paraan. Ang matakot sa Diyos ay hindi nangangahulugang magpasukot-sukot dahil sa pagkasindak sa kaniya, kundi ang yumukod sa kaniya dahil sa pagkamangha, paggalang, at pagtitiwala. Ang gayong pagkatakot ay kapaki-pakinabang at napakabisang pangganyak. Napakikilos tayo nito na iayon ang ating buhay sa ating nalalaman tungkol sa kalooban at pamamaraan ng Diyos. Wala nang mas matalino pang landasin na maaari nating tahakin, sapagkat ang mga pamantayan ni Jehova ang palaging nagdudulot ng pinakamalaking pakinabang para sa mga sumusunod sa mga ito.
6 Ikalawa, dapat tayong maging mapagpakumbaba. Walang iiral na makadiyos na karunungan kung walang kapakumbabaan. (Kawikaan 11:2) Bakit? Kung tayo ay mapagpakumbaba, handa nating tanggapin na hindi natin alam ang lahat ng sagot, na hindi laging tama ang ating mga opinyon, at na kailangan nating malaman ang pag-iisip ni Jehova tungkol sa mga bagay-bagay. Si Jehova ay “laban sa mga mapagmataas,” subalit natutuwa siyang magkaloob ng karunungan sa mga may pusong mapagpakumbaba.—Santiago 4:6.
7 Ang ikatlong mahalagang bagay ay ang pag-aaral ng nasusulat na Salita ng Diyos. Ang karunungan ni Jehova ay isinisiwalat sa kaniyang Salita. Upang magkaroon ng karunungang iyan, dapat natin itong pagsikapang saliksikin. (Kawikaan 2:1-5) Ang ikaapat na kahilingan ay ang panalangin. Kung taimtim tayong humihingi ng karunungan sa Diyos, siya’y saganang magbibigay nito. (Santiago 1:5) Ang ating mga panalangin ukol sa tulong ng kaniyang espiritu ay tiyak na sasagutin. At ang kaniyang espiritu ang magtutulak sa atin upang masumpungan ang mga kayamanan na nasa kaniyang Salita na makatutulong naman sa atin upang malutas ang mga problema, maiwasan ang panganib, at makagawa ng matatalinong pasiya.—Lucas 11:13.
Upang magkaroon ng makadiyos na karunungan, dapat tayong magsikap na saliksikin ito
8. Kung talagang mayroon na tayong makadiyos na karunungan, paano ito makikita?
8 Gaya ng napansin natin sa Kabanata 17, ang karunungan ni Jehova ay praktikal. Samakatuwid, kung talagang mayroon na tayong makadiyos na karunungan, makikita ito sa paraan ng ating paggawi. Inilarawan ng alagad na si Santiago ang mga bunga ng karunungan ng Diyos nang isulat niya: “Ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi mapagkunwari.” (Santiago 3:17) Habang tinatalakay natin ang bawat isa sa mga aspektong ito ng karunungan ng Diyos, maaaring tanungin natin ang ating sarili, ‘Inuugitan ba ng karunungan mula sa itaas ang aking buhay?’
“Malinis, Pagkatapos ay Mapagpayapa”
9. Ano ang kahulugan ng pagiging malinis, at bakit angkop lamang na ang kalinisan ang unang katangian ng karunungan na itinala?
9 “Una sa lahat, malinis.” Ang pagiging malinis ay nangangahulugang dalisay at walang dungis, hindi lamang sa labas kundi maging sa loob. Sa Bibliya, ang karunungan ay iniuugnay sa puso, subalit ang makalangit na karunungan ay hindi makakapasok sa pusong pinarumi ng masasamang pag-iisip, pagnanasa, at motibo. (Kawikaan 2:10; Mateo 15:19, 20) Gayunman, kung ang ating puso ay malinis—sabihin pa, hangga’t makakaya ng di-perpektong tao—‘tatalikuran natin ang masama at gagawin ang mabuti.’ (Awit 37:27; Kawikaan 3:7) Hindi ba’t angkop lamang na ang kalinisan ang unang katangian ng karunungan na itinala? Tutal, kung tayo’y hindi malinis sa moral at sa espirituwal, paano natin tunay na maipapakita ang iba pang mga katangian ng karunungan mula sa itaas?
10, 11. (a) Bakit mahalaga na tayo’y maging mapagpayapa? (b) Kapag napansin mong nakasakit ka ng damdamin ng isang kapuwa mananamba, paano mo mapatutunayang ikaw ay mapagpayapa? (Tingnan din ang talababa.)
10 “Pagkatapos ay mapagpayapa.” Ang karunungan mula sa langit ay nag-uudyok sa atin na itaguyod ang kapayapaan, na isa sa mga katangian na bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Nagsisikap tayo na huwag masira ang “pagkakaisang dulot ng espiritu” na nagbubuklod sa bayan ni Jehova. (Efeso 4:3) Ginagawa rin natin ang ating makakaya upang mapanumbalik ang kapayapaan kapag ito’y nasira. Bakit ito mahalaga? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Patuloy kayong . . . mamuhay nang payapa; at ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.” (2 Corinto 13:11) Kaya habang tayo’y patuloy na namumuhay nang payapa, ang Diyos ng kapayapaan ay sasaatin. Ang ating pakikitungo sa mga kapuwa mananamba ay may tuwirang epekto sa ating kaugnayan kay Jehova. Paano natin mapatutunayan na tayo’y mga mapagpayapa? Isaalang-alang ang isang halimbawa.
11 Ano ang dapat mong gawin kapag napansin mong nakasakit ka ng damdamin ng isang kapuwa mananamba? Si Jesus ay nagsabi: “Kapag nagdadala ka ng iyong handog sa altar at naalaala mo roon na ang kapatid mo ay may reklamo sa iyo, iwan mo sa harap ng altar ang handog mo, at puntahan mo ang iyong kapatid. Makipagkasundo ka muna sa kaniya, at saka ka bumalik para ialay ang handog mo.” (Mateo 5:23, 24) Maikakapit mo ang payong iyan kung ikaw ang unang lalapit sa iyong kapatid. Sa anong layunin? Upang “makipagkasundo” sa kaniya. b Para mangyari iyan, baka kailangan mong tanggapin, sa halip na ikaila, na nasaktan mo siya. Kung ang paglapit mo sa kaniya ay upang mapanumbalik ang kapayapaan at mapanatili ang saloobing iyan, malamang na malutas ang anumang di-pagkakaunawaan, magpaumanhinan kayo, at magpatawaran sa isa’t isa. Kung ikaw ang unang kikilos upang makipagpayapaan, ipinapakita mong ikaw ay ginagabayan ng makadiyos na karunungan.
“Makatuwiran, Handang Sumunod”
12, 13. (a) Ano ang kahulugan ng salitang isinalin na “makatuwiran” sa Santiago 3:17? (b) Paano natin maipapakitang tayo’y makatuwiran?
12 “Makatuwiran.” Ano ba ang kahulugan ng pagiging makatuwiran? Ayon sa mga iskolar, ang orihinal na salitang Griego na isinaling “makatuwiran” sa Santiago 3:17 ay mahirap isalin. Ang salitang ito ay may ideya ng pagiging mapagparaya. Ang mga tagapagsalin ay gumamit ng mga salitang gaya ng “mabait,” “matiisin,” at “makonsiderasyon.” Paano natin maipapakita na ang aspektong ito ng karunungan mula sa itaas ang umuugit sa atin?
13 “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo,” ang sabi sa Filipos 4:5. Ang isa pang salin ay kababasahan: “Makilala nawa kayong makatuwiran.” (The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips) Pansinin na hindi gaanong mahalaga kung ano ang tingin natin sa ating sarili; ang mahalaga’y kung ano ang tingin sa atin ng iba at kung ano ang pagkakilala nila sa atin. Ang isang makatuwirang tao ay hindi laging naggigiit ng bawat sinasabi ng batas o ng lahat ng kagustuhan niya. Sa halip, handa siyang makinig sa iba at kung angkop naman, magparaya sa kanilang kagustuhan. Mabait din siya, hindi magaspang o pabigla-bigla, sa pakikitungo sa iba. Bagaman ito’y kailangan sa lahat ng Kristiyano, lalo na itong mahalaga sa mga naglilingkod bilang elder. Ang pagiging mabait ay nakaaakit, anupat nagiging madaling lapitan tuloy ang mga elder. (1 Tesalonica 2:7, 8) Makakabuti para sa ating lahat na tanungin ang sarili, ‘Kilala ba akong makonsiderasyon, mapagparaya, at mabait?’
14. Paano natin maipapakitang tayo’y “handang sumunod”?
14 “Handang sumunod.” Ang salitang Griego na isinaling “handang sumunod” ay hindi masusumpungan sa ibang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ayon sa isang iskolar, ang salitang ito “ay madalas gamitin sa disiplinang pangmilitar.” Naghahatid ito ng ideya na “madaling mapasang-ayon” at “mapagpasakop.” Ang isa na inuugitan ng karunungan mula sa itaas ay madaling magpasakop sa sinasabi ng Kasulatan. Hindi siya kilala bilang isa na kapag nakapagpasiya na ay ayaw nang magpaimpluwensiya sa anumang bagay na salungat sa kaniya. Sa halip, siya’y agad na nagbabago kapag naiharap sa kaniya ang maliwanag na katibayan mula sa Kasulatan na hindi tama ang kaniyang paninindigan o mali ang kaniyang mga konklusyon. Ganiyan ba ang pagkakilala sa iyo ng iba?
“Punô ng Awa at Mabubuting Bunga”
15. Ano ba ang awa, at bakit angkop lamang na ang “awa” at “mabubuting bunga” ay magkasamang binanggit sa Santiago 3:17?
15 “Punô ng awa at mabubuting bunga.” c Ang awa ay isang mahalagang bahagi ng karunungan mula sa itaas, yamang ang gayong karunungan ay sinasabing “punô ng awa.” Pansinin na ang “awa” at “mabubuting bunga” ay magkasamang binanggit. Angkop lamang ito, sapagkat sa Bibliya, ang awa ay mas madalas na tumutukoy sa aktibong pagmamalasakit sa iba, ang pagkahabag na nagluluwal ng saganang bunga ng mababait na gawa. Ang awa ay binigyang-kahulugan ng isang reperensiya bilang “pagkalungkot dahil sa kaawa-awang kalagayan ng iba at pagsisikap na magawan ito ng paraan.” Samakatuwid, ang makadiyos na karunungan ay hindi walang malasakit, walang puso, o hanggang isip lamang. Sa halip, ito’y may malasakit, taos-puso, at madamayin. Paano natin maipapakitang tayo’y punô ng awa?
16, 17. (a) Karagdagan pa sa pag-ibig sa Diyos, ano ang nagpapakilos sa atin upang makibahagi sa pangangaral, at bakit? (b) Sa ano-anong paraan natin maipapakita na tayo’y punô ng awa?
16 Walang pagsalang ang isang mahalagang paraan ay sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ano ang nagpapakilos sa atin na gawin ito? Pangunahin nang dahil sa pag-ibig sa Diyos. Subalit pinakikilos din tayo ng awa, o pagkahabag sa iba. (Mateo 22:37-39) Marami sa ngayon ay “sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Sila’y pinabayaan at binulag ng huwad na mga pastol ng relihiyon sa espirituwal na paraan. Dahil dito, hindi nila alam ang matalinong patnubay na masusumpungan sa Salita ng Diyos o ang mga pagpapalang malapit nang idulot ng Kaharian sa lupang ito. Kaya naman kapag napag-iisip-isip natin ang espirituwal na mga pangangailangan niyaong mga nasa palibot natin, ang ating taos-pusong pagkahabag ay nagpapakilos sa atin na gawin ang lahat ng ating magagawa upang masabi sa kanila ang maibiging layunin ni Jehova.
17 Sa ano pang mga paraan natin maipapakitang tayo’y punô ng awa? Alalahanin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa Samaritano na nakakita ng isang manlalakbay na nakahandusay sa tabing-daan, na ninakawan at binugbog. Dahil sa pagkahabag, ang Samaritano ay “nagpakita ng awa” anupat binendahan niya ang mga sugat ng biktima at inalagaan ito. (Lucas 10:29-37) Hindi ba’t ito’y nagpapakita na kalakip ng awa ang paghahandog ng praktikal na tulong sa mga nangangailangan? Ang Bibliya ay nagtatagubilin sa atin na “gumawa tayo ng mabuti sa lahat, pero lalo na sa mga kapananampalataya natin.” (Galacia 6:10) Isaalang-alang ang ilang posibilidad. Baka nangangailangan ng masasakyan papunta at pauwi mula sa mga pulong Kristiyano ang isang matanda nang kapananampalataya. Baka nangangailangan ng tulong para sa mga kumpunihin sa kanilang bahay ang isang biyuda sa kongregasyon. (Santiago 1:27) Baka nangangailangan ng isang “positibong salita” ang isang nasisiraan ng loob upang pasayahin siya. (Kawikaan 12:25) Kapag nagpapakita tayo ng awa sa ganiyang mga paraan, pinatutunayan nating inuugitan tayo ng karunungan mula sa itaas.
“Hindi Nagtatangi, Hindi Mapagkunwari”
18. Kung tayo’y ginagabayan ng karunungan mula sa itaas, ano ang dapat nating pagsikapang alisin sa ating puso, at bakit?
18 “Hindi nagtatangi.” Ang makadiyos na karunungan ay nag-aalis ng pagtatangi ng lahi at nasyonalistikong pagmamapuri. Kung tayo’y ginagabayan ng gayong karunungan, sinisikap nating alisin sa ating puso ang anumang tendensiya na magpakita ng paboritismo. (Santiago 2:9) Hindi natin pinapaboran ang iba dahil sa kanilang edukasyon, kalagayan sa pinansiyal, o pananagutan sa kongregasyon; ni hinahamak ang sinuman sa ating mga kapuwa mananamba, gaano man sila kababa sa tingin ng iba. Kung isinaayos ni Jehova na ang mga taong ito’y tumanggap ng kaniyang pag-ibig, lalo nang dapat nating ituring na sila’y karapat-dapat sa ating pag-ibig.
19, 20. (a) Ano ang pinagmulan ng salitang Griego para sa “mapagkunwari”? (b) Paano natin maipapakita ang “di-mapagkunwaring pagmamahal sa kapatid,” at bakit ito mahalaga?
19 “Hindi mapagkunwari.” Ang salitang Griego para sa “mapagkunwari” ay maaaring tumukoy sa “isang artistang gumaganap ng isang papel.” Noong sinaunang panahon, ang mga artistang Griego at Romano ay nagsusuot ng malalaking maskara kapag gumaganap. Kaya naman, ang salitang Griego para sa “mapagkunwari” ay ikinapit sa isa na nagpapanggap o nagbabalatkayo. Ang aspektong ito ng makadiyos na karunungan ay dapat na makaimpluwensiya hindi lamang sa paraan ng ating pakikitungo sa mga kapuwa mananamba kundi pati na rin sa kung ano ang ating damdamin sa kanila.
20 Sinabi ni apostol Pedro na ang ating “pagsunod sa katotohanan” ay dapat na magbunga ng “di-mapagkunwaring pagmamahal sa kapatid.” (1 Pedro 1:22) Oo, ang ating pagmamahal sa ating mga kapatid ay hindi dapat na pakitang-tao lamang. Hindi tayo nagsusuot ng maskara o gumaganap ng mga papel upang linlangin ang iba. Ang ating pagmamahal ay dapat na maging tunay at taos-puso. Sa gayon, mapapasaatin ang pagtitiwala ng ating mga kapananampalataya, sapagkat malalaman nila na talagang ito na tayo mismo. Ang gayong kataimtiman ang naghahanda ng daan para sa bukás at tapat na ugnayan ng mga Kristiyano at tumutulong para magkaroon sila ng tiwala sa isa’t isa.
“Ingatan Mo ang Karunungan”
21, 22. (a) Paanong hindi naingatan ni Solomon ang karunungan? (b) Paano natin maiingatan ang karunungan, at paano tayo makikinabang sa paggawa nito?
21 Ang makadiyos na karunungan ay kaloob ni Jehova, isa na dapat nating ingatan. Si Solomon ay nagsabi: “Anak ko, . . . ingatan mo ang karunungan at ang kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 3:21) Nakalulungkot, hindi iyan nagawa mismo ni Solomon. Siya’y nananatiling marunong habang iniingatan niya ang isang masunuring puso. Subalit sa dakong huli, inilayo ng kaniyang maraming asawang banyaga ang kaniyang puso mula sa dalisay na pagsamba kay Jehova. (1 Hari 11:1-8) Ang nangyari kay Solomon ay naglalarawan sa atin na ang kaalaman ay walang gaanong halaga kung hindi natin ito gagamitin sa tamang paraan.
22 Paano natin maiingatan ang karunungan? Hindi lamang dapat nating palagiang basahin ang Bibliya at ang mga publikasyong salig sa Bibliya na inilalaan ng “tapat at matalinong alipin” kundi dapat din nating pagsikapang ikapit ang ating natututuhan. (Mateo 24:45) Nasa atin ang lahat ng dahilan upang ikapit ang karunungan ng Diyos. Nangangahulugan ito ng mas magandang buhay sa ngayon. Pinangyayari nito na “makapanghawakan [tayong] mahigpit sa tunay na buhay”—buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Timoteo 6:19) At ang pinakamahalaga sa lahat, ang paglilinang ng karunungan mula sa itaas ay lalong naglalapít sa atin sa Bukal ng lahat ng karunungan, ang Diyos na Jehova.
a Ayon sa 1 Hari 3:16, ang dalawang babae ay mga babaeng bayaran o patutot. Ang Kaunawaan sa Kasulatan ay nagsasabi: “Maaaring ang mga babaing ito ay mga patutot, hindi sa diwang nagbebenta sila ng aliw, kundi mga babaing nakiapid, anupat maaaring sila’y mga babaing Judio o posibleng mga babaing may lahing banyaga.”—Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Ang ekspresyong Griego na isinaling “makipagkasundo ka” ay nangangahulugang “magbago mula sa pagiging magkaaway tungo sa pagiging magkaibigan; maibalik ang dating magandang ugnayan.” Kaya ang tunguhin ng pakikipagkasundo ay para maalis ang sama ng loob ng nasaktan, kung posible.—Roma 12:18.
c Isinalin ng iba ang mga salitang ito na “punô ng habag at mabubuting gawa.”—A Translation in the Language of the People, ni Charles B. Williams.